Chapter 3 - Someone from the Past

1489 Words
ILANG beses nang umikot sa harap ng life-size mirror si Lian ngunit hindi pa rin siya makontento. Pakiwari niya ay may kulang o kaya’y mali sa suot niya. Nakasuot siya ng maroon sheath dress na may maikling manggas at hanggang tuhod ang haba. Ang suot naman niya sa kanyang paa ay stiletto sandals na may four-inch heels. Iikot pa sana siya ng isang beses nang marinig niya ang sunod-sunod na katok sa pinto ng kanyang kuwarto. Lumapit siya sa pintuan at binuksan ito. Sumungaw roon si Luigi. “Hey! Hindi pa ba tayo aalis?” Halata sa mukha ng kapatid niya ang pagkainip. “Aalis na tayo kung okay na sa iyo itong suot ko?” Tumayo nang tuwid si Lian sa harapan ng kapatid. Pinasadahan naman siya ng tingin ni Luigi mula ulo hanggang paa. “Masyado yatang mapula iyang lipstick mo. Mapula na kasi ang labi mo, naglagay ka pa ng lipstick. Palitan mo ng ibang kulay. Baka ma-distract ang atensyon ng kausap mo sa katitingin sa labi mo,” wika nito. Napakamot ng kanyang ulo si Lian. Bumalik siya sa harapan ng salamin saka kumuha ng tissue at pinunasan ang kanyang bibig. Pagkatapos ay naglagay siya ng peach pink na lipstick. “Komportable ka ba diyan sa sapatos mo? Parang ang taas naman yata niyan,” puna ni Luigi habang inaayos ni Lian ang kanyang lipstick. “Okay lang ito, kuya. Maliit kasi ako kaya kailangan kong magsuot ng mataas na sapatos. Baka mamaya ang bansot kong tingnan kapag humarap ako doon sa kausap ko,” katuwiran niya. “Sige, sige. Halika na. Baka ma-late tayo doon sa appointment. Alas-onse ang usapan, hindi ba? Alas-diyes na. Baka ma-traffic pa tayo sa daan,” paalala ng kapatid niya. Muling sinulyapan ni Lian ang sarili niya sa salamin saka ito sumabay sa kapatid niya sa paglabas ng kanyang kuwarto. Eksaktong alas-onse nang ihinto ni Luigi ang sasakyan sa harapan ng His Vineyard Restaurant. Nauna itong lumabas saka nito pinagbuksan ng pintuan ang kapatid. Pagpasok nila sa restaurant ay sinalubong sila ng maître d’hotel. “Good morning, Ma’am, Sir! Welcome to His Vineyard Restaurant,” nakangiting bati nito. Tumango lang si Luigi. Pero si Lian ay nakangiting tumugon. “Thanks and good morning. We’re here for a meeting with Mr. Estabillo.” “Please follow me, Ma’am, Sir,” tugon ng maître d’ saka ito nagpatiunang tumungo sa bandang dulo ng dining hall. Nang makaupo na sila ay may lumapit namang waiter at inabutan sila ng menu card. “Mag-order na ba tayo, kuya? Wala pa naman iyong kausap natin,” tanong ni Lian. Hindi siya sinagot ni Luigi. Sa halip ay hinarap nito ang waiter at ibinalik rito ang menu card. “Mamaya na lang kami mag-order kapag dumating na iyong hinihintay namin.” Habang hinihintay nila ang pagdating ng kausap nila ay patingin-tingin naman si Lian sa paligid. Maya-maya’y kinalabit siya ng kapatid. Nang lingunin ito ng dalaga ay nanlaki ang mga mata niya. “Kuya, anong nangyayari sa iyo?” nag-aalalang tanong niya nang makitang nahihirapan itong huminga. Hindi sumagot ang kapatid niya. Napahawak lang ito sa sariling dibdib. “May dala ka bang gamot?” usisa ni Lian. “N-nasa…k-kotse,” sagot nito sa naghihirap na tinig. Dinampot ni Lian ang susi ng sasakyan na nasa harapan ng kapatid saka siya tumayo. “Dito ka lang, kuya. Kukunin ko lang ang gamot mo.” Nilapitan niya ang isang waiter at ibinilin dito na pakibantayan ang kapatid. Nang palabas na siya ng restaurant ay lumapit naman sa kanya ang maître d’. “Is there any problem, Ma’am?” “Ah, inaatake ng asthma ang kapatid ko. Kukunin ko lang ang gamot niya.” Bago pa makapag-react ang kausap niya ay tinalikuran na ito ni Lian. Mabilis niyang kinuha ang inhaler ng kapatid saka bumalik agad sa loob ng restaurant. Nang balikan niya si Luigi ay inabutan niyang nakaupo sa tabi nito ang maître d. Nang lumapit siya ay napansin niyang nakapikit na ang kapatid. Agad niyang inilapit ang inhaler sa ilong nito. Nagmulat naman ang kapatid at kinuha sa kanya ang inhaler. Habang sinisinghot ng kuya niya ang gamot nito ay tinawagan niya si Lander. Napansin niyang hindi naman umaalis ang maître d’ sa tabi nila. Mukhang nag-aalala rin ito sa kuya niya. Nang sumagot ang Kuya Lander niya ay lumayo siya nang kaunti sa mesa. Sinabi niya ang nangyari sa kanilang kapatid. Nagalit ito at sinabing huwag muna silang umalis dahil susunduin sila nito sa restaurant. Eksaktong maibaba niya ang cellphone ay napansin niyang tumigil na si Luigi sa pagsinghot. Tinabihan niya ito saka pinisil ang kamay nito. “Kuya, hintayin lang natin si Kuya Lander at susunduin niya tayo dito.” “Ma’am, hindi na po ba ninyo hihintayin si Mr. Estabillo?” usisa ng maître d’ na hindi pa rin umaalis. Hindi malaman ni Lian kung ano ang isasagot sa tanong nito. Nang mapasulyap siya sa kapatid ay nakapikit ulit ito. Pero ngayon ay mas maayos na ang paghinga nito. “On the way na raw po siya, Ma’am. Iyon po ang sabi ng sekretarya niya,” dagdag pa ng maître d’. Sasagot na sana si Lian ngunit hindi niya ito naituloy nang may marinig silang nagsalita. “Good morning! Sorry, I’m late.” Sabay silang napalingon ng maître d’ na bigla na lang umalis nang walang paalam. Napakunot ang noo niya nang makita ang bagong dating. Guwapo ang lalaki at matangkad din, bagaman kayumanggi ang balat nito. Animo’y modelo ito ng formal clothes na nanggaling mismo sa magazine. Makapal ang itim at maikli nitong buhok. Bilugan ang mga mata nito na bumagay sa medyo makapal nitong kilay. Matangos din ang ilong, mapula ang mga labi, at medyo prominente ang panga. Malinis ang buong mukha nito halatang bagong ahit. Sa tantiya niya ay nasa late twenties o early thirties lang ito. Nakabukas ang dark gray na coat ng lalaki kaya nakalantad ang malapad nitong dibdib na natatakpan ng puting long sleeve at gray na necktie. Nang bumaba ang kanyang tingin ay napansin niyang nakasuot ito ng makintab na black leather shoes. Mukha talaga itong nabuhay na modelo mula sa magazine. Narinig niya ang mahinang pag-ubo ng lalaki kaya nag-angat siya agad ng tingin. Napansin niyang nakataas ang isang sulok ng labi nito habang nakatitig sa kanya. Gustong mainis ni Lian sa paraan nang pagtitig nito. Ngunit hindi niya magawang umiwas na para bang na-magnet siya ng mga mata nito. Ni hindi rin siya makapagsalita dahil parang tumigas ang dila niya. Ngunit nabasag ang katahimikan sa pagitan nila nang biglang may sumigaw ng pangalan niya sa likuran ng lalaki. “Lian!” humahangos na wika ni Lander nang lumapit sa kanya. “Nasaan si Luigi?” Agad na itinuro ni Lian ang kapatid na nakaupo sa tabi niya na hindi agad napansin ni Lander dahil nakatalikod ito sa nakatatandang kapatid. Sinulyapan ni Lander si Luigi na noon ay nakamulat na. “Iuuwi ko na siya. Maiwan ka na lang dito at hintayin mo si Mr. Estabillo. Tawagan mo na lang ako kapag susunduin na kita.” Tumango lang si Lian. “Excuse me,” biglang sabad ng lalaki. Sabay naman silang napatingin ni Lander sa lalaking iyon. “I’m Mr. Estabillo.” Inilahad ng lalaki ang kamay nito sa kuya niya. Halatang nabigla ang kuya niya ngunit tinanggap pa rin nito ang kamay ng lalaking nagpakilalang Mr. Estabillo. “I’m Lander Galliguez,” tugon nito saka tumingin sa kanya. “This is my sister, Lian Noira.” “How about him?” Itinuro ni Mr. Estabillo si Luigi. “This is Luigi. I’m sorry but I have to bring him home. He had an asthma attack. My sister will stay here to talk with you. I hope it’s okay with you, sir.” “No problem, Mr. Galliguez.” “Iwan na kita dito, Lian. Tawagan mo na lang ako mamaya,” bilin ni Lander sa kanya bago nito inalaalayang tumayo si Luigi. Tumango lang si Lian. Pagkaalis ng mga kapatid ni Lian ay hinarap siya ni Mr. Estabillo. “It’s nice to see you again, Miss Lira,” malapad ang ngiting wika nito. Nagsalubong ang kilay ni Lian sa sinabi nito. “Lira? Hindi Lira ang pangalan ko, Mr. Estabillo.” “Oops! Sorry. Lian Noira pala ang buong pangalan mo,” nakangising wika nito. “Kumusta ka na?” Napakunot ang noo ni Lian. Naisip niyang parang may mali sa paraan ng pagtatanong nito. “Nagkita na ba tayo dati, Mr. Estabillo?” Bahagyang natawa ang lalaki sa sinabi niya. “Oh! Nakalimutan mo na nga talaga ako. Pero sige, magpapakilala ulit ako. I’m Melvin Jake Estabillo or MJ to you.” Muntik nang mapamura si Lian sa kanyang narinig. Pinaglalaruan ba siya ng tadhana? Iyong taong kinaiinisan niya ay siya pa palang hihingan niya ng tulong ngayon. Ang saklap naman ng kapalaran niya! Anong klaseng sumpa ba ang kailangan niyang pagbayaran?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD