PROLOGUE
Pinagkiskis ko ang mga palad sa excitement habang hinihintay si Timothy na um-order ng milk tea. Nakaupo ako sa couch ng isang cafe na ‘di kalayuan sa Mckinley Football Stadium sa Taguig kung saan naglaro si Timothy kanina. Member ito ng Collective Intelligence International School football team kung saan kami nag-aaral ng Grade 11 para sa General Academic Strand.
Nanalo ang team nila sa football game pero pinili niya na huwag sumama sa teammates at idinala ako sa isang cafe na ‘di kalayuan sa stadium. Nakaka-excite lang dahil parang nasa date kami kahit na milk tea lang naman ang in-order ko.
Wala naman sa plano ko na i-treat niya ako ng milk tea. Gusto ko lang mapanood siya sa football game niya. Pero bonus syempre na may ganito kaming moment. Wala kaming tsansa na makapagsolo sa labas ng eskwelahan. Timothy didn’t have time devoted to me. Top student ito at football player pa. Ito na ang panahon para makapag-usap kami.
Inilapag niya ang salted caramel milk tea sa harap ko. “Here it is, Jacintha.”
Agad ko iyong dinampot para higupin. Hilig ko na matunog na higupin ang milk tea at ngumuya-nguya ng pearls. Matiim ang tingin sa akin ni Timothy, parang binabantayan ang kilos ko. Naalala ko ang etiquette and manner lessons. Kailangan daw dahan-dahan lang ang kilos at huwag galawgaw lalo na pagdating sa pagkain.
“Thank you sa milk tea,” usal ko muna bago dahan-dahang sinimsim ang iced tea mula sa straw.
Masakit sa lalamunin pero para walang ingay, sinubukan kong i-apply ang proper social graces na itinuro sa akin.
Nang makainom na, hindi pa rin ginagalaw ni Timothy ang in-order niyang fruit shake at nakatitig pa rin sa akin. Parang nakakailang tuloy na kumilos sa harap niya. O baka naman nagagandahan siya sa akin.
“Sana nagustuhan ng teammates mo ‘yung cookies na luto ko. Sayang ‘di mo natikman,” nakangiti kong sabi kahit na medyo nagtatampo ako sa kanya. Tinanggihan nito ang cookies na pinaghirapan kong i-bake. Naawa na lang yata ang teammates nito
“You don’t have to bake me cookies next time, Jacintha,” anito at humalukipkip.
“Ano’ng gusto mo pala na i-bake ko next time?” tanong kong may halong pag-asam. “Pwede ko naman pag-aralan. May ipapaluto ka?”
Bago ko nakuha ang timpla ng cookies na gusto ni Timothy, ilang beses akong pumalpak. Kung kailan naman nakuha ko ang tamang timpla, saka naman nito inayawan.Umay na siguro siya sa cookies. Pero matiyaga naman ako. Pasasaan ba’t makukuha ko rin ang loob ni Timothy. Bawi na ang sama ng loob ko sa milk tea.
“Stop doing this, Jacintha. It’s not working,” anito sa malamig na boses at sumandal sa couch.
“Ano? Ayaw mong ipag-bake kita o ipagluto? Ano’ng gusto mo?”
Humalukipkip ito. “Stop trying to copy Dara.”
“A-Ano?” bulalas ko at nailayo ang katawan sa mesa. Bakit napasok sa usapan ang kapatid kong si Dara? “Paano mo nasabing nangongopya ako?”
Tumuro ito sa akin. “‘Yang damit na suot mo, bigay ko kay Dara iyan noong huling birthday niya.”
Niyuko ko ang sarili. “Pero si Mama Eleonor ang nagsabi na isuot ko ito ngayon.”
Kailan naman ako nakapagsuot ng damit ayon sa gusto ko? Mula nang maging isa akong Valuarte, lahat ng kilos ko ay naaayon sa bago kong pamilya, lalo na si Mama Eleonor. Ayos lang iyon sa akin basta maging masaya ito at walang maipintas sa akin.
Gandang-ganda pa mandin ako sa damit na iyon at sabi ni Mama Eleonor na bagay iyon sa akin. Bilang lumaki sa hirap at walang alam sa fashion, mahalaga sa akin ang opinyon ng iba. Ayoko naman na may maipintas sa akin. Malay ko bang kay Dara iyon.
“Not just that.” Itinaas nito ang daliri isa-isa. “Baking cookies for me using Dara’s recipe, taking those ballet lessons with your two left feet, and trying to sing the songs that Dara used to sing. Everything you’re doing to change yourself in an attempt to be Dara, it’s not gonna work.” Umiling ito. “You will never be Dara.”
Parang tinadyakan ako sa dibdib dahil parang natalampak ang buong pagkatao ko. Isa si Timothy sa tao na gusto kong makalapit. Hindi ko inaasahan na ito pa ang magkukumpara sa akin sa kapatid ko. “Gusto ko lang naman na magkasundo tayong dalawa dahil gusto ng mga magulang natin na magpakasal tayo balang-araw.”
“You are a poor imitation of your sister, Cintha. You have to accept that. I will never like a copycat. Hindi ko kilala kung sino ka talaga. How could I marry someone like you in the future?”
Napayuko ako at naramdaman ang pangingilid ng luha. “Masyado ka namang malupit. ‘Ni hindi mo nga ako kinikilalang mabuti at malayo ang loob mo sa akin. Tapos ganyan ka kung magsalita?”
Alam ko naman na malayo ako kay Dara na kasama niyang lumaki at namuhay na parang isang prinsesa. Laki naman ako sa hirap at maraming ‘di alam sa bagong mundong ginagalawan. Nagsisimula pa lang akong matuto nang naaayon sa bago kong buhay. Wala ba akong pagkakataon man lang para patunayan ang sarili ko? Valuarte rin naman ako.
Hindi ko maintindihan kung bakit malaki ang galit sa akin ni Timothy.
“Just go home and rest. Don’t miss a lesson just to watch my game.” Tumayo ito at isinukbit ang bag. “I will call for your driver to take you home. I’ll get my own ride.”
Tumayo na rin ako at hindi na hinintay na makaalis pa ito. Pumasok ako sa restroom at doon napaiyak. Ano bang nangyayari? Bakit wala na akong ginawang tama? Gusto ko lang naman na makasabay sa bago kong buhay. Gusto kong matanggap ng mga tao sa paligid ko. Kahit anong gawin ko, lalo lang nila akong inaayawan.
Lalo na si Timothy, ang lalaki na nakatakda kong pakasalan. Bakit ba galit na galit siya sa akin? Wala naman akong ginawang masama sa kanya.
Inangat ko ang tingin at pinagmasdan ang sarili sa salamin habang humihinga ng malalim. Mukha naman akong perpekto mula sa mahaba kong buhok, maamong mukha, mas maputi at makinis na kutis, at sa peach na dress. Bagay iyon sa akin, sabi ni Mama Eleonor. Maganda raw ako.
Pero hindi ko nakikita ang sarili ko sa salamin. I see Dara instead, my dead sister. And I am living my dead sister’s life.
Pero sino nga ba ako? Ako si Jacintha de Paz. Pero hindi ko na makita ang dati kong sarili. Kahit ako, hindi ko na rin kilala kung sino ako? Nabubura na ang pagkatao ko.
At hindi ko ito gusto.
Kung pwede lang bumalik na lang ako sa dati, noong mas kilala ko pa kung sino ako.