Chapter One - Early Bird

1047 Words
Jacintha “Tiya Mira, aalis na po ako," paalam ko kay Tiya Mira na natutulog pa sa papag katabi ang pinsan kong si Jonard. Umungol ito habang kinukusot ang mata. “Aalis ka na agad? Nag-agahan ka na ba?” “Opo. Nakaluto na po ako ng agahan. May sinangag at isda po diyan. Mag-iigib na lang po ng tubig si Jonard mamaya pero may isang timba pa po akong itinira.” Nasa labas pa ang poso ng bayan na kinukuhanan namin ng tubig. ‘Di pa kami nakakabitan ng gripo. Pag may oras ako, ako mismo ang umiigib ng tubig. Alas kuwarto y media pa lang ng umaga pero gising na ako at handa na ako para pumunta sa bayan at humango ng paninda. Bakasyon na no'n at papasok na ako bilang senior high school sa pasukan. Gusto kong makaipon ng pera para matulungan ang tiyahin ko na simpleng maintenance personnel sa isang resort sa bayan ng Lobo, Batangas. Itinukod ni Tiya Mira ang siko para iangat ang sarili at hinawakan ang buhok ako. “‘Ni hindi pa nga tuyo ang buhok mo, aalis ka na agad. Parang ‘di ka naman nakatulog.” “Sabado po ngayon kaya maraming turista na pupunta sa beach. Holiday po. Sayang naman ang kikitain kung ‘di po ako kikilos agad. Saka bakasyon naman po, Tiya,” ungot ko. Pumalatak siya. “Kaya naman kitang pag-aralin. Hindi mo na kailangang magtrabaho.” “Unahin mo na po si Jonard.” At inginuso ko ang pinsang dose anyos pa lang. “High school na po siya sa pasukan. Marami na pong gastusin.” “Kahit na. Kaya nga ako nag-o-overtime para ma-enjoy mo ang bakasyon mo.” Napabuntong-hininga ako dahil kahit kailan ay ‘di naman siya napigilan ng tiyahin na magtinda kapag bakasyon at sa araw na walang pasok. ‘Di ko matiis na solong nagtatrabaho ang tiyahin. Sampung taon na siyang biyuda sa asawang sundalo na namatay sa isang insurgency sa laban sa mga rebelde. “Hayaan na po ninyo ako, Tiya. Kapag nakaipon po ako, baka makabili na ako ng kalan na de-tangke o kaya ‘yung de kuryente na kalan tulad ng nakita ninyo sa resort.” “‘Yung induction heat cooker?” “Opo. Matipid naman po iyon sa kuryente at ‘di na tayo mahihirapang magparingas ng kalan. Tapos makakapagpakabit na rin tayo ng gripo…” Nanatiling seryoso ang mukha niya. “Napanaginipan ko ang nanay mo. ‘Di ata matahimik dahil pinababayaan kita na magtrabaho.” Yumakap ako sa baywang niya. “Okay lang naman po ako. Kusa ko naman itong ginagawa para sa atin.” Malaki ang hirap sa akin ng tiyahin. Namatay ang nanay ko nang ipanganak ako at ‘di niya nakilala ang tatay niya. Isang scholar sa MAPUA ang nanay ko sa kursong Civil Engineer.. Malaki pa mandin ang pag-asa ng lolo at lola kona makakapagtapos ng pag-aaral ang nanay ko dahil scholar ito at matalino. Ito ang unang nakapag-aral sa purok namin sa Maynila. Sa kamalasan, na-in love daw ito sa mayamang lalaki noong third year college. Nagpunta sa Amerika ang tatay ko upang doon magpatuloy ng pag-aaral. ‘Di na ito nahabol pa ng nanay niya nang malamang buntis sa akin. “Di na nagpatuloy sa pag-aaral si Nanay at umuwi ng Batangas para ipanganak ako. Nahirapan siya sa panganganak sa akin at binawian ng buhay. ‘Di na nakapag-aral si Tiya Mira dahil doon. Siya na ang nagtrabaho para sa pamilya at nag-alaga akin. Nakapag-asawa nga ito ng mabait na sundalo pero sa malas naman ay namatay sa sagupaan sa mga rebelde. Wala atang swerte sa lovelife ang mga babae sa pamilya namin. Nawalan pa ito ng katuwang nang mamatay ang lolo at lola ko noong sampung taong gulang ako. Wala akong oras para malungkot sa mga drama ng buhay. Mulat ako sa realidad na kung gusto kong mabuhay, dapat magbanat ako ng buto. Ayokong habambuhay maging dukha. At lalong ‘di pa ako mai-in love hangga’t hindi pa ako yumayaman. “Aalis na po ako, tiyang. Matulog pa po kayo.” Susunduin ko pa ang kaibigang si Didang na napakabagal kumilos. Kaklase ko siya mula elementary at nagtitinda rin ng mga pagkain sa mga turista gaya niya. Walang nagawa ang tiyahin kundi pakawalan ako. Malamig ang simoy ng hangin sa labas at may mga bituin pa sa langit. Masarap sanang maglakad-lakad sa tabing-dagat dahil walang tao. ‘Di pa bumabalik ang mga bangka mula sa laot at nagtitilaukan pa lang ang mga manok. Gusto ko ang katahimikan ng umaga. Parang solo ko ang mundo at ang magandang paligid. May maliit lang akong flashlight na pang-ilaw sa dadaanan ko. “Cintha!” tawag sa akin ng boses ng isang lalaki. Isang maitim na pigura na basta na lang sumulpot mula sa isang nakadaong na bangka. Napatalon ako at muntik na niyang maibato ang flashlight sa gulat. Iyon pala ay ang kababata lang niya ito at kapitbahay na si Kirby. “Lintik ka naman. Muntik na akong atakihin sa iyo. Ano bang ginagawa mo diyan?” Kinusot niya ang mata at saka tumalon pababa ng bangka. “Hinihintay ka.” “Sus! Ang sabihin mo napagsaraduhan ka sa bahay ninyo dahil sa kaadikan mo sa computer games. ‘Di ka na lang tumira doon sa computer shop?” “Mas adik kasi ako sa iyo. Siyempre gusto kitang ihatid papunta kay Didang.” “Echusero!” singhal ko at inirapan ang binata Magkalaro kami noong bata pa. Tagapagtanggol ako ni Kirby dahil sakitin siya noong bata at mas matangkad ako dito. Lagi kasi itong natatawag na lampayatot at inaapi ng mga kalaro. Pero nagbago ang lahat noong high school kami. Mas matangkad na siya sa akin at naging varsity player ng football team sa tangkad na 5’8”. Habang naiwan naman ako sa 5’2”. Nagkaroon din siya ng mga bagong barkada. Hindi na siya nabu-bully. Hindi ko na siya kailangang ipagtanggol. Lumaki namang guwapo ang kumag at nagkaroon ng maraming admirers. Tamad na rin siya na mag-aral. Pero bukod doon, pakiramdam ko ay may kakaiba na rin sa trato niya sa akin. Nagulat na lang ako nang akbayan niya at singhutin buhok ko. “Ang bango talaga ng buhok mo, Cintha.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD