CHAPTER TWO - Boy Singhot

1271 Words
Jacintha   Nangaligkig ang katawan ko nang maramdaman ang hininga ni Kirby sa ibabaw ng ulo ko. Iba na ang pakiramdam ko sa mga inaakto ng binata sa dalawang taon na nagdaan. Tropa-tropa naman kami. Walang malisya sa akin ang pagdikit-dikit niya dahil kaibigan ang trato ko sa kanya. Pero pakiramdam ko, may ibang kulay na ang mga kilos ng binata. ‘Yung simpleng paghawi nito sa buhok niya, pagsinghot-singhot sa buhok ko, pag-akbay-akbay o kaya pag nahuhuli niyang nakatitig ito sa kanya, hindi na ako komportable. Ayoko naman maging assuming na may gusto siya sa akin.  Pumiksi ako at inalis ang kamay niya sa balikat ko. “Ano ba? Sabong panlaba lang iyan.” Dumikit ulit siya sa akin at sinubukang amuyin ang buhok ko.. “Ganyan na ba ang sabong panlaba ngayon? Ang bango naman.” “Laba-laba rin pag may time. ‘Di ka naman tumutulong sa gawaing bahay. Señorito ka kasi,” kantiyaw ko at itinulak ito palayo. “Pero tingin ko mas maganda kung pahahabain mo ang buhok mo. Hindi nila iisipin na tomboy ka.” “Sa palagay ko okay na ako sa buhok ko,” sagot ko naman at binilisan pa ang lakad para makarating agad sa bahay ni Didang.. “At wala akong pakialam kung isipin ng iba na tomboy ako.” Pinapanatili kong maigsi ang buhok para tipid sa shampoo at sa oras ng pagpapatuyo. Time is of essence, ‘ika nga. Praktikal lang. Aanhin naman ang mahabang buhok kung abala lang sa buhay? Napakamot si Kirby sa ulo. “Minsan iniisip nila na mas lalaki ka pa sa akin.” Pagak akong tumawa. “Kirby, ano bang problema mo? Nakakabawas ba sa pagiging lalaki mo kung mas lalaki ako na pumorma sa iyo at pati buhok ko napagti-trip-an mo? May nililigawan ka ba na may crush sa akin?” kantiyaw ko sa kanya. “W-Wala akong ibang nililigawan, Cintha,” tanggi agad niya at umiling. “Promise talaga.” “Ano ngang problema mo sa akin? Kasi nananahimik kami nitong buhok ko. Hindi ko alam na isyu na pala sa lipunan iyan ngayon.” “Hindi naman sa gano’n. Naisip ko lang na mas maganda siguro kung mahaba ang buhok mo tapos magsusuot ka ng dress. Tapos kakain tayo sa bayan.” “Sa may Lomi House? Kailangan mahaba ang buhok ko kapag kumain sa Lomi House?  Tapos gusto mo pa naka-dress?” tanong ko sa mataas na tono. “Hindi doon sa Lomi House. Doon sa may milk tea-han. Uso iyon. Maraming nagde-date. Ayun!” At napapalakpak siya. “Okay na ba? Kuha mo na?” Napahawak ako sa baba. “Iinom lang ng milk tea kasama mo, kailangan naka-dress pa ako at mahaba ang buhok? Anong kaartehan iyan? Daig mo pa presidente ng Pilipinas maka-demand sa akin.” Naitakip nito ang palad sa mga mata. “Bakit ang slow mo? Ang gusto ko lang sabihin…” “Magde-date daw kayo sa milk tea house,” singit naman ng kaibigan kong si Didang na sumulpot mula sa likod ng puno ng niyog. Hihikab-hikab pa ito ay may dalang maliit na ice box. “Huwag ka ngang magulo,” angil ni Kirby dito. “Panira ka ng moment.” “Ako pa panira ng moment. Ikaw nga itong ‘di maka-direkta ng yaya na mag-date kay Cintha, tapos sa akin ka pa galit. Tinulungan na mga kita.” “Gusto mong mag-date tayo?” tanong ko kay Kirby. Nahihiya itong ngumiti. “O-Oo sana. Dati pa.” Sabi ko na nga ba. May suspetsa na ako sa pagdikit-dikit niya sa akin dati pa. “At gusto niya long hair ka na at naka-dress dahil kinakantiyawan siya ng mga kaibigan niya basketball players,” singit na naman ni Didang at ihinawak sa baywang ang isang kamay. “Bagay daw kasi na maging girlfriend ni Kirby ‘yung tipong campus queen na pwedeng ipagmalaki sa lahat. Mahaba ang buhok at girlie-girlie, gano’n.” Napatingin tuloy ako sa sarili. May pagka-siga naman talaga ako kahit noong bata pa ako at ‘di ako mahilig sa dress. Wala naman nagreklamo sa kung ano ang dapat kong isuot dahil ang alam ko, tanggap ako ng mga taong malalapit sa akin kung anuman ang itsura ko at kung ano ang gusto kong isuot.  Ngayon pa talaga magkakaroon ng problema. Matalim kong tiningnan si Kirby. “Ang lagay ako pa ang mag-a-adjust sa iyo? Ibang klase ka rin. Guwapo ka?” “Oo naman. Guwapo ako,” puno ng kompiyansang sabi ng kumag. “Kapal din naman,” usal ko at napapailing na lang. “So, kailangan ‘di ako magmukhang tomboy para sa mga kaibigan mo? Bakit ‘di na lang kaya sila ang pahabain mo ang buhok at pagsuutin mo sila ng dress tapos sila na lang ang dalhin mo sa milk tea house? Mas maganda siguro.”  “Suggestion lang naman iyon. Pero maganda ka na para sa akin,” nanunuyong wika ni Kirby at hinawakan ako sa siko. Pumiksi ako. “Pwede ba, huwag mong sirain ang araw ko? Para sabihin ko sa iyo, hindi ako mag-a-adjust sa iyo o sa ibang tao. Tigil-tigilan mo na nga ako sa date-date na iyan.” At naglakad palayo. “Huwag ka naman magalit,” ungot ng binata. “Hindi ako galit.” Malungkot lang itinuring kong kaibigan si Kirby at kailangan niyang mag-adjust para sa ibang tao para lang maging cool o “in” sa mga ito.  Aminado ako na hindi ako cool. Matalino ako pero hindi ako sumasama sa mga astig at sikat na grupo. Mayayaman ang mga ito. ‘Di ko kayang makipagsabayan sa milk tea o umiinom ng iced coffee araw-araw. ‘Yung mga may sariling sasakyan pa at pwedeng linggo-linggo na mag-mall sa kapitolyo.  Gusto nga ako ni Kirby pero ‘di ko naman kailangang gustuhin ng mga kaibigan nito. Balewala sa akin kung ano ang iniisip ng ibang tao. Problema ni Kirby ang mga kaibigan nito dahil masyado itong sunud-sunuran.  “Mas marami pa akong importanteng gustong gawin sa buhay, Kriby. Wala na ngang makain, may date pang nalalaman. Doon ka na lang sa magugustuhan ng mga kaibigan mo.” “Ikaw nga ang gusto ko,” giit nito. “Kahit hindi mahaba ang buhok mo. Ililibre naman kita ng milk tea. ‘Di ikaw ang magbabayad.” “Pero kailangang  mag-dress?” naniniyak na tanong ko sa lalaki. “Minsan lang naman. ‘Di mo ba ako pwedeng pagbigyan?” tanong ni Kirby na nanghahaba ang nguso. “‘Yung dress na regalo sa iyo ni Mama, ‘di mo pa nasusuot.” At saan naman niya isusuot ang masikip na red tube dress na hanggang taas ng tuhod at halos luwa ang dibdib at kaluluwa ko? Sa payat kong ito, wala iyong kakapitan. Ayoko na lang ma-offend si Kirby o ang nanay nito pero 'di talaga bagay sa akin ang damit. Tuwing nagsisimba lang ako nagde-dress pero tiyak na itatakwil ako ng simbahan.  “Kirby, umuwi ka na muna. Magtitinda pa kami,” pagtataboy ko dito. “Wala ka pang tulog. Baka mapaano ka.” Lutang na ata ito kaya kung anu-ano na ang sinasabi. Malapad ang ngiti ni Kirby. “Masaya talaga ako na inaalala mo ako.. Saka na natin pag-usapan kung kailan tayo magmi-milk tea.” Tumuro ito kay Didang. “Ingatan mo ‘tong si Cintha.” “Ako pa talaga ang mag-iingat kay Cintha. Kahit nga ikaw kaya niyang ipagtanggol,” sagot naman ni Didang dito at humawak sa braso ko.  “Basta ‘yung date natin!” sigaw pa ni Kirby habang naglalakad papalayo.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD