Jacintha
“Pakawalan mo ako. Susungalngalin ko lang ang kaibigan ko,” usal ko at lalong pumiglas.
“What is sungalngalin?” tanong ng lalaki at tinapik-tapik ako sa likod na parang pinapatulog. “Sleep now, Dara. You are more noisy than ever. Your words are… peculiar.”
Tumirik ang mata ni Didang at itinapik ang paa. “Sleep ka na daw, Dara. Sweet dreams!”
“Sira ka ba? Hina-harass na nga ako dito, iniisip mo pa na nag-e-enjoy ako? Dapat nga tinutulungan mo ako na makawala dito.” ‘Di ko alam kung saan lumipad ang common sense nitong si Didang. Nagawa pang pagselosan na niyakap ako ng isang lasing na estranghero samantalang dapat ginugulpi nito ang lalaki.
Mabibigat ang mga paa nitong lumapit at sinubukang hilahin ang kamay ng lalaki. “Pakawalan mo na si Cintha. Ako na lang ang Dara mo.”
Tinabig ito ng lalaki. “No! Don’t take Dara away from me.”
Napaupo si Didang sa buhangin. “Aray! Mas gusto mo talaga si Cintha kaysa sa akin. Nakaka-hurt ka.”
“Pumunta ka na sa resort at humingi ng tulong,” utos ko sa kaibigan. “Sabihin mo kunin nila itong guest nilang kung sinu-sino ang niyayakap. Gagawa na lang ako ng paraan para makawala sa kumag na ito.”
Itinutok nito ang dalawang mga daliri sa sariling mata at saka tumuro sa kanya. “Huwag mo akong kakaribalin. Walang kai-kaibigan sa poging turista.”
“Bilisan mo dahil gugupihin ko ang kumag na ito kapag may ginawang masama sa akin,” banta ko at nilakihan ito ng mata. Akala naman nito gusto kong mayakap ng isang lalaking hindi ko kilala.
Walang guwapo-guwapo sa akin pag nabastos ako. Hindi naman sa pagiging feelingera. ‘Di lang naman mga magaganda ang pwedeng mabastos kundi kahit ang mga katulad ko na ‘di naman pang-beauty queen.
“Dapat ako na lang nag-English kanina para ako mapagkamalang si Sandara Park,” anang si Didang at nagdadabog na naglakad palayo.
Binilang ko sa utak kung gaano katagal ang ipaghihintay bago makabalik si Didang. Humigit-kumulang kalahating oras. Malakas ang lalaki kahit na parang lasing ito. ‘Di ako makawala dahil lalong humihigpit ang yakap habang gumagalaw ako. Makakawala na siguro ako kapag nakatulog na siya. Titiisin ko na lang ang yakap niya. Kailangan ko lang ng mas mahabang pasensiya. Wag lang talaga itong gagalaw nang hindi maganda.
Kung ‘di ka lang mukhang bisita sa resort at ‘di maapektuhan ang kumikitang kabuhayan ko, nasaktan na kitang kumag ka.
‘Di sinasadyang naamoy ko ang lalaki. May konting amoy ng alak pero mabango rin ito. Parang lemon. Hindi nakakahilo ang amoy nito dahil presko. ‘Di gaya ng ibang kaedad ko na masakit sa ilong ang amoy kahit na magpabango. Kaya nga sinabihan ko rin si Kirby na huwag kung anu-ano ang pinupusitsit sa sarili kung gustong makalapit sa akin.
‘Di na masama. Kahit na na-trap ako kasama itong si Pogi, okay naman siyang amuyin, ‘Di ako mahihilo.
Kaysa mapagod na lumaban, ihinilig ko lang ang pisngi ko sa dibdib ng lalaki.
Unti-unti akong kumalma. ‘Di ko alam kung dahil mabango ito o wala itong ginagawang masama sa akin kaya hindi na ako kinakabahan katulad kanina. Madalang yata itong mangyari sa akin dahil si Kirby lang ang hinayaan kong mapalapit sa akin dahil mula bata pa kami magkaibigan. Ngayon lang ako ‘di nailang sa isang estranghero.
Humikab ako at hinintay na lumuwag ang pagkakayakap ng lalaki sa akin. Hindi ako halos humihinga para matiyak na makakatulog siya.
Hinihintay kong maging pantay ang paghinga nito. Naramdaman ko ang pag-relax ng mga bisig nito. Dahan-dahan kong tinanggal iyon subalit biglang nagising ang lalaki at humigpit na naman ang pagkakayakap sa akin.
“Please don’t move. Hindi ako papayag na makawala ka pa ulit.”
Umikot ang mga mata ko sa inis. “Marunong naman palang mag-Tagalog. Pinahirapan pa akong mag-English,” nausal ko at hindi na naman makagalaw. May lahi atang octopus ang lalaking ito kaya hirap akong makawala.
Wala akong nagawa kundi pakinggan ang mga sinasabi nito. “Dara, we miss you a lot. Ako, si Tita Eleonor at Tito Basilio. I'm sorry. I shouldn't have let go of your hand."
Tahimik ako habang pinakikinggan ang hinagpis niya. Nararamdaman ko ang sakit na pinagdadananan nito kahit na 'di ko naman ito kilala o si Dara. Kahit 'di ko sigurado kung totoo ba si Dara. Baka usapang lasing lang ito.
Ano bang ginagawa sa akin ng lalaking ito? Bakit hindi ko siya maitaboy? Dahil ba guwapo? Di naman ako marupok katulad ni Didang pagdating sa mga lalaki. At lalong ‘di ako basta-basta nakikisimpatya sa ‘di ko naman kakilala.
Baka nahaplos ang puso ko ng lungkot na nararamdaman ng lalaki. Sabi ng iba, may mga lasing daw na nasasabi ang totoong nararamdaman nila. Nakakalungkot na mawala ang taong mahal mo o malapit sa iyo.
Isa marahil iyon sa rason kaya wala sa hinagap ko na magka-boyfriend o basta mapalapit sa ibang tao. Takot na iwan. Takot akong masaktan. Ilang tao lang ang hinayaan kong mapalapit sa akin dahil ayokong magaya sa lalaking ito.
“Marami pa tayong plano. You want to go to Jeju Island and climb the Seongsan Ilchulbong, remember? You want to watch the sunrise with me. Kaya huwag kang umalis. Itutuloy natin iyon.” At humagulgol ito ng iyak.
Naramdaman ko ang pagpatak ng luha sa gilid ng mata ko.Nadala ako sa lungkot niya. Kahit nang lumuwag ang pagyakap niya ay hindi pa rin ako kumawala. Pakiramdam ko kailangan niya ako nang mga oras na iyon kahit 'di naman ako si Dara.
Ano ba talaga ang nangyari sa kanya? Nasaan na si Dara?
Nang sandaling iyon, nawala sa isip ko na kailangan kong magmadaling umalis para kumita. Na kailangan kong magtrabaho para makapag-aral. May mas malungkot sa akin at naghihirap ang kalooban.
"Hoy, Cintha! Okay ka lang ba diyan?"
Bigla akong natauhan nang marinig ang sigaw ni Didang. Kinalas ko ang pagkakayakap ng lalaki sa akin at gumulong palayo dito. Tapos na ang pagpapadala ko sa dramarama ng lalaki. Oras na para bumalik sa realidad.
Napaungol ako nang tumama ang likod ko sa mabatong beach pero dali-dali akong tumayo at pinagpag ang sarili. Baka umusok na naman ang bumbunan ni Didang kapag nahuling prenteng nakayakap sa akin ang lalaki.
Mabuti na lang at nakatayo na ako at inaayos ang buhok nang mailawan ng flashlight. Kasama ni Didang ang dalawang tauhan ng resort. “Sir, ‘yan po ang lalaking natisod ko. Hahara-hara dito sa beach,” hinihingal na sabi ng kaibigan at itinuro ang lalaki. "Nakatulog na ulit siya.” Parang nanghihinayang pa ito.
“Hindi ka ba sinaktan?” tanong ng matangkad na lalaki na ang alam ko ay guwardiya ng resort.
“Niyakap siya ni Pogi, Sir. Ayaw siyang pakawalan kanina,” sagot naman ni Didang bago pa ako nakaisip ng isasagot.
“Talaga? Aba’y loko pala ito. Gusto mo bang ireklamo natin, ineng?” tanong ng security guard at hinawakan ang braso ng lalaki, handa nang kaladkarin ito.
“N-Naku, Sir! Hindi po!” protesta ko agad. “Okay lang naman ako.”
“Sigurado ka ba?” tanong ng staff ng hotel. “Baka natatakot ka lang magsumbong.”
Kung ibang pagkakataon siguro, rumarapido na ang bibig ko sa pagrereklamo ng harassment. Hindi rason na lasing ito para lang basta mangyakap ng kung sinu-sinong babae. Pero hindi ko naman maatim na masaktan o magulpi ang lalaki matapos makita ang kalungkutan nito dahil kay Dara.
“Wala naman siyang ibang ginawa sa akin. Napagkalaman lang ako na k-kapatid niya,” paliwanag ko kahit na ‘di naman ako sigurado kung sino si Dara sa buhay ng lalaki. “Bukod sa niyakap ako, ‘di naman ako binastos. Guest po ba ninyo siya?"
"Oo. Grupo lang nila ang umookupa ng resort. Inaanak ng may-ari."
"Bakit hinayaan ninyong gumala-gala itong bisita ninyo nang alanganing oras? Kung saan-saan na natulog. Buti wala pong luku-luko dito, kundi kawawa ang guest ninyo,” bigla ay sermon ko. Responsibilidad ito ng resort. Paano kung si Didang ang nayakap nito, baka napikot na ito ng kaibigan ko nang wala sa oras. “O kaya baka sa dagat nagtuloy-tuloy iyan. Paano kung naisipang mag-swimming kahit lasing at nalunod?”
Napakamot sa ulo ang security guard. “Pasensiya na, ineng. Nasarapan siguro doon sa fruit wine na sinerve noong naghapunan sila. Akala siguro juice. Tapos sabi maglalakad-lakad lang siya bandang alas diyes. Mukha namang maayos ang lakad at tuwid magsalita. Hinayaan ko naman. Sabi namin huwag lumayo. Nag-ikot na ako. Akala namin bumalik sa kuwarto at natulog na. Dito pala natulog. ‘Di rin naman hinahanap ng ibang guest na kasama niya.”
“Sir, gising na po kayo. Babalik na po tayo sa resort,” anang staff at tinulungan ito ng security guard na itayo ng guest.
“Okay,” anang lalaki at halos pabuhat nang alalayan ng dalawa.
Binitbit ko naman ang cooler na may lamang lobster saka namin sinundan ang mga ito. Nakabusangot na ako para ‘di na gaanong magtanong pa si Didang sa akin. Alam nito na ayokong kinakausap kapag di maganda ang mood ko. Mas mabuti na ito kaysa naman magmaktol sa akin si Didang dahil niyakap ako ng lalaki. Baka masabunutan ko pa siya dahil sa kahangalan niya.
Makalipas ang ilang minuto ay nasa gate na kami ng resort. “Sabihin na lang ninyo huwag siyang hayaan na lumabas-labas mag-isa pag ganyang nakainom.”
“Pag nakainom, patawag n’yo ako para may kasama siyang maglakad-lakad sa beach. Libre lang akong maging guide,” kinikilig na presinta ni Didang at humagikgik.
Pinanlakihan ko siya ng mata. “Sige, harot pa more.” Mukhang ang guest naman ang mapapahamak dito.
"Kontrabida ka talaga sa kaligayahan." At nagdadabog itong naglakad.
“Kayo na po ang bahala sa guest ninyo,” bilin niya sa security guard. “Pakisabi na lang mag-ingat-ingat siya kasi sa susunod baka magulpi ko na talaga siya kapag inulit po niya ang ginawa niya kanina.”
“Makakaasa kayo, ineng,” anang security guard. “Pagsasabihan naming maigi. ‘Di ubra ‘yung dadayo-dayo siya dito at basta na lang nangyayakap na lang basta ng kadalagahan.”
“Ito pong cooler lobster ang laman,” sabi ko naman at inabot ang cooler dito.
“Kami na rin ang bahala dito. Mabuti pa sumabay na kayo sa akin kung papunta kayo sa bayan. Ihatid lang namin si Sir sa kuwarto niya at mag-clock out na rin ako,” wika ng security guard.
“Salamat po.” Mabuti naman at makakatikim ng libreng pasakay, pambawi man lang sa ginawa ng lalaki sa akin. “Hintayin lang po namin kayo malapit sa gate.” At itinuro ko ang bench na kahoy na may gulong at swing din na matagal ko nang gustong upuan.
‘Di kami basta-basta nakakapasok sa resort na iyon o nagtatangka man lang na gamitin ang amenities. ‘Di naman kasi kami bisita doon at ‘di rin taga-Batangas ang may-ari kaya hindi kami feeling close. Chance na namin ito na masubukan ang bench na swing.
“Where is Dara?” tanong ni Pogi sa staff na umaalalay dito papasok ng main building ng resort.
“Iyon po bang kasama ninyong bisita? Tulog na po si Ma’am Dara, Sir. Pahinga na daw kayo,” anang staff.
“Okay,” anang bisita at ‘di na nagprotesta nang makapasok sa wakas.
“Iwan mo na lang ako dito. Bantayan ko si Pogi kahit walang bayad,” sabi ni Didang na nakatanaw pa rin sa main building kahit nakapasok na ang lalaki.
Hinila ko nang bahagya ang buhok ni Didang. “Harot talaga?”
“Ano ba dapat? Magsungit ako tulad mo? Dapat ba naman pagbantaan ang bisita? Paano tatagal sa lugar natin iyan?” sermon niya sa akin habang nakaupo kami sa bench na malapit sa gate ng resort na palabas ng kalsada.
“Ah! Kasi guwapo? Pero kung ‘di mo bet at ‘di ka naguwapuhan, sigurado ako na nagulpi mo na iyon.”
“E bakit hindi mo ginulpi? Nag-enjoy ka na yakapin?”
Pinanlakihan ko siya ng mata. “Malisyoso ka. Kung ginulpi ko iyon, baka nabaranggay naman ako ngayon. Saka parang malungkot siya dahil doon sa Dara.”
“Sino ba si Dara? Sinabi ba sa iyo?”
“Kapatid siguro niya. Baka ‘di niya nakasama o nasa ibang bansa kaya nami-miss niya. Saka huwag mo nang problemahin iyang Dara na ‘yan. Pag-usapan na lang natin kung saan tayo pupuwesto mamaya para magtinda.”
Balik na sa realidad. Kailangang ituon ko ang atensyon sa pagkita ng pera. Wala akong mapapala kung pag-uusapan namin ang guwapong lasing na iyon.