PAGDATING SA presinto ay kinuha agad ni Sarhento Wenceslao ang mga report tungkol sa murder case ni Julie Rosauro. Paulit-ulit niyang binasa ang nakasulat sa bawat pahina ng mga papel na nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Bawat mahalagang detalyeng makita ay isinusulat niya sa maliit na notebook na palaging dala. Matapos makuntento sa paghahanap ng mga impormasyon kailangan, tumayo na siya. Binitbit ang paboritong jacket, at saka dire-diretsong naglakad palabas. Hindi pa man tuluyang nakalalayo nang marinig niya ang pagtawag ng kasamahang pulis. Huminto siya at lumingon. Si Kabo Duarte ang nakita niyang sumesenyas sa kanya. "Pinatatawag ka ni Hepe, Sarhento," anito habang itinuturo ang nakapinid na pinto ng kanilang opisyal. Nilapitan niya ito, at nakangiting inakbayan. Pasimple siyang lum

