Chapter 3

2033 Words
- Sammy- “Anak, gumising kana at tanghali na!" Kahit gusto ko pa sana matulog ay hindi ko magawa. Maingay na naman ang Inay ko. Naririnig ko ang kalansing sa kusina. Napatingin ako sa tabi ko, si Pakito na mahimbing ang pagkakatulog sa kili-kili ko. Kinapa ko ang cellphone at kahit isang mata lang ang gamit ko ay sinilip ko ang oras. Sumama ang mukha ko. “Wala pang ala-sais ‘nay." Gusto kong manipa dahil pwede pa naman akong matulog kahit sa gabi na ako magising dahil wala na rin naman akong trabaho. Ang Nanay ko talaga, minsan na nga lang matulog ng masarap pipigilan pa. Wala pang isang minuto ay agad na pumasok sa kwarto si Inay. Bagong ligo na si Inay at nakasuot ng pang-alis. Nagising tuloy ng tuluyan ang diwa ko. “Gumising kana at magwalis sa labas ng bahay, bago mag-almusal." “Inay naman. " Napamewang bigla si Inay at pinanlakihan ako ng mata. “Aba." Napabangon tuloy ako bigla kaya nagising si Pakito. “Wag kang patamad-tamad. Hindi ka anak ng mayaman, alalahanin mo." Nakanguso ako at kinusot ang mata. “Saan ang punta ‘nay? Bakit nakagayak ka?" Imbes na sumagot ay lumabas si Inay kaya bumaba ako ng kama para lumabas ng kwarto. Kinuha ni Inay ang kaniyang malaking ecobag at kinuha ang malaking payong na nakasabit sa likod ng pinto. “Maglalaba ako kay Mareng Mely, at bukas naman ay magluluto ako sa kanila dahil uuwi na galing Saudi ang binata niya." Ilang segundo akong nakatingin kay Inay at saka ako nagreak. “Huh? Teka.. " Bigla akong napalapit kay Inay at hinawakan ito sa braso. “Iiwan mo ako dito Inay? Dalawang araw ka dun sa kanila? Wala akong kasama dito? Paano na ako? Baka bigla akong mamatay. " parang gusto ko maiyak dahil ayaw kong maiwan na mag-isa dito sa aming bahay. Kahit na kasama ko si Pakito, iba pa rin kapag kasama ko ang Inay ko. Kinurot tuloy ako sa tagiliran ni Inay. Kaya napahiyaw ako sa sakit. “Alam mo Anak, ayokong pumangit ang araw ko ngayong umaga. Maglalabada ako sa kanila at sa hapon ay uuwi na rin ako dahil wala kang uulamin ng hapunan. Babalik din ako kila Mareng Mely kinabukasan para magluto. Hindi ako matutulog dun." Hinaplos-haplos ko ang tagiliran na kinurot ni Inay. Masakit naman talaga iyon. “Pagkatapos mo magwalis ay kumain kana. Hatian mo ang pusa mo. Para sipagan ka pa. Maglaba ka ng mga damit mo. Damit mo na lang yun, baka tamarin ka pa. At kapag umulan.. " sumilip sa labas ng bahay si Inay dahil madilim ang langit. “... Yung mga drum sa likod ng bahay siguraduhin mong malalagyan para makatipid tayo sa tubig. " Kinuha ni Inay ang wallet sa kaniyang ecobag at naglabas ng singkwenta pesos. “Oh, paghatian niyo ni Pakito sa meryenda niyo. May delata naman diyan, ayan na lang ulamin ninyo sa tanghalian. Oh siya, ako'y aalis na at baka abutan pa ako ng ulan. Yung mga sinabi ko sayo, anak ah." “Opo Inay. Ingat ka po. " Hinatid ko sa labas ng bakuran si Inay hanggang sa makasakay ito. Kumakaway pa rin ako kahit wala na ang tricycle. Napabuntong hininga ako. Ang Inay ko, may edad na naglalabada pa rin. Kawawa naman. Sana ako na lang naglalaba kesa siya pa ang mapagod. Kahit na walang araw na hindi ako pinapaulanan ng sermon ng Inay ko ay sobrang swerte ko sa kaniya , sa kanilang dalawa ng Itay ko. Matatanda na sila pero kumakayod pa rin para sa akin. Ako na matanda pero pakiramdam ko ay walang mararating sa buhay. Nasa Bicol si Itay para sa pagbubukid. Kasama ko nga si Inay, pero sumasideline pa rin. Ako heto, hindi naman paralisado pero walang matinong trabaho. Nalulungkot na napatingin ako sa singkwenta pesos na bigay ng Inay sa akin. Itatabi ko ito, may pera naman ako kahit paano at alam iyon ng Inay pero binigyan niya pa rin ako, para sa amin ni Pakito. Naramdaman ko na lang ang buntot ni Pakito sa binti ko na kumikiskis sa balat ko. “Ano gutom kana? Maghintay ka. Samahan mo muna ako magwalis bago tayo mag-almusal. " Sinuksok ko ang pera sa bulsa na short ko. May nakita akong goma sa lupa at pinagpag ko na lang at basta ko na lang na pinuyod ang buhok ko. Kahit walang hila-hilamos ay nagsimula na akong magwalis sa harap ng bahay namin. Hindi na mawawala ang kalat dito dahil may malaking puno ng mangga sa gilid ng bahay namin. Maingay ang paligid dahil tabi kami ng kalsada at maraming dumadaan na iba't-ibang sasakyan at mga tao. Nakawalis ako hanggang likod bahay. Dahil papadilim ang langit ay inayos ko na ang drum at dalawang orocan na luma. Sayang kasi ang mga iyon, panglinis at pangbuhos din ng banyo. Pagkatapos ko maglinis ay papasok na sana ako sa loob ng bahay nang may mahagip ako sa kabilang tawid. May tindahan na maliit at katabi nun ay ang nagtitinda ng almusal. Nagsalubong ang kilay ko dahil nakita ko si Andrea. Ang babaeng feeling maganda sa lugar namin. Kaaway ko ito simula nung kabataan ko. Hindi pwedeng walang parinigan o bangayan sa pagitan namin noon, at apat pa ang kasama nitong alipores, siya pa ang leader. Talunan naman ito, dahil kahit kailan ay hindi pa ito nanalo sa akin. Kung kanya ay puro kurot, sampal at sambunot ang inabot ko sa kaniya. Bugbog naman ito sa akin. Dumugo ang nguso at black eye sa lakas ng pagkakasuntok ko. Isang suntok lang plakda agad kasi ito. Kaya suki ako noon sa barangay. Dagdag pa ang nanay nitong leader din sa pagiging marites. Hindi ko na lang sana ito papansin, pero panay ito tawa ng tawa na parang kinikiliti ang singit. Ang aga-aga pa pero ang suot nito ay parang worker's sa beerhouse. Hayup na ‘yan. Papasok na ako sa loob ng bahay ng mahagip ng paningin ko ang isang pamilyar na lalaki. “Teka.. Siya yung.. " Pasimple akong lumapit sa bakod namin, hindi naman ako makikita sa kabilang kanto dahil maraming halaman ang bakuran na natatakpan ang harapan ng aming bahay. Edi wow.. Kitang-kita ko kung paano tumawa si Andrea na sobrang landi. Naroon pala yung lalaki na gustong tumulong sa akin ilang araw na ang nakalipas sa may ilog. Nakasuot lang ito ng itim na sando at Jersey short pero tangina. Lahat ng napapadaang tao ay napapatingin sa kaniya. Oo, gwapo nga yung lalaking iyon, parang artistahin dahil sa laki ng katawan at napakatangkad pa. Wala naman ganiyang klaseng mukha dito sa lugar namin. May kamag-anak ba siya dito? Sa tinagal-tagal na naming naninirahan dito ay kilala ko ang mga nakatira dito at iilan lang ang mga dayo na tumira sa lugar namin, mas marami na rin ang umalis para manirahan sa Maynila. Ang iba pa nga ay nag-abroad pa. Baka may bagong boylet si Andrea? Hindi naman yan tatawa ng ganyan kalandi kundi dahil sa gwapong lalaki. Edi sana all. Edi wow. Asar akong pumasok sa loob ng bahay. Pakialam ko ba sa kanilang lahat. Hindi ako bitter. “Kain na tayo Pakito!" “Meoww" Hindi na masiyado mainit ang sinaing na kanin ni Inay. Pero dahil sa gutom naubos ko dahil masarap ang ulam na tuyo at pritong talong na may suka at sili na sawsawan. Enjoy din sa pagkain si Pakito. Naglinis ako sa bahay pagkatapos kumain, at naligo na rin bago ako naglaba ng mga labahin ko sa basket. Sinama ko na rin kay Inay para hindi ito magalit sa akin. Alam kong pagod ito sa maghapong paglalabada. Mabuti na lang at may washing machine kami, na nabili ko nung may trabaho pa ako kaya kahit paano ay magaan. Kapag nagkatrabaho ulit ako, dryer naman ang next target na bibilhin ko. Kawawa na kasi kami kapag maulan, hirap na hirap kaming magpatuyo ng labahin. “Ay umulan na." Napatulala na lang ako sa labas ng bintana. Ang lungkot naman, dalawa lang kasi kami ni Pakito ngayon. Wala ang Inay, kahit maingay iyon at madalas na nagagalit sa akin ay mas gusto ko na palagi itong kasama. Kinuha ko ang cellphone at chinat si Inay. Inay, maulan na dito. Kamusta na po paglalaba? Alam kong matagal magreply si Inay kaya nagpatugtog na lang ako sa youtube. Pasado alas-dose na rin pala ng tanghali. Nakakatuwa na ang dami ko na palang nagawa dito sa loob ng bahay. Ang sabi ni Inay ay mag-ulam na lang ako ng delata. Pero hindi ko gusto kumain ng sardinas na galing pa sa lata dahil nalalangsahan ako. Tinatamad na rin ako maggisa. Ubos na rin ang kanin kanina dahil humataw ako ng kain, kasama si Pakito. “Ah! Dun na lang sa Tita ni Honey." Tama. Nagtitinda ng ulam sa labas ng bahay ang tatlong tiyahin ni Honey. Makakapili na ako ng ulam at mura ko pang mabibili. May singkwenta naman na bigay si Inay sa akin at iyon na lang ang gagamitin ko muna ngayon. Hindi ko muna iyon itatago. “Pakito dito ka lang muna. Bibili lang ako ng pagkain natin, bawal kang lumayas kundi mayayari tayo ni Inay kapag nanakawan tayo. " Nakatingin lang sa akin ang alaga kong pusa. Maulan kaya kinuha ko ang payong sa likod ng pintuan. Sinigurado ko na nakalock ang pinto bago ako lumabas ng bahay. Habang naglalakad ay saka ko naalala na naiwan ko ang cellphone sa loob ng bahay dahil nagpapatugtog ako kanina. “Ay hayaan na nga 'yun." Ilang metro rin ang layo ng bahay namin at bahay ng kaibigan kong si Honey pero mas gugustuhin ko pang bumili doon dahil close ko ang tatlong tiyahin ng kaibigan ko. Habang naglalakad ako ay lumalakas ang ulan, kaya malalaki ang hakbang ko pero nag-iingat ako dahil mahirap na madulas. Napangiti ako dahil nakikita ko na ang tindahan nila Honey. Pero bago ako makarating sa kanila ay hindi ko maiwasan na sulyapan ang maganda at malaking mansion na ginagawa sa kabilang tawid kung saan tapat lang ng bahay ng kaibigan ko. Sa narinig kong balita ni Inay ay mula sa isang mayamang tao ang nakabili ng lupain na iyon, ang akala pa namin noong una ay baka gagawing mall dahil sa lawak ng lupa na nabili. Pero isang mansion daw. Ano kaya ang nakain ng mayamang tao na yun, at dito pa naisipan na magpatayo ng mansion. Puro hampaslupa lang naman ang kapitbahay nito. Kasalukuyang under construction pa rin ito at maraming construction worker's ang nagtatrabaho. Simula na magkaroon ng mga worker's sa kabila ay palaging maraming customer na ang tindahan ng mga tiyahin ni Honey. “Tita pabili po!" Walang tao na nagbabantay, siguro ay nasa loob kaya inisa-isa kong buksan ang mga takip ng kaserola. Ang iba ay kaunti na lang ang ulam, wala ng tindang gulay. May dalawang kaserola ang wala ng laman. Ang bilis pala maubos ng tindang ulam ng mga ito, dahil siguro dito kumakain ang mga trabahador sa kanilang tawid. Mukhang hindi ako naririnig dahil lumalakas na ang ulan, kaya tiniklop ko ang payong lumapit sa may tindahan kung saan may upuang kahoy. “Tita Norma, pabili po ng ulam. " Gamit ang piso ko na pangkatok sa tindahan. Bakit kaya walang tao dito, pwedeng masalisihan ng ulam sila Tita. Kawawa naman. Napalingon ako sa kabilang tawid kung saan ginagawa ang malaking mansion. Iilan lang ang nakikita ko sa malayo, maulan kasi kaya siguro huminto sila. Sumigaw ulit ako para bumili. “Tita Norma! Tita Emma! Tita Alma! Pabili po!" Lahat sila ay tinawag ko na para kahit sino ay pwedeng lumabas. Alam kong may edad na ang mga ito, lalo na si Tita Norma na mahina na ang pandinig pero siya pa naman ang may ari ng mga ulam. “Pabili pooo Tita ---" Nahinto ako sa pagsigaw ng may isang braso akong nakita sa gilid ko na kinagulat ko. “Hi." Napasinghap ako at halos tumalon ang puso ko nang malaman ko kung sino ang nasa harap ko ngayon. “Hindi ka ba nila marinig? " Swabe ang pagkakasabi nito sabay kindat pa sa akin. Kulang na lang pati kaluluwa ko ay umalis sa katawan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD