Ilang araw pa ang nakalipas ay medyo naging maayos na ang pagsasama ni Linea at Luis. Noong una ay hindi pa rin sila nagpapansinan ngunit hindi natiis ni Luis ang kanyang nobya.
Nagsimula na rin kasi siya sa trabaho. Kada araw na nalipas at hindi sila nagiging okay ni Linea ay masakit iyon para sa kanya. Naiintindihan naman siya ni Luis, kaya lang ay mas nanaig ang kagustuhan niya na siya lang ang magtataguyod sa kanila.
‘’Kumain ka na. Baka mahuli ka niyan sa trabaho,’’ mahinang sabi ni Linea sa kanyang nobyo, napangiti naman si Luis dahil doon.
Umupo na si Luis at kumain. Habang nakain ay nakatingin siya kay Linea kaya napatanong ang dalaga kung ano ang problema ni Luis sa kanya.
‘’Oh, grabe ka makatingin sa akin ngayon ah? May problema ka bas a itsura ko? May dumi ba ako sa mukha?’’ sunud-sunod na tanong ni Linea kay Luis.
‘’A-Ah, wala naman. Napagtanto ko lang na napaka-swerte ko pala sa iyo,’’ sagot ni Luis sabay ngiti.
‘’Hmm, pambawi ba ito sa away natin noong nakaraan? Alam mo, kung iniisip mo na gagawin ko pa rin iyon. Ngayon pa lang, sinasabi ko na, hindi. Ayaw ko na makipag-away,’’ paglilinaw ni Linea sa kanyang nobyo.
‘’Alam ko naman na gusto mo lang tumulong sa atin. Maniwala ka man o hindi, natutuwa ako roon. Kaya lang, gusto ko sana na hayaan mo lang ako na ako muna ang magtaguyod sa atin,’’ paliwanag ni Luis.
‘’Oo, naiintindihan ko na ngayon kung anong gusto mong mangyari. Hayaan mo, hindi ko na uulitin iyon. O siya, kumain ka na,’’ sabi ni Linea.
Bumalik na sa kanyang kinakain na umagahan si Luis. Ilang minuto ay naisip niyang kausapin si Linea ulit.
‘’Mahal ko, may gusto sana akong itanong sa iyo. Ayos lang ba?’’ tanong niya, seryoso siya ngayon.
‘’O, ano iyon?’’ nagtatakang tanong naman ni Linea habang siya ay nakain din.
‘’Hindi ka ba nagsisisi na sumama ka sa akin?’’ nagulat si Linea sa tanong na iyon.
‘’H-Hindi naman ah, bakit mo naman naisip iyan, mahal ko? Dahil sa naghanap ako ng sarili kong trabaho?’’ tanong naman ni Linea, bigla siyang nalungkot sa pinag-uusapan nila ni Luis.
‘’Hmm, parang ganoon na nga. Pero, naiintindihan ko naman kung bakit mo ginawa iyon. Nabuo lang ang takot sa akin dahil ayaw kong bigla ka na lang mawala sa akin kapag hindi ako naging maayos sa trabaho ko,’’ may lungkot sa boses ni Luis pagkasabi niya noon.
‘’Alam mo mahal, kung hindi ka man maging maayos sa trabaho mo eh hindi pa rin kita iiwan. Sasamahan kitang maghanap ulit ng trabaho. Alam kong madaming ibibigay si Lord na trabaho sa iyo,’’ sagot naman ni Linea na may ngiti sa kanyang labi.
Ngumiti na lang si Luis pero may takot pa rin siyang nararamdaman. Hindi niya alam kung bakit. Takot na hindi niya matupad ang pangako kay Linea at takot na iwanan siya nito.
‘’Salamat, mahal ko. O siya, maliligo na ako maaga akong makapasok sa trabaho ha? Ikaw na ang bahala rito,’’ sagot na lang niya at tumayo na.
Sa kabilang banda naman ay pilit pa rin na kinakausap ni Isidro si Ferdie. Ilang araw na niya itong ginagawa pero mukhang ayaw pa rin ng kanyang kaibigan sa plano niya.
‘’Sabi ko naman kasi sa iyo, hindi naman lahat ng ama ay kagaya mo. Huwag mo na kayang ipilit sa kanya kung ano man ang gusto mo?’’ paki-usap ni Beth sa kanyang asawa.
‘’Beth, iyon na lang ang pwede nating gawin. Sige na, aalis na ako para kausapin si Ferdie. Ilang araw na lang eh ýong araw na ng kasal ni Sir Paul Menario. Kailangan ko na siyang makumbinse na ibigay ang anak niya,’’ sabi ni Isidro at umalis na.
Kabado noon si Beth para sa kanyang asawa pero hindi na rin siya nagsalita. Nag-iisip din naman siya ng paraan para maayos niya ang kanilang problema pero wala namang napasok sa isip niya. Dasal na lang talaga ang kinakapitan niya ngayon.
‘’Ferdie! Ferdie! Pagbuksan mo ako ng pinto! Kausapin mo ako! Kailangan ko ng tulong mo!’’ sigaw ni Isidro sa labas ng bahay ng kanyang kaibigan.
‘’Hindi, hindi ko ibebenta sa mayamang iyon ang anak ko! Alam kong problemado ka na dahil tinatakot ka ng mayaman na iyon pero huwag mo naman sanang idamay ang anak ko rito. Wala siyang kinalaman sa problema ng pamilya mo!’’ sigaw naman pabalik ni Ferdie pero hindi pa rin niya pinagbubuksan ng pinto ang kaibigan.
‘’Anong gusto mong gawin ko? Mamamatay na lang kami? Ayaw ko naman noon. Gusto kong maligtas ang asawa at anak ko mula rito!’’ sabi ni Isidro.
‘’At ano? Kami naman ng anak ko ang nasa piligro ang buhay? Naiintindihan ko na kailangan mo kami pero hindi ko kayang gawin iyon sa anak ko!’’ sigaw ni Ferdie.
‘’Wala kang kwentang kaibigan kung ganoon! Kung hindi mo lang din ako tutulungan eh maiging hindi na lang din kita iturin na kaibigan! Sinasayang mo lang ang oras ko!’’ sigaw ni Isidro at umalis na galit kay Ferdie.
Pag-alis naman ni Isidro ay biglang lumabas ng kwarto si Glory. Naiyak siya kaya niyakap na lang siya ng kanyang ama.
‘’Anak, pasensya ka na kung ganoon ang mga naririnig mo ha? Hayaan mo, hindi ko naman hahayaan na masira ang buhay mo dahil doon. Maigi nang mawala iyong si Isidro kaysa magdusa ka naman sa desisyon na hindi mo gusto,’’ sabi ni Ferdie, yakap pa rin niya si Glory ngayon.
‘’Itay, alam ko naman po na labis niyo akong mahal. Salamat po roon pero nakapag-desisyon na po ako. Ilang araw ko rin pong inisip ito. Gusto ko pong tulungan si Linea-‘’ naputol ang salita ni Glory dahil nagsalita agad si Ferdie sa kanyang anak.
‘’Ha? Anong sinasabi mo, anak? Hindi pwede! Hindi ako papayag na ikulong moa ng sarili mo. Hindi mo dapat pagbayaran ang isang bagay na hindi naman ikaw ang may kasalanan! Hindi talaga ako papayag, anak!’’ halos sumigaw na si Ferdie sa kanyang anak.
Hindi na nagsalita si Glory noon pero buo na ang kanyang desisyon na tulungan ang kanyang kaibigan. Labis ang pagmamahal niya rito kaya ganoon na lang niya ibigay ang kanyang sarili.
Isa pa, gusto niya ring makatulong sa kanyang ama. Ýong pera na ibabayad sa kanila ni Sir Paul Menario ay malaking tulong na sa kanila. Sarili man ang kapalit ay ayos na para kay Glory. Ang mahalaga sa kanya ay matutulungan niya ang dalawang importanteng tao sa buhay niya.