Makalipas ang ilang araw ay dumating na ang araw na kinakatakutan ni Isidro. Isang umaga, bigla na lang pumunta si Sir Paul Menario. Galit na galit ito kay Isidro. Sinira na nga nito ang kanilang pinto kaya nagulat si Beth. Napasigaw ito sa sobrang gulat.
‘’Isidro! Beth! Ilabas niyo ang anak ninyong si Linea!’’
‘’Ay! Isidro, nandyan si Sir Paul Menario! Anong gagawin natin? Diyos ko po! Kitang-kita ko, galit nag alit siya!’’ kabadong sabi ni Beth.
‘’Bilisan mong magtago! Pumunta ka sa kwarto! Bilis!’’ sabi naman ni Isidro pero pabulong lang ito dahil baka marinig siya ni Sir Paul.
Dahan-dahan siyang lumabas mula sa kanilang kwarto. Kinalma niya ang kanyang sarili bago tuluyang humarap sa pinaka-mayamang tao sa probinsya nila.
Nang lumabas siya ay agad siyang tinutukan ng baril ng mga tauhan ni Sir Paul Menario. Labis ang kaba ni Isidro pero sinubukan pa rin niyang kumalma na para bang walang nangyayaring masama sa loob ng bahay nila.
‘’Isidro, akala ko ba ay gagawan mo ng paraan ang paghahanap sa iyong anak? Bakit hanggang ngayon ay wala pa rin siya rito? Baka naman hindi na talaga babalik ang anak ninyo at niloloko niyo na lang ako?!’’ sigaw ni Sir Paul Menario.
‘’H-Hindi naman sa ganoon, Sir. Sa ngayon po ay hinahanap ko pa rin kasi ang anak ko. Pasensya na po kung matagal pero gagawin ko naman po ang lahat para bumalik siya rito sa probinsya’’ may kaba na sa boses ni Isidro.
‘’Ano na ang gagawin mo? Alalahanin niyo, ilang araw na lang ay kasal na namin ni Linea. Hindi naman pwedeng hindi matuloy iyon, di ba? Alam ninyong mag-asawa na buhay ang kapalit noon!’’ sigaw ni Sir Paul Menario.
‘’O-Opo, alam po namin, Sir. Basta po, pinapangako ko na ikakasal kayo sa anak ko kahit na anong mangyari,’’ sabi ni Isidro kahit wala siyang kasiguraduhan sa mga sinasabi niya.
‘’Kapag hindi nangyari, alam ninyong mawawala na kayong mag-asawa. O kung may maipalit kayo sa anak ninyo, sige. Payag ako,’’ matapang na sabi ni Sir Paul Menario.
Pagkatapos noon ay umalis na si Sir Paul Menario sa bahay nina Isidro at Beth. Agad na pumasok si Isidro sa kwarto nila para sabihan ang asawa kung ano ang pinag-usapan nila ni Sir Paul Menario.
Hinahabol pa nga ni Isidro ang kanyang paghinga habang papasok siya sa kwarto nila. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin ngayon. Kailangan na niyang mahanap ang kanyang anak o di kaya ay may ibigay siya kay Sir Paul Menario na ibang papakasalan.
‘’Beth, Beth! Kailangan na natin hanapin si Linea kung hindi ay mamamatay tayo! Tinakot na ako ni Sir Paul at alam kong totoo iyon!’’ kabadong sabi ni Isidro.
‘’W-Wala na bang ibang paraan? Alam naman nating hindi na natin mahahanap pa si Linea. Ilang araw na lang ay kasal na nila. Napaka-imposible naman na mahanap pa natin siya eh ilang araw na nga tayong nahingi ng tulong sa mga kamag-anak natin doon!’’ kinakabahan na sabi ni Beth sa kanyang asawa.
‘’A-Ang sabi niya sa akin ay pwede raw tayong kumuha ng ibang ipapakasal sa kanya. Kapag nagawa raw natin iyon ay palalayain na niya tayo,’’ mahinahon na si Isidro nang sabihin niya iyon.
‘’Ha? Hindi ba mas malaking problema iyon kung sakali? Sino naman ang papayag na ikasal sa susunod na araw? Wala namang ganoon. Isidro, paano na ýon?’’ kinakabahan na sinasabi ni Beth.
‘’Tumahimik ka muna. Mag-iisip muna ako ng paraan para sa anak natin. Kailangang maayos natin ito bago ang araw ng kasal ni Sir Paul Menario at Linea,’’ sabi ni Isidro, may inis na sa kanyang boses.
At iyon na nga ang ginawa ni Beth. Ayaw naman niya na mainis pa sa kanya si Isidro dahil gulo na naman ang kanilang aabutin kapag nangyari iyon. Ilang minuto pa ay naka-isip na si Isidro ng paraan para maiwasan nila ang kamatayan.
‘’Alam ko na! Ang ipapakasal ko kay Sir Paul Menario ay ang kaibigan ni Linea na si Glory-‘’ natigil si Isidro sa pagsasalita dahil sumagot agad si Beth sa kanya.
‘’Ha? Ano ka naman? Ano na lang ang sasabihin ni Ferdie sa atin? Kaibigan mo siya, tapos isasali mo siya sa problema na ikaw mismo ang may gawa?! Ano ba iyan!’’ hindi pag-sang ayon ni Beth sa kanyang asawa.
‘’Bakit?! Matutulungan naman siya noong pera na ibabayad sa kanya ni Sir Paul Menario, hindi ba? Kailangan niya iyon dahil mahirap ang buhay! Eh di natulungan pa natin siya!’’ mayabang pa na sagot ni Isidro sa kanyang asawa.
‘’Hindi naman lahat ng ama ay katulad mo. May mga tatay na masaya na sa simpleng buhay. Mas mahalaga sa kanila ang kasiyahan ng kanilang anak kaysa sa pang-sarili nilang kagustuhan,’’ paliwanag ni Beth sa kanya.
Tumahimik muna si Isidro para pag-isipan ang kanyang sinabi. Pero pinilit pa rin niya ito at sinabi niya sa kanyang asawa na kakausapin niya ang kaibigang si Ferdie.
‘’Hindi, ayos pa rin naman iyon! Ako na ang bahalang magpaliwanag kay Ferdie tungkol sa nangyayari sa atin. Alam kong tutulungan niya tayo at matutulungan din natin siya,’’ may ngiti sa labi nang sabihin ni Isidro iyon.
Gulat na gulat si Beth at halos hindi na nakapagsalita. Ayaw na rin niyang sumagot dahil gulo na rin ang isip niya. Ang tanging iniisip niya ngayon ay ang anak na si Linea. Puro tanong ang nasa kanyang isip. Paano kung matagpuan ni Sir Paul Menario ang anak at patayin ito?
Diyos ko, ako na lang po. Ako na lang po sana ang patayin nila. Huwag na ang anak ko. Madami pa siyang pangarap. Ayaw kong mawala iyon nang dahil lang sap ag-ibig na kanyang pinili.
Naiwan si Beth sa loob ng bahay nila. Naiyak sa kwarto. Habang si Isidro naman ay pursigido na kausapin ang kanyang kumpare para mailigtas ang kanyang bunsong anak.
Diyos ko, bahala Ka na. Alam kong mali ang gagawin kong ito pero gagawin ko pa rin dahil ito na lang ang alam kong paraan para iligtas kami ng anak at asawa ko. Humihingi na po agad ako ng kapatawaran Sa Inyo.