Five days ago...
"Ma'am Anita, may naghahanap po sa inyo." Natigilan si Anita sa pagbubungkal ng lupa nang marinig ang sinabing iyon ni Mang Saldy, ang isa sa mga matatagal na niyang tauhan.
No. Not again, please. Says her mind. Isa lang naman ang pwedeng maghanap sa kaniya. Sa nakalipas na mga araw, iisang tao lang ang nagpapatigil sa kaniyang trabaho at nagsasayang ng kaniyang oras.
"Sino raw?" tanong niya kahit na kilala naman na niya kung sino iyon.
"Galing daw ho sa La Panaderia, Ma'am Anita. Iyong ilang ulit nang nanggaling dito," muling sabi ng matandang lalaki.
Jusko, Lord. Sabi na nga ba niya. At talagang bumalik na naman sa farm niya ang babaeng iyon. Ilang beses na niyang tinanggihan ang babae ngunit talagang napaka-persistent nito.
"Ganon ho ba? Nasan daw ho siya?" aniya habang hinuhubad ang gloves niya.
"Nasa may gate lang ho, Ma'am Anita."
"Sige ho, Mang Saldy. Ako na ho ang bahala. Pakitawag na ho ninyo ang iba pang farmers. Pakisabi magpahinga muna at kanina pa kayo nagtratrabaho. Nagpahanda ako ng meryenda. Kumain muna kayo."
"Maraming salamat ho, Ma'am," nakangiting sabi nito.
Naghugas muna siya ng kamay at inayos ang kaniyang buhok bago tinungo ang gate.
Napangiti siya nang maamoy ang mabangong halimuyak ng mga lavender niya. Kahit saang lugar niya idako ang mga mata niya, kita niya ang malamlam na kulay ng pagkaube ng mga bulaklak, at talaga namang relaxing iyon sa mata. Sinasayaw ng malamyos na hangin ang maliliit na bulaklak. She could look at them all day. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala na magagawa ng kanilang pamilya na mag-farm ng lavender sa bansa. It was a difficult yet fulfilling path.
Hindi kalayuan sa farm na iyon ay ang maliit niyang tahanan kung saan siya kasalukuyang namumuhay mag-isa. Nasa tuktok iyon ng burol at mula roon ay kita niya ang planta at buong farm. Ilang taon na rin magmula nang lumipat siya sa bahay na iyon mula sa Maynila. Isa iyong southern type bungalow na talaga namang napabayaan na. Iyon ang paboritong bahay-bakasyunan ng yumao niyang mga magulang. Kaya lamang, noong mamatay ang mga ito ay hindi na iyon naasikaso. Namatay na rin kasi ang dating caretaker niyon.
Ipina-renovate niya iyon, ngunit ipina-restore ang orihinal na hitsura niyon, pati na rin ang mga muwebles sa loob niyon. Iniwan niya ang maingay na buhay sa Maynila at nagsimula ng bagong buhay sa bahay na iyon.
Kaya nga lamang, heto at isang taga-Maynila naman ang patuloy na gumugulo sa nananahimik niyang buhay. Hindi na niya mabilang kung ilang beses nang nagpapabalik-balik sa farm niya ang sekretarya ng kasalukuyang acting CEO ng La Panaderia. Of course, everybody knows La Panaderia. Sino ba naman ang hindi makakakilala sa sikat na sikat na kumpaniyang iyon? Sa dinami-dami ba naman ng naipatayo niyong branch sa loob at labas ng bansa. At ang kaparehong kumpanya rin ang gustong bumili ng parte ng farm niya.
Hindi niya malaman kung bakit gusto iyong bilhin ng La Panaderia kaya mariin naman na niyang itinanggi na hindi niya iyon pinagbibili. Nangako siya sa mga magulang na hindi niya ipagbebenta ang farm kahit na dumaan pa iyon sa krisis—na tulad na lamang ngayon.
Halos karamihan sa mga makita ng planta ay nasisira na at kailangan nang palitan. Kahit naman gustuhin niyang maipaayos ang mga iyon, wala naman siyang magawa. Dahil sunud-sunod ang naging bagyo, marami sa mga pananim nilang bulaklak ang nasira. Halos isang taon rin silang nalugi at hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyang nakakabangon. Naglabas na nga siya ng malaking halaga galing mismo sa sarili niyang bulsa, upang makapagsimulang muli. Bumili sila ng mga bagong binhi, pataba, at ilang mahahalagang gamit sa planta. Ngunit hindi pa rin iyon sapat.
Mabuti na nga lamang talaga at mababait ang mga emplayado niya, at kahit minsan ay nade-delay ang pagpapasahod niya sa mga ito ay hindi pa rin nagre-resign ang mga ito. Pero hindi niya alam kung hanggang saan magtitiis ang mga ito sa ganoong sistema. Kailangan na niyang makaisip ng paraan upang bumalik sa dati ang lahat. Hindi niya alam kung hanggang kailan makakapagtiis ang mga tauhan niya, lalo pa at may binubuhay ang mga ito na kaniya-kaniyang pamilya.
Kailangan niyang masolusyunan ang krisis na iyon sa lalong madaling panahon; nang hindi niya kailangang ibenta kahit katiting na parte ng farm.
"Hi, Ms. Anita. Mukhang may bisita na naman ho kayo," nakangiting pagbati sa kaniya ni Manong Celso, ang isa sa mga guard nila. Matagal na rin itong nagtratrabaho para sa kanilang pamilya.
"Oho, Manong Celso. Nasaan ho siya?"
"Ah, nasa labas ho Ma'am. E hindi ko na ho pinapasok tulad ng sinabi ninyo."
"Opo, tama po iyon." Nung huli kasing pumunta roon ang bwisita niya ay pumitas lang naman ito ng hindi nito dapat pitasin. At talagang isang bungkos pa.
Pagkalabas na pagkalabas niya ng gate ay kita na kaagad niya ang isang babaeng nakatayo sa tabi ng isang company car. Kulay puting tube ang suot nito na pinartneran ng maiksing kulay itim na palda, at kulay itim din na coat. Mas mahaba pa ang coat nito sa hapit na hapit nitong palda at halos lumuwa na ang dibdib.
Hay... kung pwede lang niya itong bigyan ng isa sa mga bestida niya. Kaya lang, bukod sa puro purple ang mga damit niya, ay halata namang hindi ito nagsusuot ng mga tipo niyang damit. Ang maganda lang sa paningin niya ay ang kulay ube nitong sapatos na hindi bagay sa suot nito.
Abala ang babae sa paglalagay ng lipstick sa pulang-pula na nitong labi. Natigilan ito nang makitang nakatingin na siya rito at magkakrus ang mga braso.
"Ay. Hi, Miss Anita. Kanina pa po ba kayo nandiyan?" tanong nito.
Umiling-iling siya at ngumiti pa rin dito. "Hindi naman," aniya. "Bumalik ka na naman. Hindi ka pa ba napapagod? Malayo ang Maynila rito."
Ano nga pala ang pangalan nito? Jaya? Jena? Jana? Ah, hindi pa rin niya matandaan kahit na ilang beses na ito nagpunta sa farm niya.
"Ay hindi naman, Miss. Alam mo mas nakakapagod marinig ang pagsusungit ng amo ko kapag hindi ako magpunta rito." Napapailing na sabi nito bago inilagay ang lipstick sa purse nito. "Alam mo kasi Miss Anita, maginoong barumbado kasi ang boss ko. Naku, type na type ko talaga iyon. Ilang linggo na nga akong nagpapapansin doon, hindi pa rin magtagumpay ang beauty ko."
Alanganin na lamang siya ngumiti sa sinabi nito. Sa totoo lang, wala naman talaga siyang pakialam sa sinasabi nito. Ang gusto lamang niya ay huwag na bumalik sa farm niya ang sinumang may kinalaman sa La Panaderia, at tigilan na ang pangungulit sa kaniya.
"What are you going to offer this time?" tanong niya.
"Ay, Miss Anita? Interested ka na? Naku, tumataginting na two point five million na." Isinenyas pa nito ang dalawang daliri sa kaliwang kamay, at limang daliri naman sa kanan.
Tempting. Ngunit hindi na talaga magbabago ang isip niya. Kahit na dumadaan pa ngayon sa krisis ang farm niya, hindi niya iyon basta-basta ipapaubaya. Dahil napakatagal ding pinaghirapan ng mga magulang niya na maitaguyod iyon. Isa pa, they already established a name inside and outside of the country. Hindi niya pwedeng pabayaaan ang apelyidong kasamang ipinamana sa kaniya ng yumaong mga magulang.
"I appreciate that offer. Really. But my decision was final—"
"Hep! Teka lang." Napakurap-kurap siya nang pigilan nito ang sasabihin niya. "Miss Anita, please pag-isipan mo muna o. Kahit basahin mo na lang muna itong kontrata na dala ko," nagmamadali nitong kinuha ang kulay brown na envelope sa loob ng sasakyan at iniabot iyon sa kaniya; na halatang importanteng dokumento ang laman dahil sa kapal niyon.
"Uhm..." Alanganin siyang napatingin sa hawak na envelope.
"Kahit hindi mo muna pirmahan. Kahit basahin mo lang, please. Baka sakaling magbago pa ang isip mo."
Napatitig siya sa halos magmakaawa na nitong mukha at napabuntong-hininga na lamang. "Okay. I'll at least read it. Pero hindi ako nangangako ha?"
"Okay lang 'yun, Miss. Kailangan ko lang talagang may mai-report sa boss ko. Baka bigla na lang akong sisantehin e. Tirador pa naman ng mga secretary 'yon. Walang ura-urada kung magtanggal ng mga tauhan."
Kumunot ang noo niya. "He does not sound like a nice person, but you're still working for him." Hindi niya mapigilang komento.
"Okay lang 'yon. Naniniwala pa rin akong siya na ang Prince Charming ko. Buruin mo, guwapo na, makarisma, at higit sa lahat, mapera. Kaya kailangan ko talagang magtagal sa trabaho at mabihag ang puso niya. Pag nangyari iyon, paniguradong magbubuhay prinsesa na ako at hindi na kailangang magtrabaho."
Ah, iyon naman pala. Hitting two birds in one stone. Guwapo at mayaman na asawa. Sino ba namang may ayaw niyon? Siya lang yata. Mas gusto lamang niyang tumanda kasama ang mga lavender at mga pusa niya. Problema lang ang dala ng mga lalaki sa buhay niya. Ang tanging lalaki lang na hindi naghatid ng sakit ng ulo sa kaniya ay ang kaniyang ama.
Her father is literally her savior. Kung hindi dahil dito, baka wala siya sa kinalalagyan niya ngayon.
Lihim na lamang siyang napapalatak sa sinasabi ng babae. Siguro iyon din ang dahilan kung bakit hindi niya magawang tanggapin ang offer sa kaniya ng La Panaderia. The woman does not have any professionalism in her bones. Mas nauuna pa nitong i-discuss sa kaniya ang plano nitong mapaibig ang amo nito kaysa sa benefits na makukuha niya sakaling pumayag siyang ipagbili ang parte ng kaniyang lupa. Parang hindi kliyente ang kaharap nito.
Wala naman siyang problema sa pagiging feeling close nito. Ngunit sana'y umakto at ipakita nito sa kaniya na parte ito ng isang malaking kumpanya. But no. This girl is more immersed on her daydream with her boss; the boss who's clearly a rude person based on her description.
"Good luck on your plan," aniya.
"Naku, thank you Miss Anita. Kaso lang medyo galit talaga sa tao iyong boss ko. Pero sure ako mapapansin na niya ako kapag napapayag kita sa deal na hinihiling niya. Miss Anita, baka naman may tip ka na pwedeng ibigay sa akin. Ano ba ang dapat naming gawin para pumayag ka na."
Galit sa tao? Hm? "Tell your boss to negotiate with me personally. Baka sakaling pumayag pa ako kapag siya ang nag-discuss ng deal na ito sa akin."
She just said the impossible. May naririnig kasi siyang usap-usapan mula sa mga empleyado niya na may sumpa raw ang acting CEO ng La Panaderia. That he hate anything associated with purple. What a lame curse. Galit ito sa iisang kulay? The guy must be crazy. Napapailing-iling na lamang siya sa pagka-judgemental ng sarili niyang utak.
Of course, everything has a reason. Pero kung anuman ang rason nito, wala siyang pakialam doon. Ang mahalaga, hindi niya ibebenta ang lupa niya. Tapos ang usapan.
"Ha? E... sige sasabihin ko iyan sa kaniya. Kaso lang, Miss Anita, medyo malabo kasing mangyari iyan." Medyo yumukod ito sa kaniya na animo'y isang chismosa na may hatid na chismis. "Galit sa ano iyon e... alam mo na... sa kulay ng mga bulaklak mo."
I knew it. Those rumors are true. Talagang galit sa paborito niyang kulay ang lalaking iyon. Then the deal will never happen. Hangga't hindi ito ang naglalakas loob na pumunta sa farm niya, hindi magbabago ang desisyon niya.
"Ewan ko nga roon kung bakit ganoon iyong si Sir Enrique. May pinanghuhugutan yata..." Nagsimula na namang rumatsada ang bibig ng babae. Kung anu-ano ang ikinukuwento nito na hindi naman talaga niya maintindihan. Nang hindi pa rin ito tumigil sa pagsasalita ay nagpaalam na siya rito.
"I'll go ahead. I'm really busy and I can't waste any time," aniya, pero parang hindi iyon narinig ng babae dahil patuloy pa rin ito sa pangangarap nito nang gising. Walang sabi-sabi na niya itong tinalikuran at pumasok sa gate. Tila natauhan lamang nito nang marinig na malakas na pagsara niya sa gate.
"Miss Anita?" Pagtawag nito ngunit nagbingi-bingihan siya. "Teka, Miss Anita. Hindi pa tayo nakakapag-usap. Miss Anita!" Hindi na niya ito pinansin.
Nagtuloy-tuloy siya ng lakad hanggang marating niya ang kumpol ng mga empleyado niya na nagmemeryenda sa kubo. Binati siya ng mga ito at niyayang kumain. Magalang naman siyang tumanggi at nagpaalam sa mga ito na iidlip muna siya sandali. Umuwi siya sa bahay niya sa tuktok ng burol. Hinubad niya ang bota at iniwan iyon sa labas ng pintuan. Pagkapasok niya ay agad niyang ini-lock ang pinto.
Napatitig pa siya saglit sa brown envelope na hawak, bago napapailing-iling na ibinaba iyon sa center table, kasama na ang iba pang brown envelope na nauna nang ipinadala sa kaniya noon ng La Panaderia. Lahat ng mga iyon ay sarado pa hanggang ngayon dahil ni minsan ay hindi siya nagkaroon ng interes na basahin ang mga iyon.
Nagtungo siya sa banyo at pinuno ng maligamgam na tubig ang bathtub. Hinayaan lamang niyang nakabukas ang pinto ng banyo dahil kampante siya, at wala namang ibang tao roon. Nilagyan niya iyon ng bubble bath soap na gawa mismo ng planta niya. Humalimuyak ang amoy ng lavender sa buong banyo niya. Nang mahubad niya ang lahat ng kaniyang kasuotan ay tinalian niya ang buhok, at saka niya ibinabad ang sarili sa mabulang tubig.
Sa ganoong pagkakataon nare-relax ang utak niya, at sa ganoong pagkakataon din siya nakakapag-isip-isip. At heto na nga, pumasok na naman sa isip niya ang kinahaharap ng farm niya. Kailangan niyang masolusyunan ang problema ng planta. Ngunit paano...? Kanino siya hihingi ng tulong? At sa tanong na iyon, iisa lamang ang taong pumasok sa isip niya. Ang taong matagal na niyang hindi nakikita dahil sa galit nito sa kaniya.
Ang kaniyang nakatatandang kapatid.
Matagal na silang hindi nagkikita ng kuya niya dahil kinamumuhian siya nito. Kahit buhay pa noon ang kanilang mga magulang ay wala na itong kaamor-amor sa kaniya. At mas lumala pa nga iyon nang mamatay ang kanilang mga magulang at ipinamana sa kaniya ang buong planta. She can't really get a help from him. And she is pretty sure that he will never give her any help either. Paniguradong ipapahiya lamang siya nito kapag nagpunta siya sa kumpanya. She does not really want that to happen again.
Mula sa loob ng banyo ay napatitig siya sa brown envelope na nasa mababang mesa. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata pagkatapos niyon, at saka hinayaan ang sarili na tangayin ng antok. Ngunit bago tuluyang makatulog ay iisang tanong ang nasa isip niya: should she read that document?