PROLOGUE
"Hoy, Jazel! Alam kong nasa loob ka! Lumabas ka rito!"
Kumagat ako ng mansanas na kalahating bulok na pero wala akong pake kasi kanina pa tumutunog ang dragon sa tiyan ko. Kawawa naman kaninang umaga pa ako hindi kumakain kaya naiintindihan ko siya.
"Malanding babaeng nangangalang Jazel lumabas ka rito! Gold digger! Hindot! Makati! Bayaran mo ang utang mo hindi 'yung puro landi inaatupag mo!"
Kinuha ko ang baso na may lamang tubig sa lamesa at ininom iyon. Habang umiinom ay sinusuri ko ang mansanas na kinakain ko pero puro bulok na ang natira kaya tinapon ko na lang palabas ng bintana.
"Aray!"
Edi tumama sayo, t*ngina ka. Ingay ng ingay parang baboy. Minsan talaga hindi ko maintindihan ang ibang tao, lalo na 'tong mga kapitbahay ko na laging sumisigaw sa harap ng bahay para maningil ng utang.
Alam kong wala akong karapatang sabihin 'to kasi ako ang may utang pero hindi ba sila marunong umintindi na gipit ako? Isang mansanas na nga lang ang nakain ko ngayong araw tapos bulok pa ang kalahati.
At kung makabanggit naman sa kalandian ko parang hindi rin naman lumalandi! Ang tatanga, hindi ko nga pinoproblema ang kalandian ko tapos sila naha-high blood na. Ikamatay sana nila.
"Hoy, Jazel! Babalik ako bukas ng umaga at magdadala ako ng pulis! Kung hindi ka pa makakapagbayad ipapakulong na kita!" huling sigaw na narinig ko bago ang katahimikan.
Tumayo ako sa kinauupuan ko at pumasok sa kwarto. Hinila ko mula sa ilalim ng maliit kong kama ang maliit na maleta at binuksan iyon. Nakahanda na ang mga damit ko para sa pag alis, pera na lang ang kulang.
Hayup na buhay. Para sa akin hindi totoo ang kasabihang ‘money can't buy us happiness’ kasi sa sitwasyon ko ngayon, pera na lang ang sulosyon sa lahat ng problema ko at kapag wala na akong problema magiging masaya na ako! Kung sana magkahimala at umulan ng pera 'yung sa bubong ko lang uulan at sa akin lang pupunta.
Mukha lang akong walang pake sa taong sumisigaw sa labas na inuutangan ko pero ang totoo, sumasakit na ang ulo ko kaiisip kung saan ako kukuha ng ipamababayad. Ni wala na nga akong pera pambili ng tinapay o tubig, ipambabayad pa kaya?
Natigil ang pag-iisip ko nang makarinig ako ng malakas na katok sa pintuan. Sobrang lakas ng katok na parang ikakasira na ng pintuan namin. Masyado na kasing luma ang bahay kaya madali lang itong masira kung pipilit na papasok ang gustong pumasok. Dahan-dahan akong lumapit sa pinto ng kwarto ko at sinilip ang pintuan sa sala kung saan may kumakatok. Nanlaki ang mga mata ko nang makita sa maliit na butas ang mga lalaking may malalaking katawan. Kung hindi ako nagkakamali, mga tauhan iyon ng mga Dizon at nandito sila para singilin din ako ng utang.
Agad akong bumalik sa kama at naghanap ng matataguan. Sobrang pag-iingat ang ginawa ko dahil baka makasagi ako ng bagay na makagawa ng ingay at marinig nila ako mula sa labas. Ayaw kong magpakita sa kanila. Sila ang huling taong haharapin ko sa lahat ng naghahanap sa akin.
Gagapang na sana ako papunta sa ilalim ng maliit kong kama nang bigla na lang huminto ang malakas na pagkatok na parang ikakasira na ng pintuan. Kinabahan ako lalo. Nakapasok na ba sila?
Pero nakahinga ako ng maluwag nang makita ang kaibigan kong si Pia na pumasok sa kwarto ko.
"Sabi ko na nandito ka talaga," aniya sa mahinang boses.
"Anong nangyari sa labas?" tanong ko sa kanya at umayos ng tayo.
"Mga tauhan ng Dizon, sis, hinahanap ka na naman. Ayaw mag move on sa utang mo, kung makasingil parang wala kayong pinagsamahan."
Umirap ako at umupo sa kama. Siya naman ay sa silya na malapit sa bintana.
"Wala akong utang sa kanila at wala naman talaga kaming pinagsamahan. Ang kapal ng mukha nilang maningil, kahit kailan wala akong ginastos na pera galing sa mga palad nila, 'no," sagot ko. Totoo naman 'yon, kaya lang naman ako natatakot at nagtatago kasi nananakit sila. Mga hayup talaga.
"Hays. Anyway, buti naniwala sa akin ang mga kumakatok kanina na nasa bayan ka at nagpaparebond ng buhok kaya doon ka nila pupuntahan," aniya at binigay sa akin ang hawak niyang cellophane.
Natakam ako nang makita ko ang turon na nasa loob kaya agad ko iyong kinain. Habang kumakain ako, nagsasalita naman siya.
"Wala ka sana sa napakahirap na sitwasyon na 'to kung hindi lang dahil sa boyfriend mo."
"Ex,” pagtatama ‘ko.
"Oo na, gano'n rin 'yon. Boyfriend or not, gago talaga si Jared. Ang kapal ng mukha niyang mambabae at lokohin ka tapos ikaw pa ang tinawag na malandi at gold digger ng pamilya niya. Mga Dizon talaga, mga dimonyo,” nanggigigil niyang sabi habang pinapaypayan ang sarili.
Hindi ako sumagot. Paulit-ulit na lang rin naman ang topic namin na 'to. As usual, galit na galit siya kapag naaalala niya 'yon dahil alam niya ang hirap ng pinagdaanan ko pagkatapos naming maghiwalay ng ex-boyfriend kong si Jared Dizon.
Simula noong 2nd year highschool ako ay kami na habang 4th year naman siya no'n. Matino naman siya noong una, walang bisyo at alam kong mahal na mahal niya ako. Hindi ko lang alam kung bakit noong nag 2nd year college ako bigla na lang siyang nagbago. Nakakagulat dahil dati hindi siya umiinom at naninigarilyo pero isang araw, sinundo niya ako sa eskwelahan na lasing at amoy yosi. Nagtuloy-tuloy ang gano'n niyang bisyo hanggang sa pambababae na ang ginagawa niya.
Ang masaklap, ako pa ang naging masama kasi kaya raw naging gano'n si Jared dahil sa akin. Nilalandi ko raw kasi ang mga kaklase ko kaya lumandi rin sa iba ang boyfriend ko. Tapos ang ginagamit ko raw na pambayad sa school at pambili ng pagkain ay galing din sa kanya. Lahat daw ng pera na hawak ko, galing kay Jared.
Ang mahirap sa part na 'yon, pamilya niya ang nagkalat ng chismis.
Siniraan nila ako kaya natanggal ako sa part time job ko sa isang Milktea Shop. Utang ako ng utang para mapakain ang sarili ko pati na ang tatay ko at hindi na ako nakapag-aral ng tuluyan dahil hindi ko na nababayaran ang dapat bayaran. In short, nabaon ako ng utang dahil sa pamilyang Dizon, ang pamilya ng ex ko na babaero. Anak ng tangina talaga. Handa silang manira ng ibang tao para lang matawag na biktima ang anak nila. Ito namang mga taong bayan na uto-uto, naniwala rin. Mga hinayupak.
Tanda ko pa na nag viral ako sa f*******: dahil umano sa panlolokong ginawa ko kay Jared. Unbothered naman ako doon, wala akong pake kung mag viral pa ng ilang beses 'yan, tanga na lang talaga ang maniniwala sa one sided story. Pero kasi, dahil sa pinanggagawa nila, wasak na wasak na ang buhay ko. Walang-wala na ako.
"Tulala ka, hoy." Pumalakpak si Pia sa harapan ko kaya natigil ako sa pag-iisip.
Mabuti na lang meron akong katulad niya na tumutulong sa akin kahit papaano. Though pareho lang rin kaming mahirap, pero hindi siya naging madamot para bigyan ako ng kung anong mayroon siya. Siya rin ang nagbabalita sa akin sa mga nangyayari online kasi wala naman akong cellphone.
"Iniisip ko lang kung lalabas ba ako mamaya,” palusot ko.
"Gaga, gusto mo bang maging laman ng chismis ng mga chismosa, maging pulutan ng mga tambay at kapitbahay?" Nilakihan niya ako ng mga mata.
Umirap ako at humiga sa kama. "Pake ko naman. Para namang hindi pa ako nasanay. Isa pa, why bother?"
"Olrayt, sis. Bakit ka nga ba ma-ba-bother. Isa ka palang unbothered sa mga chismis! Hays, nakakatuwa ka talaga!" sarkastiko niyang sabi.
Bumangon ako ulit at tinignan ang maleta ko. "Aalis na rin naman ako, Pia. Baka kasi ma-miss nila ang maganda kong mukha kapag nawala na ako rito. Medyo matagal pa ako makakabalik, siguro kapag mayaman na ako. Babayaran ko na ang utang ko kay Marites para hindi ko na siya matatamaan ng bulok na mansanas tuwing maniningil siya sa labas ng bahay."
Nagpasya na akong aalis muna rito sa probinsya namin hindi para makaiwas sa chismosang kapitbahay. Sabi ko nga, wala akong pake sa kanila. Wala naman silang alam. Mga one sided na putak ng putak. Pupunta na lang muna ako ng Maynila para maghanap doon ng trabaho, dito kasi ay wala ng tumatanggap sa akin dahil nga sa paninira ng mga Dizon. Kung hindi ako gagalaw at maghahanap ng trabaho baka pumayat si Marites at ang iba ko pang pinagkakautangan dahil hindi na ako nakabayad ng utang!
"Oh ito." Bigla niyang hinila ang kamay ko at may binigay na sobre.
"Ano naman 'to?" tanong ko at binuksan 'yon. Nagulat ako sa nakita ko.
"Sabi mo nga gusto mong umalis, alam kong makakahanap ka ng magandang trabaho doon at babayaran mo lahat ng inutangan mo. Gusto kitang tulungan hanggang sa makabalik ka ulit sa dati mong buhay na mas masaya pa doon," aniya at ngumiti sa akin. Kumikislap ang mga mata niya na parang may namumuong luha.
"Pia..."
Hindi ko alam ang sasabihin. Pera ang laman ng sobre. Sapat na para makabili ako ng ticket at makabili ng pagkain. Hindi ko alam kung paano ko siya pasasalamatan. Working student lang rin siya katulad ko noon. Ang maganda sa kanya, magaling siyang mag-ipon at sigurado akong ipon niya itong nilahad niya sa 'kin.
"Alam ko, Jazel na mabuti kang tao. Kahit minsan wala kang pakialam. Alam ‘kong gagawa ka ng paraan para bumalik sa dati ang buhay mo. Bayaran mo na lang ako kapag nakaluwag-luwag ka na, ha? Inipon ko kaya 'yan ng ilang buwan."
Sabay kaming natawa sa sinabi niya. Tumango ako at nagyakapan kami. Mami-miss ko siya. Babawi ako sa lahat ng binigay niyang kabutihan sa akin, kahit anong mangyari.
"Jazel!"
Napabitaw ako kay Pia nang marinig ang boses ni Tatay.
Tinignan ko ang kaibigan ko. "Umuwi ka na, Pia. Magkita na lang tayo mamayang madaling araw sa sakayan ng bus," sabi ko sa kanya.
"Pero paano kapag---"
"Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala kay Tatay." Ngumiti ako at tinapik ang balikat niya.
Sabay kaming lumabas ng kwarto. Hinatid ko siya sa may pintuan at mabilis na sinara 'yon nang makalabas na siya bago ako lumapit kay Tatay na nakaupo sa nag-iisang silya na nasa kusina habang nakapikit ang mga mata. Lasing na naman.
"'Tay..." tawag ko sa kanya.
Minulat niya ang mga mata niya at mabilis na tumayo nang makita ako. Agad akong napaatras dahil parang matutumba na siya sa kinatatayuan niya.
"'Tay, umupo--- ahh!"
Nakaramdam ako ng hapdi sa mukha nang tumama ang kamay niya sa pisnge ko. Pakiramdam ko ay dumudugo na ang labi ko dahil sa lakas ng sampal.
"Big... bigyan mo 'ko ng phera.” Nauutal ang boses niya dahil sa kalasingan pero ang mata niyang tumitingin sa akin ay nagsasabi na wala siyang pakialam kahit sinampal niya ang anak niya.
Gano'n siyang tao. Sasampalin niya ako para humingi ng pera kahit alam naman ng lahat na wala akong mapagkukunan no'n. Wala lang sa kanya na pinag-uusapan ako ng mga tao sa harapan niya. May pinagmanahan nga talaga ako.
"Wala akong pera 'tay, alam mo---"
Sinampal na naman niya ako ulit. Hindi na ako nagulat kasi naumpisahan na niya. Aware akong sasampalin niya ako ulit.
"Shinungaling kang bata ka! Ano... anong walang phera? Mayaman ‘yung shota mo doon ka humingi! Minsan... minsan lang humingi ang tatay mo hindi mo pa mabigyan! Walang kwenta! Madamot!"
Palihim akong umirap. Sa sobrang kalasingan niya ata nakalimutan na niyang wala na kami ni Jared. Well, hindi ako sure kung nakalimutan niya ba kasi wala naman siyang pake sa nangyayari sa buhay ko.
Namatay si Nanay dahil sa breast cancer at simula noon ay naging ganito na ang ugali ni Tatay. Malamang sinisisi niya ako kasi hindi naoperahan si Nanay dahil sa akin. Nagkataon kasi na kailangang mabayaran ang utang sa eskwelahan dahil kapag hindi, hindi ako makakagraduate. Hindi ko alam na binayad pala ni Nanay sa school ang pera na dapat gagamitin niya sa operasyon niya.
"Bigyan mo ako ng pera, Jazel! Kung hindi, isusunod kita sa Nanay mo!" galit na sigaw ni Tatay.
Napabuntong hininga ako. "Wala nga, 'Tay. Wala akong trabaho kaya wala akong pera."
Hindi naman pwedeng ibigay ko sa kanya ang pinahiram sa akin ni Pia.
Sinampal na naman niya ako. Sigurado akong namamaga na ang pisnge ko dahil sa mga sampal niya.
"Humingi ka sa kasintahan mo! Huwag kang madamot sa tatay mo!"
"Hindi ako nagdadamot, 'Tay!" Hindi ko naiwasang itaas ang boses ko.
Kahit galit ako sa kanya at nananakit siya, nagtitiis lang ako kasi sinisisi ko rin ang sarili ko kung bakit siya nagkaganyan pero gusto ko din ipagtanggol ang sarili ko.
"Anong sabi mo?!" galit niyang tanong.
"Sabi ko, hindi po ako nagdadamot. Binibigay ko naman sa inyo kung anong mayroon ako kahit alam kong sa alak lang mapupunta at hindi pagkain para dito sa bahay! Nakikita niyo pa ba itong tinitirahan natin? Kaunting ulan lang sira na 'to, pero ano nga bang pake niyo? Mas importante para sa inyo ang ala---"
Sinampal na naman niya ako.
"Kung nagrereklamo ka manghingi ka ng pera sa kasintahan mo! Pakasalan mo siya para yumaman tayo!"
"Wala na kami, 'Tay! Wala na kami! Ilang beses ko bang uulitin?! Niloko niya ako! Pinagpalit niya ako! Sinaktan niya ako! Sinayang niya ang ilang taong relasyon namin!" Lumabas ang gigil sa boses ko.
"Makipagbalikan ka! Gamitin mo ang utak mo, Jazel!"
Napanganga ako. Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. "Ano? M-makipagbalikan? Hindi mo ba ako narinig, ‘Tay? Hindi mo rin ba naririnig ang sarili mo? Sinira na niya ang buhay ko! Walang-wala na ako dahil sa kanya! Ngayon hinahabol pa ako ng pamilya niya dahil sa inutang mong pera sa kanila! Dinagdagan mo lang ang problema ko, ‘Tay! Sira din ang buhay ko dahil sa inyo!"
Ang sumunod na nangyari ay naging dahilan kaya ako natumba sa malamig na sahig habang umiiyak. Ngayon na lang ulit ako umiyak matapos ang ilang gabing pagdamdam ng ginawa sa akin ni Jared noon.
Nalalasahan ko na ang dugo na galing sa loob ng bibig ko dulot nang pag-sapak niya sa akin.
"Papatayin kita! Papatayin kita!" paulit-ulit niyang sigaw habang binabato ang mga kagamitan sa loob ng kusina.
Hinahanap niya ang kutsilyo, sigurado ako.
"Jazel!"
Boses 'yon ni Pia. Naramdaman kong hinawakan niya ang dalawang kamay ko at inalalayan akong tumayo. Nahihilo ako dahil sa pag-sapak ni Tatay.
"Halika ka na, Jazel. Umalis na tayo baka ano pang gawin sayo ng tatay mo!"
Hindi na ako umangal nang hilahin niya ako palabas ng bahay habang bitbit niya sa isa niyang kamay ang maleta ‘ko na hindi naman gaanong mabigat.
Blur ang paningin ko dahil sa mga luhang walang tigil sa pag tulo pero hindi ako tumigil sa pagtakbo kasama ang kaibigan ko. Narinig kong sinisigaw ni Tatay ang pangalan ko mula sa bahay na parang nabaliw kasi bigla akong nawala sa harapan niya.
"Mabuti na lang hindi ako umuwi agad! Hindi ko alam ang gagawin kung may nangyaring masama sayo, Jazel. Nakakaloka!"
Huminto kami sa waiting shed para magpahinga matapos ang mahaba naming tinakbo. Gabi na at wala nang dumadaan maliban sa iilang sasakyan katulad ng tricycle.
"S-salamat..." 'yon lang ang nasabi ko. Hanggang ngayon ay tumutulo pa rin ang luha ko at ayaw tumigil.
Sa totoo lang hindi ko na alam ang gagawin. Pagod na rin ako sa nangyayari. Nasasaktan rin ang puso ko dahil kay Jared at kay Tatay. Pareho ko silang mahal, pareho lang din nila akong binigyan ng masamang alaala.
"Magiging okay ang lahat, Jazel. Dadating ang araw magsisisi ang Tatay mo sa ginawa niya sa’yo. Sa pananakit at pag utang ng malaking halaga sa mga Dizon gamit ang pangalan mo. Tuloy ikaw ang hinahabol ngayon,” pag-aalo ni Pia habang inaayos ang buhok ko.
Tahimik akong nagdadasal na sana nga dumating ang araw na magiging maayos rin ang lahat. Na masubukan ko ulit maging masaya.
"Jazel?"
Tumayo ang balahibo ko nang marinig ang boses na 'yon. Dahan-dahan kong tinaas ang ulo ko at nakita ko si Jared na nakatingin sa akin.
"Anong kailangan mo sa kanya?!" Hinila ako ni Pia at tinago sa likuran niya. "Huwag kang lalapit, Jared! Huwag kang magkakamaling hawakan ang kaibigan ko!"
Nakita kong umiling ito. "No, mag-uusap lang kami. Please, Jazel. Let's talk."
Nagulat ako nang takbuhin niya ako sa likod ni Pia at hinila ako mula sa kaibigan ko. Napa-aray ako dahil sa sakit ng pagkakahawak niya.
"Bitawan mo ako, Jared!" sigaw ko.
"Mag-uusap tayo, Jazel!" aniya.
"Wala tayong pag-uusapan! Bitawan mo ako! Tapos na tayo!"
Umiling siya. "No, we're not. Akin ka lang! Akin ka lang!"
Nanlaki ang mga mata ko nang subukan niya akong halikan na para na niya akong ginagahasa. Tumulo na naman ang mga luha ko dahil sa galit.
"Bitawan mo siya!"
Nabitawan niya ako nang bigla na lang siyang bumulagta sa daan. Nakita ko si Pia na may hawak na kahoy at iyon ang ginamit niyang pang-hampas kay Jared.
"Umalis ka na, Jazel. May paparating na tricycle, magpahatid ka agad sa airport at lumipad ka na papuntang Maynila," natatarantang aniya habang mahigpit na hinahawakan ang kamay ko.
"P-pia... paano.. paano ka?" naiiyak ‘kong tanong.
Hindi ko na alam ang gagawin!
"Kaya ko na 'to. Hindi naman 'yan patay, e. Gigising din 'yan kaya umalis ka na habang tulog pa siya!"
Narinig ko na ang tunog ng papalapit na tricycle kaya mas lalong lumakas ang iyak ko. Para akong bata na ayaw mahiwalay sa nanay.
"Ichachat kita. Maraming internet-an sa Maynila, mag chat tayo araw-araw," aniya at binigay sa akin ang maleta ko.
Tumango ako at niyakap siya. "S-salamat talaga, Pia. Babalik ako dito, isasama kita sa Maynila kapag nagkaroon na ako ng trabaho."
Ngumiti siya. "Nandito lang ako. Ako na ang bahala sa mga naiwan mo."
Sumakay ako sa tricycle pero hindi ko pa rin binibitawan ang kamay niya.
"Alis na kayo, Kuya. Hatid mo siya ng ligtas sa sakayan, kilala ko mukha mo kaya kapag may nangyari dito sa kaibigan ko lagot ka sa 'kin," sabi niya pa sa driver.
Lalo akong naiyak nang umandar na ang tricycle at naghiwalay na ang mga kamay namin.
Pinapangako ko sa sarili ko, pagbubutihin ko ang pag tatrabaho sa Maynila para masuklian ang pagtulong sa akin ng kaibigan ko. Gagawin ko lahat ng matinong trabaho kahit gaano kahirap basta makaahon lang ako ulit.