CHAPTER 01

4055 Words
"Pasensya na, Jazel, hindi ko rin kasi alam na babalik pa 'yong pinalitan mo, e. Hindi ko naman siya pwedeng paalisin ng tuluyan kasi matagal na siya rito na nagtatrabaho." Napabuntong hininga na lang ako sa huling sinabi ng manager ng pinagtatrabahuan ko or should I say dating pinagtatrabahuan. Isa iyong laundry shop at ilang araw pa lang ako doon pero ngayon nasa kalsada na naman ako't naghahanap ng panibagong trabaho. Nakakapagod mag lakad sa ilalim ng mainit na araw. Hindi ako sanay kasi hindi naman ganito sa probinsya namin. Sumasabay pa ang usok at ingay ng mga sasakyan na kinakasakit ng ulo ko. Parang gusto ko na lang umuwi sa maliit kong apartment at humiga sa maliit at matigas kong kama. Kaso naalala ko na kapag hindi ako makakahanap ng panibagong trabaho, wala na akong kakainin sa susunod na araw. Kakasimula pa lang kasi ng buwan at binayad ko na sa renta ng maliit kong apartment ang sweldo ko sa laundry shop. Minsan tinitipid ko na ang sarili ko sa pagkain pero hindi nakakaganda sa katawan kasi ang bilis kong manghina kapag hindi ako nakakain ng maayos. Kailangan ko rin pala na ingatan ang sarili ko kasi mas lalong lalaki ang gastos kapag may nangyari sa 'kin. Kapag papunta sa trabaho hindi na ako sumasakay ng jeep. Gigising na lang ako ng maaga para lakarin ang pinagtatrabahuan ko para hindi na ako gagastos sa pamasahe at exercise na rin. Lalo akong pumayat simula noong umalis ako ng probinsya. Ayos lang naman kasi hindi naman pangit tignan ang katawan ko. Katunayan ay pinupuri pa ako ng may-ari ng apartment na tinitirhan ko dahil ang sexy daw ng katawan ko. "Kumusta ang trabaho, Jazel?" tanong sa akin ni Manang Tanya nang makauwi ako alas syete na ng gabi. Nakasalubong ko siya sa harap ng gate, mukhang galing sa palengke. Siya ang may-ari ng tinutuluyan ko. "Magandang gabi, Manang Tanya. Natanggal po ako sa trabaho," sagot ko at tumawa. Itinawa ko na lang ang pagod na nararamdaman ko. "Oh, bakit? Ano na naman ang dahilan at bakit natanggal ka na naman sa trabaho?" tanong niya. Sabay kaming pumasok sa gate. "Bumalik kasi 'yong dating nagtatrabaho doon na pinalitan ‘ko." Tumaas naman ang kilay niya. "Bumalik? Eh, ‘di ibig sabihin umalis na siya? Bakit pa nila tinaggap ulit kung umalis na? Dapat kung umalis na, hindi na welcome bumalik!" Natawa ako. Ang swerte ko lang na dito ako nakatira sa apartment niya. Mabait kasi si Manang Tanya at joker na medyo sad girl din minsan. Alam niyang gipit ako kaya hindi niya ako pinipilit na mag bayad ng renta pero alam ko rin na gipit siya. Baon din siya sa utang katulad ko kaya tuwing nakakasahod ako, inuuna ko ang pag bayad sa kanya ng renta. "Hindi kasi, Manang, matagal na palang nagtatrabaho doon 'yon kaya hinayaan nilang bumalik," sagot ko. "Oh, e, paano ka niyan?" Bumuntong hininga ako. "Hindi ko po alam, baka babalik na lang ako doon sa karenderya---" "Eh, paano kung bastusin ka ulit?" Napabuntong hininga ako ulit. Oo nga. Ayaw ‘ko rin 'yon. Noong isang buwan kasi nagkaroon ako ng trabaho sa isang karenderya. Malaki ang sweldo ko kasi ang daming costumers na kumakain doon. Naghahatid ako ng mga pagkain at naglilinis ng mesa kapag tapos nang kumain ang costumer. Confident naman akong maganda ako at maganda rin ang katawan kaya hindi na ako nagugulat kapag may mga lalaki akong naaagawan ng atensyon kahit wala naman akong ginagawa. May mga lalaking araw-araw kumakain sa karenderya na 'yon at tingin sila ng tingin sa akin tuwing nandoon sila. Minsan kahit wala silang plano kumain tumatambay sila doon para tignan ako. Wala namang problema. Hindi naman ako nabobother sa tingin kasi pinanganak akong walang pake sa tingin ng mga tao sa akin kahit alam kong binabastos na nila ako sa mga utak nila. Hindi ako nagre-react kasi tumitingin lang naman sila. Pero isang araw, nang hinatid ko ang order nilang pagkain, hinawakan nang isa sa kanila ang pwet ko. Akala ko pa noon naaksidente lang ang kamay niya pero hindi na okay para sa’kin 'yon. Nagtawanan silang magkaibagan at gano'n na lang ang gulat ko nang hawakan ng kaparehong lalaki ang dibdib ko habang tumatawa. Alam kong sinadya niya 'yon kaya mabilis kong kinuha ang order nilang ulam sa lamesa at binuhos 'yon sa lalaki. Hindi ko naman alam na kapatid pala 'yon ng may-ari ng karenderya. Nakipag-areglo sila. May sakit pala 'yong lalaki, literal na manyak, nasa katauhan na pala. Sabi pa no'ng may-ari ng karenderya na kung gusto ko pa raw mag-trabaho doon, pagtitiisan ko na lang daw ang pangmamanyak ng kapatid niya. So umalis ako. Hello, bakit ako magtitiis sa manyak? Wala akong problema kung titingin lang pero hinawakan na ako, hindi na okay 'yon. Hays. Bakit ko ba naisipang bumalik doon? "Gigising ako ng maaga bukas para maghanap na naman ng bagong trabaho. Kailangan ko ng malaking sahod para makapag-ipon na ako ng malaki," sabi ko kay Manang Tanya. "Tama 'yan. Sana nga makahanap ka ng trabahong malaki ang sahod. Hay naku, kahit ang laki na ng problema mo ang ganda mo pa rin." Ngumiti ako. " Salamat, Manang. Aakyat na po ako." Tumango siya kaya umakyat na ako papunta sa tinutuluyan ko. Pagbukas ko ng pintuan ay nakita ko agad ang kama. Gano'n kaliit ang apartment ko para makita agad ang kama pagbukas pa lang ng pinto. Para akong hinihila ng kama kaya dumeretso ako ng higa at pumikit. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako dahil sa pagod. Nagising ako dahil sa gutom. Hindi pa pala ako kumakain simula kaninang tanghali. Bumangon ako at nagluto ng isang Pancit Canton. Pinainit ko na lang ang kanin na niluto ko kaninang umaga para hindi iyon masayang. Nagsisikap talaga akong huwag magsayang kung pwede pa namang kainin o gamitin ang isang bagay. Hindi madaling mag-adjust kasi galing ako sa probinsya. Pinapasalamat ko na lang kasi may pinag-aralan ako kahit papano kaya alam ko ang gagawin. Naghanap ako agad ng apartment noong makarating ako dito at mabuti na lang kay Manang Tanya ako napadpad. Naghanap rin ako kaagad ng trabaho unang araw ko pa lang sa Maynila. Unang sahod ko ay pinambayad ko sa renta, binili ko ng pagkain at bumili rin ako ng cellphone na de-keypad para makapag-usap kami ni Pia. Ang natira kong pera ay ginamit ko sa pagbili ng iba pang importanteng bagay. Habang kumakain ay tumunog ang cellphone ko na nabili ko lang sa gilid ng daan. Minsan ay bigla na lang namamatay dahil sira ang battery pero pinagtitiisan ko na lang. Hindi rin naman ako bibili nito kung hindi lang dahil kay Pia. "Oh, kumusta ka naman d'yan, sis?" tanong ng kaibigan ko sa kabilang linya. "Ayos lang. Wala na namang trabaho," sagot ko at sumubo ng pagkain. "Tunog unbothered, ah!" Tumawa siya. "Alangan namang umiyak ako." "Hindi naman masama," aniya. "Pero wala naman akong mapapala. Nitong nakaraan gusto ‘kong mag break down, umiyak ng husto pero walang luha na lumalabas," sabi ko at uminom ng tubig. Maanghang pala 'tong Pancit Canton na kinakain ko. "Hays. Siguro pagod ka na umiyak. Ayos lang 'yan, sis. Mag hanap ka na lang ng pogi d'yan, pampagaan ng loob." "Hindi naman nila ako bibigyan ng pera. Tss." Hindi ko muna iisipin ang kalandian. Though hindi naman talaga ako malandi at wala akong plano. Mas importante ngayon ang paghahanap ng pagkakakitaan. "Grabe. Hindi ka naman mamamatay kapag sinubukan mong sumulyap sulyap," aniya. Umirap ako kahit hindi naman niya nakikita. "Tigilan mo nga ako. Hindi ko nga ikamamatay 'yan pero ikamamatay ko kapag wala akong nakain." "Oh, kalma. Ang seryoso mo naman. Kung hindi lang kita kilala, iisipin kong wala kang pake pero ang totoo affected ka talaga sa mga nangyayari," saad niya. Tumutunog pa ang kutsara at plato sa kabilang linya, mukhang pareho kaming ngayon pa lang kumakain dahil sa sobrang pagka-busy. Siya sa pag-aaral at part time, ako naman sa paghahanap ng trabaho. "Alam mo naman kung bakit," sagot ko. "Pareho lang naman tayong nahihirapan dito kaya alam mo rin ang nararamdaman ko." "Oo nga." Bumuntong hininga siya. "Kapag ba nabayaran mo na ang mga utang mo mag-aaral ka ulit?" "Hindi ko alam,” sagot ko kaagad. Hindi na ako nag-isip kasi totoo namang hindi ko alam ang sagot. "Paano ang pangarap mong makapunta sa ibang bansa? Sayang, ga-graduate na sana tayo ngayong taon ng sabay,” malungkot niyang sabi habang ngumunguya. "Hindi ko muna iniisip 'yan. Kung ibibigay sa’kin, eh ‘di maganda. Pero pakiramdam ko ibang bagay ang gagawin ko sa dadating na mga taon. Wala, pakiramdam ko lang." Nagkibit-balikat ako. "Sana naman maganda 'yang pakiramdam mo ano. Baka kasi umabot na lang ako sa punto na mangungutang na lang sayo o hindi kaya maghahanap na lang ako ng sugar daddy na may taning na ang buhay. Juskooooooooo, ang dami kong projects ngayon, mukhang mauuna pa akong ma-dead sa deadline,” reklamo niya na parang naiiyak. Natawa ako kasi sabay rin naming naranasan noon ang nararanasan niya ngayon. Wala naman kasing course na walang struggle ang estudyante. "Kaya mo 'yan. Isipin mo na lang na ikakayaman mo 'yan pag dating ng araw," sabi ko. "Nako, d'yan ka magaling, Jazel. Banggit ka ng banggit na may kinalaman sa pera kaya ka tuloy nasasabihan ng gold digger ng mga Dizon--" "Maghuhugas pa ako ng plato, sis,” putol ko sa sasabihin niya. "Hala, sorry!" Hindi ko na gustong makarinig ng kahit ano mula sa pamilyang 'yon. Kahit apilyedo man lang nila. After all, sila naman talaga ang puno't dulo ng paghihirap ko. Ayaw na ayaw nila ako sa anak nila kaya siniraan nila ako ng wagas. Effective nga. Sobrang naghirap ako. Dinagdagan pa ng magaling kong tatay. Mas matutuwa pa ako kung pangalan ni Marites ang maririnig ko kahit malaki ang utang ko sa kanya. Na-miss ko ring batuhin siya ng kalahating bulok na mansanas. "Ayos lang. Tawag ka na lang kapag tapos na ang exam mo. Busy rin ako bukas, eh. Maghahanap ako ng trabaho na malaki-laki ang sweldo kahit malayo sa apartment," sabi ko. "Fast food chain, sis. Wala bang malapit d'yan?" tanong niya. "Meron. Trabaho ko noong nakaraan. Sinabi ko sa'yo na nasunog ‘di ba?" Nag-trabaho ako sa malapit na branch ng McDo pero nasunugan kami, hindi man lang ako nagtagal ng ilang linggo doon. "Grabe. Ngayon ko lang napansin na parang kada linggo palipat-lipat ka ng trabaho." "Ngayon mo lang napansin?" Tumawa ako. "Pakiramdam ko minamalas ako." "Panahon na siguro para maghanap ng sugar daddy." "D'yan ka magaling, sa kagagohan. Bye na. Babalik na ako sa pagtulog. Goodluck sa pagrereview,” paalam ko ng makitang alas dose na pala. "Sige, sige. Salamat. Ingat d'yan. Ako na bahala sa tatay mo rito. Call kita pagkatapos ng exam." Pagkapatay ng tawag ay naghugas muna ako ng plato at nag half-bath bago bumalik sa higaan. Dala na rin ng paglalakad sa mainit na araw kanina, napagod ako at nakatulog ulit. Kinabukasan, maaga akong nagising at tinanong si Manang Tanya kung saan ang malapit na fast food chain mula rito. Kung sana mayroon akong cellphone na touch screen, makakahanap siguro ako online. Sinabi naman ni Manang Tanya kung saan kaya nag jeep ako papunta doon. Bago ako umalis ay sinabi niya rin sa aking gusto daw magpa-tutor 'yong anak ng kaibigan niya. Pumayag ako kasi dagdag kita rin 'yon. Kailangan ko lang daw ipasok sa oras ko na hindi pa masyadong late kasi nasa elementary pa lang ang bata. Puro fast food chains ang pinuntahan ko hanggang tanghali pero lahat ay walang bakanteng trabaho para sa akin. Pinaglalaruan talaga ako ng tadhana. Mayroon naman akong nakitang hiring, pero dancer sa bar. Mas pipiliin ko pang magpakain ng baboy kaysa gawin ang gano'ng trabaho. Huminto ako sa isang Milkteashop para bumili kasi kanina pa ako nauuhaw dahil sa sikat ng araw. Nag-order ako ng 12oz na Fiesta Taro. Dahil maraming costumer, naghintay muna ako sa sofa na nakalaan para sa mga naghihintay ng orders nang may narinig akong dalawang tao na nag-uusap. Naglilinis sila sa sahig dahil may natapon na milktea kaya nag-assume ako na dito sila nag-tatrabaho. "Kailangan na siguro nating mag dagdag ng tauhan. Hindi na kaya ng mga tauhan natin ang dami ng costumers," sabi ng babae. "Pwede rin. Part timer sa ganitong oras,” sang-ayon ng lalaki. Sa paraan ng pag-uusap nila sigurado akong sila ang may-ari ng shop na 'to. "Oh, sige, sasabihan ko si Rowena." Aalis na sana ang babae nang magsalita ako. "Excuse me po." Lumapit ako sa kanya. "Narinig ko po kasi 'yong usapan niyo tungkol sa paghahanap ng part timer. Gusto ‘ko ho sanang mag-apply." Nagkatinginan silang dalawa bago nila binalik ang tingin nila sa 'kin. "B-bakit po?" tanong ko. Para kasing gulat sila nang tumingin sa 'kin. "Pasensya na, hija. Hindi kasi halata na naghahanap ka ng trabaho. Akala namin empleyado ka ng mga kompanya na nasa labas," ani ng babae habang nakangiti. "Mukha ka pang Chinese, singkit ang mata." "Ah, hindi po." Nahihiya akong tumawa. Inabot ko ang hawak kong resume na binasa naman ng babae. "Jazel Heaven,” banggit niya sa pangalan ko. "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa kasi kailangan na din talaga namin ng part timer. You can start tomorrow." Napangiti ako ng malapad. "Salamat po. Pagbubutihan ko po." Tumango siya. "Mabuti kung gano'n." May sinabi lang siya tungkol sa dapat kung gawin at mabilis ko naman iyong naintindihan dahil na rin nakapag-part time na ako noon sa isa ring milktea shop. Nakangiti akong lumabas ng shop habang bitbit ang binili kong milktea. Kahit hindi full time job, at least nakahanap pa rin ako ng trabaho. Gagawin ko na lang sa hapon ang pag-tutor. Nakahinga ako ng maluwag kasi kahit pa-paano susweldo pa rin ako. Dito na lang muna ako pansamantalang mag tatrabaho habang naghahanap ng full-time job. Habang naglalakad, napapatingin ako sa mga taong naglalabasan sa mga naglalakihang buildings. Ang iba ay nagmamadali habang may bitbit na mga papel, ang iba naman ay mga kape ang hawak. Ano kaya ang pakiramdam mag-trabaho sa mga naglalakihang kompanya na 'to? Hindi ko maiwasang matanong. Napunta ang tingin ko sa pinakamalaki at pinakamataas na building na nakikita ko sa kinatatayuan ko ngayon. Sigurado ako, isang matandang businessman ang may-ari nito. Malaki ang tiyan at malakas manigarilyo. Gano'n kasi madalas ang napapanood ko sa mga movies noon. Nahinto ako sa pag-iisip nang may bumangga sa balikat ko. Hindi naman gaanong malakas kaya hindi ko na lang pinansin at nagpatuloy ako sa paglalakad. "Aren't you going to apologize?" Napahinto ako nang may nagsalita sa likod ko. Malakas ang pakiramdam ko na ako ang kausap niya kaya humarap ako sa kanya. Medyo nagulat ako nang makita ang mukha ng lalaki. Matangkad at alam kong maganda ang pangangatawan. Bakat sa suot niyang white long sleeve ang pumuputok niyang muscles. May pagka-brown ang buhok niya na kumikinang dahil sa init nang araw at gano'n din ang mga mata niya. Matangos ang ilong at manipis ang mga labi. Ang ganda rin tignan ng adams apple niya na biglang gumalaw nang lumunok siya. Ang noo naman niya ay may sariling kunot na nagsasalubong sa makapal niyang kilay na tumutuloy sa ilong niya. Hindi ako attracted sa kanya. Deni-describe ko lang ang nakikita ko ngayon. Pero hindi naman masama kung sasabihin kong gwapo siya. Ito 'yong ibig sabihin ni Pia na sulyap lang. "May kasalanan ba ako?" tanong ko sa kanya. "Binangga mo ako," aniya. Tumaas ang kilay ko. "Wala akong matandaan. Ikaw ang bumangga sa'kin." Totoo naman. Ang bagal pa nga ng paglalakad ko tapos sisisihin niya ako? Napapikit siya dahil siguro sa inis. Hindi ko alam kung anong una kong iisipin. Kung iisipin ko bang bakit ang gwapo naman ata ng mukha niya kapag naiinis o bakit siya naiinis eh hindi naman masakit ang banggaan namin. Hindi ko alam, OA. "Tss,” huli niyang sabi at umalis na. Mukha siyang nagmamadali. Pinagmasdan ko ang likod niya. Simula noong napunta ako dito sa Maynila, ngayon lang ako nakakita ng katulad niya. I mean, oo, maraming gwapo, may mga nakikita rin akong artista minsan pero ang lalaking nakausap ka kanina ay mas... hindi ko mahanap ang tamang word. Maaga akong umuwi sa apartment ngayong araw bago pumunta sa bahay ng kaibigan ni Manang Tanya para mag tutor ng anak nito. Hindi naman ako nahirapan sa bata kasi mabilis siyang matuto at hindi rin siya makulit. Bumili ako ng ulam bago bumalik sa apartment. Binilhan ko din si Manang Tanya para magpasalamat dahil sa pag-recommend niya sa’kin sa kaibigan niya. Habang kumakain ako ng hapunan nakatanggap ako ng text galing kay Pia na hindi daw lumabas ng bahay si Tatay ngayong araw dahil mataas ang lagnat. Napabuntong hininga ako pagkatapos kong mabasa ang text niya. Kahit parang gusto na akong patayin ni Tatay noon bago ako umalis, nakakaramdam pa rin ako ng awa at pag-aalala sa kanya. Tatay ko pa rin naman siya. Ako na lang din ang natirang kamag-anak niyang bubuhay sa kanya. Nag reply ako kay Pia na kung pwede ba niya hatiran si Tatay ng gamot bukas bago pumasok sa klase niya. Mabuti na lang at pumayag siya sa gitna ng napaka-busy niyang schedule. Tinanong niya pa ako kung babanggitin niya ba ako kay Tatay pero tumanggi ako. Mas mabuting wala siyang alam kung nasaan ako ngayon. Kinabukasan, maaga ulit akong gumising para maaga akong makarating sa Blink Tea. Nandoon na rin ang iba ‘kong mga kasama nang makarating ako. Naghahanda sila ng mga ingredients habang ako ay nag aayos ng lamesa at naglilinis sa sahig. Nag-umpisang dumami ang costumers nang sumapit ang alas-dyes dahil sa mga estudyante at empleyado na nasa malalapit na kompanya. Ako ang kumukuha ng orders kaya nakakaharap ko lahat ng mga gustong bumili. "Bagay ka riyan, Jazel. Lagi ka kasing nakangiti kaya hindi mukhang takot ang costumers kapag o-order. Kapag kasi ako ang nand'yan nauutal sila," ani ni Jacob, ang dating kumukuha ng order. Natawa naman ako sa sinabi niya. "Huwag ka kasing sumimangot lalo na kapag babae ang kaharap mo. Ngumiti ka rin ng sexy." "Aba! Pwede magpa-seminar sa'yo?" "Bakit sa'kin?" tanong ko. "Syempre ikaw ang bago dito. Pakitaan mo naman kami ng skills mo sa costumer," aniya na sinang-ayunan naman ng iba naming ka-trabaho. Bigla tuloy akong kinabahan. Hindi ko alam ang gagawin kasi hindi ko rin alam kung bakit sinabi ko 'yon sa kanya kanina. "Pakita naman ng sexy'ng ngiti kapag lalaki ang costumer,” sigaw ni Amanda mula sa loob pero nakasilip siya sa amin. Siya ang gumagawa ng milktea. "Ha? H-hindi naman gano'n 'yong ibig kong sabihin. Parang pang-aakit kasi pagkakaintindi niyo, eh," sabi ko. Bakit ko ba kasi sinabing sexy? Saan ba galing 'yon? "Naku, ‘wag ka na magpalusot, Jazel. Pakita kami ng skills mo sa unang lalaking papasok sa pinto," ani ni Jacob at tinapik pa ang balikat ko. Napahinga ako ng malalim. Hindi na ako umangal kasi alam ko namang kaya ko. Naghintay kami ng ilang segundo bago may pumasok na lalaki sa loob ng shop. Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan habang hinihintay na umangat ng tingin ang lalaking pumasok kasi nakayuko siya na parang may binabasa sa cellphone. Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang maalala ko ang mukha niya. Siya ‘yung lalaki kahapon na nakabanggaan ko! Bahagyang tumaas naman ang kilay niya nang makita ako. Siguro dahil naaalala niya rin ako. "Go, Jazel,” mahinang bulong ni Jacob sa akin nang dumaan siya sa likuran ko. Sh*t. Geez. Oo nga pala, may pinapagawa nga pala sila sa'kin. Ang malas naman, bakit sa lalaking 'to pa? Pero ano naman ngayon? Sino ba siya, ‘di ba? Hindi ko naman siya kilala kaya ayos lang. Umayos ako ng tayo at tinignan sa mata ang lalaki. Gano'n rin ang ginawa niya kaya kitang-kita ko talaga ang kulay brown niyang mga mata. Dahan-dahan akong ngumiti sa kanya na parang may halong pang-aakit bago siya binati. "Good afternoon, Sir, what's your order?" Hindi ko man sinasadya, nagkusang sumabay ang boses ko sa paraan ng pag-ngiti ko sa kanya. Nang-aakit din! Nakatingin lang siya sa akin ng ilang segundo habang ang mga kasama ko naman ay nasa likod at naghihintay ng reaksyon mula sa lalaki. Napaaawang ng kaunti ang labi ko nang gumalaw ang labi niya. He smirked! "Follow me,” una at huli niyang sabi bago naglakad papunta sa glass door na papunta naman sa maliit na garden ng shop. Kumunot ang noo ko. Ano daw? Bakit niya ako pinapasunod sa kanya? "Naku, lagot,” bulong ni Jacob kaya napatingin ako sa kanya. "Bakit?" tanong ko. Tinignan ko ang iba naming mga kasama pero nag-iwas sila ng mga tingin sa akin. "A-ano kasi, Jazel...." Napakamot siya sa ulo niya. "Ano?" Bakit kinakabahan ako? Pakiramdam ‘ko ilang minuto mula ngayon ay nasa daan na naman ako at naghahanap ng bagong trabaho. Teka lang naman, kakasimula ko pa lang dito ngayong araw! "Ayon si Sir Lanzeus," ani ni Jacob. Kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin? Anong mayroon sa lalaking 'yon?" "Siya ang may-ari ng Blink Tea,” mabilis niyang sagot at umiwas nang tingin. Napanganga ako sa sinabi niya. Ano raw?! May-ari?! "T-teka, akala ko si Miss Melany ang may-ari at 'yong asawa niya." Tukoy ko sa mag-asawang kausap ko kahapon. "Si Miss Melany ang manager, Jazel. Ang totoong may-ari ay iyong lalaki na pumasok doon." Turo niya sa glass door. Napahawak ako sa counter nang pakiramdam ko matutumba ako. Ilang beses akong napamura sa isipan ko habang nagbabalik-balik sa isip ko ang ginawa ko kanina. Sh*t naman! "Bakit hindi niyo ako pinigilan?!" Napapikit ako. Tanggal na naman ako nito kahit kasisimula ko pa lang. Sinubukan ko lang namang landiin ang may-ari ng pinagtatrabahuan ko! Ang galing mo talaga, Jazel! "Akala kasi namin aware ka kaya nag-assume kami na hindi mo itutuloy. Pasensya na. Lagot ka nito." Napapikit ako at napatampal sa noo ko. Lagot talaga. Maghahanap na naman ako ng trabaho. Tinanggal ko ang suot kong hairnet bago sumunod sa sinasabi nilang may-ari ng Blink Tea na Lanzeus daw ang pangalan. Sino bang mag-aakala na ang lalaking 'yon kahapon ay boss ko pala?! Tumikhim ako nang makalapit ako sa pwesto niya. Prente siyang nakaupo habang may hawak na papel. "Good afternoon po ulit, S-sir. I am sorry po sa nangyari kanina at... kahapon," sabi ko agad kahit alam ko namang wala akong kasalanan sa nangyari kahapon. Sinusubukan ko lang para naman magbago ang isip niya at hindi na niya ako paalisin habang hindi pa ako nakakahanap ng permanenteng trabaho. "Jazel Heaven Villamor...." bigla niyang banggit habang nakatingin pa rin sa papel na hawak niya. Kung hindi ako nagkakamali, resume ko ata 'yon. Ang bilis namang napunta sa kanya. "Do you want to get fired?" he asked. Hindi man lang niya ako tinignan. Kinagat ko ang labi ko at umiling habang nakayuko. "Hindi po, Sir." Duh. Sino ba naman ang may gustong mapaalis sa trabaho sa mismong unang araw? "Really? Then why did you try-" "Pasensya na ho talaga. Hindi ko po kasi alam na ikaw ang may-ari--" "So gagawin mo 'yon sa ibang lalaki kung nagkataong hindi ako ang pumasok sa pinto?" Napaangat ako ng tingin sa kanya at nagkasalubong ang mga mata namin. "H-ha? Ah, hindi, hindi ho sa gano'n." Umiling ako. "Sana mabigyan niyo ako ng isang pagkakataon. Ayaw ‘ko pong matanggal. Kailangan ‘ko ho ng part time job habang hindi pa ako nakakahanap ng permanent." Hindi ko ugaling magmakaawa pero kailangan ko ng trabaho ngayon kaya gagawin ko. "Are you desperate, Heaven?" tanong niya. "M-medyo," sagot ko, not minding the name he called me. Baka hindi niya lang alam na Jazel ang tawag ng lahat sa akin at hindi ang second name ko. Binaba niya ang papel sa lamesa at sumandal sa kinauupuan niya habang nakatingin sa akin. Napalunok naman ako dahil hindi ko alam ang gagawin. Kinakabahan talaga ako na baka palayasin niya ako anumang segundo. "I have a proposal for you,” panimula niya. Kumunot ang noo ko. Proposal? "Ano ‘ho 'yon?" "You need money that's why you're working right?" Come on, it's obvious. Bakit niya pa ba tinatanong. "Yes, sir," sagot ko. "Okay. Be my wife. I will pay you big." Oh. Ang dali lang naman pala. Be his wife lang--- "ANO?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD