CHAPTER 02

3551 Words
Baliw siya. Siguro talaga baliw siya. I mean, ano bang pinagsasabi ng lalaking 'to? Anong 'be my wife?' Naka drugs ba siya? Umarte akong natatawa. "Ah, hahaha, ang galing ho ng joke niyo, Sir." Nilaro-laro ko ang kuko kasi ang seryoso ng mukha niya habang nakatingin sa akin. "Hindi ako nagbibiro," aniya habang seryosong nakatingin sa akin. Napakurap ako ng ilang beses. Nananaginip ba ako? Bakit bigla akong napunta sa ganitong sitwasyon? Kanina lang kumukuha ako ng order ng mga customers ngayon nasa harap na ako ng lalaking nakabanggaan ko kahapon at unfortunately, siya pala ang boss ko. Unfortunate sa part na sinubukan ko siyang landiin. Kasalanan 'to ni Jacob, e. "What do you think about my proposal, Miss Villamor?" tanong niya at pinatong ang kamay sa lamesa at tinapik-tapik ang daliri niya sa kahoy. Tumikhim ako bago nagsalita. "Kumain ka ba ng lunch?" Tumaas ang kilay niya sa tanong ko na ang layo sa tanong niya. "Why ask?" Umiling ako. "Wala lang. Pakiramdam ko ho kulang lang kayo sa tulog o kain kaya nagsasalita kayo ng ganyan." Sino ba namang matinong tao ang bigla na lang magsasabi ng 'be my wife'?! Malaki ang problema ko pero baka mas malaki ang sa kanya kaya na siya nababaliw. "FYI, Heaven, I am f*cking serious," aniya, ang sama ng tingin niya sa akin. "Sabi mo gusto mo ng permanent job 'di ba?" Tumango ako. "Oo nga ho, pero hindi bilang asawa." "Paano kung malaki ang sweldo? Papayag ka ba?" "Sir, baka po pwedeng bukas na lang tayo mag-usap. Naiintindihan ko po kung masama ang pakiramdam niyo kaya kayo nagkakaganyan---" "You're fired." Natigilan ako. "Po?!" "You're. Fired." Binigyan pa niya ng diin nang ulitin niya iyon. Anak ng— "Wala bang second chance, Sir? Kailangan ko talaga ng trabaho--" "That is why I am offering you a good one here. Be my wife. Pretend like you're into me and you'll get paid, big time." Napapikit ako para pakalmahin ang sarili ko. Ano bang tingin sa akin ng lalaking ito? Saan niya nakukuha ang mga pinagsasabi niya?! "Sir, mawalang galang na ‘ho pero naririnig niyo ‘ho ba ang sinasabi niyo? Nag-o-ofer kayo ng trabaho bilang asawa sa akin gayong hindi niyo naman ako kilala? Ano naman yo'n?" Hindi ko alam kung baliw ba 'to or may something lang talaga. Kahapon lang kami unang nagkita, aksidente pa. Nag-usap kami pero hindi umabot ng minuto. Mas matagal pa nga ata ang pag sulyap-sulyap ko sa kanya kaysa sa pag-uusap namin at ngayong araw, hindi pa lumilipas ang twenty minutes nang magkita ulit kami tapos sasabihan niya ako ng 'be my wife'?. "I do background check, Heaven," sagot niya. Nanlaki ang mga mata ko. "Ano? Pina-background check mo ako? At bakit?" Sumandal siya ulit sa inuupuan niya at pinag-cross ang braso sa dibdib niya. "I will let you know once you agree to my offer." Hindi makapaniwala akong tumitig sa kaniya. First time ‘kong maka-encounter nang ganitong lalake. Normal lang ba 'to? "Siguro nga ‘ho kailangan niyo na akong isesante," sabi ko na lang. Nakakaba siya. Anong background check? Movie ba 'to? Action or Drama? Bakit may nag-o-offer ng trabaho para maging asawa? "I thought you need a job?" "Oo nga ho, pero sabi ko nga, hindi bilang asawa kaya kung hindi niyo rin naman ako bibigyan ng chance na makabalik sa trabaho ko sa loob aalis na ako. I quit," sabi ko bago tumalikod at naglakad papunta sa pinto pero bigla siyang magsalita. "Think about it. Once you agree, I will answer your questions." Hindi na ako sumagot. Bahala siya riyan. Wala na akong panahon makipaglokohan sa baliw na katulad niya. Masasayang lang ang oras ko na dapat gagamitin ko na lang sa paghahanap ng bagong trabaho. Napatingin sila Jacob sa'kin nang pumasok ako. Nakakunot pa rin ang noo ko dahil sa inis pero hindi ako nagsalita. "Jazel, ano raw sabi ni Boss?" tanong ni Amanda. Nakatingin lang sila Jacob at ang iba sa akin at naghihintay ng sagot. "Salamat sa apat na oras. Aalis na ako," sabi ko sa kanila sabay kuha ng bag ko. "Hala! 'Di mo pinilit si Sir?" Bumuntong hininga ako at tumingin sa glass door kung saan ako lumabas kanina. "Sigurado ba kayong matino ang lalaki na 'yon?” “Ha?” Napairap ako at umiling. Mukhang hindi sila aware na may saltik ang boss nila. Sana malaman nila 'yon. "Pero ‘di nga, Jazel? Hindi ka binigyan ng chance? Mabait naman 'yon si Sir Lanzeus, eh. M-minsan nga lang hindi,” alanganing sabi ni Jacob at tumawa ng mahina. "Tumigil ka na nga, Jacob. Kaya natanggal si Jazel dahil sa pinapagawa mo, eh. Ang dami mong alam," ani ni Amanda. "Luh! Parang hindi ka din nakisama!" Bago pa sila mag sigawan ng malakas ay nagpaalam na ako at sinabi, “Alis na 'ko. Bye." Hindi ko na sila hinintay na makasagot at agad akong lumabas ng Shop. Humugot ako ng hininga para pakalmahin ang sarili ko. Hoo. Naniniwala na talaga akong minamalas ako. Hindi ko na alam kung ilang beses akong natanggal sa trabaho simula noong makarating ako dito sa Manila. Tinignan ko ang oras sa cellphone ko. Hindi pa ako kumakain ng pananghalian. Uuwi na lang siguro ako sa apartment para doon na lang kakain total malapit na rin ang oras ng pag-tutor ko. "Ang aga mo, Jazel," ani Manang Tanya nang makita niya akong papasok sa gate. "Wala na naman, Manang," sagot ko at walang ganang ngumiti. "Ano? Anong wala na naman?" "Trabaho ho." Kumunot ang noo niya. "Paano nangyari 'yon eh dapat aalok-anong nangyari?" Bigla niyang pinalitan ang dapat niyang sasabihin. Hindi ko na lang pinansin kasi baka hindi naman importante. "May nagawa ako, Manang. Tapos 'yong mag-ari doon parang baliw." Hindi ko alam kung baliw ba talaga siya o pinagtitripan niya lang ako para umalis ako doon. Pero bakit naman niya gagawin 'yon? Tsk. "Paanong baliw, hija?" tanong niya. "Kung anu-ano ho pinagsasabi. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang mga salitang lumalabas sa bibig niya. Baka nga talaga may saltik. Alam niyo po ‘yung weirdo? Gano'n ho siya, nakakatakot." Nagulat ako nang bigla na lang napatawa si Manang nang sabihin ko 'yon. Napapalakpak pa siya. "Bakit po?" tanong ko sa kanya kaya napatigil siya sa pag tawa. "Ha? Ah, nako wala. Natawa lang ako sa sinabi mo. Sige, akyat ka na't makakain ka. May gagawin ka pa mamaya ‘di ba?" Tumango ako at umalis na sa harapan niya. Ang weird din ni Manang. Ano bang nangyayari sa mundo? Pagpasok ko sa apartment ay agad akong nagbihis para hindi matuyo ang pawis sa katawan ko. Iniwan ko ang cellphone ko sa kwarto kaya hindi ko narinig na may tumawag pala dahil nasa labas ang CR. Walang CR ang bawat kwarto kaya kailangan pang bumaba kung maliligo o gagamit ng banyo. Nakita kong nag-missed call ng tatlong beses si Pia nang makabalik ako sa loob. Nagtaka ako kasi sa mga oras na 'to ay dapat nag eexam siya pero bakit siya tumawag kanina at tatlong beses pa talaga? Siguro kinakabahan kaya gusto akong makausap. Nag-dial ako ng number niya pero hindi naman siya sumagot kaya nag-assume ako na baka sumasagot na siya ngayon. Alas-sais na ng gabi ng makabalik ako ulit sa apartment pagkatapos kong mag-tutor sa anak nang kaibigan ni Manang Tanya. May dumagdag kasi na ibang bata na sinama ko sa pag-tutor kaya natagalan ako at hindi ko na rin na-check ang cellphone ‘ko. Nakailang missed call na naman kasi si Pia pero noong tawagan ko siya hindi naman niya sinasagot. Napabuntong hininga ako at inisip kung saang lupalop na naman ako mapapadpad bukas kahahanap ng trabaho. Bigla kong naalala ang lalaki kanina. Ano nga ulit ang pangalan no'n? Lanz.. Lanzeus? Hmm. Tunog mayaman. Kung bakit ba kasi siya ang may-ari ng lugar na 'yon at bakit ba kasi hindi ko alam? Kumuha ako ng notebook at ballpen at nilista ang kailangan ‘kong bayaran ngayong buwan pati na din ang perang ipapadala ko kay Pia na para kay Tatay. Ang laki rin, tapos wala akong permanenteng trabaho. Biglang tumunog ang cellphone ko habang nag-iisip ako ng malalim. Tumatawag si Pia. Agad ko naman iyong sinagot. "Hel---" "Jazel!" bigla niyang sigaw at ang boses niya nanginginig na parang kinakabahan. "Oh? Bakit ganyan ang boses mo?" tanong ko at kumuha ng baso para magsalin ng tubig dahil bigla akong nauhaw. "Kanina pa kita tinatawagan! Bakit hindi ka sumasagot?!" Nagulat ako kasi parang galit siya pero nandoon pa din ang kaba at pag-aalala sa boses niya. "Naligo ako no'ng una kang tumawag ng tatlong beses. 'Yong sumunod naman nag tu-tutor ako ng mga bata kaya wala sa tabi ‘ko ang cellphone,” paliwanag ‘ko sa mahinahong boses. "Anong problema?" Narinig ko ang pag hugot niya ng malalim na hininga. Sa paraang 'yon pa lang, alam kong may hindi maganda. "Ang laki ng problema, Jazel. Hindi ‘ko alam kung paano ‘ko ba 'to sasabihin sa 'yo." "Makikinig naman ako ng maayos," sagot ko. Kalmado ang boses ko pero alam naming dalawa na sa totoo ay kinakabahan ako sa sasabihin niya. Hindi ‘ko alam kung ano 'yon pero natatakot ako. "Iyong b-bahay niyo kasi, noong dumaan ako doon kanina para hatiran ng gamot ang tatay mo, nakita ko ang mga tauhan nang mga Dizon. Sinisira nila ang bahay at alam naman nating dalawa kung gaano na kaluma ang bahay niyo kaya agad nilang nasira lahat. Wala silang iniwang nakatayo na dingding." Umawang ang labi ko sa sinabi niya. Hindi ako agad nakagalaw. Sinabi niya lang naman na nasira ang bahay namin na kagagawan ng mga Dizon at wala man lang tinira kahit isang nakatayo na dingding. T*ng-ina. Mukha lang walang kwenta ang bahay na 'yon pero nandoon lahat ang alaala namin ng nanay ‘ko noong buhay pa siya. "T-tapos? Anong nangyari? Si Tatay?" mahina ‘kong tanong. Nakatulala ako habang nagsasalita. Hinintay ‘ko ang sagot ni Pia pero ilang segundo siyang hindi nagsalita kaya napatingin ako sa cellphone para tignan ‘kong namatay ba ang tawag pero nandoon pa din naman. "Pia.." tawag ko sa kanya. Bigla kong narinig ang mahina niyang paghikbi sa kabilang linya. "Jazel... nasa hospital si Tatay Joel. N-nakita ko na lang siyang nakahiga sa sahig kanina. Akala ko sinaktan siya ng mga Dizon pero wala naman akong nakitang dugo o pasa p-pero ang putla niya, Jazel. Tapos parang hindi siya makahinga kaya dinala ‘ko siya sa hospital kaninang tanghali." Napapikit ako. Humigpit ang hawak ‘ko sa baso. "Ano? Dahil ba 'yon sa lagnat niya kahapon? Baka bumalik na naman ang ubo niya kaya gano'n?" "Oo, ubo siya ng ubo noong nagkamalay siya ulit, pero Jazel, umuubo siya ng d-dugo. Doon ko nalaman na... meron siyang lung cancer, s-stage 2 lung cancer." S-stage 2, Lung Cancer Parang sirang plaka na nagpaulit-ulit sa tainga ko ang sinabi ni Pia. Nabasag ang baso sa sahig. Nawalan ako ng lakas at dumulas 'yon sa kamay ‘ko kaya nahulog. Pero hindi man lang ako gumalaw. Pakiramdam ‘ko biglang tumigil ang oras, gano'n din ang t***k ng puso ko. "Jazel?" tawag sa akin ni Pia. "Makinig ka. Sabi ng Doctor na dapat ma-operahan kaagad ang Tatay mo. Kailangan makuha ang tumor sa lungs niya." Dahan-dahan akong napaupo sa sahig. Gusto ‘kong umiyak at sumigaw. Pero walang boses na lumalabas sa bibig ‘ko at wala na din luha na tumutulo galing sa mga mata ‘ko. "K-kailangan ng malaking halaga. Alam ‘ko na alam mo kung gaano kalaki ang kailangang igastos para sa operasyong ganito. J-jazel, paano na 'to?" Paano na nga ba? Ano na ang mangyayari? Teka lang naman, bakit naman biglang naging ganito? Parang di ‘ko naman ata deserve na maging ganito. Akala ‘ko ang mawalan ng ina, mawalan ng pagmamahal galing sa ama, ang maiwan at lokohin nang ilang taong kasintahan at sira-siraan ng mga tao ay sapat na para pagbayaran ‘ko kung anuman ang nagawa ‘kong kasalanan? Pero bakit ito nangyayari? Ang sakit lang din kasi wala naman akong natandaan na may nagawa akong kasalanan para magbayad nang ganito. Bakit nadagdagan na naman? Bakit kabaliktaran naman ata ang gusto ‘kong mangyari na sana bumalik na ako sa dati ‘kong buhay at hindi 'yong ganito. Pero ito nga at wala akong trabaho, hirap na hirap akong maghanap nang trabaho kasi hindi ako natatanggap o agad akong napapaalis. Tapos ngayon mababalitaan ‘ko na may sakit ang tatay ‘ko at kailangan ng malaking halaga para maoperahan siya at mabuhay. "Ano ang gagawin ko?" walang buhay ‘kong sabi habang nakatulala sa basag na basong nasa sahig. Hinawakan ‘ko ang bubog kaya bigla akong nasugatan at tumulo nang tumulo ang dugo sa sahig pero wala akong naramdaman na sakit. "Hindi ‘ko alam ang gagawin, Pia. Wala na akong trabaho. Bakit ang malas ‘ko naman ata?" Pinaparusahan ba ako? Bakit parang ako lang? Bakit ang unfair? "Hindi ko din alam, Jazel. Pasensya na. Ang pag-uupdate tungkol sa Tatay mo ang tanging magagawa ‘ko na lang para sa'yo ngayon," aniya. Napatango ako. Naiintindihan ko naman 'yon. "Salamat. Malaking bagay na 'yon." "Sige. Alam kong malaking problema 'to pero lagi mong tandaan na lilipas din 'to. Kung anong hirap ang nararanasan mo ngayon, mas dobleng kasayahan ang kapalit no'n." Hindi ako nakatulog hanggang nag umaga na ulit. Mulat na mulat ang mga mata ko buong magdamag habang parang sirang plaka na paulit-ulit sa utak ‘ko ang sinabi ni Pia tungkol sa kalagayan ni Tatay. Sumasakit ang ulo ‘ko. Hindi ‘ko alam kung ano ang uunahin. Pero alam ‘ko kung ano ang kailangan ko ngayon. PERA. Tanghali na at ang taas na nang sikat nang araw nang lumabas ako sa maliit ‘kong kwarto. Sa sobrang pag-iisip nakalimutan ko na kailangan ‘ko pa palang maghanap ng trabaho. "Jazel!" Napatigil ako nang tawagin ako ni Manang Tanya habang palabas na sana ako nang gate. Lumingon ako sa kanya. "Bakit ho?" Lumapit siya sa akin at hinawakan ang kamay ko para sana hilain ako papunta sa loob ng kusina nila pero natigilan siya. "Teka? Bakit ganyan ang mukha mo? Wala ka bang tulog?" Hindi ako sumagot. Obvious naman. "May problema ba?" tanong niya. "Hindi ka naman ganyan kahit wala kang trabaho. Anong nangyari?" Umiling ako. "Wala po," sagot ko at akmang aalis nang hilahin niya ako papunta sa loob. "Sumabay ka na sa 'min kumain," aniya. "Hindi na ho. Maghahanap pa ako ng-" Natigilan ako nang makita ang taong prenteng nakaupo sa kusina ni Manang Tanya. Nakasuot siya nang puting long sleeve na tinupi niya hanggang siko. Sa likod naman ng inuupuan niya ay mayroong suit at alam ‘kong sa kanya iyon. "Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa kanya. Tumaas ang kilay niya. "Why are you talking down to me?" pagsasalita niya pa ng Ingles. "Should I put some honorifics? But why would I?" balik ko sa salitang ingles din. Nakalimutan niya atang hindi na ako nagtatrabaho sa shop niya kaya gagamitin ‘ko ang paraan ng pananalitang gusto ‘ko. "Nako, tama na iyan,” biglang sumabat si Manang Tanya. Bigla ‘kong nakalimutan na nandito pala siya. "Kilala mo siya, Manang?" tanong ko sabay turo kay Lanzeus. Nagulat pa ang lalaki kasi tinuro ko siya. Ang OA, hindi niya naman ikakamatay 'yon. "Ah, oo. Yaya niya ako noon," sagot ni Manang. Kaya pala nandito ang lalaking 'to ngayon? "Ako rin ang nagsabi sa kanya tungkol sa 'yo." Napatingin ako sa kanya. "Ho?" Anong tungkol sa akin? "Yesterday. You asked me why would I offer you a job to be my wife and here's the answer." Ginalaw ni Lanzeus ang kamay niya papunta kay Manang Tanya. "She told me about you." Kumunot ang noo ko at napatingin kay Manang. "Ano 'to, Manang?" Bakit ang hirap naman ata intindihin nito? "Eh kasi, hija. Naaawa na ako sayo kasi linggo-linggo ka na lang naghahanap ng trabaho kaya naisip ‘ko na tulungan ka Nagkataon na mayroon problema ang alaga ‘ko sa pamilya niya at handa siyang magbayad nang malaking halaga kaya sinabi ko ang tungkol sayo--" "Hindi naman ho ako humihingi ng tulong sa inyo, Manang,” putol ko sa sinasabi niya na may halong inis. "At saka nakakabayad naman ho ako ng renta sa inyo at nasa tamang araw pa 'yon. Hindi ‘ko naman ho sinabing tulungan niyo ako, kakayanin ko ho 'yon. At sana inisip niyo din ho muna kung papayag ba ako sa inaalok nitong alaga niyo kasi wala ho akong balak maging bayaring asawa." "Pero Jazel--" Tumalikod na ako. "Hayaan niyo na ho ako. Wag na kayong makialam." Lalabas na sana ‘ko ng kusina ng bigla na lang nagsalita si Lanzeus na ikinatigil ko. "2 million pesos? Is that enough?" Inaamin ‘kong ang sarap sa tenga ng binanggit niyang halaga. Pero hindi, hanggat may pag-asa pa sa iba, doon ako. Sinabayan ‘ko na naman ang init ng araw. Kanina pa ako naghahanap ng pwedeng ma-trabahuhan pero wala akong nakikita. Sumakit na lang ang paa ‘ko kakalakad pati na din ang ulo ko dahil sa sobrang init ng panahon. Isama pang wala rin akong tulog at hindi pa kumakain. Habang nagpapahinga ako sa isang tindahan, nakatanggap ako ng text galing kay Pia na hinahanap daw ako ni Tatay. Bigla na lang daw niya sinisigaw ang pangalan ko nang magising siya. Napabuntong hininga ako. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin. Baka mauuna pa akong mamatay sa tatay ko. Kahit puro masasamang alaala ang binigay niya sa akin, gagawin ‘ko pa rin ang lahat para mabuhay siya. Umaasa naman akong magbabago pa siya. Dumiretsyo ako sa bahay nang kaibigan ni Manang Tanya para i-tutor na ulit ang anak niya. Hindi pa ako kumakain at ramdam ‘ko ang panginginig ng tuhod ‘ko dahil sa gutom pero ininda ‘ko 'yon. Pagkarating ‘ko sa bahay ni Ate Sara, nakita ‘ko siyang lumabas ng pinto kasama ang anak niyang si Manuel, ang batang tinuturuan ko. "J-jazel, nandito ka pala," aniya. Ngumiti ako sa kanila. "Magandang tanghali, Ate Sara. Sayo din, Manie." Kumaway ako sa bata at gano'n din ang ginawa niya. "May pupuntahan ho kayo, Ate? Hindi ko ba muna tuturuan si Manuel ngayon?" tanong ko. Bigla siyang nag iwas ng tingin sandali. "Ah, ano kasi, Jazel, sa katunayan h-hindi ko na kailangan ng tutor para kay Manuel." "Ho?" Tumango siya. "Nag-iimprove na kasi ang grades niya kaya sa tingin ko tama na iyon. Gusto kong magpasalamat sa 'yo. Ang galing mong magturo at ang bait mo rin sa mga bata." Sinasabi ko na nga ba. Dadating din ang panahon na 'to. Hindi na dapat ako magulat kasi expected ko na. Pero naapektuhan lang ako kasi talagang ngayon pa nangyari. Sa gitna ng kinakaharap ‘kong malaking problema. Nagpaalam na ako kay Ate Sara at nagpasalamat na din. May binigay pa rin naman siyang pera kaya ayos na 'yon. Habang naglalakad pauwi, biglang tumunog ang cellphone ko. Tumatawag si Pia. "Oh, Pia?" "Jazel! Si Tatay Joel!" "Anong nangyari?" kinakabahan kong tanong. "Kanina pa siya hindi tumitigil sa pag-ubo na may kasamang dugo. Hindi na ito maganda, Jazel. Hindi siya o-operahan ng mga doctor hangga’t walang pera. Walang-wala talaga ako ngayon, sis!" Pakiramdam ko mahihilo na ako sa mga nangyayari. Anak ng t*ngina naman. Hindi ba pwedeng dahan-dahan lang? "S-sige, gagawan ko ng paraan na makakapag padala ako bukas," sagot ko. "Pasensya na talaga sa abala, Pia. Alam kong naapektohan na ang pag-aaral mo dahil-" "Huwag mo ng isipin 'yon. Okay? Tutulong ako hanggang kaya ko, Jazel. Hindi ‘ko rin naman pinapabayaan ang pag-aaral ‘ko. Pinabantay ‘ko muna kanina sa kapatid ko ang tatay mo habang nagte-take ako ng exam." Nagpasalamat ako ulit sa kanya bago pinatay ang tawag. Napakapit ako sa puno na nasa tabi ‘ko dahil parang matutumba ako ano mang segundo. Nawawalan na ako ng lakas. Pakiramdam ko wala na akong pag-asa. Wala na akong mahihingian ng tulong. Pero bigla ‘kong naalala. Meron pa. Pwede ‘ko naman sigurong bawiin ang sinabi ko hindi ba? Baka pwede pa? Naglakad ako sa gilid ng daan kahit nandidilim ang nga mata ko. Pumara ako ng taxi at nagpahatid sa Blink Tea. Para akong lasing nang pumasok ako doon. At dahil hapon na, wala na masyadong tao kaya nakita ko agad siya. Mabilis ang lakad ‘ko papunta sa kanya. Nakatingin na siya sa akin simula noong pumasok ako sa Shop. "Lanz--- I mean, S-sir." Lumunok ako. "Pwede pa ba 'yong ino-offer niyo?" Hindi muna siya nagsalita. Ilang segundo, nakatitig lang siya sa akin habang ako naman ay tahimik na nagdadasal na sana 'oo' ang sagot niya. Tahimik akong naghintay, kahit gusto ko nang umupo at pumikit dahil ang sakit na ng ulo ko. "Kung pwede pa, ano ang gagawin mo?" tanong niya. Humugot ako ng nalalim na hininga bago sumagot. Ito na 'yon. Wala ng bawian. "Tatanggapin ko ho. Payag na ako. Bayaran niyo lang ako ng malaking halaga." Hindi ko na alam ang sumunod na nangayari. Kung sumagot ba siya o hindi. Ang tanda ‘ko na lang ay unti-unting dumilim ang paningin ‘ko at nilamon na ako ng kadiliman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD