Chapter 14

2500 Words
"Kung handa na kayo ay maari na kayong pumwesto sa gitna,"anunsiyo ng Heneral at ngumiti sa amin. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na muling bumuntong hininga. Sa araw na ito ay hindi ko na yata ma bilang kung naka-ilang buntong hininga na ako. Naglakad na kaming dalawa ni Alessia patungo sa gitna at pumwesto na. Sino ba ang mauuna sa amin? Ako ba o si Alessia.  "Ikaw na ba ang mauuna?" Tanong nito. Hindi ako sigurado sa aking isasagot. Kung gusto ko ba mauna o mahuli, ngunit pareho lang din naman ang magiging resulta. Pareho naman namin kukunin ang pagsusulit na ito. Mabilis na umiling ako rito at inilahad ang aking kamay. Alam kong alam na ni Alessia ang gusto kong ipahiwatig. Isang tango lamang ang natanggap ko mula sa kaniya bago ito muling naglakad. Sana nga lang ay walang masamang epekto ito sa aming katawan. Kung mayroon man ay baka masisi ko pa ang dalawang nagbabantay sa amin. Hindi ko alam kung ano ang magagawa ko kapag nalaman kong masasaktan ang kaibigan ko dahil dito. "Kung handa ka na Alessia, maari ka nang magpatuloy. Ngunit bago iyon ay hayaan niyo muna kaming magpaliwanag kung ano ang inyong gagawin at kung ano ang mangyayari,"sabi ng Heneral, "Unang-una ay kailangan niyo lumapit sa crystal at hawakan ito. Sa oras na ginawa niyo iyon ay gusto kong ituon niyo ang inyong lakas. Doon magbabago ang kulay ng crystal at dadalhin kayo sa isang lugar na kung saan doon niyo makikita ang taglay niyong kapangyarihan. Pagkatapos ay bigla na lang kayong ibabalik nito sa inyong katawan, doon din namin malalaman ang buong status niyo,"mahabang paliwanag nito, "Huwag kayong mag-alala, wala namang mangyayari sa inyo kapag na tapos niyo iyon. Siguro ay sasakit lang saglit ang inyong ulo, dulot na rin sa inilabas niyong enerhiya na nakatago sa inyong katawan." Enerhiya? Hindi ko maintindihan. Anong Enerhiya itong pinagsasabi niya? "Pasensiya na po kayo pero nais ko po sanang malaman kung paano ilabas ang enerhiya na tinutukoy ninyo?" Sambit ni Alessia. "Oo nga pala,"ani nito at lumingon kay Rizy, "Ang enerhiya na tinutukoy ko ay ang pinagmulan ng inyong kapangyarihan. Nasa buong katawan niyo ito at patuloy na dumadaloy. Ito ang isang pinakaimportanteng bagay sa pagbuo ng mga atake gamit ang ating kapangyarihan. Malalaman niyo rin ang lahat ng impormasyon tungkol sa bagay na iyan sa oras na pumasa kayo rito, ang gusto kong gawin ninyo muna ngayon ay ang hawakan ang crystal. Ipikit ninyo ang inyong mga mata at hanapin ang isang mainit na bagay na patuloy na tumatakbo sa inyong mga ugat. Sa oras na mahanap niyo ito ay igaya niyo siya patungo sa kung saan ang ang sentro. Doon, lalabas ang enerhiya na pagbabasehan ng crystal na nasa inyong harapan." Enerhiya na dumadaloy sa buong katawan? Ano 'to? Cultivation techniques? Possible bang mangyari iyon sa totoong buhay? Ngunit, kung sabagay ay isa nga naman itong kakaibang mundo. Ang mundo na kung saan punong-puno ng misteryosong bagay at hindi kapani-paniwalang mga pangyayari.  "May mga tanong pa ba kayo?" Tanong ng Heneral, "Kung wala ay pwede na kayong magsimula. Sino ang mauuna sa inyong dalawa?" Itinaas ni Alessia ang kaniyang kamay bago nagpatuloy muli sa paglalakad. Hindi na ako umimik pa at itinuon na lang ang aking atensiyon sa kaibigan ko. Kinakabahan ito, ramdam ko. Kahit ako ay kakabahan din sa possibleng mangyari. Hindi namin gamay ang mga bagay tulad nito, hindi namin alam kung ano ang possibleng mangyari sa oras na hawakan namin ang crystal. Napaka-impossible rin magtiwala sa mga taong nandito. Paano na lang kapag niloloko kami nilang dalawa? Hindi nga ba at alam na nila ang tungkol sa pinagmulan namin? Paano kapag ito ang kanilang paraan upang mapatay kami nito? Bigla akong napahawak sa aking dibdib ng maramdaman ko ang pagsakit sa aking puso. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata at inayos ang paghinga. Breathe in.. Breathe out.. Hindi ito ang tamang oras para atakihin. Gusto kong masaksihan kung ano ang gagawin ng aking kaibigan at kung ano ang mangyayari sa kaniya sa oras na hawakan na iyon. Nais ko rin itong tulungan kapag nasa bingit na ito ng kapahamakan. Tanging kami na lang dalawa ang magkasama kaya nararapat lamang na protektahan namin ang isa't-isa. Unti-unting itinaas ni Alessia ang kaniyang kamay hanggang sa dumampi na ang kaniyang palad sa crystal. Ipinikit nito ang kaniyang mga mata gaya ng sinabi ni Heneral dito. Nanatiling walang reaksiyon ang crystal sa kaniyang harapan sa loob ng halos limang minuto. Lalapitan ko na sana ito nang ilang sandali pa ay unti-unti itong umilaw hanggang sa napa-pikit ako sa sobrang liwanag. Anong nangyayari? Mas lalong bumilis ang pagtibok ng aking puso at hindi ako mapakali. Gusto kong lapitan si Alessia pero masiyadong nakakasilaw ang liwanag. Sinubukan kong tignan ito ngunit tanging likod niya lamang ang aking nakikita. Naka-hawak pa rin ito sa crystal at naka-pikit. Sana ay ayos ka lang, Alessia. Lumipas ang ilang sandali at unti-unti ng nawawala ang ilaw sa crystal, ngunit nanatili pa rin na nakapikit si Alessia habang nasa crystal pa rin ang kaniyang kamay. Mabilis kong ibinaling ang aking paningin kay Heneral at Rizy ngunit nakatingin lamang ang mga ito sa kanilang harapan habang naka-ngiti. Mukhang masaya ang mga ito sa nangyayari, hindi nga sila natinag sa ilaw na nagmula sa crystal. Dapat na ba akong kabahan sa nangyayari o dapat ko silang pagkatiwalaan? Ilang sandali pa ay umilaw na naman ang papel na hawak-hawak ni Rizy. Kasabay nito ang isang pagsinghap na nagmula sa pwesto ni Alessia. Mabilis akong lumingon sa kaniya at nakita itong hinahabol ang kaniyang hininga habang hawak-hawak ang kaniyang puso. Walang pagdadalawang isip ay linapitan ko ito kaagad at hinawakan ang kaniyang balikat. "Ayos ka lang ba?" Tanong ko rito. Hindi pa ito maka-tugon sa akin dahil patuloy pa rin ito sa pagsinghap ng hangin. Lumipas ang ilang sandali ay umayos na ito ng tayo at tinignan ako sa mga mata habang nakangiti.  "Ayos lang ako,"tugon nito sa tanong ko, "You don't need to worry." Isang matamis na ngiti ang kaniyang ibinigay bago ito lumapit sa akin, sabay hawak sa aking mga balikat habang nakatingin sa mga mata ko. "Hindi naman siya mahirap. Hindi rin siya masakit. Sa katunayan niyan ay madali lamang ang pasulit, iyon ay kung mahahanap mo agad ang enerhiya sa iyong katawan. Wala rin akong nararamdaman na side effects, talagang pinigilan ko lang ang aking paghinga kaya ganoon,"paliwanag nito at tumingin muli sa bolang crystal, "That crystal will only show you your potential. Hindi man ganoon kalakas ang aking kapangyarihan pero sapat na naman iyon para matulungan kita at masuportahan." Hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi mapangiti. Ang sweet talaga ng babaeng ito, simula bata pa lang ay ganito na talaga kaming dalawa. Suportado namin lagi ang isa't-isa, kaya lang minsan ay nag-aaway kami dahil sa isang mababaw na dahilan ngunit hindi naman lagi at nagkakabati rin agad. Tumango lamang ako rito bilang tugon. Hinawakan ko rin ng kaniyang braso bilang paghihiwatig na naiintindihan ko ang sinasabi niya. "Salamat,"tugon ko rito, "Kanina pa ako hindi mapanatag. Kinakabahan ako sa possibleng mangyari sa iyo." Tumawa lamang ito ng mahina atsaka tinaggal na ang kaniyang dalawang kamay sa aking balikat. Pagkatapos ay unti-unti itong naglakad patungo sa isang tabi upang hayaan sana akong kunin ang pasulit. "Good Luck,"sambit nito habang nakatalikod. Itinaas nito ang kaniyang isang kamay at kinaway, "Alam kong mas malakas ka pa sa akin." Napa-iling na lang ako dahil dito. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang kataas ang pagkabilib niya sa akin. Hindi nga ako sigurado kung may kapangyarihan ba talaga ako o wala. Kinakabahan din ako sa possibleng mangyari kapag turn ko na. Sinabi na nga ni Alessia na wala naman nangyari sa kaniya, ngunit iba-iba naman kasi kami ng katawan. Hindi ko alam kung pareho lang ba kaming dalawa, iyong kapag walang epekto sa kaniya ay ganoon din sa akin. Isang marahas na hangin ang aking pinakawalan bago nagsimulang maglakad patungo sa harap ng crystal. Habang papalapit ako rito ay hindi ko mapigilan ang sarili ko na mas lalong kabahan. Hindi ko alam kung ilang beses ko na ba nabanggit ang salitang kaba ngayong araw ngunit iyon lamang talaga ang aking nararamdaman. Nang tuluyan na akong makalapit dito ay tinignan ko muna ang kabuuan nito. Hindi ko rin maiwasan ang hindi mapalingon sa tabi na kung saan nanonood sina Heneral, Rizy at si Alessia. Nakangiti lamang ang mga ito samantalang ang aking kaibigan naman ay naka-taas lang ang kaniyang thumb finger. Tila ba sinasabi nito na maayos lang ang lahat. Dahil sa kaniyang ginawa ay medyo nakahinga ako ng maluwag. Tumango muna ako bago ko muling hinarap ang crystal na ito. Kung ano man ang mangyari sa akin, siguro ay bahala na si Batman. Hindi naman siguro ako mapapahamak, isa pa, sabi nga ni Alessia ay maayos lang ang lahat. Wala akong dapat ipag-alala. Kaibigan ko na ang nagsabi noon, kung kaya ay nararapat lamang na pagkatiwalaan ko ito. Umayos muna ako ng tayo bago unti-unting itinaas ang aking kamay. Ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang malabig na bagay na dumampi sa aking palad. Sa sobrang lamig nito ay para bang maiihalintulad ko na siya sa isang yelo. Unti-unti kong ipinikit ang aking mga mata. Sobrang daming mga bagay ang pumapasok sa aking isipan, ngunit, sa mga oras na ito ay hindi ko ito kailangan. Kailangan ko sundin ang sinabi ni Heneral, linisin ang aking isipan. Kung hindi ko ito magagawa ay paano ko mahahanap ang enerhiya na dapat kong hawakan? Pilit kong itinulak ang mga bagay na bumabagabag sa akin sa likod ng aking isipan. Sa ngayon ay dapat ko munang ituon ang aking atensiyon sa bagay na ito. Kailangan ko hanapin ang enerhiya na dapat kong igaya patungo sa sentro ng aking katawan. Bago iyon ay hanapin ko muna ito. Isa raw itong parte ng aking katawan na kung saan mas malakas ang enerhiya. Hindi ko alam kung ano ang hitsura nito pero siguro naman ay makikita ko ito maya-maya. Lumipas ang ilang sandali ay naramdaman ko na lang ang pagtahimik ng buong paligid. Kasabay nito ang pag-init ng aking katawan, para bang nasa loob ako ng isang lugar na sobrang dilim. Patuloy lamang ako sa paghahanap hanggang sa may nakita akong sobrang nakakasilaw na bagay. Sa sentro nito ay isang butas na hindi naman gaano kalaki, kung pagbabasehan ko ang hitsura nito ay sigurado ako na may nakalagay dito noon pero nawala na lang basta-basta. Hindi kaya ay ito 'yong core ng aking kapangyarihan? Kung ito nga ay dapat ko na hanapin ang enerhiya na naligaw sa katawan ko. Huminga muna ako ng malalim at nagpatuloy na sa paghahanap, lumipas ang ilang sandali ay may naramdaman akong isang sobrang init na bagay sa aking hita. Nanatili lamang ito roon na para bang sobrang dikit nito. Sinubukan kong hilahin ang enerhiya gamit ang aking isipan ngunit wala itong epekto. Paulit-ulit ko itong ginawa ng ilang beses ngunit ganoon pa rin, hindi ito gumagalaw kahit kaunti. "Alam mo bang wala akong pasensiya?" Bulong ko rito at pwersang hinila ang enerhiya. Hindi ko naman inaasahan na isa pala itong pagkakamali. Dahil sa ginawa ko ay bigla na lang nagsilitawan ang mga enerhiyang maliliit. Tila ba nagkakagulo ang mga ito dahil sa wakas ay nakalabas na rin sila sa kanilang pinagkukulungan. Sobrang nagkakagulo ang aking buong katawan dahil sa dami ng enerhiya na dumadaloy dito. Iyong iba ay kung saan-saan na dumadapo at napupunta, ngunit, labis naman ang aking pagkagulat nang maramdaman ko ang isang malakas na hangin na para bang hinihigop ang mga enerhiya na naririto. May ilang enerhiyang maliliit na kumakain sa gilid ngunit hindi rin naman nagtatagal. Ilang sandali pa ay nawala na ang mga ito at tanging ang malaking enerhiya na lang ang natitira. Hindi na ito umangal pa at nagpahigop na lang.  Sinusundan ko lamang silang lahat kung saan ito papunta hanggang sa makarating kami sa core. Kaya pala, ang silbi ng butas ng core ko ay para sa mga enerhiyang maliliit. Nang masirado na ng malaking enerhiya ang butas. Doon lang lumiwanag nang sobrang lakas, sobrang nakakasilaw nito na naging dahilan ng pagpikit ko. Lumipas ang ilang sandali ay doon ko iminulat ang aking mga mata. Halos malula ako sa dami ng mga bagay na nakasulat sa aking harapan. Ito 'yong mga attributes at status ko sa isang laro ah. Teka, bakit ang tataas na ng points ko? Bakit ang dami kong skills at powers? Teka.. "Specialty: Copy,"basa ko sa nakasulat sa aking harapan. Copy? Ano 'yong copy na pinagsasabi ng nakalista rito? Hindi ko maintindihan. Hindi nagtagal at bigla na lang nawala ang mga sulat sa aking harapan at tanging kadiliman na lang ang aking nakikita. Nasaan na 'yon? Hindi pa ako tapos magbasa. Labis naman ang aking gulat nang maramdaman ko ang pagyakap ng mga braso sa aking katawan. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata at nakita si Alessia na nakayakap sa akin. Sa likod nito ay sina Rizy at Heneral na nakangiti. "Tapos na ang inyong pagsusulit,"ani nito at ngumiti, "Binabati ko kayong dalawa, kayo ay ganap na na adventurers." Isang malakas na tili ang aking narinig mula sa kaibigan ko at dahil nga sa naka-yakap ito sa akin. Halos napadaing ako dahil sobrang sakit nito sa tenga. "Nasa tabi mo ako. So, please, shut up,"bulong ko rito. Binatawan ko na ang pagkakahawak ko sa bola at kumalas sa yakap ni Alessia. Hinarap ko ang dalawang tao na naririto at ngumiti. "Salamat sa inyong gabay,"sabi ko at yumuko ng bahagya, "Ngunit, nais ko lang sana malaman. Kung tapos na ang aming pagsusulit, ano na ang aming dapat gawin? At gusto ko rin sana ipaliwanag niyo sa amin kung ano ang mga bagay na alam niyo tungkol sa amin." Nagkatinginan ang dalawa atsaka ngumiti. Hindi ko maintindihan kung bakit ganiyan sila kung makatingin sa akin. Sabay-sabay na tumawa ang mga ito nang malakas. Hindi ko kamo sila maintindihan. Napatingin naman ako kay Alessia upang sana ay tanungin ito kung alam niya ang nangyayari pero mabilis itong nagkibit balikat at umiling. Sinabi ko lang naman ang gusto kong malaman. Bakit bigla na lang kami nito tinawanan? Hinintay lamang namin itong tumigil ang dalawa bago magsalita muli, hindi naman nagtagal at tumigil na rin ang mga ito. Pinunasan nila ang kanilang mga luha bago muling magsalita. "Alam naman namin na gusto niyong malaman ang tungkol sa bagay na iyon,"sabi ni Rizy, "Hindi pa naman namin ito nakakalimutan. Sa ngayon ay atupagin muna natin ang pagrehistro sa inyo, pinapangako ko na ipapaliwanag namin sa inyo ang aming nalalaman." "Isa pa Val,"dugtong ni Heneral, "Kahit sino naman sa lugar na ito ay may alam sa pinagmulan niyo at kung ano kayo. Kaya huwag kayong mag-alala, ligtas kayo rito. Hindi namin kayo papatayin o itatapon. Isa pa, baka kami pa nga ang malalagot ng namumuno sa bayan kapag ginawa namin ang bagay na iyon. Kaya kung ako sa inyon ay huwag na kayo mag-alala at magrehistro na."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD