SHIFT V
"Terman," napalingon ako sa pinanggalingan ng boses.
Napangiti ako ng makita ko si Suralin isang dipa ang layo habang suot-suot niya ang kulay berdeng damit pang muslim.
Ganitong oras lang kami nagkikita. Sabi ni Ader madalang naman daw lumabas kapag umaga ang babae.
"Wow, may ulam ulit ako?" Natatawa kong sabi ng inabot ni Suralin ang paper bag.
"Oo, kailangan mo 'yan. Nagpupuyat ka tapos kape at noddles lang ang kinakain mo." Parang Nanay na litanya nito.
"'Yon lang ang kaya, e." Natatawa kong depensa.
"Mura lang kaya ang gulay, sa bente pesos mo may isang serve ka na!"
Hindi ko alam pero parang nakikita ko ang mga labi niya sa likod ng telang nakatabing dito.
Alam kong nakangiwi ito.
"Mag karenderya ka na lang din kaya, Suralin?" Pabiro kong suhesyo at bahagya naman itong natawa.
"Bakit? Masarap kaya ang mga luto mong gulay." Dagdag ko pa.
"H'wag mo na akong bulahin, bukas mag luluto ako ng Insilada. Bigyan kita."
Dalawang linggo na matapos ko siyang makilala. Saakin niya na inihahabilin ang mga paninda niya tuwing gabi, at dadaanan lang ng mga resellers niya ang mga ito sa pwesto ko.
Iiwan niya sakin ng gabi, kukunin ng mga resellers, at kukunin niya saakin ang bayad pagkaumaga---then repeat.
Naging ganon ang cycle.
Tapos dadalhan niya ako ng kape o di kaya ulam.
Masaya naman ako na nakakatulong ako sa kanya.
"Ang sipag mo no?"
"Kailangan ko ng extra," ngumiti ang mga mata nito.
Napag alaman ko na hindi siya taga rito sa Dumangas.
Hinila nito ang mono block at inayos ang suot niya bago umupo. Nakatayo naman ako sa harap niya habang nakatukod ang siko sa poduim.
"Ah, Suralin. May tanong lang ako."
Napatingin ito sa akin habang nakataas ang dalawang kilay.
"Ano ang tawag diyan sa suot mo?"
"Niqab. Sagradong kasuotan ito naming mga muslim." Sabi nito habang hawak ang dulo ng manggas. "Ito naman ay Hijab." Turo niya sa belo na naka hapulit sa kanyang ulo.
Napatango ako. . .Niqab pala ang tawag doon.
"Bakit hindi ka magtinda ng umaga? Sigurado maraming bibili sayo." Pag iiba ko ng usapan.
Napailing ito sa akin.
"Hindi ako pinapayagang mag tinda ng. . . ng kasama ko." Umiwas ito ng tingin.
Napatango na lang ako. Baka kasi tradition nila 'yon, hindi ko alam.
"Kaya pinupuslit ko ang mga 'yan ng ganitong oras kasi kagaya mo, night shift din siya."
"Ah, security rin?"
Napailing ito, "sa 7/11."
"Ikaw lang pala mag isa diyan sa unit niyo kapag wala ang boyfriend mo."
Napaangat ito ng tingin sa akin.
"Hindi. Wala akong ganyan."
Umiba ang tono ng boses nito. Nakalimutan ko na iba pala tradition nila.
Ganito palagi ang nararamdaman ko kapag kausap ko siya. Natatakot ako sa mga salitang ibabato ko kasi baka offending pala iyon sa kanila----sa kanya.
"Sorry, sorry." Sabi ko at umayos ng tayo.
"Bago ka lang talaga dito, ano?" Sabi nito.
"May isa't kalahating buwan na rin."
"Ako, halos mag iisang taon na rito. Una sa Pavia kami. Pero nalipat dito."
"Bakit?"
"Hindi namin kaya ang upa roon."
"Mas maganda nga dito sa Lounging, mura na safe ka pa."
Napatingin ako sa mga mata niya. Unti-unti mas nababasa ko ang mga nanghihigop niyang mga mata.
"Ikaw, hindi ka rin taga rito diba?"
"Taga Jamindan Capiz, ako."
"Malayo ba iyon?"
Napangiti ako. . . Malapit lang. Kaya lang ayaw ko umuwi ng walang maipagmamalaki.
"Oo. Kaya hindi na ako umuuwi." Natatawa kong saad.
"Akala ko malapit lang, baka kasi may alam ka do'n na pwede kong lipatan."
"Lilipat ka na?"
"Sana. Kapag nakaipon na ako ng sapat."
"Bakit kayo lilipat?"
Sa isip ko lang sana 'yon pero di ko namalayan na nasabi ko na pala.
Baka mamaya isipin niya na tsismoso talaga ako.
"Dalawa kami lilipat," napaiwas na naman ito ng tingin. "Kung makakaipon ako ng sapat sa loob ng isang buwan, baka aalis na kami."
Napatango ako. Kahit na sa loob-loob ko, hindi ko na naman maipaliwanag ang nararamdaman ko.
"Sige, sabihan kita kapag may nakita akong pwede niyong lipatan."
Ilang minuto pa siyang nagtagal sa puwesto ko pero pumasok din siya agad ng nagsimulang pumatak ang ulan.
Napatitig ako sa paper bag na bigay niya. Pag bukas ko, napangiti ako. . . Gulay.
Binigyan niya ako ng pakbet.
Simula ng umpisa puro gulay ang binibigay niya sa akin. Napag alaman ko rin na mas matanda pala ito sa akin ng apat na taon.
Twenty five na ako tapos twenty nine na siya.
Dapat pala Ate Sura tawag ko sa kanya. Pero iniisip ko pa lang nasasagwaan na ako.
KINAUMAGAHAN, nag aalala na ako kasi walang nag pick up ng mga paninda ni Suralin.
Buong gabi naman akong naghintay pero wala namang dumating.
Baka na scam siya?
Sinilip ko ang mga paninda niya, sari-saring kulay ng mga polseras ang na sa loob.
"Ang galing naman ng babaeng 'yon," bulong ko ng may paghanga.
Mag aalasais na at hindi magtatagal nandito na si Ader. Inisip nga ng kumag na 'yon na nakikikomisyon ako sa negosyo ni Suralin.
Pero parang naiisip ko na nga ring maghanap ng extra pang trabaho. Tunganga lang naman ako tuwing umaga, e.
Palingat lingat ako sa paligid, pero wala pa rin yong mag pipick up ng mga paninda.
Nakaramdam ako ng awa kung iispin na na scam siya.
May puhunan kasi siya rito. . . At lahat ng inoorder sa kanya, nilalaanan niya ng kapital. Idagdag pa ang isipin na kaya lang naman siya nag titinda para makaipon at makaalis sa lounging house.
"Terman," napalingon ako sa nagsalita.
Si Suralin.
"Anong oras ang Shift mo?" Tanong nito.
"Mga alas sais trenta, pagdating ni Ader." Napatingin ako sa ilalim ng poduim.
"Suralin, ano kasi e. Hindi dumating ang reseller mo." Sabi ko.
"Kaya nga," mahinahon na saad nito at inilapag sa poduim ang tasa ng kape.
"Pwede ka ba mamaya?"
Tila nangungusap ngayon ang mga matang kinakatakutan ko.
"Alam mong hindi nakarating ang reseller mo?"
Tumango ito ng ilang beses kaya parang nabunutan ako ng tinik.
"Nakiusap si Divin, reseller ko na baka pwede ko raw mahatid sa pwesto nila sa palengke may athritis daw siya e kaya hindi siya maka pick up." Paliwanag nito.
"Kaya sasagarin ko na kabaitan mo Terman. Pwede ka ba mamaya? Wala akong motor ngayon e. Saka ako bahala sa pang gas mo---"
"Oo naman, anong oras?"
"Puwede mo ako balikan ng mga alas nueve."
Tumango naman ako sakanya.
Aalis na sana ito pero napahinto siya. . . Nasilayan ko kung paano ngumiti ang mga mata niya.
Kakaiba.
"Thank you, Terman." Bahagya itong napayuko.
"'Yong kape mo baka lumamig!" Turo nito sa kape habang naglalakad na paalis.
Nagmadali akong umuwi sa boarding house para maligo muna. Gusto ko presentable naman ako habang angkas-angkas ko ang isang desenteng babae.
Hindi ko alam paano ako napapayag ni Siralin--- hindi lang basta napapayag! Nanginginig pa.
Kahit oras ng pahinga ko ipagpapalit ko sa kaunting sandali na makasama ko siya.
First time kong may i-aangkas sa motor ko. Muslim pa!
Pakiramdam ko karangalan ko na maging kaibigan ang katulad niya. Masipag siya at alam kong ginagawa niya lahat para sa pamilya niya kahit hindi niya sabihin.
Curious ako sa pamilya at kasama niya diyan sa lounging pero hindi ko naman matanong kasi baka akalain no'n ka lalaki kong tao pero tsismoso ako.
Ilang sandali pa ay na sa boarding house na ako. Tahimik pa sa at tanging mga estudyante lang ang nag iingay sa kakamadali na hindi ma late.
Naalala ko tuloy ng High school ako. Award ako lagi kasi late ako. Nang sumilip naman ako sa college kahit first sem lang, ako rin ang dakilang walang pakialam kung ma late man---- hindi kasi talaga para sa akin ang school na 'yan.
"Kuya Terman!" Bati sa'kin ng mga binatilyo na kasamo sa BH.
"Ingat, ingat!" Tinapik ko sila isa isa bago sila nagsilabasan.
Papasok na sana ako sa loob ng mahagip ng mga mata ko ang dalagitang nakaupo pa rin sa sofa sa living room.
Naka uniform na ito habang yakap yakap ang bag niya. Lukot ang mukha at parang may malalim na iniisip.
Napabuntonghininga ako bago lumapit ng bahagya sa kanya. Nakatayo lang ako habang nakahawak sa lace ng bag ko na nakasabit sa balikat.
Nakaalis na yata ang mga barkada nito na laging niyang kasama sa BH ng girls.
"Neng, ayos ka lang?" Tanong ko dito.
Lumipat sakin ang mga mata nito na agad din niyang iniwas.
"Ikaw pala, Kuya Terman." Itiniklop nito ang mga labi't napabuntong hininga. Tumingala ito. . . Alam kong nagpipigil lang siya ng luha.
Ano kaya problema ng batang 'to?
Nakikita ko sila rito palagi at siya rin ang una kong napapansin sa lakas nitong tumawa na labas pati ngala-ngala.
Nakatirintas pa ang buhok nito, may pulang tinta ang mga labi niya. Ano nga ba tawag ni Teresa do'n? Liptint?
Liptint kasi 'yong tanging hinihingi sa'kin no'n. H'wag daw ako uuwi kapag wala akong dalang gano'n.
"May problema ka ba?" Marahan kong tanong.
Naaalala ko kasi sa kanya si Teresa. 'Yong kapatid ko.
Sa tansya ko mag kaedad lang din sila ng Neneng na 'to. Neneng o Nene ang tawag ko sa mga kasama naming babae dito dahil hindi ko naman talaga sila kilala isa-isa.
Pader lang ang nakaharang sa pagitan ng BH naming mga lalaki sa BH nilang mga babae. Hindi kami pwede mag sama sama sa iisang BH. Dito lang kami sa sala o di kaya sa terrace at hapag kainan pwede magsama.
"Nadja po pangalan ko kuya," pilit itong tumawa pero nagmukhang tunog palaka lang.
"Di mo pala ako kilala. Akala ko kilala mo na ako kasi iisang BH building lang naman tayo." Nahihimigan ko ang tampo sa boses niya.
Napakamot ako sa likod ng ulo ko. Tama kasi siya. Hindi ko siya---sila lahat kilala.
"Sorry Nadja, ha? Makakalimutin ako sa pangalan, e."
Totoo naman. Hindi ko na sila kinikilala isa-isa. Kung paano kasi sila mag damit na parang kinapos sa tela at kunting galaw lang ay luluwa ang papaya at santol! Tapos idagdag pa ang mga labi nilang putok sa liptint at mga pisnging parang binanatan ng sampal---- oo lahat sila dito sa BH ganyan ang ayos.
Sabi ko nga minsan ano kaya 'yon nila, uniform?
Kaya hindi ko na sila kinilala isa isa, magkakamukha kasi sila sa pananamit at pag aayos.
Kaya nga talagang naiiba si Suralin.
Makita ko lang si Teresa na nakikigaya sa mga gano'ng uso, malulumpo talaga sa'kin ang batang 'yon.
"Ayos lang kuya," napabalik ang atensyon ko kay Nadja.
"Bakit parang namumutla ka Nadja? Magsabi ka sakin, kuya niyo ko dito kaya h'wag kang mahiya."
"Kuya kita tapos di mo alam kanina pangalan ko." Mapakla na naman itong napatawa.
"Ayaw na ako sustintuhan ng Tiyahin ko na nagpapaaral sa'kin. Naniwala kasi sa tsismis." Biglang kwento nito.
"Ngayon di ko alam kung hanggang saan ako dito kay Auntie Malditing." Natawa ito ng tuluyan, pero hindi nakatakas sa mga mata ko ang pagkislap ng gilidang bahagi ng mga mata niya.
"Bakit kasi ang unfair ng mundo sa akin Kuya, kapag si Ate nong nag aaral pa todo suporta lahat. Tapos ng nagkamali si Ate at nadisgrasya ng gasoline boy, ayos lang sa kanila! Pero ako? Parang napipilitan lang sila sa'kin. E, wala naman akong ginagawang masama. Nag-aaral naman ako ng maayos."
Sa hindi ko malamang dahilan, alam kong naiintindihan ko siya. Nakaramdam ako ng awa kay Nadja.
Siguro dahil kahit ako hindi ako paborito ng Papa ko. Ayos lang naman sa akin na mas pabor siya kay Tomas at Teresa. Masaya ako kahit nakakainggit naman talaga.
Pero kahit kailan 'di ako nag tanim ng inggit sa mga kapatid ko. At least sila mahal, diba?
"Ayaw ko na, Kuya." Dugtong nito.
"Ipakita mo sa pamilya mo na mali sila ng iniisip sayo. Mag aral ka ng mabuti. Saka h'wag ka nang makisabay sa mga barkada mo dito sa BH. Hindi naman sa masama sila. Pero hinahatak ka nila sa landas na hindi mo dapat puntahan. Kung mga kapatid ko lang kayo, siguradong lumpo na kayo ngayon." Natatawa kong dugtong sa huli.
"Salamat, Kuya Terman."
"Sige na, pumasok ka na. Baka ma late ka. Kung kailangan mo ng kausap, nandito lang ako. . .tuwing umaga." Sabay kaming natawa.
Alam niya naman kasi na tuwing umaga lang ang silbi ng BH na 'to sa'kin.
Tumayo na ito sa sofa at isinukbit ang kulay pink nitong back pack.
Akala ko aalis na ito pero nanatili itong nakatayo sa harap ko na para bang may sasabihin. Napakamot pa ito sa likod ng ulo niya.
"Bakit, Nadja?"
"Kuya ano kasi. . . " napangisi ito ng alanganin.
Alam ko ang galaw na 'yan. Parang ganyan si Teresa kapag manghihingi ng limang piso o di kaya kapag may kailangan!
Napangiti ako sa kanya at lumapit ng bahagya.
Napaangat ang tingin nito sa akin ng tumama ang mga mata niya sa dibdib ko, hinawakan ko siya sa magkabilang balikat at mataman na tiningnan.
"Ayosin mo buhay mo Nadja, siguraduhin mo na makakapagtapos ka." Saad ko bago siya binitawan.
Agad kong dinukot ang wallet ko at hinugot ang isang daan at inabot sa kanya.
Alam ko na ito ang kailangan niya. Bilang kuya na nararamdaman ko ang pangangailangan ng isang kapatid.
Parang na mimiss ko tuluy si Teresa at Tomas.
"Salamat, Kuya!"
Binalot ako ng mga maliit niyang braso.
"Promise kuya, hindi ka magsisi sa pagpapahiram mo sa'kin ng pera---" sabi nito ng kumalas siya sa pagkakayakap sa'kin.
"Hindi hiram 'yan, bigay ko 'yan sayo."
Matamis itong ngumiti bago ako kinawayan.
Napailing na lang ako. Hindi ko talaga maintindihan ang mga magulang na natitiis ang anak.
Kung magiging ama man ako sisiguraduhin kong hindi nila mararamdaman ang nararamdaman ko at ni Nadja.
ITIM na v-neck shirt at kupas na maong na may punit-punit at halos kita ang tuhod ko, na tinirnuhan ko ng islander na tsenelas.
Naalala ko ang tsenalas na 'to, galing 'to sa isang sundalo na tinitimplahan ko ng kape tuwing umaga---parang Tatay siya sa akin. . . Si lieutenant colonel Dionesio Lozada.
Regalo niya ang tsenelas na 'to bago ako umalis sa trabaho ko sa Camp Peralta.
Nakakamiss din ang Capiz. . . Pero nangako na ako na hindi ako babalik sa bahay hanggat wala akong maipagmamalaki.
Alas otso y medya na ng bumyahe ako pabalik sa Lounging para sunduin si Suralin. Ayaw ko na paghintayin pa siya kaya mas inagahan ko na.
Pagdating ko sa Lounging namataan ko agad si Ader na todo ngiti at kumakaway pa sa'kin.
Pinark ko muna sa parking area ang motor ko bago ko siya pinuntahan sa pwesto niya.
"Na miss mo 'ko?" Bungad agad ng ungas.
"Ulol. May lakad kami ni Suralin."
Pinasadahan ako nito ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Finally! Terman the virgin will go on a date with a decent Muslim woman!"
Pumalakpak pa ito sa ere na para bang proud na proud siya sa'kin.
"Ogag. May delivery lang siya!"
Date? Possible kayang makipag-date ang babaeng Muslim sa isang Kristiyano?
Ilang minuto pa kaming nagkulitan ni Ader, pero sabay rin kaming natahimik ng iniluwa ng entrance ang babaeng naka kulay pulang---burqa? Tama Burqa ang suot nito ngayon. Kasama nito ang house keeper na pamilyar sa akin.
Siya iyong house keeper na tumulong sa mag Ina na makapasok kahit ayaw hubarin ang helmet.
Lumitaw ang kaputian ng mukha nito, ngunit natatabunan parin ang labi at ilong nito kasi nagsuot siya ng mask.
Hindi ko talaga alam pa kung ano ang bawal sa kanila at pwede. Basta ang alam ko lang marami silang tradition na sinusunod.
"Good morning," bati nito sa amin ng makalapit sila.
"Mauna na ko, Suralin." Paalam ng house keeper sa kanya na tinugunan niya ng marahang pagyuko.
Pakiramdam ko hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Parang iba ang dating ni Suralin sa suot niya ngayon.
She's my own definition of decent and pretty.
"Oy, ayos ka lang?" Tanong nito.
Napakurap ako ng ilang beses bago kinuha sa mga kamay niya ang dalang dalawang sako bag.
Ang alam ko siya rin ang tumatabas at nag dedesenyo ng mga sako bag niya.
Creative. Masipag. Maparaan.
Ang galing. . . Ang swerte naman ng lalaking mamahalin niya.
"Tara na?"
Tumango ito saakin at nagpati-unang naglakad papuntang parking area.
Sandali niyang hinawakan ang dalawang bag habang pinapaandar ko ang motor.
Inilahad ko ang kamay ko para kunin ito pabalik sa kanya ng na start ko na ang motor, pero umiling ito.
"Mahihirapan ka mag drive, ako na magdadala."
"Hindi, ako na Suralin."
"Ganito na lang, sayo 'yong isa tapos sa'kin ang isa para fair."
Pumayag na ako.
Pinuwesto ko ang bag sa Tangke ko at itinali ang lace para hindi mahirap.
"Sakay na," nakangiti kong saad at kinuha ulit sa kanya ang bag para makasampa siya.
Parang may kung anong pumaso sa akin ng tumukod ang malambot niyang kamay sa balikat ko. . . Diyos ko, ano itong nararamdaman ko?
Wala pa din ako sa katinuan ng kinuha na niya ang bag pabalik.
"Sa Palengke lang tayo." Saad nito.
Ito na yata ang unang punta ko sa Palengke na ganito ako kasaya. . . at ka excited na parang mall ang pupuntahan ko. . . palengke lang ang pupuntahan ko pero abot langit ang ngiti ko, kasi si Suralin ang kasama ko.