SHIFT II

2423 Words
"Wampipti? Ang mahal naman!" Napakamot pa ako sa ulo. "Sariwa naman 'yan Sir, bagong bago!" Ayaw talaga magpatinag. Sabagay fresh from Dumangas Iloilo seaport ang mga inaangkat na mga isda sa palengke. Amoy alat ng dagat at mamula-mula pa ang hasang ng bangus. Maliit lang ang ulo nito, sensyales na tabain. 'Di na ako lugi. Ayaw naman magpatawad ng ale na may turban na bulaklak sa ulo. "Wala na gid ni ya ayo?" Huling hirit ko. Napahalakhak na lang ito sabay iling. One sixty kasi iyon kanina tinawad ko na. Wala ayo, means wala na ba talagang tawad? "Ok a, kwaon ko na lang!" Sabi ko sa kanya. Kwaon ko na lang means kukunin ko na lang in hiligaynon. Kinuha nito sa kiluhan ang bangus at inilapat sa puting plastic. Inabot ko ang eksaktong bayad bago umalis. Isang linggo na ako sa Lounging at naghanap na talaga ng ibang pagkain ang mga hayop kong bituka. Nasasabik na akong ihawin ang bangus na ito. Bumili na ako ng sarili kong yakult--- alak. Mag-isa lang naman ako sa boarding house, umuwi mga ka boardmate kong mga estudyante kaya inaya ko si Ader. Pareho kaming day off at walang trabaho tuwing sabado at linggo. Pang weekdays kami pareho. Ang loko hindi naman tumanggi. Nagpaalam na ako sa Land lady na tatambay kami ni Ader sa may garahe nila para mag ihaw at magkatuwaan lang. Si Ader ang unang naging kaibigan ko sa trabaho, maliban sa may pagkaloko-loko siya ay madali kong masakyan ang liko ng bituka niya. 'Ang ganda ng Dumanggas,' Bulong ko sa sarili. Namamangha ako sa lugar na ito, malayo siya sa kinalakihan kong bukirin at lungga ng mga sundalo. Doon walang ganito kalapad at kalinaw na dagat. Coastal province kasi ang Dumanggas kaya dinadayo rin ang mga sea foods nila. Sea food Capital ang Capiz, kaya kung may namimis man ako roon ay walang iba kundi ang mga talaba, green shells, at ang puyoy. Dumanggas ang naging bagong simula ko. Malayo sa mga magulang ko, kapatid, kaibigan, at sa mga nakasanayan ko. Mahirap naman talaga. Pero kailangan. Kailangan ko rin ng pansarili ko, hindi ko pwede i-asa kay Capgo Alferez ang buhay ko. Simple lang naman ang gusto ko. . . Mapatunayan ko lang sa Tatay ko na hindi ko kailangan ng diploma para lang maging successful. PAGKAUWI ko sa boarding house ay nilinis ko agad ang mga bili kong isda, ginayatan ko ito ng sibuyas, sili, at bawang. Winitikan ng paminta at sinabawan ng toyo at suka. Pinisaan ko rin 'to ng kalamansi na halos magpakulo na ng tiyan ko. Minarinade ko muna ito, nakakahiya naman makigamit ng ref sa Land lady, kilay pa lang no'n uurong na dila ko. Naglaba pa ako ng uniporme't mga damit ko bago naligo, damang-dama ko tuloy ang pag-iisa at pagiging independent ko ulit. Sa bahay kasi si Teresa ang naglalaba, 'yong bunso namin. Limang piso lang katapat no'n. NAKA-IDLIP ako sa kama habang hinihintay si Ader, pagsilip ko sa labas kulay kahel na ang langit. Nasaan na kaya ang loko-lokong 'yon. Napakamot ako sa likuran. Parang hindi ako sanay sa katahimikan ng boarding house ngayon, at mas lalong hindi ako sanay na nandito pa rin ng ganitong oras. Ito ang unang gabi ko rito. Sanay akong mag-isa, kapag na sa Camp Peralta ako wala naman akong kasama madalas sa kitchen kapag oras ng pagtulog. Sa gitna ng pagmumuni-muni ko ay may narinig akong ingay ng motorsiklo at tumama ang signal light nito sa bintana ko. Dinig na dinig ko ang malutong na tawa ni Ader kasama ang Land Lady namin na sa tingin ko ay binobola na naman niya. Narinig kong na sa labas na sila ng pinto ko kaya pinagbuksan ko na. Bumungad sa akin ang Land lady na todo ngiti habang may mga rollers pa sa buhok, tama nga ang kutob ko binobola---hindi! Nilalandi ang tamang term. Nilalandi ni Ader ang Land lady! Natawa ako sa kanila. Patay kang dabyana ka kapag pumatol siya sa kaibigan kong akala mo sampu ang bayag. "Angas, pre a!" Sabi ko sa kanya. Kinandatan pa nito ang balo na Land lady bago pumasok. Ogag talaga. "Angas mo a, pang ilan si Malditing sa listahan mo?" Tanong ko. Si Malditing ang land lady dito na balo, namatay daw ang asawa nito matagal na. Sabi ng mga ka boardmate kong estudyante, masungit at istrikta daw 'yon. Pero parang hindi naman. Minsan nga nakakautang pa ako ng yelo at palamig sa pwesto niya sa labas. Natawa ako sa naisip. "May dala akong baboy, ihaw-ihaw tayo." Napatingin ako sa mga laman ng supot na dala niya. Lahat talaga ng mga dala niya pang wal-wal. Bigla ko tuloy na mimiss mga kasama ko sa tagayan sa Jamindan. "Ayos a, ang dami mong pa chibug a." Kumento ko. "Naman, birthday ng anak ko e." Sabi nito na bahagya kong ikinagulat. "Gago, may anak ka na pala?" "Oo," "Tapos ang landi mo," natatawa kong sabi. "Nasaan siya? Saka, bakit dito ka mag ce-celebrate, ungas 'to." "Na sa Nanay niya," "Hindi mo bibisitahin? Wala akong alam na may anak ka na. Sana pala nakabili tayo ng laruan at cake. Gusto mo puntahan?" Bahagyang namatay ang sigla sa mga mata ni Ader na nagpataka sa akin. "Oy, bakit?" Tanong ko habang sinasalin ang baboy sa tupper ware. "Hindi ko sila pwede makita, may kasalanan ako sa kanila." Ah, kasi babaero kang ungas ka! Kung hindi kita kaibigan siguro na trash talk na kita. Ekis saakin ang mga kaibigan ko sa amin na may tatlong nobya, e iisa lang naman ang mga ano nila. Ano 'yon threesome?! "Huhusgahan mo rin ba ako, Terman?" Biglang sumeryoso at malamlam ang masigla nitong tono na nakasanayan ko na sa kanya. "Nakabuntis ako ng menor de edad sa probinsiya namin. Tatlong taon ko na siyang hindi nakikita." Parang na statwa ako sa mga inamin niya. Sa ugali ni Ader na mahilig naman talaga sa babae ay dapat hindi na ako magtaka. Pero bakit menor?! "Menor de edad?" "Oo, at nakasuhan ako." Talagang kakasuhan ka! Kung ako ang kuya ng babae baka binaril kita! "Marami akong babae, Terman. Pero naiiba si Nene. Hindi naman dapat hahantong sa gano'n, kung hindi lang nila ako nilayo sa kanya." "Naiintindihan naman kita, tol. Pero sabi mo menor ang babae, kahit sinong magulang kukulo ang dugo sa ginawa mo." Sabi ko. "Bente sais lang ako ng nangyari 'yon, tatlong taon na nakalipas. Hindi ko sila mabalikan, wala na akong balita sa mag ina ko." Bahagya kong tinapik ang balikat niya. Ngayon ko lang siya nakitang ganito. Madalas kasi pilyo siya kaya madali ko siyang nasakyan. Nagsimula na kaming pumwesto sa garahe. Naglabas kami ng dalawang silya at kwadradong mesa. Baso at pitcher. Nakahiram kami ng ihawan kay Malditing, at libreng uling dahil kay Ader. Nadugas niya sa Land lady naming may interest yata sa kanya. Nag prisenta pa si Malditing na siya ang mag iihaw kaya nakaupo lang kami ni Ader. Masarap ang bangus na ambag ko, malinamnam ang laman at tamang tama ang pagkaka-ihaw ni Malditing. "Ikaw, bakit ka nandito sa Dumangas. Diba sabi mo taga Jamindan ka?" Nagkibit balikat lang ako at bahagya napangiti. "Ikaw nakabuntis, ako nasagasaan." Sumilay kunot sa mga noo nito. "Sinasagasaan?" Ulit nito. "Sinagasaan ng Tatay ko ang pride ko." Simple kong sagot. Napatango lang ito na tila ba alam niya na ang tinutukoy ko. "Kitchen boy ako sa Camp Peralta, taga luto---boy. Boy nga tawag sakin ng mga sundalo do'n. Marangal naman na trabaho 'yon, mababait naman sakin ang mga sundalo. Anak na nga turing sa'kin ng iba at gusto pa akong paaralin para maging katulad nila." Sumimsim ako sandali at napatingin kay Malditing na nakikinig din pala sa mga kwento ko. "Ano nangyari?" Sabat ng babae. "CAFGU ang Tatay e, kinahiya niya ako na utusan lang ako ng mga sundalo. Wala na raw akong mararating sa buhay." Tama naman si Tatay, wala na akong ibang pangarap. Nakuntento na ako sa trabaho ko at kakarampot na kinikita ko do'n. "Gusto niya ako mag aral kaya napadpad ako sa Antique sa tiyahin ko noon. Kaso, wala talaga akong interest mag-aral. Kung ano ano inatupag ko do'n." Sabi ko. "Sabi ni Tatay wala akong mararating kasi kagaya raw ng hollow blocks ang utak ko. Matigas pero walang laman." Natawa ako habang sumisimsim sa baso. "Ako nga Terman graduate ng Mass communication, pero na saan ako ngayon?" Sabay ni Malditing habang pinapaypayan ang mga inihaw. "Wala rin naman akong narating kahit may pinag-aralan ako. Kasi? Wala akong tiyaga. Ikaw masipag ka, may tiyaga ka, determinado. Kahit walang titulo sa dulo ng pangalan mo, magiging matagumpay kang tao." Mahabang turan nito. Parang naalala ko sa kanya si Nanay. Tama naman siya. Na sa sipag pa rin ito. Hindi naman lahat ng walang natapos na degree at walang hawak na diploma ay mga pariwara na agad. "Salamat po, may punto ka po diyan." Sagot ko. "Wala kang ka probmeba problema sa lovelife, pre a? Angas naman." Napatagay ulit si Ader matapos ang litanya niya. Saka naman inilapag ni Malditing ang mga inihaw na baboy na nanuot agad sa ilong ko ang bango. Parang gusto ko tuloy mag kanin. "Nag iisa na nga lang din ako rito sa negosyo ko, may anak kami ng yumao kong asawa pero na sa abroad na. Nag asawa ng puti." Kwento ni Malditing. "H'wag niyo na akong e po, Ate Maldi na lang." "Ate Maldi, pasensiya na pero ano po nangyari sa asawa ninyo?" Si Ader. "Na baril ng asawa ng kirida niya," humalakhak pa ito. "Na mimiss ko siya, mahal ko din. Pero sinabihan ko na siya dati na h'wag ang kumare ko. Kasi ang asawa no'n usap usapan na hired killer. Hindi nakinig. . . Ayon ubos ang isang mag ng baril sa kanya---ng libre!" Parang simple lang ang pagkakakwento niya pero bakas ang sakit sa mga mata niya. "Sampung taon na akong balo! Walang hustisya sa asawa ko." "Bakit po? Hindi kayo nag sampa ng kaso?" Tanong ko. "Para saan? Alam mo Terman, naiintindihan ko ang nararamdaman ng taong gumawa no'n sa kanya. Dahil sa hayop kong mister, naiputan siya sa ulo ng bigaon niyang asawa. Nanahimik ako kasi pareho kami ng nararamdaman. Mas maigi ng pareho kaming nawalan." Ang gulo. Kaya ayaw ko sa mga rela-relasyon na 'yan. Parang impyerno kapag napunta ka sa magagaspang na kamay. "Ikaw Terman? Wala kang nobya?" "Wala po, Ate." Napakamot pa ako sa ulo . "Tama naman 'yan, h'wag kang magmadali para hindi ka matulad sa akin!" Napahalakhak pa ito. Halos maubos na namin ang dalawang case ng beer, mga sukaan din yata ang mga nahamon ko sa inuman. Panay pa ang kwentuhan ng dalawa, habang ako naman ngayon ang nag presentang mag ihaw. "Ilang taon ka na sa trabaho, Adriano?" "Ate Maldi naman, Ader nga lang po!" Sabay kaming napahalakhak sa pagrereklamo ni Ader. Kagaya ko may mabantot din itong pangalan. "Tatlong taon na ako sa Lounging House. Doon ako na sipa matapos akong bantaan na papatayin ng pamilya ng babaeng nabuntis ko sa Capiz." Taga Capiz din si Ader. Sa Pilar. Second district kami habang na sa first naman sila. Napaubo ako ng malanghap ko ang usok, sabay nag si hagikhikan ang dalawa ng inakala nilang nasusuka na ako. "Ulol!" Singhal ko ng natatawa. Walang pang nagpapasuka sa akin sa inuman! KINAUMAGAHAN hindi ko alam kung sino ang naghatid saamin sa kwarto ko. Naabutan kong nakatihaya na si Ader sa upuang kahoy, habang walang damit pang itaas. Malalim ang paghinga nito. Magtingin ko sa orasan, hayop! Alas onse na! Kung na sa Camp Peralta ako siguradong tatlong suntok sa tiyan ang aabutin ko kay Tatay. Bawal ang ganitong gising sa amin. Ang tawag sayo kapag nasikatan ka ng araw sa higaan ay. . .PENSYONADO! Hindi ko na muna ginising si Ader, naligo muna ako at nagpalit ng pambahay. Naiwan sa mga katawan namin ang kumapit na amoy ng alak. Nag init ako ng tubig para makapagkape rin ang isa pang pensyunado na kasama ko. Habang nag iinit sa heater ay inayos ko ang damit kong panlakad. Maong, polo, at ang pinag-ipunan ko noong itim na Tennis sa palengke. "May lakad ka 'tol?" Napaigtad ako at naabutan si Ader na naghihikap pa at kusot kusot ang mga mata. "Oo, magkape ka diyan. Saka magbihis ka kung gusto mo sumama!" Napailing pa ito sa akin. Napalingon ako ulit sa kanya at naabutan ang mga ngiti niyang tila may iniisip. "Gago! Umayos ka Ader, tunay na lalaki ako at hindi pumapatol." Sabi ko. Napahalakhak naman ito. "Ulol, duraan kita diyan, e!" Sagot nito na nagpaugong pareho sa mga tawanan namin. SABAY kaming bumyahe ni Ader, iisang motor na lang ginamit namin para tipid sa gas. Wala itong alam kung saan kami pupunta. Kaya gano'n na lang ang tawa ko ng mapapilantik ito ng malaman na sa simbahan pala kami tutungo. "Pagkatapos nating maglasing kagabi, magsisimba tayo? Terman naman!" Puro reklamo ito pero wala ring nagawa kundi sumama sa akin. "Tikom mo na 'yang bibig mo, magsimba ka ng mabawasan naman ang katabaan ng kasalanan mo!" Naupo na kami sa pangatlong hilera ng upuan. Nakagisnan ko na ang kahalagahan ng linggo. Kahit magbasag ulo pa ako o ano, basta ang linggo para raw sa Diyos. 'Yan ang turo ni Nanay na deboto ng simbahang katoliko at Birheng Maria. Naririnig ko pa ang mga pabulong bulong ni Ader, pero hinayaan ko na lang dahil mag uumpisa na ang misa. Pagkatapos ng misa gano'n pa rin ang reklamo ni Ader na tinatawanan ko lang. Aalis na dapat kami ngunit napahinto ako. Dumapo ang mga mata ko sa babaeng napadaan aa harapan namin ni Ader. Mula ulo hanggang paa ay balot na balot ito. Akala ko nong una madre hindi naman pala. Hindi ko maalis ang mga mata ko sa kanya. Nakayuko lang ito at ni hindi ko makita ang mukha niya. Bahagya itong napalingon sa akin at nahagip ko ang lunal niya katabi ng isang mata niya na parang may eyeliner. Mabilis itong nagbawi ng tingin bago mabilis na naglakad palayo. "Mahilig ka sa binalot?" Untag ni Ader. "Ha?" "Conservative, ba." Tukoy nito sa babaeng tinitingnan ko. Napailing ako sa kanya. "Marami niyan sa lounging, pumili ka ilalakad kita." Mumurahin ko sana siya ng maalala kong galing pala kaming simbahan at baka matunaw bigla ang kakatubo lang na pakpak sa likod ko. "Hindi, na curious lang ako." "Muslim 'yon. Ngayon ka lang nakakita ng Muslim?" Napailing ako. Nakakita na. Marami na! Pero ang babaeng 'yon parang kakaiba. Saan ko nga ba siya nakita?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD