7

1550 Words
SA TABING DAGAT dinala si Geri ng kaniyang mga paa. Sa sobrang kalasingan ay hindi na siya halos makalakad pa ng deretso. Nang makaramdam ng matinding pagkahilo ay naupo siya sa buhanginan. Muli siyang lumagok ng alak hanggang sa maubos ang laman ng hawak niyang bote. Naiinis na pinukol niya ang bote sa kung saan. Gusto pa sana niyang bumalik sa bar para muling kumuha ng maiinom subalit parang ang bigat na ng pakiramdam niya. Tumindi na rin ang sakit ng kaniyang ulo kaya naman nanatili na lang siya sa kinauupuan. Lasing na lasing na talaga siya. “Bakit ang sakit?” mayamaya ay umiiyak na tanong niya sa sarili. “Bakit sobrang sakit?” Kahit na anong gawin niya ay hindi niya talaga maalis si Zion sa kaniyang isipan. Kahit pagalitan niya ang puso’t isipan ay si Zion pa rin talaga ang laman ng mga iyon. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin ito maalis sa sistema niya. “Mahal na mahal kita, Zion. Bakit mo ako niloko?” tuluyan na siyang napahagulgol ng iyak. Hindi inalintana ang mga tao sa paligid na kanina pa siya pinagtitinginan. Wala na siyang pakialam pa sa kung anong iisipin ng mga ito. Ang tanging mahalaga lang sa kaniya ng mga sandaling iyon ay ang mailabas ang matinding sama ng loob sa kaniyang dibdib. Ilang minutong nanatili si Geri sa pagkaka-upo sa tabing dagat. Hindi niya alintana ang malamig na hangin na nagmumula sa dagat. Pinapanood niya lang ang mga alon habang patuloy sa pag-iyak. Mayamaya ay tila may narinig siyang boses na tumatawag sa kaniyang pangalan. Lumingon-lingon ang dalaga sa paligid hanggang sa makita niya ang isang lalaki na ilang araw nang hinahanap ng puso niya, si Zion. Nakalubog ang katawan nito sa dagat at nakalahad ang kamay paharap sa kaniya na tila inaaya siya palapit. “Geri.” tawag nito sa pangalan niya “Zion?” dali-dali siyang tumayo at susuray-suray na lumapit sa direksyon nito. Nilusong niya ang dagat at binalewala ang matinding lamig ng tubig. Patuloy lang siya sa paglakad papalapit kay Zion. Ramdam niya ang lubos na pangungulila para sa dating kasintahan. Kaya naman kahit alam niyang may asawa na ito ay gusto niya pa rin itong lapitan, yakapin at halikan. Subalit nang abot kamay na niya ang kamay nito ay bigla na lang itong nawala sa kaniyang paningin. “Zion?” paulit-ulit niyang tawag sa lalaking patuloy na tinitibok ng kaniyang puso. Muli niyang inilibot ang mga mata subalit hindi na niya ito muling nakita pa. “Zion, nasa’n ka na ba?” muli siyang napahagulgol ng iyak. Inililibot niya ang mga mata sa paligid habang patuloy sa paglakad sa dagat. “Bakit ba lagi mo na lang akong iniiwan?” Umabot na hanggang sa dibdib ni Geri ang tubig kaya naman medyo nahihirapan na siyang huminga, epekto ng malamig na tubig dagat at matinding kalasingan. Nagsimula nang lumakas ang alon kaya naman lalo siyang nahirapang huminga. Nakaramdam siya ng matinding ginaw. Aahon na sana siya sa dagat subalit biglang pinulikat ang kaniyang kanang paa. Hindi na rin niya makontrol pa ang sarili nang simula siyang tangayin ng mga malalakas na alon. Magaling siyang lumangoy subalit walang magawa ang nanghihina niyang katawan. Nang mga sandaling iyon ay may isang lalaking tumatakbo palapit kay Geri, si Lucas. Sa totoo lang ay kanina pa nito pinagmamasdan ang dalaga mula sa ‘di kalayuan. Bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala. Nawala na kasi sa paningin nito ang dalaga. “Geri? Geri?” paulit-ulit na sigaw ni Lucas habang lumulusong sa dagat. Subalit hindi na talaga umahon pa si Geri. Sumisid na si Lucas sa dagat. Medyo nahirapan itong hanapin ang dalaga. Liwanag lang kasi ng buwan ang nagsisilbing ilaw sa parte ng kinaroroonan nila. Hindi tumigil ang binata sa pagsisid hanggang sa makapa ng kamay nito ang katawan ng dalaga. Agad nitong inahon sa dagat ang walang malay na si Geri at marahang nilapag sa buhanginan. “Geri, wake up!” sigaw ni Lucas habang niyuyugyog ang balikat niya. Kinapa nito ang pulso ng dalaga. Tumitibok pa naman iyon. “Geri, please wake up!” wala nang nagawa pa si Lucas kundi ang i-mouth to mouth si Geri at i-pump ang dibdib niya. Ilang sandali pa ay nagkamalay na si Geri. Doon lang nabawasan ang pag-aalala ni Lucas. “Thank god.” nakangiting bulalas ng binata. “Kumusta na ang pakiramdam mo? Okay ka lang ba?” Sa sobrang kalasingan, akala ni Geri ay si Zion ang nasa harapan niya nang mga sandaling iyon. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi na tila ba walang nangyaring masama sa kaniya kani-kanina lang. “Zion?” inangat niya ang isang kamay at hinaplos ang pisngi nito. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi. Mahigit isang buwan niya itong hindi nakita kaya naman na-miss niya ito ng husto. “I love you. I still love you. Please huwag mo na akong iiwan ulit.” muli na namang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata. Napatiim bagang na lang ang binata. “Muntik ka na ngang mamatay, lalaki pa rin ang nasa isip mo?” Lalo lang siyang napalahaw ng iyak dahil sa pagsigaw nito. “Pakiusap mangako ka na hindi mo na ulit ako iiwan.” “You’re drunk. Saan ka ba nakatira? Mabuti pa ihahatid na kita sa bahay mo.” Umiling-iling siya. “Mangako ka muna sa akin na hindi mo na ulit ako iiwan. Please?” Marahas itong napabuntong hininga. “Zion, please?” buong pagmamaka-awa siyang tumingin dito. “Okay, nangangako ako.” Wala nang nagawa pa si Lucas kundi sumunod na lamang sa kagustuhan niya kahit wala naman talaga itong alam sa mga nangyayari. Inalalayan nitong maka-upo ang dalaga. “Promise?” Tumango ito. “Yes. I promise.” Hinawi nito ang ilang hibla ng basa niyang buhok at inipit iyon sa gilid ng kaniyang teynga. “Thank you. Pangako simula ngayon mas magiging mabuting girlfriend na ako para sa iyo. Gagawin ko ang lahat ng gusto mo. I will make love to you anytime you want basta huwag mo lang akong iiwan ulit.” Napalunok ang binata dahil sa huling sinabi niya. Mayamaya ay nakaramdam si Geri ng matinding pagbigat ng katawan. Buong paglalambing siyang yumakap sa binata. Ginaw na ginaw na kasi siya. “Mahal, inaantok na ako.” Siniksik niya ang mukha sa matipuno nitong dibdib at lalong hinigpitan ang yakap sa katawan nito. “I love you, Zion.” Paulit-ulit niyang sambit. Mayamaya pa ay tuluyan na siyang nakatulog sa dibdib ni Lucas dala ng sobrang kalasingan. Napa-ilang na lang si Lucas habang pinagmamasdan ang maamong mukha ng dalaga. Binuhat na nito si Geri at bumalik na sa resort. HINDI malaman ni Lucas kung maiinis ba siya o maawa sa babaeng buhat-buhat nang mga sandaling iyon. Nakapulupot ang mga kamay ni Geri sa batok niya habang mahimbing itong natutulog. Ramdam niya rin ang bahagyang pangangatog ng katawan nito dala ng matinding ginaw. At dahil hindi niya alam kung saan ito nakatira ay nagpasya siyang dalhin na lang ito sa loob ng tinutuluyan niyang silid. "Iinom-inom hindi naman pala kaya ang sarili." iritable niyang bulalas habang maingat itong nilapag sa kama. Lumapit siya sa aparador at naghanap ng maaaring ipasuot dito para mapalitan ang basa nitong kasuotan. Isang itim na t-shirt ang kinuha niya at boxer shorts. Kumuha rin siya ng tuyong twalya. Muli siyang lumapit sa kama at naupo sa gilid. Marahan niyang niyugyog ang balikat nito para gisingin. Umungol ito ngunit nanatiling nakapikit. "Ano ba?" "Magpalit ka muna ng damit. Basa ‘yang suot mo. Baka magkasakit ka." "Ayoko. Inaantok na ako." "Hoy! Gising sabi!" muli niyang niyugyog ang balikat nito at hindi siya tumigil hanggang sa tuluyan itong magmulat ng mga mata. "Ano ba? Bakit ba ang kulit-kulit mo?" naiinis nitong turan. Napangiti siya habang nakatingin sa mukha nito. She looks so wasted pero cute pa rin, lalo na ang mga mata nitong namumungay dahil sa kalasingan. Bumangon ito at sinandal ang likod sa headboard ng kama. "San ka ba nakatira? Ihahatid na kita." "Dito ako nakatira." namamalat ang tinig nitong tugon. Halatang antok na antok talaga. "Anong dito ka nakatira?" "Dito nga ako nakatira. Ang kulit mo naman, eh!" nagmamaktol nitong anas. "At ako pa talaga ang makulit?" natatawang tanong ng binata. Napa-iling na lang siya. Ang hirap talagang makipag-usap sa lasing. "Magbihis ka na. Suot mo muna 'tong damit ko. Kanina ka pa giniginaw. Baka magkasakit ka niyan." Inabot niya rito ang t-shirt at boxer shorts. Patamad naman nitong tinanggap ang mga iyon. "Lumabas ka magbibihis ako." "Doon ka sa C.R. magpalit ng damit." "Ayoko nang tumayo nahihilo na ako. Sige na. Lumabas ka na." Muli siyang natawa. Kung maka-utos kasi ito ay para bang ito ang may-ari ng silid. "Labas na!" muli nitong taboy sa kaniya. "Eto na po, kamahalan." wala na siyang nagawa pa kundi ang sumunod dito. "Huwag kang mamboboso, ha?" Narinig pa niyang sabi nito. "Bakit naman kita bobosohan? Tawagin mo na lang ako pag tapos ka nang magbihis." aniya bago sinarado ang pinto. Mabuti na lang pala at siya ang nakakita kay Geri kanina sa dalampasigan. Dahil kung ibang lalaki iyon ay baka may kung ano nang nangyaring hindi maganda sa dalaga at sinamantala ang matinding kalasingan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD