“Marissa, bakit hindi mo sinabi sa’kin na may anak sina Krishna at Justin?” galit kong tanong sa sekretarya.
“Anak?” balik tanong niya rin sa’kin na tila ‘di makapaniwala sa narinig na sinabi ko.
“Niloloko lang ba ako ni Krishna nang sabihin niya iyon sa akin?” muling tanong ko sa kaibigan.
“Sandali nga lang Carl Wayne, ano ba iyang mga pinagsasasabi mo? Pa'nong magkakaanak sina Krishna at Justin, gayong silang dalawa lang naman ang umuwi ng bansa,” naguguluhang turan ni Marissa.
“Aaahh!” galit kong sigaw sabay tabig ng mga gamit na nakapatong sa ibabaw ng cabinet.
Isa-isang nagbagsakan at nabasag sa sahig ang mga babasaging gamit na tinabig ko.
“Bakit mo ako ginaganito, Krishna?!” tanong ko sa sarili habang paulit-ulit kong sinusuntok ang pader.
“Carl Wayne!” Lumapit sa’kin si Marissa upang awatin ako. “Tama na ‘yan!”
“Ano bang meron ang Justin na iyon na wala sa akin?” luhaang tanong ko sa kaibigan.
“Wala, Carl Wayne... Wala!” tugon naman nito.
“Ang tanga ko!” tuluyan na akong humagulgol ng iyak sa harapan ni Marissa.
“Ang tanga-tanga ko! Hawak ko na siya kanina, pinakawalan ko pa ng dahil lang sa sinabi niyang lintik na anak,” patuloy sa paghagulgol kong sambit.
Sunod-sunod na buntonghininga ang pinakawalan ni Marissa saka taimtim na tumitig sa’kin.
“Tell me... Hindi mo ba napatay si Justin Mondragon?”
“Hindi! Dahil hindi siya ang mahalaga sa akin!” galit kong sagot kay Marissa.
Muling napabuntonghininga si Marissa saka marahang lumayo sa akin.
“Palagay ko kailangan mo munang magpalamig. Masyado kang apektado ng sistema ni Krishna. Pati trabaho mo ay apektado rin. Alam mo namang manganganib ka oras na hindi mo magawa ang anumang trabaho na ipinagagawa nila sa’yo,” litanya sa’kin ni Marissa.
“Wala akong pakialam sa kanila Marissa at lalong wala naman na akong pakialam pa kung mamatay man ako ngayon. Ano pa bang silbi ng buhay kong ‘to kung ‘di ko rin naman makakasama si Krishna?” tugon ko sa kaniya.
“Wala ka naman na palang pakialam na sa buhay mo, e ba’t umiiyak ka pa riyan para kay Krishna?” nang-uuyam niyang saad.
Natigilan ako sa sinabi ni Marissa at napaisip, kailangan kong malaman kung may anak nga ba sina Justin at Krishna.
Tumalikod ako kay Marissa saka marahas na lumabas ng pintuan.
“Saan ka pupunta, Carl Wayne?!” malakas na sigaw nito.
“Gagawin ko ang trabahong hindi ko pa natapos,” tanging tugon ko sa kaniya.
Malalaki ang mga hakbang kong naglakad patungo sa nakaparada kong sasakyan.
Pinindot ko ang button ng susi upang kusang bumukas ang mga pintuan.
Nang nasa loob na ako ng sasakyan, binuhay ko ang makina saka mabilis na pinaharurot iyon paalis sa lugar.
Tinumbok ko ang daan patungo sa mansion kung saan nakatira sina Justin at Krishna.
Ipinarada ko sa madilim na bahagi ang aking sasakyan at saka inaabangan ko ang pagdating nina Justin at Krishna.
Alam kong uuwi sila dahil kahit anong busy nila sa labas ay umuuwi talaga sila sa kanilang mansion.
Nagsindi ako ng sigarilyo at saka hinithit buga iyon. Ilang stick na ang nauubos ko nang mamataan ko ang paparating na sasakyan ni Justin.
“Ito na ang huling gabing makakatabi mo si Krishna,” malademonyo kong usal sabay pitik ng sigarilyong nasa daliri ko.
Inilabas ko ang kwarenta’y singkong baril na siyang gagamitin kong pangpatay kay Justin.
Pasipol-sipol na naglakad ako sa gitna ng kalsada na akala mo’y isang baliw. Humarang pa ako sa mismong daraanan ng sasakyan nila kung kaya napilitang ihinto ni Justin ang pagmamaneho.
“Hoy! Alam mo bang muntik na kitang masagasaan!” sigaw pa niya sa’kin.
Hindi ako umalis sa daraanan ng kaniyang sasakyan upang asarin siyang lalo at maobliga siyang bumaba.
Nagtagumpay akong asarin siya dahil binuksan niya ang pintuan at saka bumaba mula roon sa loob.
“Welcome to your death, Mondragon!” nakangising wika ko sabay tutok kay Justin ng kwarenta’y singkong baril.
“F*cking, Carl Wayne Shipman!” Alertong humugot siya ng baril mula sa kaniyang likuran at saka ipinaputok iyon sa’kin.
Mabilis na umilag ako saka gumanti ng putok sa kaniya na agad din nitong nailagan.
Mukhang dalubhasa rin siya sa paghawak ng baril. Akala ko pa nama’y isa lamang siyang tatanga-tangang tao na madali ko lang din mapapatay.
“Justin!” malakas na sigaw ni Krishna dahilan para iwasan ko ang magpaputok sa gawi nito.
Mabilis akong pumaikot sa lugar kung saan maaari ko nang maabot ang aking target.
“Rest in peace, Mondragon!” nakangising saad ko kay Justin nang maidikit ko sa mismong sentido niya ang gatilyo.
“Huwag! Parang awa mo na Carl Wayne,” nagsusumamong pakiusap nito.
Tumaas ang isang sulok ng aking labi at kakalabitin ko na sana ang gatilyo nang makarinig ako ng maliit na tinig na nagmula sa aming tagiliran.
“Daddy!” umiiyak na sigaw ng batang lalaki sabay takbo palapit sa aming gawi.
“Charlie, huwag kang lumapit dito. Mapanganib!” wika naman ni Justin.
Nakadama ako ng kakaibang kirot nang makita ang pagyayakapan nilang dalawa sa aking harapan.
Pakiramdam ko’y gusto ko rin mayakap ang bata at gusto ko rin matawag nitong daddy.
“Carl Wayne?” pasinghap na tawag sa’kin ng babaeng pinakamamahal ko.
Naibaling ko ang tingin kay Krishna nang marinig ko ang kaniyang tinig. Nakita ko ang pagkislap ng luha mula sa kaniyang mga mata
“Bad boy ka! Huwag mong patayin ang daddy ko!”
Nagitla ako nang pagsasapukin ako sa tuhod ng batang tinawag na Charlie ni Justin.
Kakaibang pintig sa aking puso ang naramdaman ko para sa bata. ‘Di ko mawari kung ano itong pakiramdam na bumabalot sa buo kong pagkatao.
“Pakiusap Carl Wayne, huwag mong idamay ang mag-ina ko.”
Para akong sinaksak ng punyal sa aking dibdib nang marinig ang salitang binigkas ni Justin.
Dahan-dahan kong ibinaba ang kamay na may hawak sa gatilyo saka naglakad ako paatras.
Niyakap ng isang bisig ni Justin si Charlie sabay angat ng kabila niyang kamay na may hawak na baril.
Itinutok niya iyon sa’kin sabay sigaw ng mga katagang nagpamulagat sa kamalayan ko.
“Ang tanga-tanga mo, Carl Wayne! May pagkakataon ka na nga sana pero pinalampas mo pa. Sadyang mahina ka pa rin pagdating kay Krishna tulad ng dati.” Malakas na halakhak ang pinakawalan pa nito pagkatapos.
Napatiim bagang ako saka itinutok muli kay Justin ang kwarenta’y singkong hawak ko.
May ibinulong si Justin kay Charlie dahilan para umalis ang bata mula sa kaniya at saka tumakbo palapit kay Krishna.
“Sa muling pagkikita, Carl Wayne!”
Isang malakas na putok ang pinakawalan ng baril niya na tumama sa aking balikat.
“Carl Wayne!!!” sigaw ni Krishna na nginitian ko lamang.
“Baby Girl...”
Isa pang putok ang pinakawalan ni Justin ngunit ‘di ko na iyon hinayaan pang tumamang muli sa’king katawan.
May ibang tao akong naramdaman sa paligid kaya humakbang ako palapit sa kinaroroonan nina Krishna at Charlie.
Isang putok ang umalingawngaw at bumagsak sa lupa si Justin.
“Daddy! Loves!” sigaw nina Charlie at Krishna.
Mabilis ang pagkilos kong lumapit sa mag-ina upang proteksiyunan sila mula sa sinumang nagtatago sa kadiliman ng gabi.
Pinaputok ko ang gatilyong hawak nang makita ang isang lalaki mula sa ‘di kalayuan na tumutok ng baril sa kinaroroonan namin.
“Umalis na kayo, Baby Girl! Iligtas mo ang anak mo! Ako ng bahala kay Justin!” matigas kong utos kay Krishna.
“Hindi! Hindi ako aalis ng ‘di kasama si Justin!” tugon naman sa akin ni Krishna.
“D*mn!” pagmumura ko sa sarili.
“L-Loves...” nahihirapang tawag ni Justin.
“Loves!” humahagulgol na iyak ni Krishna sabay yakap sa duguang katawan ni Justin.
“Lumaban ka, Loves! Dadalhin ka namin sa ospital,” patuloy sa pag-iyak na sambit pa nito.
“H-hu...wag na... Lo..ves... Gus-to kong mag-pa-sa-la-mat sa-yo at la-gi kang na-ri-yan sa a-king ta-bi... Hu-wag mo sa-nang pa-ba-ba-ya-an ang i-yong sa-ri-li pa-ti na ang a-nak na-tin...” hirap na hirap na wika ni Justin.
“Daddy!” umiiyak na sambit ni Charlie.
Ngumiti si Justin sa bata at pilit inabot ang pisngi nito saka masuyong hinaplos iyon.
“I lo-ve you, Ba-by...”
Hindi ko alam kung bakit nasasaktan ako sa tagpong iyon. Hindi ko alam kung bakit parang ako ang sinasaksak nang paulit-ulit sa aking dibdib.
Isang putok muli ang pinakawalan ko sa kabilang banda sabay bagsak ng taong nakatago sa likuran ng puno.
“C-Carl W-Wayne...”
Sinulyapan ko si Justin na siyang tumawag sa’kin.
“I-ikaw na sa-nang ba-ha-la sa mag-ina ko. Pa-ki-u-sap, i-lig-tas mo si-la!”
Tanging pagtango lamang ang itinugon ko sa kaniya dahil hindi naman ako sanay sa ganitong paalaman.
Isa akong walang pusong mamamatay tao, pero naaantig ako sa ipinapakitang pagmamahal ni Justin para kina Krishna at Charlie.