Marahas na nagpakawala ako ng buntonghininga saka lumapit sa mag-ina.
“Baby Girl, kailangan na nating umalis dito,” saad ko kay Krishna.
“Kasalanan mong lahat ng ‘to! Mamamatay tao!” galit na galit na sumbat ni Krishna sabay tulak sa’kin nito.
‘Di ko alam ba’t parang napakasakit marinig mula sa mismong bibig ng pinakamamahal kong babae ang masakit na salitang binigkas nito.
Isa akong mamamatay tao at normal na lang dapat sa’kin ang ganitong scenario dahil hindi naman si Justin ang unang taong pinatay ko para makadama pa ako ng konsensiya.
Naulinigan ko ang kaluskos mula sa kaliwang bahagi namin kaya mabilis kong pinaputok doon ang hawak kong baril.
Duguang bumagsak sa lupa ang taong tinamaan ko.
“Umalis na tayo, Baby Girl,” muli kong saad sa kaniya.
“Hindi kami sasama sa isang mamamatay tao!” matigas niyang turan.
Napabuga ako ng marahas na buntonghininga dahil nauubusan na ako ng pasensiya.
Tiningnan ko ang batang si Charlie na walang humpay pa rin sa pag-iyak sa katawan ng kaniyang ama.
“I'm sorry for your lost Baby Girl, pero hindi ko kayang iwanan kayong dalawa ng anak mo sa ganitong sitwasyon. Pare-parehong nanganganib ang buhay natin ngayon!” mariin kong hayag sa kaniya.
Nakita ko ang pagkatigagal niya nang banggitin ko ang salitang anak. Ayoko mang isipin ngunit nagkakaroon ako nang pagduruda sa pagkatao ng bata.
Yumukod ako upang kargahin ang bata saka marahas na hinawakan ko si Krishna sa kaliwang braso niya.
Pakaladkad ko siyang hinila patungo sa nakaparada kong sasakyan sa ‘di kalayuan habang alerto namang nakamatyag ang mga mata ko sa paligid.
“Bitiwan mo kami! Hindi kami sasama sa iyo!” nagpupumiglas na wika ni Krishna.
Hindi ko inintindi ang masasakit niyang mga salita, bagkus nagpatuloy lamang ako sa pagkaladkad sa kaniya.
“Sakay... ” malamig kong utos kay Krishna matapos kong maisakay ang bata sa likurang bahagi ng sasakyan.
“Hindi kami sasama sa’yo!” Lumagapak ang palad niya sa’king pisngi dahilan para tuluyang maubos ang pasensiya ko.
Nagpakawala ako ng suntok sa sasakyan malapit sa kaniyang mukha sabay pakawala ng putok ng baril sa langit.
“Sasakay ka ba o maghihintay ka ng panibagong babagsak sa ating harapan?” nagtatagis ang mga bagang kong tanong sa kaniya.
Tahimik siyang sumakay sa loob ng sasakyan kung saan naroon ang bata. Napabuntonghininga na lamang ako saka isinara ko na ang pintuan.
Ayoko sana iyong gawin sa kaniya ngunit sinagad niya ng husto ang pasensiya ko.
“Carl Wayne, may malaki tayong problema!” tinig ni Marissa ang narinig ko mula sa headset na nananatiling nakasukbit sa loob ng aking tainga.
“Anong problema?” tanong ko sabay ikot sa gawi ng driver seat.
“Malaki ang problema natin sa legal mong negosyo. Ipinapa-hold nila ang permit ng hospital at marami silang hinihinging kung anu-anong mga dokumento,” problemadong tugon ni Marissa.
“D*mn!” matigas kong mura.
“Alamin mo kung sinong nakialam sa misyon ko,” utos ko kay Marissa sabay patay ng koneksyon naming dalawa.
Alam kong may kinalaman ang sinumang taong nakialam sa pagpatay ko kay Justin.
Tumingin ako sa mag-ina na ngayo’y magkayakap na nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan.
“Saan mo kami dadalhin?” malamig niyang tanong sa’kin.
Hindi ko na makita sa mga mata niya ang pagmamahal para sa’kin na dati kong nasisilayan doon, tanging pagkamuhi lamang ang nasisilayan ko.
“Sa lugar kung saan kayo ligtas,” tugon ko sa kaniyang katanungan.
“Walang lugar na ligtas para sa amin hangga't kasama ka namin,” nang-uuyam niyang wika.
Mapait na ngumiti ako saka binuhay ang makina ng sasakyan. Wala akong maapuhap na isasagot para sa kaniyang sinabi kaya minabuti ko na lamang na manahimik.
Ilang sandali pa’y nasa kalagitnaan na kami ng kalsada pabaybay sa rest house ko sa Bataan.
Pansamantalang doon ko na muna dadalhin sila Krishna upang makatiyak sa kanilang kaligtasan.
“Umidlip na muna kayo at may ilang oras pa ang biyahe natin,” ani ko kay Krishna.
Hindi siya sumagot pero binulungan niya ang bata na umidlip muna.
Habang nasa biyahe kami, hindi ko maiwasang titigan silang mag-ina lalo na ang bata. May kung sinong kamukha siya na ‘di ko lang mawari kung kaninong mukha.
“Anak ko ba siya?” lakas loob na tanong ko kay Krishna.
“Hindi!” matigas niya namang tugon.
“Wala siyang nakuhang itsura mula kay Mondragon.”
“Hindi lahat ng mga anak ay may nakukuhang pagkakahawig sa anyo ng kanilang mga magulang. At hindi porket wala siyang pagkakawangis kay Justin ay hindi na rin siya anak!” galit na salaysay ni Krishna.
“Ang dami mong sinabi Baby Girl, ang sinabi ko lang naman ay wala siyang nakuhang itsura mula kay Mondragon.” Sinalubong ko ang galit niyang mga titig.
Pinanliitan niya ako ng kaniyang mga mata sabay ismid.
Naiiling na itinutok ko na lamang ang mga mata ko sa kalsada saka ipinagpatuloy ang pagmamaneho.
May isa’t kalahating oras na rin kaming nagbabiyahe at kahit pa'no ay nakalayo na rin kami mula sa Manila.
“Pwede ba tayong mag-stop over?” Tumingin ako sa gawi ni Krishna nang magsalita siya.
“Masyadong delikado,” tugon ko sa kaniya.
“Gusto nang sumabog ng pantog ko at hindi ko na kaya pang tiisin ito,” reklamo naman niya sa'kin.
Napabuntonghininga na lamang ako sa kaniyang winika saka kinabig ko paliko ang sasakyan sa may fastfood.
“Halika Baby, mag-banyo muna tayo at malayo-layo pa yata ang magiging biyahe natin,” wika ni Krishna sa bata na may kasamang pahaging para sa’kin.
Napapailing na lamang ako habang bumababa ng sasakyan upang pagbuksan ko naman sila ng pintuan.
“Bilisan niyo lang Baby Girl at masyadong delikado kung magtatagal tayo rito,” habilin ko sa kaniya.
Ismid lang ang naging tugon niya sabay tabig sa braso kong nakahawak sa may pintuan ng sasakyan.
Iniwanan muna niya ako ng matalim na irap nang dumaan sila sa aking harapan.
Napangiti naman ako habang pinagmamasdan ang mag-ina sa kanilang paglalakad.
Ang ganda talaga ng hubog ng katawan niya dahilan para lalo akong mabaliw sa kaniya.
Nagpasya akong sumunod kanila Krishna sa loob ng fastfood upang bumili ng makakain namin para sa aming biyahe.
Malamang gutom na rin ang batang kasama nito dahil ganoon ako sa tuwing nagbabiyahe ng gabi.
Habang um-order ako sa harap ng counter, panay ang tingin ko sa may pintuan ng banyo upang alamin kung nakalabas na ba sila Krishna mula roon.
Nabayaran ko na lahat ng mga in-order kong pagkain at naiabot na rin sa akin ng crew ang mga ‘yon, pero wala pa rin lumalabas na Krishna mula sa loob ng banyo.
“F*ck!” malakas kong mura nang maisip na maaaring sinalisihan na nila akong mag-ina.
Marahas na binuksan ko ang pintuan ng banyo at wala akong nakitang ibang tao roon.
Mabilis ang pagkilos kong umikot sa may likurang bahagi ng fastfood kung saan nakakita ako ng exit door.
“Baby Girl!” sigaw ko kay Krishna na mabilis na naglalakad at ngayo’y biglang tumakbo nang marinig ang tinig ko.
Malalaki ang mga hakbang kong sinundan silang mag-ina sa may damuhan kung saan mas pinili nilang dumaan.
Ilang hakbang na lamang ang layo ko mula sa kanila nang huminto sila sa pagtakbo.
“Mommy, I'm tired!” umiiyak na wika ni Charlie.
“I’m sorry Baby pero kailangan nating makalayo mula sa kaniya,” turan ni Krishna saka muling hinila ang bata.
Mabilis kong sinundan silang dalawa saka mahigpit na kinapitan ang kaniyang braso.
“I got you, Baby Girl!”