"Sige, ganito na lang dahil nahihiya ka na kusang magtaas ng kamay, kami na lang ng mga guro mo ang tatawag sayo sa oras ng talakayan para makasali ka. Ok ba yon sa 'yo?" muling tanong nito sa kanya.
"O… opo Mam," tila wala sa sariling sagot niya.
"O siya, sige na at ng makauwi ka na, pero 'yon na ang usapan natin ha, pagtinawag ka sa oras ng talakayan tatayo at sasagot ka. Mali man o tama ang iyong isagot ay walang problema yon. Naiintindihan mo ba ako?" mahabang paliwanag ni Bb. Dealca.
"O siya sige na at baka hinihintay ka na sa bahay niyo, sabihin mo na lamang sa magulang mo na may pinagawa ako saiyo kaya hindi ka kaagad nakauwi." saad ng guro.
"Opo Ma'am," tipid niyang sagot.
Ngunit sa loob loob niya ay kinakabahan na siya.
Siguradong nakaabang naman ang sangkatutak na sermon pagdating niya sa bahay.
Ngunit pagdating niya ng bahay ay tahimik sa loob at wala pang ilaw. Dali - dali siyang pumasok at nagbihis. Nakahinga siya ng maluwag. Marahil ay hindi pa umuwi ang kanyang tatay. Nagmamadali siyang pumunta ng kusina upang magsaing para sa hapunan.
Bandang ala - syete dumating ang kanyang ina ngunit wala pa ang ama niya.
"Anak, ihanda mo na ang mesa kakain na tayo, may dala akong masarap na ulam, binigay ni Gng. Hidalgo, marami kasi siyang pinaluto." masayang sabi nang kanyang ina.
"Ang Tatay mo nga pala, nasaan?" tanong nito sa kanya.
"Hindi pa po umuuwi 'Nay." Tugon niya sa ina.
"Hay naku, sigurado nasa inuman naman 'yon." sabi nang kanyang ina.
"Sige na anak, mauna ka ng kumain, hintayin ko na lang dumating ang tatay mo." wika nito.
"Hindi po ba kayo nagugutom?" Tanong niya sa ina.
"Busog pa naman ako anak, nagmeryenda ako kina Gng. Hidalgo." sagot nito.
"Sige po 'Nay, kakain na po ako kasi gagawa pa ako ng mga assignments ko," sagot niya sa ina.
Pakatapos kumain ay hinugasan niya ang pinagkainan at pumasok na sa kwarto para gumawa ng mga assignments at magbasa ng mga aklat.
Nakatulogan niya ang pagbabasa. Ng maghahating gabi na ay nakarinig siya ng ingay sa labas.
"Pheestiing buhaay to hik!" wika ng kanyang ama na tila lasing na lasing.
"Huwag ka ng maingay, tulog na ang anak natin." narinig niyang sabi ng nanay niya.
"Haaa, anhaakk mong shinugaling at mhalandi!" bulyaw nito.
"Ano ka ba, anak mo yan, ano bang pinagsasabi?" sagot ng nanay niya.
"Thanngha khaa khaasi! Hindhi mo nhakikitaa mhalandhi anhak mo hiiik!" sabay bato ng flower base na nagkanda pira - piraso ng tumama sa sahig.
Kabang - kaba naman si Mara habang umiiyak sa loob ng kwarto.
"Matulog ka na sabi, 'wag ka nang mag - iiskandalo tulog na mga kapitabahay natin," pakiusap ng kanyang ina.
"Whala akong pakialam hiik! Shishigaw akho khung ghusto ko hiik! " sabi nito.
Umiiyak na rin ang ina ni Mara dahil sa sama ng loob sa asawa.
"Kung ayaw mong matulog, eh di huwag! Kung gusto mong mag - amok doon ka sa labas, hindi dito!" galit na ring sambit ni Aling Nelia.
Halos kalahating oras pa nagkasagutan ang mag - asawa bago nakatulog ang lasing na lasing na tatay ni Mara.
Mugto ang mga mata ni Mara sa kaiiyak bago muling nakatulog.
"Huwag po! Ayoko! Maawa po kayo!" nagmamakaawang sambit ni Mara
"Huwag! Tama na, tama na po!" nanginginig na palahaw pa niya.
"Anak, anak, gising!", malakas na yugyog ni Aling Nelia kay Mara.
Napatakbo sa silid ng anak nang marinig niya itong sumisigaw.
"Anak, gising!" muling yugyog nito sa anak.
Napansin niya ring tila tumutulo ang luha ni Mara kahit tulog ito.
"Saglit lang ikukuha kita ng tubig," sambit niya ng makitang nagdilat nang mata si Mara.
Pagkatapos painumin ay tinanong niya ito.
"Bakit ka ba sumisigaw?"
"Ano ba ang napanaginipan mo?" sunod sunod na tanong ni Aling Nelia sa anak na tila natutulala.
"Ah …. Ano po 'Nay…," alanganing tugon ni Mara
"Ano nga, natatandaan mo napanaginipan mo?" muling tanong nito.
" Hindi ko na po matandaan 'Nay kung ano po yung nasa panaginip ko," sagot ni Mara.
"Baka naman hindi ka nagdadasal bago matulog kaya kung ano ano ang napapanaginipan mo," turan ng kanyang ina.
"Baka nga po, parang nakalimutan ko pong magdasal, nakatulugan ko po kasi ang pagbabasa," sagot naman niya sa ina upang tumigil na ito sa kakatanong.
"Sige matulog ka na olit, magdasal ka muna bago matulog olit," bilin ng kanyang ina bago ito lumabas ng pinto.
Pagkalabas sa pinto ng ina ay tahimik na napahagulgol ng iyak si Mara muli na naman kasing sumagi sa kanyang isipan ang isang masakit na karanasan na paulit - ulit na nagiging bangungot sa kanya.
"Bakit ako pa?" tanong niya sa sarili.
"May Diyos ba talaga?" malungkot na tanong niya sa sarili.
Hirap na hirap ang kanyang kalooban. Wala siyang mapagsabihan kung ano ang bumabagabag sa kanya.
Isa pa hindi niya alam kung paniniwalaan ba siya kung sakaling magsasabi siya ng bumabagabag sa kanya.
Ito ang kanyang suliranin na kahit sa sariling ina ay 'di niya magawang ipagtapat. Ang pangyayari sa buhay niya na naging dahilan kung bakit parang ang layo lagi ng kanyang iniisip at tila nakatingin sa kawalan.
Hindi niya alam kung hanggang kailan niya ito kikimkimin. Kung hanggang kailan niya kakayanin ang bangungot sa kanyang buhay.
"Magandang umaga Mara," masayang bati ni Lira kay Mara pagpasok niya sa paaralan.
Ngumiti lng ng tipid si Mara.
"Bakit parang mugto ang mata mo?" tanong ni Lira.
"Ha… ah … eh… wala ito napuwing lang ako kanina pag gising ko," tugon ni Mara.
" Napuwing pero bakit parang umiyak ka?" pangungulit ni Lira.
"Napuwing talaga ako, tapos ang tagal matanggal kaya sabi ni Nanay umiyak daw ako para sumabay sa luha palabas ang puwing." Paliwanag naman niya.
"Ah ganun ba, akala ko kasi umiyak ka dahil may problema," sagot naman ni Lira.
"Hin...naku hindi at lalong wala akong problema," natataranta na sabi ni Mara.
"Good morning class!" masayang bati ni Bb. Dealca.
"O, yung mga dapat magdala ng floorwax, nakadala na ba lahat?" T
tanong ni nito.
"Opo Ma'am," sagot ni Lira na class president.
"Nais ko lang ipaalala na sa oras ng talakayan, walang pagtatawanan, tama man o mali ang sagot ay tatanggapin ko." paliwanag nito sa buong klase.
"Opo Ma'am," sabay sabay na sagot ng mga mag - aaral na medyo may pagtataka at tanong sa kanilang isipan bakit ngayon lang nagsabi ng ganun ang guro nila.