Magiliw akong bumati sa guard saka mabilis na sumakay sa may loob ng elevator. Pinindot ko ang button para magsara ang pinto at umakyat na sa palapag kung saan naroon ang office ng mga boss.
Maaga akong umalis ng bahay dahil gusto ko munang dumaan sa opisina ni Fynn para maibalik ang cheque. Siniguro ko rin na mabango ako sa gagawing pagharap sa kaniya.
Kinilig ako sa strategy na ginawa niya pero nawala rin ang nadarama kong kilig na iyon nang mapagtantong baka hindi niya rin kunin ang cheque mula sa akin. So, ano ang kapalit niyon?!
Tumunog ang elevator at bumukas ang pintuan niyon. Mabilis akong lumabas saka inisa-isang silip ang pangalan sa bawat pinto. Halos lahat na yata ay nakita ko na ang nakasulat, pero wala man lang doon ang name ni Fynn.
“Tama ba ang lugar na pinuntahan ko? Hindi kaya sa ibang floor naman naroon ang opisina ni Fynn kaya ‘di ko rito matagpuan?” tanong ko sa sarili.
Bagsak ang balikat kong naglakad habang napapaisip na pumunta na lamang sa may workstation ko upang simulan ang trabaho.
Nakarinig ako nang sagutan mula sa may pintong nakapinid malapit sa elevator. Hindi ko na sana papansinin pa iyon ng makilala ko ang boses ng taong nagsalita.
At dahil nga sa may pagkamarites din ako minsan, dahan-dahan akong humakbang palapit sa pintong iyon.
Inilapat ko ang tainga sa may pinto para mas malinaw kong marinig ang anumang pinag-uusapan sa loob ng silid.
“Hanggang dito ba naman ay nagawa mo pa rin akong sundan, Shiela?” Tila galit na wika ng tinig na nakatitiyak akong kay Fynn.
Narinig ko ang malakas na pagtawa ng tinig... Babae?!
Babae ang kausap ni Fynn sa loob?
May kung anong maliit na bagay ang bigla na lamang kumurot sa aking puso.
“Alam mo namang hinding-hindi kayo makakalayo sa’kin.”
Malakas na halakhak ang narinig ko kasunod ang ilan sandaling katahimikan.
Akmang lalayo na ako mula roon nang marinig ko ulit si Fynn na magsalita.
“Lubayan mo na kaming dalawa ni Fiona!”
“I’m her mom!” mariing tugon ng babae na ikinasinghap ko.
Mali ang ginagawa kong pakikinig sa kanilang pag-uusap pero nanatili pa rin akong parang estatwang nakatayo rito sa may pinto. Kung bakit kasi nanigas ang mga binti ko at hindi malaman kung ba’t parang idinikit ako ng husto.
“Ang sabihin mo Margherita ay sadyang chismosa ka!” asik ko sa sariling isipan.
“Isinilang mo lang si Fiona pero hindi ka naging ina sa kaniya kailanman, Shiela!”
Ramdam ko ang matinding hinanakit sa tinig ni Fynn nang sabihin ang mga katagang iyon.
“Alam mong hindi totoo iyan, Fynn! Gusto ko lang bigyan ng magandang buhay si Fiona kaya mas pinili kong lumayo!” tugon naman ng babae.
May bahagi sa puso ko ang nasaling dahil sapul na sapul sa bawat salitang binitiwan ng babae.
Hindi ko tuloy maiwasan na balikan ang mapait na nakaraan kung saan tuluyan akong iniwanan ni nanay.
“Anak huwag na huwag kang aalis dito sa bahay ng tiyang mo. Tuwing day off ko rito lang kita pupuntahan. Parati kang makikinig at mag-aral ka sanang mabuti para na rin sa future mo,” habilin sa akin ni nanay habang sinusuklay ng kaniyang mga daliri sa kamay ang buhok ko.
“Ayaw ko rito maiwan nanay, isama mo na lang po ako sa trabaho mo,” pagsusumamo ko sa ina.
“Gustuhin ko man iyong gawin anak ay hindi maaari. Hindi ka pwedeng naroon at mahihirapan lamang kami ng ama mo na magtrabaho. Mainam nang dumito ka para kahit papaano ay malaya kang makakagalaw. Basta tandaan mo lamang parati ang mga sinasabi ko sa iyo, Margherita.”
“Nanay, totoo ba ang sinasabi ng mga kapitbahay natin na kabit ka raw po ni tatay?” inosenteng tanong ko sa ina.
Isang malalim na buntonghininga ang kaniyang pinakawalan saka lumuhod sa aking harapan.
“Parati mo sanang pakatandaan anak, anuman ang mga kwentong maririnig mo mula sa ibang tao ay huwag mo na lamang sanang pansinin. Mahal na mahal ka namin ng tatay mo,” puno ng emosyong wika ng aking ina.
Matapos ang madamdaming pahayag ay niyakap pa niya ako ng mahigpit at saka tuluyang iniwan sa bahay ng tiya ko.
Hindi ko man gustuhing magalit sa kanila ni tatay ay nagkaroon pa rin ng puwang sa dibdib ko ang ganoong klase ng emosyon dahil na rin sa taon bago ko muling nakita si nanay.
“Bullsh*t!” Napapitlag ako sa lakas ng tinig ni Fynn.
“Iyan parati ang dahilan mo sa tuwing haharap ka sa akin! Hanggang ngayon ay ginagawa mo pa rin akong tanga!” Puno ng galit ang bawat pagbulalas niya ng mga kataga.
“Ikaw lang ang nag-iisip ng ganiyan, Fynn!”
“Umalis ka na, Shiela! Umalis ka na bago ko pa malimutang ikaw ang ina ni Fiona!” sigaw ni Fynn sa babaeng kausap.
Natahimik ang loob ng silid na animo ay nagkaroon ng matalim na labanan ng mga mata sa pagitan ng dalawang taong kanina ko pa pinakikinggan.
Natatarantang umalis ako mula sa kinatatayuan para magtago naman sa may pader dahil sa narinig ko ang papalapit na mga yabag patungo rito sa may pintuan.
Hindi maikakailang ina nga ni Fiona ang babae dahil sa pagkakahawig ng mukha nila. Mala-anghel ang ganda at tunay ngang kaakit-akit. Ngunit bakit pa niya piniling iwanan ang kaniyang mag-ama gayong ang yaman na ni Fynn at doon pa lang ay buhay na buhay na sila ni Fiona.
“Hi!” nakangiting mukha ni Fynn ang umuntag sa pagiging chismosa ko.
Bakit hindi ko namalayan ang paglapit niya?!
“Ay, gwapo!” bulalas ko nang pumitik siya sa harapan ng mukha ko.
“Talaga? Gwapo ako?” tanong pa niya na ‘di nawawala ang matamis na ngiti sa kaniyang labi.
Ramdam ko ang pagdausdos ng panty sa ilalim ng suot kong palda kung kaya maagap kong isinabit ang kawit niyon sa may baywang.
Sinadya ko talagang lagyan ng kawit ang baywang ng suot kong panty para mabilis na isabit sa oras na magkita kami ni Fynn.
Ngunit tila wala naman yatang silbi rin dahil sa panay pa rin ang dausdos at konting galaw ko lamang ay tiyak nang lalaglag iyon sa mga binti ko.
“Halika! Samahan mo na muna akong magpalamig sa loob,” alok sa akin ni Fynn saka itinuro ang loob ng kaniyang opisina.
Kung anu-ano na lamang tuloy na kamanyakang eksena ang naiisip ko dahil lamang sa salitang lamig.
Sa aking balintataw ay nakita ko ang sariling gumigiling sa ibabaw ng hubo’t hubad na katawan ni Fynn.
“Margherita?”
“Ayokong maging kabit mo!”