Dahil nga may kalabuan ang paningin ko sa dilim hindi ko naaninag ang bagay na natapakan kaya natapilok ako.
At ng dahil din sa kashungahan kong iyon, imbes na pababa sa ground floor ang landas ko, sa ibabaw ng kama ni Fynn ako nadiretso.
Minsan tuloy ay hindi ko maiwasang isipin na sa labis na pagmamahal ko kay Pamela, napapahamak din ako.
Kagaya na lamang noong nagpunta ako sa may simbahan kung saan ang inaakala kong ikinakasal ay si Alex. Basta na lang din akong sumugod ng walang paninigurong ginawa sa kung anuman ang totoo.
Naniwala rin kasi agad ako sa sinabi ni Pamela na buntis siya at gagawin ang pagpapakamatay kapag ikinasal ang g*gong ex niya sa ibang babae.
Gawa-gawa lamang ni Pamela ang dahilang buntis siya para mapigilan ko ang kasal. Alam kasi niyang hindi ko siya matitiis at paniguradong gagawin ko ang lahat para sa kaniya.
Mabuti na lang talaga at naroroon din sa simbahan na ‘yon sina Fiona at Fynn na kapwa kamag-anak ng ikinasal.
Silang mag-ama ang nagsalba sa ‘kin mula sa kahihiyang nagawa ko. Iyon nga lang ay nakaray rin nila ako patungo sa lugar kung saan kumain pa muna kaming tatlo.
O ‘di ba? Ako na ang nanggulo sa kasalang iyon, ako pa ang pinakain!
Paulit-ulit din na inalok sa‘kin ni Fynn ang pagiging tutor na sinesegunduhan naman ng kaniyang anak.
Hindi ko tinanggap ang alok nilang mag-ama dahil wala talaga akong alam sa ganoong klase ng trabaho.
Isa pa, mayroon din naman akong trabaho at makakasama ko pa nga rin si Fynn bilang isa sa mga big boss doon.
“Medyo masakit itong gagawin ko sa paa mo kaya tiisin mo lang ha.” Tinig ni Fynn ang umuntag sa nililipad kong isipan.
Nakatayo siya sa may paanan ko at kahit anong pigil ko na huwag siyang pumosisyon doon ay nagpumilit pa rin siyang pumosisyon.
Ayaw niyang umalis sa may paanan ko dahil kinakailangan daw mahilot ang paa ko.
Dumagdag pa tuloy sa isipin ko ang amoy ng mga paa ko!
Kampante naman akong walang amoy ang mga iyon pero nakadarama pa rin ako ng hiya at baka may maamoy si Fynn doon na hindi kanais-nais.
Sa palagay ko pa naman ay hindi niya naranasang maghugas ng plato. Tapos hahawakan niya lang ang mga paa ko. Nakakahiya!
Masakit pa kaunti ang natapilok na bahagi ng paa ko, pero nawawala rin sa tuwing lalapat ang mga daliri roon ni Fynn.
Napansin ko lang na sa tuwing meron akong nagagawang katangahan ay parati rin naroon si Fynn para sagipin ako.
Nakakahiya man aminin ngunit iyon ang katotohanan. Katulad na lamang ng sitwasyon ko ngayon. Sa dami ng pintuang pwedeng buksan ay ang sa kwarto pa niya talaga ang nabuksan ko!
Ang tanong tuloy ay kung alin ba siya sa dalawa; ‘Knight in Shining Armor ko o siya talaga ang malas sa ‘kin?!’
“In count of three hingang malalim, Margherita!” muling untag sa ‘kin ni Fynn.
Itinango-tango ko na lamang ang ulo bilang pagtugon. Wala rin naman kasi akong magagawa upang gamutin ang masakit na bahagi ng paa ko. Mainam nang ipaubaya ko sa taong may alam ang paglunas.
“One, two, three, hingang malalim, Margherita!” malakas na sabi ni Fynn.
Napasinghap ako dulot ng matinding kirot na sumigid sa aking paanan. Tila gusto kong kumanta, iyong kantang puro aray lamang ang liriko. Woah!
Pinahid ko ang butil-butil ng pawis mula sa noo. Ibang klase ang tindi ng sakit na idinulot nang pagkakatapilok. Ngunit mas kakaiba ang kilabot na dulot ng mga kamay ni Fynn sa balat ko. Libo-libong boltahe ng kuryente ang tumutulay patawid sa’king mga paa.
“Nasaktan ka ba?” Nasilayan ko ang matinding pag-aalala mula sa kaniyang mga mata.
Umiling-iling ako bilang pagtanggi kahit pa nga ang totoo ay may kaunting sakit pa.
Muling hinagod ng kamay niya ang mga paa ko kung kaya nakaramdam ako ng kaunting kaginhawaan.
“Salamat...” Pasasalamat ko sa kaniya.
Ramdam ko ang pagluwang ng garter ng suot kong panty nang makita ang simpatikong ngiti ni Fynn.
Saan ba may ibinibentang panty na mayroong kawit para isasabit ko na lamang sa tuwing makikita si Fynn?!
Gusto kong dagukan ang sarili dahil sa kahalayang naiisip.
“Kung hindi ka nagwo-work dito, ano pala ang ginagawa mo rito?”
Ikinurap-kurap ko ang mga mata ko at saka sandaling nag-isip kung ano nga ba ang ginagawa ko rito.
Nandito ako sa bar dahil dinala ako ni Pamela, ang pinsan kong bigo sa pag-ibig.
Dinadamayan ko lang naman siya para hindi mapariwara ang kaniyang buhay. Pero sa napapansin ko, parang ako naman yata ang napapariwara!
Sunod-sunod na buntonghininga ang narinig ko, kung kaya bumaling ako kay Fynn.
“My offer to you is still open. Gusto ni Fiona na magkaroon ng tutor at ikaw lang talaga ang gusto niya kahit pa nag-hire na ako ng iba.”
Dahan-dahang nawala ang simpatiko niyang ngiti sa labi at napalitan ng lungkot ang bakas ng kaniyang mukha.
Hindi ko maintindihan ang sarili kung bakit parang apektado rin ako sa nakikitang lungkot ni Fynn.
“I am hoping na tatanggapin mo ang alok kong trabaho. Kung gusto mong triplehin ang sahod walang problema sa akin ‘yon.”
Napadilat ako sa mga mata ko dahil sa kaniyang sinabi. Aba, dinaig ko pa ang may sampung pamilya na binubuhay kung triple ang matatanggap kong sahod.
“Fiona is my precious. Lahat ng gusto niya ay ibibigay ko maging masaya lang siya,” madamdamin niyang pahayag.
Mayroon siyang naantig na bahagi sa puso ko at matagal na panahon ko na iyong pinananabikan.
“Hindi ko naman hinihiling sa iyo na mag-resign ka sa kumpanya. Ang tanging hiling ko lang ay paboran mo sana ang kagustuhan ng anak ko na maging tutor niya kahit na isang oras lamang,” patuloy na salaysay ni Fynn.
“Hindi ako teacher. Ni hindi ko nga alam kung ano ang ituturo sa kaniya,” sansala ko sa kaniyang sinabi.
“Hindi mahalaga sa akin kung teacher ka man o hindi. Kahit makipaglaro ka nang makipaglaro sa anak ko ay ayos lang iyon. Ang tanging mahalaga lang sa’kin ay sumaya si Fiona,” puno ng pagmamahal niyang wika.
Napaawang ang mga labi ko dahil sa hindi ako makapaniwalang handa siyang maglustay ng pera para lamang masunod ang kagustuhan ng kaniyang anak.
Nakikita ko ang pagsusumamo mula sa mga mata niya at hindi man iyon literal na isinasamo ng kaniyang labi ay tumatagos naman iyon sa pagtitig niya sa akin.
“Margherita!” Napapitlag ako nang marinig ang tinig ni Pamela.
Dumako ang tingin ko sa may gawi ng pintuan na para bang bigla na lamang iluluwa niyon ang pinsan ko.
“May kasama ka pala.”
Dahan-dahang ibinaling ko kay Fynn ang tingin ko at saka sinagot ang kaniyang sinabi. “Si Pamela ang dahilan kung bakit ako narito.”
Tumango-tango siya saka humakbang papalapit sa akin.
“Ihahatid ko na kayo pauwi sa bahay ninyo.” Yumukod si Fynn at akmang bubuhatin na ako nang pigilin ko siya. Nagtatanong ang mga mata niyang tumitig sa’kin.
“P-pwede bang magbihis ka muna ng damit pang-itaas? Baka kung ano ang isipin sa atin ni Pamela,” kandautal kong sabi.
Malutong akong napamura sa sariling isipan nang ngumiti si Fynn.
Tuluyan nang lumuwang ang garter ng suot kong panty kung kaya agad ko iyong dinakma upang itaas muli sa aking baywang.