CHAPTER THIRTEEN

1987 Words
Buong buhay ko, never akong nakaramdam ng insulto mula sa ibang tao. Dahil na rin siguro sa kapangyarihang mayroon ang pamilya ko, o baka naman bakas talaga sa mukha ko na hindi talaga ako nagpapatalo. Alam ng mga kaibigan ko at ng mga taong malalapit sa akin na never ko silang hinayaang buyuin ako. Wala ni isa sa kanila ang umagrabyado ng ganito sa akin kaya naman minsan... hindi ko na rin maiwasang makaramdam ng panlulumo. Bakit sa dinami-rami ng taong pwedeng tumulak sa akin palayo, bakit si Travis pa? Ano nga bang naging kasalanan ko sa kanya at bakit ganito niya na lang ako kung tratuhin? Naging masama ba ako sa kanya? Simula't sapul, ako na lang palagi ang lumalapit sa kanya. Oo, minsan na rin naman akong binalaan ni Lucas. Binalaan na rin naman ako ni Nathalie tungkol sa kanya. Bakit sa dami ng naging babala nila sa akin, nagpatuloy lang ako sa paghahabol sa kanya? Oo, gwapo siya. Hindi naman dahil sa gwapo siya kaya ko siya nagustuhan. Nasa kanya kasi lahat ng characteristics na hinahanap ko sa isang lalaki. All my life, ngayon lang ako nakakita ng lalaking walang ibang ginawa kung hindi ang umiwas sa akin. Buong buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng lalaking tila ba hindi interesado sa presensya ko, which is bago sa akin kaya naman hindi na rin ako nagtaka nang mahulog ako sa kanya. Ito na ba ang kabayaran sa lahat ng rejection na ibinigay ko sa mga kaibigan ko noon? Totoo naman kasi na hindi ko sila gusto. Ang sabi nga ni Kuya Lucho ay mas mabuti nang hindi ko sila sagutin kaysa sa hayaan ko pa rin silang manligaw kahit na wala akong nararamdaman sa kanila. Tama naman ako, hindi ba? Tama naman siya. Nasa tamang landas ako kaya naman hindi ko talaga maintindihan ang lahat kung bakit ganito na lang ang nangyayari ngayon. Ginagawa ko lang naman ang gusto ng puso ko, pero hindi ko alam na ang mga bagay na nagpapasaya sa akin ay ang mga bagay pala na nakakasira sa relasyon ko sa ibang tao. Naging mapilit ba ako? Wala namang kaso sa akin kung hindi niya ibalik ang nararamdaman ko. Wala namang kaso sa akin kung gustuhin niya ako pabalik. Wala namang kaso sa akin kung lihim niya akong isumpa. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit... kung bakit kailangan pa niyang gumamit ng dahas para lang makaladkad ako palayo sa lugar na iyon. Ito na ba ang mga babala ng mga kaibigan ko tungkol sa kanya? "T-Travis, nasasaktan ako..." mahina kong reklamo. Patuloy lamang sa pagtitig sa amin ang mga estudyanteng nakakasalubong namin. Nagpatuloy lang si Travis sa pagmamartsa palayo sa lugar na iyon habang ako naman ay walang ibang nagawa kung hindi ang sumunod sa kanya sa pagkaladkad niya sa akin. "Nag-aaway na naman ata sila," rinig kong bulong ng isa bago kami umalis sa lugar na iyon. "T-Travis!" Dinala niya ako sa likod ng abandonadong building. Walang ibang taong napapadpad sa lugar na ito kaya naman kahit na papaano ay natitiyak kong hindi ako mapapahiya sa harap nila. Mas mainam na ito kaysa sa ipahiya niya ako sa harap ng ibang tao. Huminto siya sa paglalakad at agad akong tinulak paupo sa lupa. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang mapapikit na lang sa sakit. Nang magkaroon ng lakas, saka lamang ako nagdesisyong tumayo upang harapin siya. Bahagyang nagmarka ang kamay niya sa braso ko kaya naman natitiyak kong sa oras na umuwi ako, makikita ito ni Kuya Lucho. Baka nga kwestyunin pa ako no'n at baka wala lang akong masagot sa kanya. Paano kung isipin niya na binubuyo nga ako sa eskwelahan? Ano na lang ang iisipin niya? At paano na lang kung makarating ito sa parents namin? "Travis..." "What the hell are you doing, Empress Faye?" galit niyang sigaw na bahagya ko pang ikinatahimik. "Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo? Mahiya ka naman!" muli niya pang sigaw na ikinatahimik ko. May kirot na gumuhit sa dibdib ko habang pinapakinggan ko lahat ng sinasabi niya sa harap ko. Oo, nagalit ko siya nang dahil sa ginawa ko. Sa totoo nga lang ay pinaghandaan ko na ang bagay na ito. May ideya na ako na mangyayari ito. Hindi ko lang inaasahan na sa ganitong paraan pa pala mabubulilyaso ang mga plano ko. "H-Hayaan mo akong magpaliwanag, Travis—" Sinubukan kong lumapit sa kanya upang hawakan ang braso niya ngunit bago pa man magdikit ang balat naming dalawa, marahas na niyang hinawakan ang kamay ko at pabato niya itong binitiwan. Ramdam ko ang pagtama ng kamay ko sa pader na nasa gilid ko nang dahil sa ginawa niya ngunit sa halip na magreklamo, nanahimik na lang ako. "Magpaliwanag? Bakit? Alam mo ba kung anong ginawa mo, Empress?" sarkastiko niyang tanong sabay duro sa direksyon ng gymnasium kung saan kami nanggaling kanina. "Pinahiya mo na ako! Pinahiya mo na ang sarili mo! Yung mga pagbuntot-buntot mo sa akin araw-araw, mapagbibigyan ko pa. Yung mga walang kwenta mong bulaklak at letters sa locker ko, mapagbibigyan ko pa. Empress, pinagbigyan lang kita sa ginawa mo nung huli, pero... hindi na kita mapagbibigyan ngayon!" sigaw niya pa na ikinapikit ko na lang. May luhang lumandas sa gilid ng mata ko habang marahang tumatango sa harapan niya. Para akong isang tuta na walang sawang pinapagalitan ng amo niya. Pakiramdam ko, nanlilit ako sa sarili ko ngayon. May karapatan naman siyang magalit sa akin, pero hindi ko inaasahan na sa ganitong paraan niya ako haharapin. Siguro, malala lang talaga ang ginawa ko ngayon dahil alam kong ang pangalan niya at ang reputasyon niya sa eskwelahan ang nakasalalay sa ginawa ko. Tila ba ngayon ko lang din naramdaman ang pagod mula sa mga ginagawa kong paghahabol s akanya. Hindi ko inaasahan na sa ganitong paraan pa pala ako matututo sa buhay. "I'm s-sorry," saad ko pa bago yumuko at pinakiramdaman ang luhang dumaloy sa gilid ng mata ko. "Hindi ko a-alam na ganito ang mangyayari. Gusto lang naman kitang s-surpresahin, Travis." "Surpresahin?" natatawa ngunit may bahid ng sarkastiko niyang tanong. "Kababae mong tao, Empress. Hindi ka ba nahihiya sa mga ginagawa mong kalokohan? Kailanman, bigyan mo naman ng respeto ang sarili mo. Sa lahat ng mga babaeng nakilala ko, ikaw lang yung ganyan. Ikaw lang yung may ugaling ganyan. Hindi ka ba nagsasawa, Empress? O baka naman kailangan ko pang ipagduldulan sa 'yo na hindi kita gusto?" Hindi niya ako gusto. Sapat na ang mga salitang iyan para tumigil ako at ang luhang patuloy lang sa paglandas sa gilid ng mga mata ko. Hindi ka niya gusto, Empress. Sana naman ay maliwanag na sa 'yo iyon, hindi ba? Bahagya akong humikbi nang dahil sa pinaghalong kahihiyan at sama ng loob para sa sarili ko. Nanatili lang si Travis sa harap ko na animong pinagmamasdan ang reaksyon ko. Wala naman akong ibang ginawa kung hindi ang umiyak sa harapan niya. Tama yan, Empress. Ginusto mo 'to hindi ba? "I'm so s-sorry, Travis." "Your sorry will never be enough," aniya sa mababang tono dahilan upang naluluha akong nag-angat ng tingin sa kanya. "Simula ngayon, ayaw na kitang makita pa. Ito na ang huling pagkakataon na makakalapit ka sa akin, Empress. Ayoko nang makita ang mukha mong umaaligid sa kung nasaan ako. Naiintindihan mo ba ako?" Wala akong nagawa kung hindi ang humikbi at yumuko sa kinatatayuan ko. Siguro, isa iyon sa naging dahilan kung bakit mas lalo lang nagalit si Travis sa akin. "Sumagot ka!" Marahan akong tumango sa kanya at kahit na masama ang loob sa nangyari, nagawa ko pa ring humingi ng tawad sa kanya kahit na alam ko sa sarili kong hindi ko magagawang buuin ang mga salitang iyon. Pinanood niyang tumulo ang luha sa gilid ng mga mata ko. Wala naman akong nagawa kung hindi ang magpigil ng hikbi habang patuloy sa pagpupunas ng luha sa mata ko. Tama lang iyan, Empress. Deserve mo iyan dahil wala kang kontrol. Deserve mo iyan dahil makulit ka. Alam ko na ngayon kung bakit tumigil si Nathalie sa paglapit sa kanya. Siguro, tama nga siya. Na masama si Travis at arogante siya. Ni wala siyang ibang ginawa kung hindi ang hayaan lang ako sa pag-iyak sa harapan niya. Ito pa lang ang kauna-unahang rejection sa buhay ko kaya naman hindi ko maiwasang makaramdam ng inis at galit para sa kanya. Para nga ba sa kanya o para sa sarili ko dahil naging makulit ako? Makulit nga ba ako? Naging makulit lang ako dahil interesado ako sa kanya. Ang buong akala ko kasi, magkakaroon ako ng chance na makalapit sa kanya. Hindi ko naman inaasahan na ganito ang mangyayari. "Happy Birthday, Empress Faye!" Halos mapatalon ako sa kinatatuyan nang marinig ko ang pagputok ng party poppers sa gilid namin. Naluluha akong lumingon kay Lucas. Agad na nangunot ang noo niya nang makita niya nag pagluha ko sa harap ni Travis. Abala naman si Nathalie sa paghawak ng birthday cake na dala nilang dalawa. "Anong nangyari sa 'yo, Empress?" galit na tanong ni Lucas bago lumingon kay Travis. "Anong ginawa mo sa kaibigan ko?" Hindi nakatakas sa akin ang pagkawala ng ngiti ni Nathalie nang makita niya ang itsura ko. Nang dahil sa reaksyon niya, doon muling nalukot ang mukha ko bago ako tumakbo kay Lucas at yumakap. Hinayaan ko ang sarili kong humikbi sa dibdib niya. Hindi ko inaasahan na sa kanya ko lang mararamdaman ang comfort na iyon. Aware ako na may nararamdaman sa akin si Lucas at puro ang pagmamahal niya sa akin. Bakit nga ba kasi hindi ko magawang turuan ang puso ko? Nandito si Lucas, Empress. Bakit hindi siya ang piliin mo? Bakit hindi siya ang pinili mo nung una pa lang? "Gago ka, Travis! Anong ginawa mo?" sigaw pa ni Lucas bago umabante ng isang hakbang. Hindi nga lang siya nakasugod kay Travis dahil nanatili lang akong nakayakap sa kanya habang patuloy sa pag-iyak. "Anong ginawa mo sa kaibigan ko?" "Tang ina mo!" singhal naman ni Nathalie sa gilid ko. Tila ba hindi na sila ang mga kaibigang nakilala ko noon. Wala na ang mga pasensyoso kong kaibigan. Simula noong nagkagusto ako kay Travis, kahit na alam nilang imposible sa akin ang makalapit sa kanya, sinikap pa rin nilang i-cheer ako. Sila ang palaging nandyan sa tuwing binabalewala ako ni Travis. Hindi ko naman inaasahan na... pati sa rejection ko ngayong araw ay masasaksihan din nila. Ang malas mo talaga, Empress. "Gago ka rin , eh, no?" muling singhal ni Nathalie. "Mapapalagpas ko pa yung ginawa mo sa akin, pero ngayon—papatayin kita!" sigaw niya. May ilang estudyanteng nakarinig sa sigawan nila kaya naman hindi na ako nagtaka pa nang marinig ko ang mga komento nila. "Oh my! Siguro may ginawa si Travis kay Empress?" "Balita ko si Empress daw ang may ginawa kay Travis sa gymnasium." "Kahit na. Hindi naman yata tama ang ginawa ni Nathalie kay Travis!" Ginawa ni Nathalie kay Travis? Posible bang... Mabilis akong humiwalay kay Lucas at agad na nilingon ang direksyon ng dalawa. Halos manlaki ang mga mata ko sa gulat nang makita ko si Nathalie na nakatayo sa harap ni Travis. Nang malaglag ang cake sa gilid ni Travis, doon lang rumehistro sa akin kung anong ginawa ni Nathalie. Punong puno ng icing ang mukha ni Travis. Bahagya pa siyang napapikit sa ginawa ni Nathalie bago siya tahimik na nag-angat ng tingin dito. Matalim ang titig nito kay Nathalie ngunit hindi iyon ang naging dahilan upang umatras ang kaibigan ko. "f**k you, Travis! We f*****g hate you!" singhal pa ni Nathalie habang nakaduro sa mukha ni Travis na ngayon ay nananatili pa ring walang imik. "Hindi ka na makakalapit pa sa kaibigan ko! Isinusumpa ko iyan! Over my dead and gorgeous body!" dagdag pa niya bago niya ito tinalikuran. Mabilis na hinigit ni Nathalie ang braso ko at tulad ng ginawa ni Travis kanina, kinaladkad niya rin ako palayo sa lugar na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD