Kabanata 6:

1423 Words
TRES’ POV: Matapos ang mainit na pagtanggap ng mga kaibigan namin kay Inches agad na kaming tumuloy patungo sa aming bahay at pagdating namin ay nadatnan namin si Nanay na abala na sa gawaing bahay. “Nay, kanina ka pa ho dumating?” salubong ko nang makapasok ako sa bakuran at sumunod si Inches, Quatro, Sais at Sinco sa akin. “O Tres, saan kayo galing?” ani ni Nanay bago nito bitawan ang lumang bolo na hawak niya at saka pinagpagaan ang kamay niyang puno ng lupa dahil sa pagbubungkal. “Sa bahay ho nina Inches, isinama na ho namin dito para makapaglibot na rin po at naipakilala ko na rin siya sa iba ko pang kalaro.” Bumaling ang tingin ni Nanay kay Inches at saka ito tipid na nginitian. “Ganoon ba. Kung gayon ay maligayang pagdating sa munti naming tahanan Sir Inches. Pasensya na wala kaming maibibigay sa’yo kahit tubig man lang. Nagamit ko na kasi lahat sa paglilinis ng buong bahay.” “Naku, ayos lang po ‘yon.” Nahihiyang sambit naman ni Inches at napapakamot pa sa kanyang batok. “Kung wala na hong tubig Nay, kami na lang ho ang mag-iigib ng tubig. Ayos lang naman sa’yo ‘di ba Inches?” baling ko sa kanya. “A-Ah, oo. Ayos lang.” papayag naman ng isa kaya muli akong tumingin kay Nanay. “Sige kung iyan ang gusto ni’yo kayo ang bahala basta mag-iingat kayo ha?” Sumilay ang ngiti sa aking labi. “Oho, Nay, mag-ingat ho kami.” Agad na hinila ni Sais si Inches papasok ng aming bahay kasunod si Quatro at Sinco kaya naman sumunod na ako sa kanila hanggang sa makarating kami ng kusina at kumuha kami ng tag-iisang galon at timba. Si Sais ay hindi na humiwalay kay Inches at mukhang nawili ang bata kaya hinayaan ko na at nang makarating kami sa batis, namangha si Inches ng makita niya yaman ng kalikasan na pagmamay-ari ng baryo Buenavista. “Woah! Ang ganda at ang linag ng tubig. Dito ba kayo nag-iigib ng tubig?” aniya bago sumalok ng tubig sa kanyang kamay at nangingiting tumingin sa akin. “Ang lamig din ng tubig.” “Ito ang sinasabi ko sa’yong handog ng kalikasan sa amin. Nakikita mo ba ang maliit na talon na iyon? Dyan kami kumukuha ng malinis at malamig na tubig bilang inumin at kahit sa bahay ng mga Buenavista ay dito rin sila kumukuha ng tubig.” “Pwede kayang maligo rito?” bakas sa mukha ni Inches ang galak. “Oo naman. Pagkatapos nating mag-igib ng tubig, mamayang hapon bago magtakip-silim ay pwede tayo maligo sa bandang ibaba nitong batis kung saan naroon ang medyo may kalaliman na bahagi. Doon kami naliligo kasama ang iba pang bata sa baryo.” “Sige. Gusto kong subukan.” Buong galak na tumulong si Inches sa pag-iigib naming ng tubig at ilang beses rin kaming nagpapabalik-balik hanggang sa mapuno ang naglalakihang banga na siyang imbakan naming ng tubig. Ni hindi man lang kakikitaan ng pagod si Inches dahil puno ng ngiti ang kaniyang labi na umaabot pa sa kanyang mga mata. At nang matapos kami sa aming pag-iigib, agad naming inanyayahan ang iba pang bata na maligo sa batis at namayani ang ingay ng aming mga boses at mga tawanan ang lugar na iyon hanggang sa sumapit ang takip-silim, pareho kaming basa ni Inches habang tinatahak ang daan pabalik sa kanilang bahay. “Grabe, sobrang saya ko kahit na sa maikling oras lamang ay naranasan kong maging bata ulit. Maraming salamat talaga, Tres,” basag nito sa katahimikan naming dalawa kaya naman ngumiti ako sa kanya. “Sabi ko naman sa’yo, dumikit ka lang sa akin, mararanasan mo ang magagandang bagay na hindi mo naranasan sa ibang bansa.” Sa bawat bahay na dinadaanan naming ay unti-unti nang nagsisindihan ng mga ilaw kaya hindi ako nangangamba nab aka matalisod bigla si Inches lalo na’t papadilim na. Magkakadikit lang din ang mga bahay rito at hindi naman gaanong malaki ang aming baryo. Pagkarating namin sa harapan ng magarbong tarangkahan ng mansion ng mga Buenavista ay huminto na ako dahilan para humarap si Inches sa akin. “Hanggang dito na lang ako, kaibigan. Nilalamig na rin ako at kailangan mo nang magbihis. Magkita na lang tayo bukas.” Sumilay ang magandang ngiti sa labi ni Inches at kumislap ang kanyang mga mata na kulay ginto. “Sige, magkita na lamang tayo bukas.” Tuluyan nang humakbang si Inches papasok sa malaking tarangkahan ng kanilang bahay at ako naman ay bumalik upang umuwi sa aming bahay upang tulungan ang aking Inay. Sigurado akong uuwi na rin ang dalawa ko pang kapatid kaya naman nagmadali na akong tumakbo upang marating agad ang aming bahay. Hanggang ngayon ay nakaukit pa rin sa aking isipan ang ngiti at tawa ni Inches na hindi matawaran ng kahit ano pa mang marangyang bagay dito sa mundong ibabaw. Pinagkait man sa kanyang ang pagkakataong makasama ang kaniyang Ina, binigyan naman siya ni Mayor Buenavista ng bagong pag-asa upang magpatuloy sa buhay. Pagkarating ko sa bahay ay agad akong dumiretso sa aming banyo at agad na nagbanlaw at itnapi na aking bewang ang maliit na tuwalya na siyang pinaghahatian naming mag-anak. Nadatnan ko sa kusina si Kuya Uno at Kuya Dos na kararating lang at salubong ang kanilang mga kilay nang makita ang itsura ko. “Tres, ano ba naman iyang ayos mo?” sita sa akin ni Kuya Uno. Napatingin ako sa aking katawan at sinipat iyon ngunit wala naman akong nakikitang mali. “Bakit? Anong meron sa katawan ko?” “Ayusin mo ang pagkakatapi sa katawan mo. Hindi ka sanggano.” Napasimangot ako. “Alam ko po pero gusto ko to eh. Magbibihis na ako dahil nilalamig na ako.” “Ang kulit mo talagang bata ka.” Ngumisi na lamang ako kay Kuya at sumayaw-sayaw pa habang tinutungo ko ang kwarto namin ni Nanay. Isang lumang t-shirt na pinagliitan ni Kuya Uno ang kinuha ko sa aking damitan at isang lumang jersey shorts ang siyang isinuot ko. Pinunasan ko rin ang maikli kong buhok bago ako muling lumabas at nadatnan kong kompleto na silang lahat sa hapag kaya naman agad akong dumalo at pinagsaluhan namin ang isang hapunan na puno ng kwentuhan at tawanan. Lumipas ang linggo at buwan, unti-unti nang nakakasabay si Inches sa aming simpleng pamumuhay at panibagong buwan naman ang siyang haharapin naming kung saan kumakaway na ang pista ng patron ng Sto. Nino sa bayan ng Buenavista at ramdam ko na ang galak ng bawat tao sa aming baryo. Magkasama kaming dalawa ni Inches habang nakikipaglaro ng taguan kina Jobert at lagging nakasunod si Inches sa akin kahit saan ako magpunta. Kahit nga ang pag-ihi ay sabay kaming dalawa. Hinahayaan ko lang naman siya dahil nangako ako sa kanya bilang matalik na kaibigan niya na kahit saan siya magpunta ay naroon ako para gabayan siya. Nagtago kami ni Inches sa isang mayabong na damuhan dito sa gilid ng burol habang ang iba ay umakyat pa ng puno o magtago sa likuran ng mga katawan ng naglalakihang puno ng narra. Si Banding ang taya at kung sino ang una niyang mahuli ay siyang papalit rito matapos niya kaming mahuli lahat. “Sigurado ka bang hindi tayo mahuhuli ni Banding?” bulong sa akin ni Inches gabang nakadapa kami sa damuha at nakasilip mula sa awing ng mga dahon kung saan nagbibilang si Banding. “Hush! Huwag kang maingay. Magmasid ka lang at kapag paparating na si Banding, kailangan mong tumakbo ng mabilis bago ka pa niya makita.” Tumango si Inches sa akin pero wala naman sa kanya ang atensyon ko. Sa ilang taon na paglalaro namin ng taguan, ako ang pinakahuli nilang nahahanap dahil hindi nila alam kung saan ako nagtatago. At tulad nga ng sabi ko sa paglipas lamang ng ilang minute, nahuli nan i Banding ang karamihan sa kalaro namin at kaming dalawa na lamang naiwan ni Inches. “Ano ba yan, ang hirap pa namang hanapin ni Tres!” pagmamaktol ni Banding at pumapadyak pa sa lupa kaya naman tahimik na napahagikgik ako sa tabi ni Inches. “Lumabas na lang kayo tayo? Baka umiyak si Banding,” bulong sa akin ni Inches. “Hindi yan iiyak.” Nagtulong-tulong na sa paghahanap ang iba pa naming kalaro hanggang sa makita kami ni Jobert. “Aha! Banding nandito sila!” sigaw ni Jobert kaya naman agad akong tumayo mula sa pagkakadapa ko sa damuhan. “Inches, takbo!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD