TRES’S POV:
Naging abala ang mga tao sa bayan ng Buenavista kung saan sasalubungin namin ang kapanganakan ng aming baryo. Nagtulong-tulong ang mga tao sa paglalagay ng dekorasyon sa maliit na kalsada kasama ang covered court kung saan idaraos ang ilang patimpalak na inihanda ng Mayor para sa amin.
Ngayon pa lamang ay nagagalak na kami sa pwedeng mangyari sa loob ng isang linggong pagdiriwang ng kapistahan at ito talaga ang inaabangan namin sa tuwing bakasyon. Bukod sa maraming pagkain ang ihahain sa mesa, maraming palaro rin ang inihanda para sa mga batang tulad namin at ito rin ang unang beses na masasaksihan ni Inches kung paano magdiwang ng pista ang bayan ng Buenavista.
“Inches, halika rito,” tawag ko sa kaniya habang nasa taas ako ng puno ng mangga kung saan ikinakabit ko ang bandiritas na nilalagay namin sa kalsada.
“Bakit?” ganting sigaw ni Inches habang nakatingala ito sa gawi ko.
“Abutan mo nga ako ng patpat. Hindi ko maabot ang mataas na bahagi ng punong ito,”
“Bumaba ka na lang kaya riyan at baka ikaw ay mahulog. Mataas na ang kinaroroonan mo at sumasakit ang aking batok sa kakatingala kung saan ka naroon.”
“Umakyat ka na lang at tulungan mo ako rito!”
“Hindi nga ako marunong!”
Napakamot na lamang ako sa aking noo at saka tinanggal ang pagkakabuhol ng lubid na hawak ko at basta ko na lamang iyon itinali sa isa sa mga sanga ng mangga na nakita ko. Bahala na kung mukha itong lilipad sa langit dahil sa pagkakatali ko basta ba mayroong makapitan ang bandiritas na ito.
Nang masiguro kong maayos na ang pagkakatali, bumaba na ako ng at pumunta sa kinaroroonan ni Inches kung saan nakatingala ito sa gawi ko.
“Umalis ka dyan dahil tatalon ako pababa.”
Ibinuka ni Inches ang kaniyang braso na tila sasaluhin ako nito.
“Sasaluhin na lang kita para hindi ka masaktan.”
“Baliw! Sanay akong umakyat ng puno at tumalon kahit gaano pa ito katas para lang makababa. Kapag sinalo mo ako, pareho tayong mababalian ng buto kaya umalis ka riyan,”
Bumusangot ang mukha ni Inches at saka ito umatras palayo sa puno at nang masiguro kong malayo na siya, agad akong tumalon sa lupa at halos tumalbog ang katawan ko papunta kay Inches kaya nasalo niya ang katawan ko upang hindi ako sumubsob sa lupa.
“Ayos ka lang ba?” bakas sa boses nito ang pag-aalala kaya naman nginitian ko ito bago ako umayos ng tayo at pinagpagan ang kamay ko.
“Ayos lang ako,”
“Sabi ko naman sa’yo saluhin na lang kita eh. Muntikan ka pa tuloy masaktan.”
“Sus! Halika na nga at marami pa tayong gagawin.”
Hinila ko na lamang si Inches patungo sa mga bata na nagkakabit din ng bandiritas sa paligid. Halos maligo na sa sariling pawis si Inches ngunit hinahayaan niya lamang iyon at isa pa hindi naman siya hinahanap ni Mayor dahil alam nitong ako ang kasama ng pamangkin niyang mahiyain ngunit iyakin naman kapag hindi ako ang kasama.
“Tres, sasali ka ba sa patimpalak tungkol sa palaso?” tanong ni Jobert nang makalapit kami sa kanilang grupo.
“Mayroon ba?”
“Oo. Nakita ko kanina sa plaza. Sali tayo?”
“Sige ba,”
“Tres, delikado ang palaso,” bulong sa aking ni Inches na tila kinakilabutan ito kaya naman nilingon ko siya habang abala ito sa pagtatangal ng pagkakabuhol ng lubid na hawak namin.
“Laruan lang naman iyon at isa pa masayang sumali sa mga ganoong laro. Mayroon pa nga yung laro ng lahi kaya dapat sumali tayo doon dahil sayang ang premyo.”
“Eh wala naman akong ideya tungkol sa laro ng lahi na iyan. Baka mabalian lang ako ng buto, ikaw na lang ang sumali.”
“Hindi pwede! Dapat kailangan mong maranasan kung gaano kasaya ang pista rito sa Buenavista at isa pa, sa isang taon lang naman nagaganap ang okasyon na ito.”
“Hays! Bahala na nga. Basta huwag mo akong iiwan sa isang sulok.”
Ngumisi ako, “ako ang bahala sa’yo, Inches. Magtiwala ka lang sa akin.”
Buong maghapon na nasa kalsada kami ni Inches at halos amoy araw na kaming dalawa ngunit ang pagod ay hindi namin alintana basta ba masaya kaming dalawa. Nagtulong-tulong ang lahat ng kabataan sa aming baryo at nang sumapit ang takip-silim ay buhay na buhay ang buong baryo nang simulang pailawan ang buong barangay. Nagsigawan ang lahat sa tuwa nang masaksihan nila kung gaano kaganda ang kinalabasan n gaming pinaghirapan.
“Woah, ang aliwalas ng buong baryo.” Bulalas ni Inches habang iginagala nito ang paningin sa buong paligid kasama ang covered court na puno ng disenyo.
“Ramdam mo na ba ang pista ng Buenavista?” nakangiting tanong ko sa kanya kaya naman bumaba ang paningin ni Inches sa akin at kitang-kita ko ang kakaibang kislap ng mga mata niya na hindi ko nakita noong una kaming magkakilala.
“Hindi na ako makapaghintay na masilayan ang pista ng Buenavista,”
“Kumapit ka lang sa akin, ako ang bahala sa’yo.”
Nagpasya na kaming umuwi ni Inches at hinatid ko na ito sa bahay ni Mayor. Ayaw pa sana ako nitong bitawan kaso pinigilan na siya ng mga katulong nila kaya matiwasay akong nakauwi.
Pagkarating ko sa bahay, nadatnan ko ang mga kapatid ko na naglalaro sa sala kaya naman agad akong lumapit sa kanila.
“Si Nanay ba nandiyan na?” tanong ko kay Sinco bago ako naupo sa tabi niya at kinalong si Sais.
“Wala pa po pati si Kuya Uno at Kuya Dos, nagugutom na nga po kami. Wala ka po bang dalang pagkain?” ani ni Quatro kaya naman mapait akong ngumiti sa kaniya at hinawakan ang kaniyang ulo at marahan itong ginulo.
“Pasensya na, Quatro, walang dalang pagkain si Ate pero magsasaing na ako. Gusto niyo ba akong tulungan?” sabay na tumango si Quatro at Sinco kaya naman inakay ko na sila papuntang kusina dahil kailangan ko nang magluto ng aming hapunan at mukhang gagabihin si Nanay at ang iba pa naming kapatid.
Naging abala kami nina Quatro at Sinco sa pagluluto ng sinaing at gulay habang si Sais naman ay abala lang sa paglalaro at may sarili siyang mundo.
Hanggang sa dumating si Nanay kasunod si Kuya Uno at Kuya Dos, sakto namang nakaluto na kami kaya kakain na lamang kaming lahat.
"Nay!" sabay-sabay naming bating magkakapatid nang pumasok sa kusina si Nanay, Kuya Uno at Kuya Dos kaya naman agad kaming nagmano kay Nanay.
"Pasensya na kung ginabi ako masyado, marami kasing mamimili sa bayan. Kumain na ba kayo?" ani ni Nanay habang inilalagay sa gilid ang palanggana na hawak niya.
"Kakatapos lang ho naming magluto, Nay. Kumain na ho tayo?" anyaya ko na agad naman nilang tinugunan at saka kami dumulog sa mesa.
"Grabe, hindi ko inaasahan na marami ang dadayo sa lugar natin at maraming mga nagtitinda ang pumunta. May nakita pa nga akong perya at sa tingin ko ay sa bakanteng lote 'yon itatayo." Pagkukwento ni Inay nang magsimula kaming kumain.
"Halos makipagsisikan na nga ho kami ni Dos sa sakayan ng traysikel para lang makauwi mabuti na lang at nakita ka namin kanina," ani naman ni Kuya Uno.
"Mukhang pinaghandaan talaga pista ng Buenavista hindi ba? Hindi na rin ako makapaghintay sa palaro." Nakangiting wika ko naman.
Pinagsaluhan namin ang hapunan na puno ng kwentuhan at mga bagay-bagay na pwede naming gawin habang sini-celebrate ang pista. Halos hindi na nga ako makatuloy kahit pagot na ang katawan ko ngunit kailangan kong magpahinga upang marami akong mapuntahan sa plaza bukas na bukas din pagputok ni Haring Araw.
Nasasabik na ako para bukas lalo na sa mga papremyo ng baranggay.