TRES’ POV:
Nagpatuloy kami ni Inches sa pagkukwentuhan hanggang sa mabanggit ko ang tungkol sa pagkahulog niya sa kabayo at kung bakit ganun na lamang ang ekspresyon ng kaniyang mukha kanina habang nasa carousel kami.
"Pitong taong gulang ako nang pumunta kami ni Mommy sa isang rancho at bilang bata hindi ko maiwasang mamangha sa ganda ng mga kabayo kaya humiling ako sa kaniya na kung pwede akong sumakay sa isa mga kabayong naroon."
"Pinagbigyan naman ako ni Mommy ngunit naging agresibo ang kabayo at basta na lang akong itinakbo bigla sa buong rancho at hinabol kami ng tagapag-alaga ngunit sa bilis ng kabayo ay hindi niya kami nahabol agad."
"Syempre bata pa ako non at hindi ko alam ang gagawin ko hanggang sa mahulog ako at natapakan ng kabayo ang hita ko na naging resulta upang mabali ang buto ko."
Mahabang kwento ni Inches sa akin na siyang ikinangiwi ko.
"Nasobrahan ka ba ng pilyo noong mga panahon na yan kaya pati ang kabayo ay ayaw sa'yo?"
Pagak na tumawa si Inches sa akin. "Medyo? Sunod kasi ako sa luho ng Mommy ko at nong mamatay siya noong nakaraang buwan ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa hanggang sa mapadpad ako rito sa poder ni Mayor Buenavista."
"Eh ang Daddy mo nasaan?"
Umiwas siya ng tingin sa akin.
"Hindi ko alam."
Nagkibit-balikat na lang ako at saka tinapos ang pagkain naming dalawa at nagpasya kaming dalhin sa kusina ang pinagkainan namin at nakasalubong namin si Aleng Amalia kaya naman kinuha niya sa amin ang pinggan at bandehado na dala namin.
"Bakit kayo ang naghatid nito? Sana pinakuha niyo na lang sa kwarto ni Sir Inches," ani ni Aleng Amalia.
"Eh babalik ho kami sa plaza para manuod ng dance contest. Okay lang naman po na isama ko si Inches di ba?"
"Oo naman pero huwag kayong masyadong magpapagabi at baka hanapin sa akin ni Mayor si Inches ha? Pero huwag kang mag-alala kasi sasabihin ko naman na ikaw ang kasama niya."
"Sige ho, Aleng Amalia."
"Nga pala, huwag mong kakalimutan na sabihin sa Nanay mo na hihingi ulit ako ng tulong sa kaniya sa darating na huwebes ha? Maraming bisita kasi ang pupunta rito sa bahay ni Mayor at hindi namin kakayanin ang trabaho."
"Sige ho, sasabihin ko ho kay Nanay."
Nagpaalam na kami ni Inches at saka kami lumabas ng mansyon at tinahak ang daan pabalik sa plaza at saktong pagdating namin ay naghihintay na sina Jobert.
"Nasaan si Banding?" tanong ko nang mapagtantong kulang kami ng isa.
"Dumating kasi ang Tita niya na galing Canada kaya hindi siya makakasama sa atin," sagot ni Mary.
"Ganun ba? Tara na sa loob?"
Agad silang sumang-ayon sa akin at nauna kami ni Inches na pumasok sa covered court at naghanap kami ng pwesto sa pinakataas ng bahagi ng bench. Maraming bata at matatanda rin sa paligid at tila inaabangan nila ang patimpalak na ito hanggang sa mamataan ko si Kuya Uno na kasama si Kuya Dos at iba pa naming kapatid kaya kinalabit ko si Inches at tinuro ang mga kapatid ko.
"Sina Kuya o," wika ko.
"Oo nga. Tara tawagin natin?"
Naunang tumayo si Inches at kumaway upang makuha ang atensyon nina Kuya at agad naman nila kaming nakita kaya pumunta sila sa aming pwesto.
"Hello Kuya Inches," bati ni Sais sa katabi ko.
"Hello Sais, manunuod din kayo?" Kinalong ni Inches si Sais habang si Kuya Uno, Kuya Dos at Quatro ay naupo sa unahan namin. Parang hagdan kasi itong bench rito sa loob ng covered court.
"Opo tyaka maganda raw po ang patimpalak ngayon."
"Pumunta kami ni Tres sa perya kanina gusto niyo bang pumunta don?"
"Inches walang pambayad ang mga kapatid ko hindi tulad mo na mayaman," ani ni Kuya Uno kaya napatingin kami ni Inches sa kaniya.
"Kuya hindi naman ipipilit ni Inches kung ayaw niyo." Umiwas ng tingin si Kuya Uno sa akin.
"Sinasabi ko lang na magkaiba ang pamumuhay natin at isa makukulit ang kapatid mo."
"Hindi naman araw-araw na pupunta kami sa plaza tyaka minsan lang naman."
"Bahala ka."
Nagkatinginan kami ni Inches at saka siya lumapit sa akin at bumulong.
"Galit ba si Kuya Uno sa akin?"
"Hindi. Bugnutin lang talaga yan kasi maagang nasabak sa trabaho. Hayaan mo na."
Tinanguhan na lang ako ni Inches at sakto namang magsisimula na ang patimpalak kaya natahimik kaming dalawa.
Siguro nga kailangan kong kausapin si Kuya Uno tungkol sa pakikitungo niya kay Inches dahil wala naman itong kasalanan sa kaniya para pag-initan niya.
Hindi namin kasalanan na namulat kami sa hirap ng buhay at hindi rin kasalanan ni Inches kung nasa poder siya ni Mayor Buenavista na tinaguriang mayamang angkan rito sa aming bayan.
Bandang alas dyes na nang gabi natapos ang patimpalak ng sayawan, hinatid na namin si Inches kasama ang mga kapatid ko at nang masiguro naming nakapasok na siya sa bahay ay agad na kaming naglakad pauwi ng bahay.
"Kuya Uno," tawag ko sa nakatatanda kong kapatid.
"O?"
"Bakit ang init ng dugo mo kay Inches?"
Umiwas ng tingin si Kuya sa akin at ibinaling ang atensyon sa dinaraanan naming kalsada.
"Hindi sa mainit ang dugo ko sa kaniya. Sadyang naiinis lang ako dahil siya ang lagi mong kasama imbes na bantayan mo ang mga kapatid natin sa bahay."
"Binabantayan at isinasama ko naman po pero nakiusap kasi sa akin si Mayor, Kuya. Hindi ko naman magawang tanggihan dahil malaki naman ang naitulong niya sa atin kahit papaano."
"Nandoon na tayo sa parteng nagmamagandang loob ka lang ngunit malaki naman na ang pamangkin niya at hindi na kailangan pang samahan kahit saan magpunta."
"Kuya kaibigan ko si Inches. Yon na lang sana ang unawain mo."
Hindi na umimik pa si Kuya Uno hanggang sa makauwi kami ng bahay at pumasok ako sa kwarto namin ni Nanay para magpalit ako ng pantulog.
Sakto namang pumasok si Nanay kaya sinabi ko sa kaniya ang habilin ni Aleng Amalia.
"Mukhang kailangan ko ring mag-ipon dahil malapit na ang pasukan sa eskwela," ani ni Nanay nang mabanggit ko ang habilin ni Aleng Amalia.
"Maayos pa naman po ang mga gamit ko tyaka na natin isipin ang bayarin sa eskwela kapag nandyan na."
"Oo pero kailangan pa rin nating mag-ipon para naman makatuntong ka ng high school katulad ng mga Kuya mo. Yon na lang kasi ang maipapamana ko sa inyong magkakapatid eh. Hanggat kaya kong magtrabaho ay gagawin ko para sa inyo."
"Pero Nay huwag niyo naman masyadong abusuhin ang sarili niyo."
Ngumiti si Nanay sa akin at hinaplos ang aking buhok.
"Alamvko anak, huwag kang mag-alala dahil mas malakas pa ako sa kalabaw."
Niyakap ko na lang si Nanay at saka kami nahiga sa papag kung saan nakalatag ang pinagtagpi-tagping tela at sako bilang higaan namin.
Puro hirap man ang aming nararanasan ngayon, sisiguraduhin ko naman na darating ang panahon na makakaahon kami mula sa kahirapan at yon ang gusto kong mangyari. Ang mabigyan ng magandang buhay si Nanay at ang mga kapatid ko at igagapang ko talaga ang aming pamilya hanggang sa kami ay guminhawa.
Nang sumapit ang umaga ay agad kaming nagsalok ng tubig upang aming gamitin sa buong maghapon. May mga ilang dayuhan rin kaming nakakasabay sa pagpunta sa ilog ngunit wala doon ang atensyon ko.
Iniisip ko kasi kung ano ang gagawin ko mamaya dahil magsisimula na ang palaro ng lahi ng hinanda an gaming baryo. Gusto kong salihan lahat at iuwi ang premyo dahil sayang din naman kung matetengga lang ngunit sigurado ako na marami ang sasali sa palaro mamaya.
“Uno!” Naingat ko ang aking paningin nang may tumawag kay Kuya ko at namatawan ko sina Vince, Walter at Kuya Henry na bagong ligo na.
“Ang aga niyo namang lumusong sa ilog?” seryosong sambit ni Kuya Uno ang sumalubong sa amin sina Walter. Ang aga pa lang ngunit ang mukha ni Kuya Uno ay sambakol na agad.
“Maaga rin naman tayong papasok sa site hindi ba? Mag-iigib kayo ng tubig?”
“Oo kaya lumayas ka sa harapan ko.”
Natawa si Kuya Henry sa inaasta ni Kuya Uno at saka ito napapailing na nilagpasan kami kasunod ang mga pinsan niya at nang makalayo na sila sa amin ay agad akong nagtanong kay Kuya.
“Bakit ang init ng dugo mo kay Kuya Henry?”
Bumaba ang tingin ni Kuya sa akin. “Henry lang, hindi mo siya kapatid. Saka huwag ka ngang nakikinig sa usapan ng may usapan.”
“Baka kasama mo ako, malamang maririnig ko.”
Akmang kakaltukan ako ni Kuya sa ulo ngunit agad akong nakaiwas at nang makarating kami sa ilog ay naghiwalay kami ng landas. Ang aga-aga ay maiinit agad ang ulo niya.