"MERRY Christmas, Diosa Mahinhinon!" bati niya sa sarili. Pagkatapos ihanda ang mga pagkain, nagpahinga muna siya ng kalahating oras. Nagsuot ng red T-shirt katerno ang maong na pantalon. Nakangiting dinaanan niya ng tingin ang mga inihandang pagkain na nasa mesa. Sa gitna ay mga prutas. Ang leche flan at fruit salad ay kaninang umaga pa niya inihanda. May quezo de bola rin, ham, spaghetti at fried chicken. Medyo dinagdagan niya ang niluto—baka lang kumain din si Rohn. Kumain kasi ito ng almusal na inihanda niya.
Nasaan na nga ba ang lalaking iyon? Umalis o nasa kuwarto lang? Hindi niya alam. Nahiya na rin siyang katukin ang lalaki. Kung nasa bahay nga ito at mali siyang isipin na umalis para mag-celebrate ng Christmas eve kasama ang girlfriend, mag-iimbita na lang siya kapag lumabas ng kuwarto si Rohn.
Eleven thirty pa lang naman.
Nag-ring ang cell phone na nasa bulsa ni Diosa. Si Macaria ang caller.
"Hello, Ariah?"
"Babae, makinig ka!" bungad agad nito sa medyo malakas na boses. "Good news 'to! Hindi ito ang magiging huling Pasko mo!"
"Kung binabati mo kaya muna ako ng Merry Christmas," balik niya. "Paskong Pasko, oh? 'Yan talaga ang pag-uusapan natin? Ang pagka-tsugi ko next year?"
"Hindi ka nga matsu-tsugi, loka! May naisip akong plano! Masaya 'to!" kasunod ang hagikhik. "Pero oo nga, Merry Christmas muna, Yosh!"
"Baliw ka talaga," sabi ni Diosa. "Merry Christmas din sa inyo. Mag-noche buena kayo, hindi puro do!"
Ang lakas ng tawa ni Macaria.
"Nagluto ka rin ng Noche Buena?" tanong nito pagkatapos tumawa.
"Oo, naman! Sasayangin ko ba ang effort mo na busugin ako?" balik ni Diosa. "Isa pa, ayoko ng Paskong malungkot, 'no? Ano naman kung mag-isa akong nagce-celebrate? Sanay naman na ako, eh. Wala nang kaso kumain mag-isa. Ginagawa ko na 'yon mula nang mawala si Lola Meryan."
"Si Rohn nandiyan pa?"
"Hindi ko alam. Kung umalis o nasa kuwarto niya lang, 'di ko sigurado. Naidlip ako kanina. Pagbaba ko naman mga six PM kanina at hanggang ngayon, hindi ko siya nakitang lumabas ng kuwarto. Baka umalis kaninang tulog ako."
"Wala namang pupuntahan 'yan. In-invite siya ni Floro, ayaw naman. Tamad daw magbiyahe."
"Eh, sabi mo nga may jowa, 'di ba? Malamang, magkasama 'yon sa Noche Buena—"
"Malabo 'yan," sabi ni Macaria. "Tawag nang tawag kay Floro si Sharlone, 'yong jowa? Hinahanap si Rohn! Mukhang LQ ang dalawa. Baka break na bago mag-New Year!" tawa uli, parang galak na galak. "May nalaman yata si Rohn. Ayaw lang magbigay ng detalye ni Floro pero mukhang may third party, bhe! At hindi si Rohn, ah? Si babae ang meron! Kinaya mo 'yon?" hindi na naman maawat ang dila ni Macaria. "May chance na ang naiisip kong maitim na plano! Ituturo ko sa 'yo kaya makinig ka!"
"M-Maitim na plano? Paskong-pasko, Ariah! Alam mo, ikaw, tumigil ka—"
"Yosh, makinig ka!" biglang putol nito. "Chance mo na 'to! One night lang naman! Ile-let go mo lang ang Bataan 'tapos okay na. Wala bang dating sa 'yo si Rohn?"
"Desperada moves 'teh?"
"Ay, bhe! 'Wag kang gaga!" mas malakas na sabi nito. Kapag talaga sila ang magkausap, parang kausap lang ni Diosa ang sarili. Mas matindi nga lang ang 'ratatat' ng bibig ni Macaria. Si Lemuella ang mas tahimik sa kanilang tatlo. Pero kapag pikon na, mura nang mura. "Ano'ng gusto mo, mamatay?"
"May ilang months pa naman bago ang birthday ko, Ariah! 'Wag mo akong pine-pressure—"
"Yosh, hindi laging nandiyan si Rohn. Baka three months pa bago bumalik uli 'yan. Patay ka na no'n, loka! Ang dapat mong gawin, i-grab ang chance na nandiyan siya! May option ka naman—ang akitin siya o ang sabihin sa kanya ang totoo at i-offer ang virginity mo!"
"Alin sa dalawa ang ginawa mo kay Floro?" napangisi si Diosa nang may naibalik siya rito.
"'Yong huli," kasunod ang hagikhik. "Nag-alok siya ng kasal pagkatapos marinig ang kuwento ko."
Napaisip tuloy si Diosa tungkol sa suggestion ni Macaria.
Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Rohn kapag sinabi niyang kailangan niya ang tulong? Na punit-hymen papa?
Napabungisngis si Diosa. Pumikit at in-imagine si Rohn na hubad at nasa kuwarto niya. Hostage pa rin siya pero nude na ang lalaki. At nararamdaman niya ang lahat ng matigas sa katawan nito.
Ngingiti-ngiting dumilat siya—upang manlaki lang ang mga mata nang si Rohn ang makitang nasa harap niya!
"R-ROHN?" napapakurap na sambit ni Diosa. Agad umayos ng upo at nawala ang pilyang ngiti. Pinilit niyang maging pormal kahit ang totoo ay nagpipigil lang siyang tumawa. Nakikita pa rin kasi niya sa isip ang nude Rohn na titig na titig sa kanya. At siya naman, kulang na lang ay mag-walling sa kilig sa kanyang pantasya.
Napatikhim si Diosa. Kaunting-kaunti na lang talaga ay bubungisngis na siya. Malamang ay maisip ni Rohn na may tama siya sa utak. "Ah...akala ko, lumabas ka? Nasa kuwarto ka lang pala?" ibinalik niya sa mesa ang tingin. "Noche Buena na...'Kain tayo? Merry Christmas!" Magaan ang tono niya kahit wala na naman ni katiting na emosyon ang mukha nito. Nate-tempt na tuloy siyang gripuhan ang lalaki sa tagiliran para malaman niya kung dugo o nagyeyelong tubig ang dumadaloy sa mga ugat nito.
"Merry Christmas," ang simpleng sinabi ng lalaki bago nilampasan ang mesa. Wine glass pala at alak ang kailangan nito kaya bumaba. Paskong Pasko, mukhang maglalasing na naman si 'Koya'. Hindi na nagulat si Diosa na hindi man lang nito pinansin ang mga inihanda niyang pagkain.
Ayos lang. Hindi naman siya umasang may makakasama siyang kumain sa Noche Buena. Sanay na siyang mag-isa. Maliit na bagay.
Kinuha ni Diosa sa bulsa ang cell phone at nag-check ng oras. Quarter to twelve na. Tinakpan muna niya ang mga pagkain at umakyat sa kuwarto para sa nakasanayan niyang ilang minutong panalangin. Mula pa noong kasama niya si Lola Meryan, ginagawa na nila iyon. 'Prayer before celebration' daw lagi dapat. Maging nang iniwan na siya ng matanda at mag-isa na lang siya sa Noche Buena, hindi binago ni Diosa ang nakasanayan.
Twelve o five na nang bumaba siya para kumain mag-isa. "Merry Christmas! Merry Christmas! Merry Christmas gandang Diosa Mahinhinon!" pagkausap niya sa sarili habang bumababa. Hindi siya malulungkot ngayong Pasko. Hindi niya aalalahanin ang mga nakaka-stress na bagay. Ngayong gabi lang naman. Kakalimutan muna niya lahat.
Magaan pa rin ang kilos na naupo si Diosa sa harap ng mesa para kumain na. Naudlot nga lang ang subo ng dalaga ng spaghetti nang makita niyang palapit si Rohn-dala ang alak at wine glass. Hindi alam ni Diosa kung bakit nag-react yata ang heartbeat niya nang magtama ang mga mata nila.
May ganoon ka ngayon, puso ko?
May ilang segundong nagtama lang ang mga mata nila. Si Diosa ang unang ngumiti. "Kakain ka na o kailangan ng isa pang imbitasyon?" basag niya sa parang spell na tumawid sa pagitan nila.
Naks! may spell na? Next na ang sparks, Diosa! Gora, teh!
"Medyo dinagdagan ko talaga 'yan. Naisip ko lang na baka gusto mong mag-Noche Buena rin." Natuwa si Diosa nang tahimik na naupo si Rohn sa tapat niya. Dinugtungan niya ang sinabi. "Okay sa akin kung iimbitahan mo rin akong uminom," magaan ang tono niya. "Hindi talaga ako umiinom pero Pasko naman, eh. Mag-celebrate tayo hanggang umaga?"
"Okay sa akin," sabi ni Rohn. Naglagay na rin ng spaghetti sa sariling plato. Kumuha rin ito ng chicken leg. Tinikman rin pati ang ham. "Kaya mong hindi matulog?"
"Oo naman," ngiti ni Diosa. Lihim na natuwa na 'kumain' si Rohn na tunay na kahulugan ng salita. Mukhang nagustuhan nito ang luto niya. Parehong tinikman din nito ang leche flan at fruit salad.
Patapos na silang kumain nang magkasunod na nag-ring ang kanilang mga cell phones. Si Macaria ang caller ni Diosa.
"O, teh?" bungad niya kay Macaria. At napatingin kay Rohn nang banggitin nito ang pangalan ni Floro Bolocbuloc. Ang mag-asawa pala ang caller nila. Kung tama si Diosa, magkaharap din sa mesa sa Noche Buena ang mga callers nila.
Nang mga sumunod na sandali ay pinakikinggan na ni Diosa ang mahabang pagtuturo ni Macaria kung paano niya dapat gawin ang ayon dito ay 'sagip buhay' o 'masamang plano' kay Rohn. Hindi niya mapigilang matawa, napapatingin tuloy sa kanya si Rohn. Si Rohn na poker face pa rin at tahimik na nakikinig lang sa kausap.
Magkasunod din halos ang pagtatapos nila ng kanya-kanyang tawag. Pero si Rohn, wala pang limang minuto ay tumunog na naman ang cell phone. Napansin ni Diosa ang pagdidilim lalo ng mukha nito matapos tingnan ang screen ng gadget. Ang malikot niyang imagination, in-assume agad na ang girlfriend nito ang tumatawag. Base sa kuwento ni Ariah ay nag-away ang dalawa. Gusto niyang umiling. Sana naman pinalampas muna ang Pasko bago nag-away.
Ibinulsa ni Rohn ni ang cell phone. Hindi na nito tinapos ang pagkain.
"Thanks for this," ang sinabi nito pagkatayo. "Merry Christmas."
Tumango lang si Diosa. "Merry Christmas."
Binitbit ni Rohn ang alak at wine glass na inilapag nito kanina sa mesa. "Wine glass," sabi nito na hindi agad nakuha ni Diosa. "Magdala ka."
Ah, nag-iimbita pala ng inuman!