Four

1729 Words
"Rohn," si Tito Floro, sumenyas na lumapit siya. Sa mesa nito ay naroon ang bote ng alak at wine glasses. Nagsalin ng alak ang kanyang stepfather, inabot sa kanya ang isang wine glass. Inabot iyon ni Rohn, nagtatanong ang tingin. Biglaan ang tawag nito, pinapunta siya sa bahay sa Quezon City. Sa dalawang taong lumipas na wala na ang kanyang ina, bilang na bilang niya ang tawag nito na inoobliga siyang pumunta sa dating bahay nila. Ang alam niya, may buyer na ang bahay na iyon. Isang envelope ang sunod na inabot nito sa kanya. Kumunot naman ang noo ni Rohn. "Gusto kong makita mo 'yan bago ako lumipat sa bagong bahay." Hindi niya alam kung saan ang sinasabi nitong bahay. May tatlong buwan na rin noong huli silang nagkausap kaya wala siyang alam sa sinasabi nitong paglipat. Hindi na rin siya umaasang ipapaalam sa kanya nito ang mga ganoong plano. Pareho na silang may kanya-kanyang buhay. Nasa Bataan siya at abala sa farm na iniwan sa kanya ng ina. Mas gusto niya ang tahimik na buhay sa farm house. Kunot pa rin ang noo na tiningnan ni Rohn ang laman ng envelope—at nayanig ang mundo niya nang makitang malalaking pictures iyon ni Sharlone kasama si Reyver, ang lalaking ipinakilala ng girlfriend na 'good friend' daw nito. Pasakay sa kotse, palabas ng hotel, sa parking ng office ni Sharlone at sa isang bar kuha ang mga pictures. Gusto niyang mag-demand ng paliwanag kung bakit pinaimbestigahan ni Tito Floro ang kanyang girlfriend pero sa nakikita niyang emosyon na na-capture ng camera, hindi si Tito Floro ang may dapat na ipaliwanag. Inubos niya ang alak sa wine glass at walang paalam na lumabas ng Study Room. Dumeretso siya sa bungalow house na bigay ni Tito Floro sa kanya—ang bahay na mas pinili niya kaysa sa rest house sa Baguio. Si Sharlone ang dahilan. Sa bahay na iyon umuuwi ang babae habang siya naman ay nasa Bataan. Two or three times in a month, siya naman ang umuuwi roon para magkita sila. At ang biglaang pag-uwi niya ay hindi alam ni Sharlone. Hindi nagulat si Sharlone sa pagdating niya. Si Rohn ang nayanig uli ang mundo nang abutan niya ang girlfriend at ang lalaking kasama nito sa mga pictures na dala pa niya para humingi sana ng paliwanag. Hindi na pala niya kailangan ng paliwanag. Nasa kama na niya ang malinaw na sagot. Nakaupo ang dalawa na magkaharap sa isa't isa. Nakatingala si Sharlone, halos mapigtal na ang ulo sa leeg, nakapikit at nakabuka ang bibig habang nakatukod sa kama ang mga kamay. Nakatalikod naman sa pintuan ang lalaki na wala nang kontrol ang galaw. Dalawang bagay lang ang naiwan sa isip ni Rohn: Ang tunog na likha ng dalawa at ang mukha ni Sharlone na lunod sa ligaya. NAGMUMURANG bumangon si Rohn. Paulit-ulit ang hagod niya sa sentido. Wala talaga siyang takas sa alaala. Pati sa panaginip, sinusundan siya ng eksena ng kataksilan ni Sharlone. Napamura siya uli, pumikit at ilang ulit na ipinilig ang ulo para iwaglit sa utak ang tunog ng ungol ni Sharlone. Nagtagis ang mga bagang niya. Walang kaibahan sa kung paano umungol nang malakas na siya ang kasama sa kama. Kung paano nagawa ni Rohn na pigilan ang sarili at huwag patayin nang oras din na iyon ang lalaking kasama nito, hindi niya alam. Umatras lang siya at walang tunog na inilapat ang pinto. Kumalat ang mga pictures na laman ng envelope nang ihampas niya iyon sa dingding bago siya mabilis na lumabas ng bahay. Nagbiyahe siya nang walang direksiyon. Halos maubos ni Rohn ang isang kaha ng sigarilyo. Nakita na lang niya ang sarili na patungong Baguio. Dinaanan niya si Rad, isang kaibigang piniling sa Baguio na lang mamuhay nang simple matapos maloko ng isang babae. Nakilala niya ito sa pinakamalungkot na parte ng buhay niya. Kamamatay lang noon ng kanyang ina. Gustong takasan ni Rohn ang lungkot. Kung saan saan siya nagpupunta para maaliw. Sa Gulayan niya nakilala si Rad, sa Benguet. Nag-inuman sila ni Rad buong gabi. Nag-pass out na si Rohn bago magliwanag. Kinabukasan ay tulog siya. Off ng kaibigan kaya inuman uli sila paggising niya. Nakinig lang si Rad sa paulit-ulit niyang kuwento. Sumama pa si Rad sa taxi at hinatid siya hanggang sa gate ng rest house-natigilan si Rohn, napatingin bigla sa paligid. Lasing siya nang nagdaang gabi pero natatandaan niya ang nangyari-may babae siyang naabutan sa kuwarto... Sa duffel bag na nasa sahig pa huminto ang mga mata ni Rohn-hindi panaginip lang ang naaalala niyang may babae siyang hinostage bago... "s**t!" ungol niya, paulit ulit ang paghagod sa batok. Wala na siyang matandaan liban sa nang-hostage siya ng babae. Nasaan na ang babaeng iyon? May masama ba siyang ginawa na hindi niya matandaan? Napamura uli si Rohn, mas malutong! NAPATULALA si Diosa sa gulat nang mabungaran niya sa labas ng pinto ang lalaking nang-agaw ng kama kagabi. Nakaawang pa ang bibig niya nang magtama ang mga mata nila—at wala sa loob na umurong ang dalaga nang makita ang mukha nito. Salubong ang kilay ng lalaki, madilim ang anyo. Parang mananakit ng kapwa—at siya ang malas na magiging biktima. "Wow," ang nasabi ni Diosa. "Ikaw na ang bigla biglang pumasok sa kuwarto ko, ang nang-agaw ng kama, ang nang-hostage, ikaw pa ang galit sa akin ngayon? Angas mo din, eh, 'no? Pasalamat ka nga, naawa ako sa 'yo! Lango ka sa alak kaya naisip kong patawarin ka na lang. Hindi na kita grinipuhan sa tagiliran kagabi—" napatigil si Diosa nang intentional na bumaba ang titig nito sa katawan niya, parang may hinanap na kung ano. "Ano'ng tinitingin-tingin mo diyan?" "Nakita mo ba kagabi ang phone ko?" ang tanong nito na nagpakurap-kurap kay Diosa. Nawawala ba ang cell phone nito at siya ang naisip na kumuha? "Aba, malay ko sa phone mo!" Siya na nga ang naistorbo ang tulog, ang na-hostage, pagbibintangan pa talaga siyang kumuha ng cell phone? Bumalik sa mga mata niya ang titig ng lalaki. Sobrang itim pala ang mga mata nito, kaya intense ang dating ng titig. Hinila ni Diosa ang pinto para makalabas na siya. Salamat sa kabaitan ni Macaria, hindi niya kailangang lumabas para maghanap ng makakain. Puno ang refrigerator sa rest house, pati groceries wala rin siyang hahanapin. May Noche Buena basket din na lulutuin na lang niya. Naawa yata ang pinsan na mag-iisa siya sa Pasko, ang busugin na lang ang naisip na solusyon. "Hoy! 'Wag mo nga akong matingnan-tingnan nang ganyan, lalaki!" hindi na nakatiis si Diosa. Nagdududa at nambibintang yata ang tingin nito. "Bisita ako sa bahay na 'to. Guest. Invited guest! May susi ako, si Maca—si Ariah mismo ang nagbigay! Ilang linggo ako rito at dito rin ako magpapasko!" Tiningnan din niya ito nang masama. "Kung makatingin ka diyan parang ako'ng kumuha ng phone mo, ah? Lango ka po sa alak kagabi! Malamang nahulog 'yon sa kung saan—" hindi na niya natapos ang sasabihin. Tumalikod na si Rohn at nagmamadaling bumaba. Napailing na lang ang dalaga. Bumalik na siya sa kuwartong inagaw ni Rohn nang nagdaang gabi. Magliligpit muna siya—nahuhulaan na niyang gulo gulo ang kama na iniwan ng lasing na iyon—saka siya magluluto ng almusal. Iisipin na rin niya ang ihahanda sa Noche Buena. Magce-celebrate siyang mag-isa. Hindi sasayangin ni Diosa ang effort ni Macaria na busugin siya. Mag-iisang oras ang lumipas na nasa loob lang ng kuwarto si Diosa. Nag-aayos siya ng mga damit nang may mag-warning knock. Bumukas ang pinto at pumasok si Rohn. Si Rohn na bagong ligo na, shorts at sando lang ang suot—parehong puti. Salamat sa sando, nagka-chance siyang masilip ang ka-macho-han ng lalaki. Wow ang biceps! At ang kulay ng balat, lalaking lalaki! Kayumangging sunog. 'Yong tipo ng skin na halatang hindi peke. Parang bunga ng pagbababad sa araw. Pantay na pantay ang kulay ng balat nito. Kung 'wow' ang biceps, mas wow ang balikat—ang lapad! Nag-iimbita ng sandal, teh! Napatingin na lang si Diosa sa lalaki. At napalunok nang ma-realize na napansin nito ang pagtitig niya. Wala namang reaksiyon si Rohn. Blangko ang mukha. "Naiwan sa living room," si Rohn, kinuha mula sa bulsa ang cell phone. Si Diosa naman ang hindi nag-react. Tiningnan lang niya ang lalaki bago ibinalik ang atensiyon sa ginagawa. Nagtutupi siya ng mga damit na inilabas niya mula sa bag. "Yosah ang pangalan mo?" Tumigil ang mga kamay ni Diosa, napatingin kay Rohn. Mukhang nakausap na nito ang mag-asawang Ariah at Floro kaya alam na ang pangalan niya. "Mag-pinsan kami ni Ariah," sabi na lang ni Diosa. Binawi agad niya ang tingin. Nakakatukso kasing titigan ang katawan nito. Baka makahalata ang lalaki. Isa pa, hindi siya dapat tumititig sa lalaking may girlfriend kahit pa nga macho talaga. Mas maganda na ang nag-iingat sa tukso. "Susi niya ang nasa akin. May isa pa daw na may hawak ng susi. Ikaw si Rohn?" Tumango ito. "Rohn Vientez." "Diosa Mahinhinon," si Diosa naman, ngumiti siya kahit mukhang hindi marunong ngumiti si Rohn. "Yosah na lang. Hinostage mo ako kagabi, 'di mo naalala?" Tiningnan lang siya ni Rohn. Matagal. Mayamaya ay: "Wala akong maalala kagabi. May ginawa pa ba akong 'di dapat? Sinaktan kita?" Ah, wala nga itong maalala sa nangyari nang nagdaang gabi. "Wala naman. Pagkatapos mo akong i-hostage, nakatulog ka na..." pinagaan ni Diosa ang tono. "Muntik nang mabali ang mga buto ko kagabi sa higpit ng hawak mo pero dahil magpapasko naman, patatawarin na lang kita." Hindi umimik si Rohn, tiningnan lang siya. Walang kahit anong emosyon na mababasa sa mukha nito. Naiintindihan na ni Diosa ang ibig sabihin ni Macaria tungkol sa pagiging 'Taong-bato' ni Rohn. Hindi na siya nagulat nang walang salitang lumabas ng kuwarto ang lalaki. Pero dahil mabait na housemate si Diosa, pang-dalawang tao pa rin ang inulto niyang almusal. Hindi nga lang niya hinintay na bumaba si Rohn. Kumain siyang mag-isa o magugutom lang siya sa kahihintay. Pag-akyat niya, saka kinatok ni Diosa si Rohn sa kuwarto nito. "May almusal sa 'baba," sabi niya sa magaang tono. "Kung gusto mo lang." Tahimik na tingin at simpleng tango lang ang sagot ni Rohn. Curious man, hindi na inalam ni Diosa kung kumain o hindi si Rohn. Nag-lock siya ng kuwarto at natulog. Ang Noche Buena ang inisip ni Diosa bago tuluyang nakatulog...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD