Three

1103 Words
Literal na pinigilan ni Diosa ang paghinga. Lalong kumabog ang puso niya. Mare-rape ba siya bago pa man ang Noche Buena? 'Wag naman sana... Naghahanap siya ng lalaking pagbibigyan ng virginity pero huwag namang rape victim na patay na kinabukasan ang ending niya! "Dito?" narinig niyang sabi ng lalaki, mas malakas lang sa bulong. "Dito?" ang tagiliran niya ang kinakapa nito. "Dito mo ba ako gigripuhan?" "J-Joke lang 'yon," wala sa loob na nasabi niya. "K-Kunin mo na lang...ang ang mga nanakawin mo sa bahay na 'to. 'Yaan mo na akong abutan pa ng Pasko. Maawa ka naman, o?" gustong saktan ni Diosa ang sarili na sa kabila ng sitwasyon—na hostage siya ng lalaki at nanganganib na ang buhay niya ay nagawa pa niyang bigyan ng atensiyon ang init ng katawan nito. Hindi niya napigilang maging aware sa body heat ng akyat bahay. Sobrang higpit kasi ng pagkaka-hostage nito sa kanya, ramdam na ramdam ni Diosa ang init mula rito. Init na kinokontra ang sobrang lamig na paligid. Ang unfair lang na mararanasan rin pala niyang ma-back hug ng a la Henry Cavill, akyat bahay pa at mukhang hindi siya balak buhayin pagkatapos ng gabing iyon. Itinulak siya ng katawan ng lalaki patungo sa pinto. Napilitan si Diosa na humakbang. Tinadyakan nito ang pinto, agad lumapat iyon. Umikot ang akyat bahay at sumandal sa pinto, hostage pa rin siya. Naramdaman niya ang pag-inhale-exhale nito, parang napagod kaya saglit na nagpahinga. "A-Ano ba'ng gusto mo?" lakas loob na tanong ni Diosa nang nanahimik na ang lalaki pero hindi nagbabago ang higpit ng hawak sa kanya. Parang nagising yata sa tanong niya, kumilos na naman ang lalaki—patungo na sa kama niya mismo! "Ano'ng gagawin...ano'ng gagawin mo?" nagpilit nang sumalungat ang mga paa ni Diosa. Pumiglas na rin siya kahit hindi man lang natitinag ang katawan nito. Lasing ang lalaki pero bakit ang lakas pa rin? "B-Bitiwan mo ako. Bitiwan mo ako sabi!" pero wala talaga siyang laban sa lakas nito. Napapikit na lang si Diosa nang ibagsak ng lalaki sa kama ang sarili, tangay siya! "Ang lamig..." anas nito, mas kinabig ang katawan niya. Halos hindi na makahinga si Diosa sa higpit ng yakap sa kanya. Mas naamoy niya ang alak dahil nakasiksik sa side ng leeg niya ang mukha. Nakiramdam na lang si Diosa, wala naman kasing magawa ang lakas niya sa lakas nito. Ang inaasahan na lang niyang kaligtasan ay kapag nakatulog ang lalaki. Para kasing iyon ang intensiyon sa pagbagsak ng sarili sa kama niya. "Gripuhan mo na lang ako," sabi ng akyat bahay. Naramdaman niyang parang tumawa ito na walang tunog. "Gripo..." mas isiniksik nito ang mukha sa kanya. "Sa puso...sa puso ko..." Mahabang sandaling nakanganga lang si Diosa. Nakatulog na ang lalaki ay nakanganga pa rin siya—windang sa mga pangyayari. Sa puso gustong magpa-gripo? NAPAUPO sa sofa si Diosa pagkarinig sa sinabi ni Macaria. Kung nasa harap lang niya ang pinsan, malamang ay nahila na niya ang buhok. Tawa pa kasi ito nang tawa matapos ang mabilis at detalyado niyang pagkukuwento. Four thirty ng madaling araw, nasa sala siya. Walang ilaw at pabulong ang pagkukuwento sa pinsan tungkol sa intruder. Sa intruder na ngayon ay tulog na tulog pa rin sa kuwarto niya sa rest house! "Si Rohn 'yan," sabi ni Macaria pagkatapos ng pagtawa. "Designed ang bahay na 'yan na ligtas sa magnanakaw, Yosh!" natatawa pa rin ito. "Imposibleng may makapasok na ibang tao diyan. May mga tao si Floro na nagmo-monitor ng bahay na 'yan kasi nga lagi siyang wala. Itinawag ni Floro ang pagdating mo kaya wala pang sumusundo sa 'yo diyan para ipakulong," tawa uli. "Si Rohn naman, a la kabute talaga 'yan. Pasulpot sulpot sa bahay. Kilala siya ng mga tao ni Floro. Dalawa kayong may susi diyan. 'Yong susi ko, nasa 'yo, 'yong susi ni Floro, na kay Rohn." "Sino ba 'yong Rohn na 'yon?" "Stepson ni Floro." "Stepson?" ulit ni Diosa at napakunot ang noo. "Ibig sabihin, anak mo sa ibang lalaki?" sa tonong na-shock. "Gaga!" si Macaria, tumawa na naman. "May tatlong naging babae si Floro bago ako. Una, 'yong first wife. Annulled na sila at nasa US na 'yong babae. Walang anak. 'Yong pangalawa, live in lang. Walang anak. 'Yong pangatlo, Mama ni Rohn. Kasal sila. Namatay sa cancer two years ago. Si Rohn, anak sa unang asawa no'ng babae pero naging close sila ni Floro. Parang anak ang turing niya diyan. Sabi nga nitong asawa ko, 'pag nawala siya, sa aming dalawa ni Rohn daw niya iiwan lahat ng ari-arian. May sariling mundo 'yan. Mas madalas walang pakialam sa iba. 'Di ko pa nga 'yan nakikita ng personal, Yosh. Sa pictures at video call lang. Iniisip ko nga kung pa'nong naiintindihan 'yan ni Floro. Ang gaspang ng dating ng lalaking 'yan! Kung hindi tahimik lang habang kausap namin, pahitit-hitit ng sigarilyo at blangko ang mukha! Taong bato lang ang peg!" kuwento pa ni Macaria. "Akala ko nga may violent reaction 'yan sa civil wedding namin. Nagulat ako no'ng tumango lang. Basta masaya daw si Floro, okay sa kanya." Na-imagine ni Diosa si Rohn na nagbubuga ng usok ng sigarilyo, ang ekspresyon sa mukha ay parang lutang. "Adik?" hindi namalayan ni Diosa na nasabi niya. At naalala na lasing si Rohn nang dumating. Naisip pa nga niyang bangag. Bigla siyang kinabahan. "Naku naman, Ariah!" bulalas niyang nakangiwi. "Safe ba ako sa lalaking 'yon? Baka naman adik ang Rohn na 'yon, ah? Nasa iisang bahay lang kami!" Tumawa lang si Macaria. "'Wag kang tumawa lang diyan, babae ka! Baka ikaw pala ang maghahatid sa akin sa kampon ni Kamatayan, loka ka—" "Hindi adik si Rohn," putol ni Macaria. "Hindi ko kilala 'yan pero sigurado ako, Yosh. Mukha lang sindikato," tawa uli. "Tinanong ko mismo si Floro pagkatapos naming makausap 'yan sa Skype bago ang kasal." Patuloy ni Diosa. "Smoking lang daw ang masamang bisyo niyan." Napahagod naman sa sentido si Diosa. "Sa kabilang kuwarto na nga lang ako matutulog," sabi niya. "Sigurado ka talagang safe ako do'n, ah? Parang may tama, eh. Willing magpa-gripo, teh! At hindi sa tagiliran, sa puso daw!" "Magtatanong ako kay Floro paggising niya," sabi ni Macaria. "Baka may alam siya sa nangyayari diyan kay Rohn. Hindi niya nabanggit na lasenggo din pala 'yang anak-anakan niya." "I-update mo ako," si Diosa sa pinsan. "Bigla akong kinabahan sa Rohn na ito, eh. Tanggap ko nang mag-isa akong magpa-Pasko dito sa rest house mo. Nagka-twist tuloy bigla!" "Hindi na malamig ang Pasko mo niyan," kasunod ang pilyang tawa. "Baliw!" "Hindi kita ipu-push na ialay kay Rohn ang Bataan, Yosh. May jowa 'yan!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD