Two

1430 Words
"SANA ngayong Pasko ay maalala mo pa rin ako. Hinahanap hanap pag-ibig mo. At kahit wala ka na, nangangarap at umaasa pa rin ako. Muling makita ka...at makasama ka...sa araw ng Pasko!" wagas ang pagsabay ni Diosa sa kanta ni Ariel Rivera. Hatinggabi ng December twenty-three iyon. Nasa Baguio na siya, sa rest house ni Macaria. Medyo na-shock si Diosa sa bahay. Dalawang palapag ang rest house na nasa tuktok nga ng bundok! Puting-puti ang sementadong hagdan na parang gumagapang na ahas na paliko-liko. Napa-wow siya. Bongga! Sa mga Hollywood movie lang niya nakikita ang ganoong bahay na kadalasan ay nasa isla. Mayaman talaga ang matandang Bolocbuloc! Naghiwa-hiwalay silang magpipinsan sa Pugad Agila na wini-wish ng dalawa na ma-devirginize na siya bago mag-New Year. Ang lakas lang mam-pressure ng dalawang iyon. Ilang buwan pa naman bago ang birthday niya. May sapat na oras pa siya para sagipin ang sarili sa karit ni Kamatayan. Grabeng virginity! Ugat pa talaga ng magiging makasaysayan niyang pagka-tsugi? Sa totoo lang ay kinakapitan pa rin ni Diosa ang paniniwalang tsismis lang ang tungkol sa sumpa. Pero ngayong parehong humabol sa huling biyahe ang dalawang pinsan, kinakabahan na rin si Diosa. Akala ng dalaga ay kasama niya sa paniniwala ang dalawang iyon, bakit nag-asawa bigla? Kung tsismis lang talaga, good news iyon. Pero paano kung totoo pala? Ibig sabihin, bilang na nga ang mga araw niya! Sumubsob sa mga palad si Diosa at kumanta uli—tunog iyak na ang kanta. "Bakit ba naman kailangang lumisan pa..." kasunod ang buntong hininga. Ibang lyrics na ang sunod niyang kinanta. "Ang tanging hangad ko lang ay makasiping ka. Virgin pa ako...pero may taning na. 'Langya naman kasi nang-iwan ka pa..." ibinagsak na ni Diosa ang sarili sa kama. Naisip na naman tuloy niya si Dodot Panis. Si Dodot na bigla bigla na lang sumama sa isang bakasyunista sa Pugad Agila noong gabi mismong ina-assume niyang magtatapat na ito ng totoong damdamin sa kanya. Paulit-ulit ang si Ariel Rivera sa pagdidiin na malamig ang Pasko ni Diosa. Mga thirty minutes pa, sa wakas ay inantok na rin ang dalaga. In-off na niya ang music sa phone. Pampaantok ni Diosa ang mellow songs pero katahimikan pa rin ang naghahatid sa kanya sa pagtulog. Hinila niya ang makapal na comforter at ibinalot ang sarili. Sobrang lamig... Dapat pala ay hindi siya nag-Baguio. Ramdam na ramdam ni Diosa na Pasko at mag-isa siya. Kumanta na lang siya ng Joy To The World para ipaalala sa sarili na hindi dapat malungkot kapag Pasko. May mas dapat i-celebrate. Tunog ng footsteps ang gumising kay Diosa... PALAPIT nang palapit ang mga footsteps. Kumabog na ang dibdib ni Diosa. May ibang tao sa loob ng bahay? Hindi siya maaring magkamali ng dinig. Walang kahit anong binanggit si Macaria kaya sigurado siyang masamang loob ang pumasok. Akala yata ay walang tao sa rest house! Ang kabog sa dibdib ang tuluyang gumising kay Diosa. Kinuha niya mula sa ilalim ng unan ang patalim kasunod ang pagbangon. Agad siyang tumalon mula sa kama, walang tunog na tinungo ang likod ng pinto. Ang pinto na bumukas na lang bigla—tumigil saglit ang paghinga ni Diosa nang maramdaman niya ang parang paghinto ng mundo; tumigil din kasi ang taong nagtulak sa pinto. Sa palagay ng dalaga ay ang liwanag ng lampshade ang dahilan at ang magulong kamang iniwan niya na inaabot ng liwanag. Humigpit ang hawak ni Diosa sa dalang armas kasabay nang biglang pagliliwanag ng buong kuwarto—at nakita niya ang balewalang paghakbang ng nakatalikod na lalaki patungo sa kama niya! Sa isang pindot lang ay pumitik ang blade ng armas niya. "Taas kamay!" pulis na nahuli ang suspect ang peg ni Diosa. Babatiin na lang niya ang sarili kapag buhay niyang nalampasan ang eksenang iyon—na paraan na yata ni Kamatayan para sunduin siya. Totoo nga yata ang sumpa! Tumigil sa paghakbang ang matangkad na lalaking naka-jacket ng itim, kupas na  maong jeans at...branded na sapatos? Semi-kalbo ito, mga mahigit pa lang yata one inch ang tumutubong buhok. Kung hindi nito pinasok ang rest house nang gabing iyon, maiisip niyang miyembro ng AFP base sa tindig at porma. Big time rest houses ang pinapasok ni Kuya, sa isip ni Diosa. Kaya branded ang sapatos o baka naman class A pirata? Pero pati ang jacket nito mukhang hindi biro ang halaga. Tumigil sa paghakbang ang lalaki pero hindi itinaas ang kamay. Hindi rin ito lumingon, nanahimik lang na parang nakiramdam. "'Taas kamay sabi, eh!" mas malakas na sabi ni Diosa. "Gigripuhan kita sa tagiliran!" ang tatag ng boses ni Diosa. Para talagang kayang-kaya niyang gawin ang sinabi. Ang sindakin lang naman kasi ang lalaki ang magagawa niya. Sa agwat ng height nila, at sa ina-assume niyang lakas ng lalaki, wala siyang kalaban-laban. Baka isang untog lang nito sa kanya sa dingding ay basag na ang bungo niya. Pero hindi siya puwedeng basta na lang hayaan si Kamatayan na makuha siya. Malayo pa ang birthday niya, sobrang advance naman ng 'Sundo' niya. Hindi siya papayag!   Laban, Diosa! "Sa pang-aakyat-bahay mo pa talaga ginagamit 'yang laki ng katawan mo—" napahinto si Diosa nang mapansin niyang gumiwang ang tayo ng lalaki. Parang nagsayaw muna ang mga paa nito bago ang pagharap sa kanya. Napanganga si Diosa nang magkatitigan sila ng intruder... Superman? Semi-kalbo at hindi nag-aahit na Henry Cavill ang akyat bahay! Sa kulay lang ng mga mata naiba sa actor ang lalaki. Itim na itim ang mga mata nito at hindi maamo ang dating. May kakaibang intensity ang titig ng akyat bahay. Hindi niya malaman kung dahil sa intensiyon nitong patayin siya para walang witness o ganoon talaga ito tumingin. Mula sa mukha ni Diosa ay bumaba ang titig ng akyat bahay sa kanyang katawan. Gumalaw ang sulok ng bibig nito bago umiling. Tumingin sa kama at sa bedside table—naroon ang susi na ginamit niya para makapasok. Umangat ang kamay nito at humagod sa batok, bago humakbang pabalik sa pintuan na parang wala siya roon. Saka lang napansin ni Diosa na may kakaiba sa lalaki. Lasing? Humigpit lalo ang hawak ni Diosa sa armas. Bangag yata? Kinilabutan siya sa posibilidad. Biglang umurong ang tapang niya. Hindi na umimik si Diosa nang makita niyang ang lumabas na ng kuwarto ang intensiyon ng lalaki. Mas mahalaga na ngayon na makalabas ito at mai-lock niya ang pinto. Safe siya sa loob ng kuwarto. Pagkalabas nito ay matatawagan na niya ang pinsan para humingi ng tulong. Hindi siya pamilyar sa Baguio, hindi niya alam ang number na direct sa police station. Pinipigilan ni Diosa ang paghinga habang sinusundan ng tingin ang mabagal na paghakbang ng lalaki pabalik sa pintuan. Para na sa siyang estatwang nakatayo sa may dingding sa tabi ng pinto. Inahahanda niya ang sarili sa gagawin—ang itulak ng malakas ang pinto hindi pa man ito tuluyang nakakalabas. Pero nagkamali si Diosa sa pagtantiya sa sitwasyon. Hindi niya nahulaan ang iniisip ng lalaki. Iba pala ang intensiyon nitong gawin—siya ang sinunggaban nito sa halip na ang pinto. Sa pagkagulat ay hindi nakakilos si Diosa. Nagulantang siya nang bongga na hindi na niya namalayan kung paano siyang na-hostage ng lalaki. Ang naramdaman na lang ni Diosa ay ang sakit sa tapat ng pulso niya sa bisig nang pisilin iyon ng akyat bahay na kamukha ni Superman. Nabitawan niya ang armas. Bumagsak iyon sa sahig, na mabilis namang sinipa ng lalaki palayo. Nag-umpisang gumapang ang takot sa buong sistema ni Diosa nang ma-realize niya ang posisyon nila—mahigpit na nakakulong ang katawan niya sa mala-bakal na braso ng lalaki. Nasa itaas ng dibdib niya ang isang braso nito at ang isa pa ay nasa bandang puson, hawak ang mga bisig niya. Para lang siyang teenager na hostage nito—unang beses na nainis si Diosa sa payat niyang katawan na kinaiinggitan ng dalawa niyang pinsan. Ang nipis pala talaga ng katawan niya. Wala siyang kalaban-laban sa hawak ng lasing—oo, sigurado na siyang sa alak at hindi sa drugs lasing ang akyat bahay. Naamoy niya mula rito ang alak. "B-Bisita lang ako," sa wakas ay natagpuan ni Diosa ang boses. "Maawa ka naman, Kuya! 'Wag mo akong patayin. Pasko naman na bukas. G-Gift mo na lang sa akin...ang buhay ko—" napatigil si Diosa nang maramdaman niyang humigpit ang braso nitong nasa dibdib niya, mas napasandal siya sa matigas na katawan nito. Lalo siyang nawalan ng chance na gumalaw. Ipit na ipit nito ang mga braso niya. Ang isang kamay nito na nasa bandang puson niya ay gumapang at dinama ang kanyang tagiliran!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD