Chapter 10
Raven’s Pov
Ang hangin sa Costa Fuego ay may dalang kakaibang lamig tuwing dapithapon ‘yung lamig na hindi lang sa balat, kundi umaabot sa loob.
Ngayon, habang hawak ko ang susi ng kotse at tinitignan ang papalubog na araw, may ngiti sa labi kong hindi ko maipaliwanag.
Hindi ko alam kung bakit ako ganito kasabik.
Siguro dahil ngayong gabi, hindi ako kakain mag-isa.
“Luna…” mahina kong sambit ng pangalan niya, na para bang inuukit ko sa isip ko bago pa man magsimula ang gabi.
Pagdating ko sa bayan, sinalubong ako ng amoy ng asin at alat ng hangin. Pamilyar na tunog ng mga bangka at tawanan ng mga mangingisda ang bumabalot sa paligid.
Dumaan ako sa maliit na palengke bibili sana ako ng mga sangkap.
“Raven! Ngayon ka lang ulit bumaba rito,” bati ng matandang tindera ng isda. “Anong lulutuin mo’t napadalaw ka?”
Ngumiti ako. “Butter shrimp. May bisita kasi ako ngayong gabi.”
Agad siyang ngumiti, may halong tukso. “Aba, mukhang espesyal ‘tong bisita ah.”
“Kaibigan lang,” mabilis kong sagot, pero kahit ako, naramdaman kong may bahid ng kasinungalingan sa tono ko.
Habang pinipili ko ang hipon, tahimik kong naisip si Luna kung paano siya ngumiti noong huli kaming nagkita, kung paano siya tumawa habang nililinis ang paligid ng kubo niya, at kung gaano siya kasimple pero nakakaakit panoorin.
Nang makumpleto ko ang mga sangkap bawang, mantikilya, herbs, pasta, alak saka ako umuwi, may kung anong siglang hindi ko maramdaman sa mahabang panahon.
Pagdating ko, diretso ako sa kusina. Ang lugar na iyon ay matagal ko nang hindi pinapasukan.
Tahimik, may halong alikabok sa mga sulok, pero maganda pa rin may lumang aesthetic ng kahoy at marmol na tila ba may kwento ang bawat sulok.
Sinimulan kong ayusin ang mga sangkap, pero hindi ko pa rin mapigilan ang tumingin sa orasan.
Alas-sais.
Maya-maya lang, maririnig ko na marahil ang mahinang katok sa pinto.
At hindi nga ako nagkamali.
Tok. Tok.
Nang marinig ko iyon, may kung anong biglang t***k sa dibdib ko.
Binuksan ko ang pinto.
At nandoon siya si Luna.
May suot na simpleng puting dress, may bahagyang ginto ng araw sa buhok, at bitbit ang basket ng mga prutas.
“Akala ko baka hindi mo ako seryoso sa imbitasyon mo,” sabi niya habang nakangiti.
Ngumiti ako pabalik. “Hindi ako marunong magbiro sa ganyan. Tara, tulungan mo ‘kong maghanda.”
Habang nagluluto kami, ramdam ko ang kakaibang saya.
Si Luna, abala sa pagbabalat ng bawang, habang ako naman ay naghahalo ng mantikilya sa mainit na kawali.
“Ang bango,” sabi niya, humihinga nang malalim.
“Teka, baka masunog ‘yan,” dagdag pa niya habang pinupunasan ang talsik ng mantikilya sa apron ko.
Napatingin ako sa kanya sobrang lapit.
Muntik nang magtagpo ang aming mga mata.
“Salamat,” sabi ko mahina.
Ngumiti lang siya, saka umiwas. “Wala ‘yon. Hindi pwedeng masunog ang hapunan natin.”
Tinawanan ko siya. “Seryoso ka pala sa luto?”
“Hindi ako marunong masyado, pero gusto ko ‘yung amoy ng mga niluluto mo,” sagot niya. “Parang… may kasamang alaala.”
“Bakit mo nasabi?” tanong ko habang nilalagay ang hipon sa kawali.
“Ewan. Siguro kasi matagal na rin mula nung may nagluto para sa akin,” sagot niya, nakatingin sa mantikilyang nagba-bubble sa apoy.
Tahimik kami sandali.
Tanging tunog lang ng kawali at mga ibon sa labas ang maririnig.
Tapos, bigla siyang tumawa.
“Alam mo, hindi ko akalain na marunong ka palang magluto. Akala ko puro yaman at business ka lang.”
“Marami kang hindi alam tungkol sa akin,” sagot ko, nakangiti. “At ayokong malaman mong lahat ngayon pa lang.”
“Tinatago mo?”
“Siguro. Baka kasi pag nalaman mo, hindi mo na ako gustong makasama.”
Huminto siya sa ginagawa, tumingin sa akin.
“Hindi naman ako madaling tumakbo palayo, Raven.”
At doon, napatingin ako sa kanya diretso sa mga mata niyang tila lumalalim habang pinagmamasdan ako.
May kakaibang bigat sa pagitan naming dalawa.
Habang kumakain kami sa terrace, sumasayaw ang apoy ng mga kandila sa gitna ng mesa.
Ang hangin ay banayad, at sa malayo, maririnig ang hampas ng alon.
“Ang sarap nito,” sabi ni Luna habang tinutusok ang hipon. “Parang restaurant, pero may peace ng dagat.”
Ngumiti ako. “Mas masarap kasi may kausap.”
Tumawa siya. “Ganyan ka ba talaga magsalita?”
“Bakit?”
“Parang… may halong hiwaga,” biro niya. “Parang may tinatago.”
Napangiti ako. “Baka nga.”
Tahimik sandali, saka siya nagtanong:
“Raven, naniniwala ka ba na pwedeng magmahal kahit may malaking agwat sa edad?”
Natawa ako nang mahina. “Depende. Gaano kalaki?”
“Mga… ilang taon siguro?” tanong niya habang nakatingin sa akin, parang tinatantsa ang reaksyon ko.
“Kung tunay ang nararamdaman, wala ‘yun sa edad,” sagot ko. “Minsan nga, mas bata pa ang nakakaramdam ng mas totoo kaysa sa mga matagal nang nagmahal.”
Ngumiti siya, pero halatang pilit.
“Hindi ko alam. Parang imposible sa’kin. Hindi naman ako bata…”
“Luna,” putol ko, “huwag mong sabihing matanda ka. Hindi sa edad sinusukat ‘yan. Kung alam mo lang…”
“Kung alam ko lang ano?” tanong niya.
Napatingin ako sa kanya, diretso sa mata.
“Kung alam mo lang kung gaano kita gustong makita araw-araw, kahit wala namang dahilan.”
Nanahimik siya.
Tila natigilan sa pagitan ng salita at t***k ng puso.
“Raven…” mahinang sambit niya.
Agad akong tumingin sa mesa, parang gusto kong bawiin ang lahat ng sinabi ko.
“Pasensya na. Nadala lang siguro ako. Baka dahil sa alak.”
“Hindi mo kailangang magpaliwanag,” sabi niya, mahina ang tinig pero may halong ngiti. “Minsan, kahit walang sinasabi, nararamdaman mo na rin.”
Doon, nagtagpo ulit ang mga mata namin tahimik pero puno ng emosyon.
At sa sandaling iyon, alam kong wala nang kailangang sabihin.
Matapos ang hapunan, sabay kaming nagligpit. Siya pa ang nagpumilit maghugas ng pinggan habang ako ay nakaupo lang, pinagmamasdan siya.
Ang simpleng kilos niya kung paano siya tumatawa sa maliliit na bagay, kung paano siya humahawak ng baso lahat iyon ay tila nagiging dahilan para muli kong maramdaman na may kulay pa pala ang mundo.
“Raven, wag kang tumitig ng ganyan,” biro niya habang nilalagay ang baso sa rack. “Nakakailang.”
“Bakit?”
“Parang may gusto kang sabihin.”
Ngumiti ako. “Meron nga.”
“Eh ano ‘yon?”
Humakbang ako palapit.
“Na natatakot ako.”
“Natatakot?” tanong niya, nagtataka.
“Oo. Natatakot akong masanay na may kasama. Natatakot akong masanay na nandiyan ka. Kasi baka kapag nawala ka, hindi ko na alam paano mabubuhay nang mag-isa.”
Tahimik siya.
Tapos, dahan-dahan niyang inilapit ang kamay niya sa mesa, halos sumayad sa kamay ko.
“Hindi pa naman ako aalis,” sagot niya, mahina pero may bigat sa bawat salita.
At sa gabing iyon, wala nang ibang tunog kundi ang hampas ng alon at ang paghinga naming pareho mabagal, pero sabay.
Nang umalis siya, naiwan akong nakatingin sa pinto.
Hawak ko pa rin ang basong pinag-inuman niya ng alak, at ang halimuyak ng kanyang pabango ay nanatili sa hangin.
Bumalik ako sa terrace, tinitigan ang dagat.
Ang buwan ay bilog, at ang hangin ay malamig.
Ngunit sa dibdib ko, may apoy na nagsimula nang magliyab.
Tahimik, pero malinaw:
Nahuhulog na ako sa kanya.
At sa unang pagkakataon sa matagal na panahon, hindi ko gustong pigilan iyon.
“Umiibig na ba ako sa kanya?” Patanung ko sa sarili. ” Pero hindi pwede baka layuan niya ako.”
“Kung kailangan itago ang nararamdam pwede ko na lang itago para hindi masira ang pagkakaibigan namin dalawa.”
Hindi pa rin ako mapakali kakaisip sa kanya. Kumuha pa ako ng isang basong alak at iniinom ito habang nakatingin sa buwan sa terrace. Napaka tahimik ng kapaligiran tanging alon lang naririnig ko.
“Luna, Luna napakaamo ng mukha mo. Pero parang nagugustuhan na talaga kita.” Sambit ko habang hawak ang basong may laman na alak.
Nakauwi na din si Luna sa kubo niya at doon napa isip din si Luna sa nangyari kanina.
“Bakit na itanong ko kay Raven yun nakakahiya naman ganun ang tanong ko. Parang wala na akong mukha ihaharap sa kanya.” Sabi niya habang naka upo sa labas ng kubo niya.
“Mali, mali akong umibig at mahulog sa kanya dahil sobrang bata pa niya para sa akin.” Sambit ni Luna sa sarili.
“Kailangan kong pigilan nararamdaman ko ayokong sanayin nandyan siya kailangan kong iwasan siya na hindi mahuhulog ang loob ko sa kanya.” Sabi ni Luna
Nang nakapasok siya sa loob para humiga at matulog biglang balisa na siya kakaisip.
“Kailangan ko na siyang iwasan para hindi lumala ang pakiramdam ko para sa kanya.” Sabi niya habang nakahiga sa kama.
Kinabukasan maaga akong nagising dumungaw sa terrace tinitignan ko si Luna kung maaga ba siyang bumangon at naglakad sa dalampasigan. Hindi ko siya nakita at walang bakas sa dalampasigan.
“ Nasaan kaya siya bakit hindi ko nakikita?” Napatanong ako.
Dali-dali akong kumuha ng damit at bumaba para tignan siya sa tinitirhan ni Luna.
Habang bumababa ako ay nakita ko si Luna may kausap na matandang babae. Nagtago muna ako sa malaking bato at hindi lumabas hangga’t hindi umaalis ang matanda kausap ni Luna.
Matagal din ang paghihintay ko sa likod sa bato. Nagtapos na din ang pag uusap nilang dalawa at umalis na din ang matandang babae sa harapan niya.
Ilang minuto bumalik na si Luna sa kubo niya at doon sinundan ko na siya papunta sa kubo nito.