❀⊱Melanie's POV⊰❀
Alas singko na ng hapon nang makarating kami ni Agatha sa bahay nila Daisy. Medyo papalubog na ang araw kaya may kulay orange na liwanag na tumatama sa harapan ng bahay nila. Huminga kami ng malalim... wala kasing alam si Daisy na darating kami ngayong araw ni Agatha. Buti nga ay napilit ko pa si Agatha na sumama sa akin. Wala rin daw naman siyang gagawin, at ang anak nila ni Thomas ay nasa Barcelona kasama ang lolo at lola nito at mga tiyuhin, kaya free siya sa loob ng isang linggo.
"Ikaw na ang kumatok." Sabi niya, pero bahagya ko siyang siniko at sinabi ko sa kanya na siya na lang ang kumatok, kaya nagkabungisngisan pa kami.
"Sige, ako na nga." Mahina kong sabi, saka ako humugot ng malalim na paghinga. Gosh... sana ay dito pa rin nakatira si Daisy, baka mamaya ay may iba na siyang tinutuluyan na malapit lang sa trabaho niya. Ilang katok agad ang ginawa ko, may kalakasan kaya napangiti kami ng marinig namin ang inis na boses ni Daisy. Muli kaming napahagikgik.
Pagbukas pa lang ng pinto, gulat na gulat si Daisy nang makita kami... nanlalaki pa ang mga mata niya, parang hindi makapaniwala na nakikita niya kami ni Agatha sa harapan niya.
"Melanie, Agatha? Hindi ba ako namamalikmata lang? Nananaginip ba ako?" Gulat na gulat niyang sabi. Nakangisi kami ni Agatha at hinihintay namin siyang papasukin kami sa loob dahil nilalamok na kami.
"Ano ang ginagawa ninyo dito? Bakit hindi ninyo sinabi na pupunta pala kayo dito, sana nakapaghanda man lang kami ng maayos na hapunan para sa inyo. Oh my God... nandito ba talaga kayo at hindi ako namamalikmata lang?" Muli niyang sabi, kaya nagkatawanan na kami ni Agatha, at saka namin siya sabay na kinurot sa pisngi, kaya bigla siyang napahawak sa pisngi niya, sabay lingon sa likod niya.
"Naaaaaay! Nandito po sina Melanie at Agatha." Malakas niyang sabi, nabulabog na yata ang lahat ng kapitbahay nila sa lakas ng boses ng kaibigan namin.
"BengBeng at KengKeng. Ako si BengBeng Dela Cruz, at itong si Agatha naman ay si KengKeng Dela Cruz, magkapatid kami sa pangalan. Tinataguan ko ang ex ko kaya BengBeng ang itatawag mo sa akin habang nandito ako." Wika ko, kaya tawa siya ng tawa.
"Pumasok na nga kayo dito, bilisan ninyo BengBeng at KengKeng, mga tinamaan kayo ng lintik, ang daming magagandang pangalan na pwede ninyong gamitin, pero bakit parang binaril na kumakarengkeng ang tunog na pinili ninyong dalawa?" Tumatawa niyang sabi, kaya maging kami ay tawa na rin ng tawa.
"Susmaryosep... bakit hindi ninyo sinabi na darating kayo dito? Aba'y pumarini nga kayo at ng mayakap ko kayong dalawa." Sabi ng ina ni Daisy, kaya binitawan namin ang mga plastic bag na dala namin na puno ng mga damit namin ni Agatha, na binili pa namin sa palengke.
Isang mahigpit na yakap ang iginawad sa amin ng ina ni Daisy, na-miss namin ang yakap ni tita... dati ay madalas niya kaming ipagluto ng adobong kangkong na maraming tokwa at baboy, sobrang sarap.
"Daisy, magtungo ka ng palengke at bumili ka ng mailuluto natin ngayong hapunan. Magluluto ako ng espesyal para sa dalawang ito." Sabi ni tita, kaya tumango naman agad si Daisy, pero syempre... sasama kaming dalawa ni Agatha.
"Nasaan si Emalyn?" Tanong ni Agatha. Biglang natahimik si Daisy, kaya kumunot ang noo ko at tinitigan ko ang mukha niya. May nangyari ba kay Emalyn?
"Bakit ganyan ang hitsura mo?" Tanong ko. Isang tipid na ngiti ang gumuhit sa labi ni Daisy at saka siya bahagyang nagkibit ng balikat.
"May nangyari ba kay Emalyn?" Tanong namin. Tumango naman agad siya. My gosh, ano ang nangyari sa kaibigan namin? Tatlong taong mahigit din kaming hindi nagkita, mula ng ikinasal si Agatha, kaya wala kaming alam kung ano ang nangyayari sa kanila. Kung tumawag man kami, wala naman silang binabanggit na kahit na ano sa amin.
"Oh my gosh... nandito nga kayo!" Malakas na boses sa may pintuan ang nagpalingon sa amin. Pero laking gulat namin ni Agatha ng mapatingin kami sa kanya. Ni hindi ako makapagsalita. Nakatitig lamang kami ni Agatha sa batang kalong niya. Kamukhang-kamukha niya ang batang babae, maging ang ngiti nito, at kung pagmamasdan kong mabuti... nasa mahigit na dalawang taon na ang bata.
"Ano, tutunganga lang kayo diyan? Payakap naman ako sa inyo." Sabi ni Emalyn, pero nakatulala talaga ako dahil nakatitig kami ni Agatha sa bata na sa tingin namin ay anak niya.
"Ginulat mo naman kasi sila diyan sa anak mo. Ang dami naman kasing pwedeng gayahin... si Agatha pa talaga ang napili mo. Dahil sa alak, naging isang dalagang ina, ang kaibahan lang ninyo... hindi mo alam kung sino ang tatay ni Leila, pero iyon ang sabi mo. Hindi ko lang alam kung iyon talaga ang totoo na hindi mo kilala ang tatay niya. Ang dami mo kasing inililihim." Sabi ni Daisy, kaya napaawang ang labi namin ni Agatha at nagkatinginan kami.
"What? Wala kang asawa at nabuntis ka lang?" Gulat na gulat kong tanong. Ngumiti lang siya, 'yung ngiti na tila ba tanggap naman niya ang nangyari sa kanya.
"Ganun talaga. Lasing ngani kami ng gabing 'yon, pero naaalala ko na ibang pangalan ng babae ang inuungol niya. Hinding-hindi ko 'yon makakalimutan. Pero hindi ko maalala ang mukha ng lalaking 'yon, at hindi ko siya kilala. Lasing na lasing kami ng gabing 'yon, na halos maduling na kami sa kalasingan. So, yeah... hindi ko siya kilala. Kinalimutan ko na ang nangyaring 'yon sa akin, at masaya ako sa aking anak. At least... akin lang siya." Sabi ni Emalyn, kaya halos lumuwa ang mga mata namin.
"Baliw ka talaga! Hindi rin ako naniniwala na hindi mo kilala ang ama ng anak mo." Sabi ko, at mabilis kaming lumapit sa kanya. Yumakap kami sa kanya, at saka ko hiniram ang anak niya.
"Hay naku... kalimutan na natin ang ama ng anak ko. Ako lang ang kinikilalang magulang ni Leila, at wala ng iba pa. Tinanggap naman ng mga magulang ko at dalawang kapatid ko ang katangahan ko, kaya wala namang problema sa akin kahit na wala siyang ama. Nandiyan naman si Kuya Emmanuel, at ang tatay namin, at sila ang tumatayong tatay sa anak ko, kaya hindi ko kailangan ang walang kwentang tao na 'yon. Ano ba kayo... lung ako nga tanggap ko ang nangyari sa akin na isa akong ina, tapos kayo ay parang binagsakan ng langit at lupa, nakakaloka." Sabi niya, na parang okay lang ang lahat.
"Jusko, nuong ako ang nabuntis ng walang ama, iyak ako ng iyak, at panay ang tago ko para hindi siya makita ng ama niya, samantalang ikaw... ang tapang mo talaga bestie." Sabi ni Agatha. Muli kaming yumakap sa kanya, at nakikita ko sa mga mata niya na kilala niya ang ama ng anak niya. Imposibleng hindi, lalo pa at siya na rin mismo ang nagsabi na iba ang inungol nito. Kung naaalala niya ang nangyari sa kanila ng gabing 'yon... siguradong kilala nga niya kung sino ang ama ng kaniyang anak. Pero kung ayaw niyang sabihin sa amin kung sino... karapatan niya 'yon at hindi naman namin siya pipilitin sabihin sa amin kung sino. Kung ang pamilya nga niya ay tinanggap na lang ang katotohanang isa na siyang dalagang ina... sino naman kami para kulitin siya at alamin kung sino ang lalaking nakabuntis sa kanya. So... katulad ni Daisy, mananahimik na lang din kami ni Agatha. Hindi kami magtatanong, hindi kami mag-uusisa kung sino ang ama. Kung gusto niyang maging pribado ang lahat, karapatan niya 'yon. Karapatan nilang mag-ina 'yon.
"Ito nga pala ang anak kong si Leila. Magtatatlong taon na siya... at sobrang daldal ng makulit kong anak na 'yan." Sabi niya.
Nagkatinginan kami ni Agatha dahil sa narinig namin. Magtatatlong taon na?
Hindi agad kami nakapagsalita, parang sabay kaming napaisip. I mean... three years? Hindi kami makapaniwala. Sa tuwing nakakausap ko sila sa phone, wala naman siyang nababanggit tungkol sa bata. Kahit simpleng kwento man lang na nagkaroon siya ng anak, wala.
But then again... lately, hindi na rin talaga kami madalas magkausap. I've been too busy handling our family business, and ganuon din naman si Agatha. Halos pareho kaming lunod sa trabaho, kaya bihira na lang talaga ang oras para sa mahabang usapan. And kapag tumatawag kami sa kanila, it's always the same... quick kamustahan, konting update... then tapos na. Two minutes. Minsan umaabot ng four, pero bihira. Ganuon lang talaga kabilis. As if lahat kami may hinahabol na oras na hindi pwedeng masayang kahit isang segundo. At hindi lang kami... ganuon din naman sila ni Daisy. Lahat kami, busy. Lahat kami, may kanya-kanyang mundo.
Kaya siguro hindi na namin namalayan na nagkaroon pala siya ng anak sa pagkadalaga, at syempre... nauunawaan namin na pinili na lang niyang isikreto ang lahat.
"Ang ganda ng anak mo. Kamukhang-kamukha mo. Pahawak nga... bakit ba parang ang gaan ng loob ko sa batang 'yan." Sabi ni Agatha kaya tawa kami ng tawa ni Daisy.
"Ano ka ba namang babae ka. Pati nga 'yung anak ng kasambahay ni Dad, sinasabihan mo ng ganyan. Basta bata, ang gaan talaga ng loob mo, noh?" Sabi ko, kaya tawa na rin ng tawa si Agatha.
"Muntikan ko na ngang makamukha. Kadugo ko yata ang batang ito." Pagbibiro pa ni Agatha, kaya tawa na rin kami ng tawa, maliban na lang kay Emalyn na tila ba naiilang at bigla na lang natahimik. Pinandilatan ko tuloy ng mga mata si Agatha.
"Sorry, nagbibiruan lang. Huwag kang mapikon ha." Sabi ni Agatha. Ngumiti naman si Emalyn at umiling, pagkatapos ay kinuha ang kaniyang anak at saka nagpaalam na ibibigay lang daw niya sa kanyang kapatid ang anak niyang si Leila. Tumango na lang kami at saka hinayaan naming makaalis ng bahay. Pagkalabas niya ng pinto... bigla akong humarap kay Agatha at namaywang ako sa harapan niya.
"Sorry na. Nagbibiro lang naman ako. Ang cute lang talaga ng baby. Hindi ko alam kung bakit parang tuwang-tuwa ako sa kanya. Alam naman ninyo na ganito rin ako sa mga anak ko, kaya sorry na bestie." Sabi ni Agatha, kaya umirap ako sa kanya.
"Tara na nga. Kailangan na nating pumunta ng palengke. Bibili tayo ng maluluto natin ng pang-hapunan. Daisy, dito kami matutulog sa inyo ng ilang araw ha." Sabi ko, tuwang-tuwa naman ang bruha.
"Tara na... sasama ako sa inyo." Nakangiting sabi ni Emalyn ng bumalik siya, kaya napangiti na rin kami. At least... okay na siya. Akala namin ay sumama ang loob niya sa amin.
"Okay. Habang nandito kami ay ako si BengBeng, at si Agatha naman ay si KengKeng. Mamaya ko na lang sasabihin sa inyo kung bakit ganyan ang pangalan namin. Basta, hindi Agatha at lalong-lalo ng hindi Melanie ang pangalan namin, okay ba?" Wika ko. Tawa naman sila ng tawa lalo na si Emalyn ng marinig niya ang pangalan namin.
"Ang baho ng pangalan ninyo." Sabi niya, kaya muli kaming nagkatawanan ng malakas.
"Tara na. Ano ba ang gusto ninyong ulamin natin? Magsabi lang kayo at kami na ni Daisy ang bibili ng pang-hapunan. Hayaan nyo naman na kami ang bibili ng pagkain habang nandito kayo." Sabi ni Emalyn, kaya tumango kami.
"Sige, gusto ko ang ulam natin ay nilagang Taruray, Wena at Rachell." Sagot ko na ikinagulat nila, maliban lang kay Agatha na ang lakas ng pagkakatawa dahil naikwento ko na sa kanya ang sinabi sa akin ni kuya kanina habang kausap namin si Manang kanina.
"Huh? Aswang ka na ba?" Gulat na tanong ni Daisy, kaya mas lalong humagalpak ng malakas na tawa si Agatha. Pagkatapos ay kinuwento namin ni Agatha ang tungkol sa pata ng baboy, kaya maging sila ay tawa na rin ng tawa.
"Sige... pumapayag ako. Magluluto tayo ng nilagang Taruray, Wena at Rachell." Pagkasabi niya, napuno na kami ng masayang tawanan habang naglalakad na kami patungo sa sakayan upang makapunta na kami ng palengke. Ito ang kailangan ko ngayon... ang mga kaibigan ko. Ang masayang company ng mga kaibigan. Kaya hindi mawala ang ngiti sa aking labi habang nakahawak ako sa braso ni Daisy at ni Emalyn. Sana hindi ako mahanap dito ni Eoghantot. Kailangan ko lang ng ilang araw na walang nangungulit na Eoghan sa akin. Araw-araw, walang pahinga na kinukulit ako ng lalaking 'yon. Kaya ngayon ay ako muna si BengBeng.