Chapter 2

2471 Words
  QUOTA ka na, sis ah! Hindi ko na aabutan ang sales mo, grabe kang babae ka!” Nginitian lang ni Amor ang kaibigang si Louise. “Ang humble mo e ikaw rin naman, ang dami mong nabenta ngayong month,” aniya rito sabay subo ng papel sa printer na kaharap. Siya si Maria Amor Villegas, twenty-one years old. Single. Accounting graduate pero sa halip na mamasukan sa bangko, pinili niyang mag-ahente ng lupa, condominium at condotel. Hindi naman siya nagsisisi dahil para sa kaniya ay hindi niya kikitain sa pag-eempleyo ang halagang kinikita niya sa Sitio Lucia Land Inc. Para sa kaniya, nasa sipag ang pera. Nasa commission ang asenso. “Pero panis pa rin sa mga units na nabenta mo ang sa’kin. Nakailang condominiums ka? Tapos marami ka ring sales sa condotels. Hataw ka doon, mama!” pabakla pang sabi ni Louise. Tinawanan niya lang ito. Kung alam lang ng kaibigan na wala naman siyang choice kundi magsipag. Wala kasi itong ideya sa mga pinagdadaanan niya. Siya ang tipo ng tao na hindi palakuwento. Hindi sa wala siyang tiwala kay Louise. Tamad lang talaga siyang magkuwento dahil sa dami ng mga backlogs niya. Napasulyap siya sa kaniyang laptop. Naka-flash roon ang sales graph ng kompanya. At tama si Louise, malaking bahagi ng sales niyon ay sa kaniya. Pero hindi pa rin iyon sapat sa laki ng perang dapat niyang ipunin. Halos mag-iisang buwan na buhat nang makatanggap siya ng sulat mula sa isang law firm. Demand letter for payment iyon para sa pagkakasangla raw ng kanilang bahay. Nabigla siya dahil wala siyang ideya na nakasangla pala ang bahay nila. Inakala pa nga niyang isang malaking biro lang ang tungkol doon pero nakompirma niya iyon nang tumawag siya sa kaibigan na nagtatrabaho sa bangko na pinagsanglaan ng ama. Ayon dito ay may isang negosyante raw na tumubos sa kanilang bahay.  At dahil wala na ang mga magulang, itanong na lamang daw niya sa abogado ng mga ito ang iba pang detalye. “Basta focus ka lang, magagawa mo rin ‘yan. Ikaw pa!” aniya kay Louise. “Wish ko lang,” anito at saka tumawa. “Siya nga pala, may chika ko sa’yo. May friend akong nag-tip sa akin ng big fish. Ang kaso, sobrang madulas saka mukhang aning-aning. Since marami naman akong prospect sa ngayon, baka gusto mong saluhin?” Marami rin siyang mga prospective clients pero hindi niya tatanggihan ang alok na ito ni Louise. She had to grab every opportunity she would get. “Tagasaan ang isdang ito?” tanong niya. Ganoon ang terminology nilang magkaibigan sa isang mayamang kliyente. “Taga-White Plains, eherm. Heto ang calling card. Bahala ka na.” Iniabot ni Louise sa kaniya ang calling card bago ito nagpaalam. Siya naman ay tiningnan ang nakasulat sa hawak na card. Mrs. Belinda Gatchalian…” mahina niyang basa roon. Isang saglit pa ay tinatawagan na niya ang kliyente.   “I’M REALLY, really sorry, Ma’am, pero ayaw makipag-usap ni Mrs. Gatchalian,” anang isang balingkinitang babae na tingin niya ay secretary ng taong sadya niya roon. “Baka naman pwedeng kahit saglit lang. May appointment naman ako. Importante lang sana…” Saglit siyang tinitigan ng babae, pagkuwa’y nagpahintay at saka bumalik sa loob ng opisina. Paglabas nito ay alanganin ang pagkakangiti. “Sabi sa’yo Ma’am, hindi talaga puwede eh.” Hindi pa nito natatapos ang sinasabi ay narinig na niya ang malakas na ingay na nagmumula sa loob ng opisinang pinanggalingan nito. Napakunot ang noo niya at bilang tugon ay nagkibit naman ng balikat ang sekretarya. “Nagwawala na naman si Ma’am. May problema kasi ‘yan tungkol sa kapatid niya.” “Ah, ganoon ba.” Napabuntong-hininga siya. Magpapaalam na sana siya rito nang muli itong magsalita. “Katatanggap lang kasi niya ng balita na patay na si Sir James. Hindi po siguro matanggap. Pagkatapos ng halos isang buwang paghahanap, ito pa ang mangyayari.” Mabilis siyang napatingin sa sekretarya. “Patay ba ka’mo? Sino ‘yung James at saka...bakit siya pinatay?” “Malay! Basta nawala na lang ‘yan one day tapos pinahanap ni Ma’am sa mga awtoridad. Ngayon nga, hayan at may balitang natagpuan na ang bangkay niya sa gilid ng isang ilog. At sunog, take note ha. Kaya hindi raw titigil si Ma’am hangga’t hindi nalalaman kung sino ang gumawa niyon sa kapatid niya.” Para siyang iniangat sa lupa sa narinig. Nakasilip siya ng kapirasong chance para makausap ang kliyente. “Yan bang boss mo, naniniwala sa mga espiritu?” Napaangat ang kilay ng kaharap. “Bakit? Espiritista ka? Don’t tell me kakausapin mo ang kaluluwa ni Sir James para—” “Ang galing mo!” Namilog ang mga mata ng babae. “Seriously?” Ngumiti siya rito. “Ano’ng sinabi mo? Espiritista ka ‘kamo?” Kapwa sila nagulat ng sekretarya nang biglang lumabas si Mrs. Gatchalian. Sabog ang buhok nito at kulapol ang makeup sa mukha. Ang lipstick nito ay tila ipinahid sa pisngi at ang mascara ay nakakalat sa paligid ng mata. Mabilis naman itong inabutan ng tissue ng sekretarya nito. “Opo, Ma’am,” tugon niya. “Sino ka ba?” tanong nitong sisinghot-singhot pa habang inaayos ang sarili. Pagkuwa’y tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. “My name is Maria Amor Villegas, Ma’am. Ako po ‘yung tumawag sa inyo kahapon para sana—” “Ah, oo. ‘Yung nag-aalok ng condotel sa Davao at Palawan, tama?” “Opo, ako nga!” “Okay. I don’t need one. Marami na ako niyan,” tila balewala nitong sabi sabay singa sa tissue na hawak. “Makakaalis ka na.” “Teka, Ma’am!” habol niya sa papatalikod nang misis. “Kahapon po ay interested kayo, hindi ba? Kaya nga nakipag-close kayo ng appointment sa akin. Why don’t you give me atleast fifteen minutes?” Humarap ito at saka pinagkrus ang mga braso sa dibdib. “Wala akong problema kahapon. Ngayon, meron na!” masungit nitong sabi at saka ulit napaiyak. Ang iyak na iyon ay unti-unting lumakas na tila nambubulahaw. Napasimangot ang sekretarya habang nakataas ang kaliwang kilay. “Ma’am, I have this good offer. Tutulungan ko kayo sa problema niyo. In return, bibigyan niyo ko ng oras para sa ipi-present ko.” “Hindi ako nagpapapaniwala sa mga ganyan!” masungit pa rin nitong sabi. “Please leave. Marami pa kaming gagawin ni Nina.” Nahulaan niya ang tinutukoy nito ay ang sekretarya. “May kakayahan akong makipag-usap sa mga patay. Kaya kong alamin kung sino ang gumawa niyon sa kapatid niyo—” Hindi niya natapos ang sinasabi dahil muling umiyak ang babae. Ngayon ay pinaghahahagis naman nito ang kahit anong mahawakan. “James, kapatid ko! Sino ang walang pusong gumawa nito sa’yo?!” palahaw nito. “Miss, umalis ka na. Saka ka na lang bumalik ‘pag maayos na siyang kausap,” sabi ni Nina. Napatango naman siya. Nanghihinayang man ay tumalikod na rin matapos magpaalam sa sekretarya. “Kung magagawa mong kausapin ang kapatid ko at ma-solve ang kaso niya, hindi lang oras ang ibibigay ko sa’yo. Bibili pa ‘ko kahit limang unit!” Nanlaki ang mga mata ni Amor at napatigil sa paglalakad. Tama ba ang narinig niya? Limang unit??? Nag-about face siya at mabilis na humakbang pabalik. “Talaga, Ma’am?!” namimilog ang mga mata niyang tanong rito.    “LUNA!” tawag ni Maria Amor sa kaniyang kakambal. “Kailangan kita, nasaan ka ba?!” Nagpalinga-linga sa kabuuan ng kaniyang condo unit pero hindi niya nakita ang kakambal. Buong maghapon itong hindi nagpakita sa kaniya. “Luna!” Napasimangot siya. Nagtatampo na naman siguro ang kapatid. She had been really busy these past few days. Wala siyang oras para dito kaya madalas ay hindi niya ito nagagawang kausapin. Noong isang araw nga ay nasungitan pa niya ito. Paano’y sobrang childish. Sa bagay, pitong taon lang nang mamatay si Luna. Baka naman hitsura lang ang nagma-mature dito pero hindi ang isip. Kailangan niya iyong unawain bilang kapatid. “Luna! Sige na, sorry na! Magpakita ka na sa’kin at ipinapangako kong hindi na kita iti-take for granted.” She waited for a few seconds but still, there was no response. “If you don’t show up, wala nang halaga ang medalyong ito. Itatapon ko na…” Napakunot siya nang tangkaing hawakan ang medalyon sa kaniyang leeg. “Nasaan ang medalyon ko?” bulong niya at saka natampal ang sariling noo. Kaya naman pala hindi nagpapakita sa kaniya ang kapatid ay dahil hindi niya suot ang medalyon. Naalala niyang naibaba niya iyon kanina nang maligo siya. Dali-daling tinakbo niya ang banyo at saka hinagilap roon ang kaniyang medalyon. Napangiti siya nang makita iyong nakapatong sa bathroom sink. Kinuha niya iyon at saka isinuot. Humarap sa salamin habang hawak ang medalyon na nakasabit sa kaniyang leeg. Hindi nagtagal ay nagbago ang suot niya sa repleksiyon na nasa salamin. Luna was always wearing black dress. Iyon raw ang suot nito sa burol. Ewan. Hindi niya alam dahil hindi niya ito sinilip minsan man nang nakaburol ito. “Luna!” bulalas niya habang nakangiti. Pero sa halip na ngiti rin ay simangot ang isinukli ng kaniyang kakambal. “O, huwag ganyan. Papangit ka,” biro niya rito. “Kailangan mo ‘ko kaya mo ‘ko hinahanap, ano,” anitong tampong-tampo. Nakanguso pa ito habang nakairap. “Ikaw naman. Sorry na. Sobrang busy lang talaga. Siguro nga, hindi mo ko maiintindihan kasi iba ang buhay niyo diyan. Hindi ka naman kumakain. Hindi mo kailangang magbayad ng bahay. Higit sa lahat, hindi mo kailangang magbayad ng utang.” “Oo na. Ang drama mo,” tukso nito. “Kumusta na nga pala sina Papa?” tanong niya. Ngumiti ito at saka lumabas sa salamin. Ang kabuuan nitong tila usok ay nahiga sa kaniyang kama. Kinuha pa ang isa niyang throw pillow at saka niyakap. Sa tagal nang pananatili nito sa mundo ay nagagawa na nitong hawakan ang mga bagay sa paligid nito. Nagagawa na nitong pagalawin ang kahit anong gamit na gusto nito. “Ayos naman sila.” “Bakit hindi sila nagpapakita sa’kin kahit minsan?” Inilayo nito ang tingin sa kaniya at saka tumugon. “Iba na kasi ‘pag sumakabilang buhay na ang tao. Hindi na emo tulad mo. Hindi na mahilig sa mga makalupang bagay. So hindi na sila interesadong bumalik dito sa lupa para lang makipag-bonding—not unless may unfinished business sila.” “Like you?” Maang na napalingon sa kaniya si Luna. “Huh?” “You’re here so maybe, you have this unfinished business you’re talking about.” “Ikaw lang ang dahilan ng pagbabalik ko, Amor. Kambal pusod tayo kaya hindi kita magawang iwan.” “Mabuti hindi mo pa ‘ko isinasama—” “Gusto mo?” “Joke!” mabilis niyang sabi sabay peace sign rito. “Darating din tayo doon, sis. Hindi mo pa kasi time sa ngayon pero susunduin rin kita. Huwag kang magmadali,” anito. Kung bakit tila siya kinilabutan sa sinabi ng kakambal ay hindi niya alam. Iniba na lang niya ang usapan dahil doon. “Mrs. Gatchalian? ‘Yung kausap mo kanina?” tanong ni Luna nang banggitin niya rito ang tungkol sa kliyenteng nangangailangan ng tulong nito. “Oo, siya nga. Narinig mo ang usapan namin?” Tumango ito. Kahit hindi niya ito nakikita dahil hindi niya suot ang medalyon, naroon lang daw ito at nakabantay sa kaniya. Nasasaksihan nito ang lahat ng mga nangyayari. “Ano ngayon ang gagawin natin? Tulad nang dati?” Ang tulad nang dati na sinasabi nito ay ang karaniwan na nilang ginagawa sa tuwing may nangangailangan ng tulong na katulad niyon. Ang pagtulong sa kaniya ni Luna para kausapin ang mga patay o kaya ay maresolba ang isang misteryong kaso. Hindi iilang kaibigan at kamag-anak ang natulungan niya dahil dito. Ang alam ng lahat ay may ‘gift’ siya pero ang totoo, it was all because of her twin sister, Luna. Technically, hindi naman siya ang nakikipag-usap sa mga espiritu kung hindi ito. Idinidikta lang ng kapatid sa kaniya ang mga nasasagap nitong impormasyon pero ito mismo ang gumagawa ng ‘connection’ sa mga espiritu. Wala naman kasi talaga siyang third eye. Ang sabi ni Luna, dahil lang sa medalyon kaya niya ito nakikita pero wala talaga siyang kakayahang makakita ng mga taong namayapa na. Siyang dahilan kung bakit kahit minsan ay hindi nagpakita sa kaniya ang mga magulang. Para sa mga malalapit na kamag-anak o kaibigan, free of charge ang ‘special service’ nilang magkapatid pero hindi nagtagal ay dumami na ang humihingi ng tulong nila kaya lumaon ay nagawa na nilang pagkakitaan ang bagay na iyon. It was Luna’s idea. Nababagot daw kasi ito dahil napaka-boring ng buhay niya. Wala raw itong mapala sa kaniyang everyday routine. Noong una ay ayaw niyang pumayag dahil natatakot siyang baka isang araw ay totoo na siyang makakita ng mga elementong nasa ibang dimensiyon pero nang lumaon ay napapayag na rin siya nito. Natulungan nila noon ang isang dalagitang sinasapian ng masamang espiritu. Nakiusap lang si Luna na iwan ng espiritung iyon ang dalagita at himalang bumalik sa normal ang anyo ng babae. Minsan naman ay may babaeng nawawalan ng singsing. Nagsagawa sila ng kunwaring orasyon ni Luna. Tuwang-tuwa ang babae nang sabihin niyang nasa laundry basket ang singsing nito. Kinabukasan ay nagpasalamat ito dahil nakita na raw nito ang singsing. Nagbigay pa ito ng isang libong piso bilang tip. Ang ipinagtataka niya ay nang minsang may isang lalaking humingi ng tulong sa kaniya at ang sabi ay binabarang raw ito. Sugat-sugat ang buong katawan nito at nilalabasan raw ito ng mga insekto sa lahat ng bukas na bahagi ng katawan nito. Palihim niyang kinausap sa silid si Luna. Akala kasi niya ay hindi nito kaya ang mga ganoong kaso pero nagulat siyang nang sabihin ng kakambal na tanggapin niya ang ‘project.’ Kaya raw nitong magpagaling ng mga binabarang at kinukulam. Nag-usisa siya pero tinawanan lang siya ni Luna. Kahit daw sinong namamatay ay nagkakaroon ng espesyal na kakayahan tulad nito. Idinikta ni Luna sa kaniya ang mga dapat gawin at sinabi naman niya iyon sa lalaki. Maingat niyang isinalin rito lahat ng mga sinasabi ng kapatid. Kinabukasan ay bumalik ang lalaki dala ang dalawang klase ng dahon at ugat. Ibinabad niya sa tubig na mainit ang mga iyon at saka iyon dinasalan, sa utos rin ni Luna. Pagkatapos ay ipinatanong niya sa ulo ng lalaki ang kamay at saka nag-orasyon, pilit na sinusundan lahat ng dinarasal ni Luna. Matapos ay saka niya pinainom rito ang tubig na nag-anyong tsaa dahil sa mga dahon at ugat. Hindi nagtagal ay namangha siya. Dumaing ang lalaki na sumasakit ang tiyan at isa-isang nagpulasan sa bibig nito, tenga at ilong ang maliliit na ipis at langaw. Diring-diri siya sa nasaksihan pero sinikap niyang kalmahin ang sarili. Hindi nagtagal ay guminhawa ang pakiramdam ng lalaki at tuluyang gumaling maging ang mga sugat nito sa balat. “Hoy, natameme ka na riyan. Tinatanong kita kung tulad nang dati ang gagawin natin.” Napakislot si Amor. Bahagya siyang nawala sa sarili. “Oo, tulad nang dati. Pero tiyakin mong hindi magpapakita sa akin ang kaluluwa ng James na iyon ha. Baka multuhin ako noon, makasama pa ko sa’yo nang maaga.” Natawa si Luna. “Hindi ba kaya nga ako nagpakita sa’yo noon ay dahil diyan? Ngawa ka nang ngawa. Gusto mo nang sumama sa amin nina Mama at Papa dati, ‘di ba?” “Noon iyon. Kasi naman, nag-iisa na lang ako. Buti pa nga kayo at magkakasama na samantalang ako, wala akong karamay sa buhay.” “Huwag ka nang mag-drama dahil nandito na nga ako. So, paano? Kailan natin isasagawa ang pag-contact sa kaluluwa ng James na ‘yan?” Napangiti siya sa kakalugan ni Luna. Ipinagtataka rin niya ang bagay na iyon dahil sa pagkakatanda niya ay tahimik lang ang kapatid noong mga bata pa sila. Bakit napaka-jolly nito ngayon? Sa bagay, malabo na siguro sa memorya niya lahat dahil napakabata pa nila nang mamatay ito. “Mamaya ay magpa-followup ako kay Mrs. Gatchalian at itatanong ko sa kaniya kung kailan kami magkikita. I can’t wait to add my five-unit sales in my graph, sis,” aniya at pagkuwa’y nagtawanan silang magkapatid.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD