Kabanata 1
"KUNG nakalulusaw lang ang pagtitig, malamang ay kanina pang parang bulang lumaho iyan si Fafa Rafael."
Nagsalubong ang magkabilang kilay ni Helena dahil sa sinabing iyon ni Chariz—ang kaibigan niya—malapit sa puno ng kanyang teynga.
Nilingon niya ito. "Anong pinagsasabi mo? Hindi ko tinititigan si Rafael. Bakit ko naman siya tititigan aber?" masungit na saad niya saka sinamaan ng tingin ang kaibigan.
"Sus, pakipot pa ang magandang ale! Huling huli na kita. Masyadong malagkit ang mga titig mo sa kanya. Pero 'wag kang mag-alala, hindi lang naman ikaw ang nagpapantasya kay Fafa Rafael. Kung wala lang akong asawa, baka isa na rin ako sa naglaway sa kanya!" Napapahagikhik na saad pa ni Chariz at pasimple siyang kinurot sa tagiliran.
Napangiwi naman si Helena dahil doon at inirapan ito. Heto si Chariz, tatlo na ang anak, marunong pa lumandi.
"Hindi ko pinagpapantasyahan si Rafael. Masyado akong maganda para gawin iyon. Lalake ang nagpapantasya sa akin, at hindil sila ang pinagpapantasyahan ko!” madiin na aniya at tinuon ang atensyon sa tinitindang isa dito sa pwesto nila sa palengke.
Sabado naman ngayon at walang pasok si Helena sa trabaho niya bilang guro sa paaralan sa bayan. Isa siyang public high school teacher. Dalawang taon pa lamang magmula nang makapasok siya sa public at pinagpapasalamat niya iyon dahil malaking tulong iyon sa kanila ng kanyang lola at nanay.
Kung tutuusin ay hindi na kaylangan pang magtinda ng nanay niya dito sa palengke dahil kaya niya nang buhayin pa ang mga ito sa sinasahod niya. Dalaga pa naman kasi siya at walang luho sa katawan. Pero ayon sa mga ito ay masaya ito sa ginagawa at ayaw ng mga ito na umasa sa sinasahod niya. At bilang ganti na rin ay tumutulong siya tuwing wala siyang pasok at pinagpapahinga niya ang lola at nanay niya. Pero minsan ay sumasama pa rin ang nanay niya sa palengke.
Hindi lang naman kasi isda ang tinda nila. May mga gulay din kaya kaylangan niya talaga ng tulong at hindi kakayanin ng siya lamang mag-isa. Lalo na at dinudumog ang pwesto nila. Isa rin iyon sa dahilan kaya ayaw pakawalan ng nanay niya ang pwesto sa palengke, at… may pinag-iipunan ito.
"Sus! Oo na maganda ka na! Alam na alam iyon ng lahat! Hindi mo na kaylangan ipagsigawan! Ikaw ba naman ang naihirang na Miss Igang 2024 noong nakaraang taon!” tukoy ni Chariz sa barangay nila.
At oo, tama ang sinabi nito. Laman din ng pageant si Helena kapag may pagkakakataon.
Sa tangkad niyang 5'8, maputing balat na kahit anong gawin niyang pagbilad sa araw ay hindi siya nangingitim at namumula lang, kulot ang kulay brown na buhok, mapupungay na mga mata na tila sa isang manika, matangos na ilong, mapupulang labi, hindi makakaila na pang beauty pageant ang beauty niya. Idagdag pa ang makurba niyang katawan.
Minana niya ang kanyang mga katangian sa amang Australian. Iyon nga lang hindi niya na ito nakilala dahil nang pinagbubuntis pa lamang siya ng kanyang ina ay namatay ang tatay niya sa isang plane crush. Hindi na ito nakabalik sa kanila.
Hindi naman talaga niya hilig ang pag-pageant. Ang nanay at lola Constancia lang naman niya ang nagpupursige sa kanya na sumali sa mga ganoong contest, pinagbibigyan lamang niya. At hindi naman niya inaasahan na lagi siyang nananalo. Iyon nga lang ay hindi niya masyadong sineseryoso dahil mas focus siya sa trabaho. Kaya hanggang pang barangay lang ang sinasalihan niya, sapilitan pa iyon.
"Pero, girl, seryoso, hindi mo ba type si Rafael? Ang pogi ng mamang iyon! Malay mo siya na ang itinadhana para sayo! Bente singko ka na pero hindi ka pa nagkaka-boyfriend! Hindi mo pa alam ang pakiramdam ng hinahalikan—"
"Hoy, Chariz, anong hinahalikan ang naririnig ko riyan?! Tigilan mo nga ang anak kong diyosa! Ini-impluwensyahan mo pang lumandi. Wala pang balak mag-asawa itong si Helena! Sasali pa ito sa national pageant para mailaban international!” putol ng nanay niya na si Helen sa sinasabi ni Chariz. Kadarating pa lang nito.
Lumapit ito sa kanila kaya nagmano si Helena, habang si Chariz naman ay napanguso nang kurutin ito sa tagiliran ng nanay niya.
"Aray ko! Tita naman. Twenty five na iyang anak mo, hindi na ‘yan menor. Sayang ang magandang lahi! Baka tumandang dalaga iyan!”
"Heh! Magtigil ka nga, Chariz. Bumalik ka na roon sa pwesto mo. Hindi iyong kung anu-ano ang pinagsasabi mo. Wala pa sa isip ng anak ko ang pag-boyfriend!”
Natawa na lamang si Helena habang tinatanaw ang papaalis na si Chariz, napakamot pa ito sa batok nito.
"'Wag na 'wag mong masyadong intindihan ang pinagsasabi ng babaeng iyon, ha, Helena? Mag-focus ka muna sa pangarap namin ng lola mo para sa ‘yo! Wag kang gumaya kay Chariz na bata pa pero tatlo na agad ang anak at hindi nakapagtapos!” madiin na saad nito.
Katulad ni Helena, bente singko na rin ang kaibigan niya. Maaga itong umibig at hindi nakapagtapos dahil nabuntis noong unang taon pa lamang sa college.
Napatango na lamang siya sa nanay niya at hindi na umimik pa. Bawat sinasabi nito sa kanya ay puro oo at tango ang tugon niya. Wala siyang tinututulan. Alam naman kasi niya na makakabuti sa kanya ang bawat payo nito sa kanya.
“Bawal muna ang boyfriend-boyfriend na iyan! Makakatagpo ka rin ng lalakeng babagay sa ganda mo sa tamang panahon,” ani pa ng nanay niya. “Iyong mayaman! Iyong gagawin kang reyna! Walang nababagay dito sa ‘yo sa Isla! Wala dito ang future mo! Hindi ako makapapayag na habangbuhay na puro isda at gulay ang kakainin mo. Binuhay ka na namin doon ng lola mo. Deserve mo ang marangyang buhay! At hindi mo iyon matatagpuan dito.”
Binalik ni Helena ang atensyon sa mga paninda. Wala siyang balak magkumento sa sinabi ng nanay niya. Hindi rin naman siya pwedeng tumalima.
sa araw-araw ba naman na iyon lagi ang pinapayo sa kanya ay nasasaulo niya na iyon.
“Maganda ka at matalino, Helena. Gamitin mo iyan para makamtam ang pangarap namin para sayo. Kapag nanalo ka sa national pageant at pinadala international para ilaban ang bansa ay mas lalong lalawak ang mundo mo. Magkakaroon ka ng madaming pera at mas malaki ang posibilidad na makatagpo ka ng lalakeng nararapat sa ‘yo.”
Bahagya siyang tumalikod sa nanay niya nang may customer na lumapit para bumili ng gulay. Nginitian niya na lamang ito dahil maging ito ay dinig ang sinasabi ng nanay niya. Minsan ay nahihiya na rin siya. Pero wala siyang magagawa. Isang ginto ang turing ng nanay niya sa kanya.
“Iyang si Helen talaga oh, masyadong mataas ang pangarap sa ‘yo. Hindi ka ba nape-pressure, Helena?” ani ng suki nila na si Aling Linda. Dito ito sa kanila bumibili ng mga sangkap na ginagamit nito para sa karendirya nito.
Ngumiti lang siya bilang tugon. Sanay na siya sa nanay niya. “Heto ho, Aling Linda. Maraming salamat sa pagbili.” Inabot niya ang sukli nito.
Ngumiti rin ang matanda.
“Naririnig mo ba ang sinasabi ko sa ‘yo, Helena?”
Nilingon niya ang nanay niya. “Ano ho iyon, nay? Sorry ho may sinusulat kasi ako sa notebook…” Doon niya kasi nililista ang mga nabenta nila kada-araw. Binitawan niya ang ballpen.
“Ang sabi ko kako ay wag mong pagpapansinin iyong mga nanliligaw sa ‘yo. Lalo na si Berto. Wala kang mapapala sa lalakeng iyon! Lasenggero na nga ay wala pang trabaho!” tukoy nito sa kapitbahay nila na kaklase niya noong college. Pero hindi ito nakapagtapos dahil laging sangkot sa gulo kaya pinatalsik ng eskwelahan.
Hindi lang naman si Berto ang nanliligaw kay Helena. Maging sa eskwelahan na pinagtatrabahuhan niya ay may nagpapalipad hangin sa kanya. Pero ni isa sa mga iyon ay wala siyang in-entertain.
Mas prioridad niya ang gusto ng nanay niya mangyari sa kanya.
“Oho, nay,” tugon niya.
May dumating muli na customer kaya inasikaso iyon ni Helena. Isda naman ang binibili nito. Natigil na rin ang nanay niya sa mga sinasabi nito at nag-focus na rin dahil dagsa na ang customer sa pwesto nila.
Mayamaya ay nabawasan na ang mga tao. Naupo siya sa silya at pinunasan ang pawis niya. Akmang itatali niya ang nagulo nang buhok nang hindi sinasadyang nahagip ng kanyang paningin si Rafael na nakatingin sa kanya.
Wala itong damit pang itaas, basa ang dibdib sa pawis dahil sa binuhat na isang sakong gulay. Sinundan niya ang pagdaloy ng pawis nito hanggang sa abs nito. Napatagal ang kanyang pagtitig doon.
Maliban sa pangingisda, minsan ay kargador din ito sa palengke. Tumutulong ito ng libre sa ilang matatandang tindera doon na hindi na kaya magbuhat ng mabibigat na kulang sa mga tauhan. Ganun kabait si Rafael.
Iniwas niya ang mga mata doon nang mapansin na nakatitig pa rin sa kanya si Rafael. Nang magtama ang kanilang mga mata ay saka lang itong nag-iwas ng tingin sa kanya. Pero siya ay hindi ganun ang ginawa niya.
Nanatili siyang nakatitig kay Rafael, pinagmamasdan ang ginagawa nito.
Napabuga ng hangin si Helena.
Totoo ang sinasabi ni Chariz kanina na madami ang nagpapantasyang mga kababaihan kay Rafael dito sa isla nila.
Oo, aaminin ni Helena na magandang lalake si Rafael. Matangkad na siya pero mas matangkad pa ito sa kanya at kung hindi siya nagkakamali ay nasa six feet ang height nito, maganda ang hugis ng katawan dahil sa abs at muscle, tan ang kulay ng balat marahil na rin sa pagbibilad sa init, aristocratic ang ilong, matangos iyon masyado para sa ilong ng mga simpleng Filipino, mapupula rin ang labi, at tila may iba itong lahi maliban sa pagiging pinoy dahil kulay abuhin ang mga mata nito.
Hindi naman siya manhid para hindi makaramdam ng paghanga sa binata. Pero hanggang doon lang iyon. Dahil bukod sa bawal, hindi niya rin ito kilala. Walang nakakakilala dito sa mga tao sa Isla maliban sa pangalan nito.
Two years ago ay bigla na lamang itong dumating sa Isla nila sakay ang bangka. Akala pa nga ni Helena ay ito ang nagmamay-ari ng buong Isla Verde dahil sa tindig at postura nito. Wala kasing sinuman ang nakakaalam kung sino ang nagmamay-ari ng Isla Verde.
Pero nagulat siya nang malaman na pamangkin pala ito ng matandang si Ronaldo na pumanaw na rin dalawang taon ang nakalilipas. Kapitbahay nila ito na dating kaibigan ng lola Constancia niya.
Masyadong misteryo si Rafael. Sa loob ng dalawang taon na paninirahan nito sa Isla ay pili lamang ang mga kinakausap nito at puro mga kalalakihan pa. Bihira rin magsalita at tipid pa.
Pangingisda ang hanapbuhay nito at dito rin ang nanay niya kumukuha ng isdang binibenta sa palengke. Pero sa loob ng dalawang taon, hindi lalagpas sa limang beses na kinausap siya nito, tungkol pa sa mga isda kapag napunta ito sa pwesto nila.
Well, okay lang naman iyon kay Helena. Mas gusto nga niyang hindi ito kinakausap. Hindi niya naman ito kilala. Wala rin siyang tiwala dito kahit pa sabihin na pamangkin ito ni Ronaldo na kaibigan ng lola niya.
Ang Isla Verde na sagana sa mga niyog na pananim, maganda rin dahil sa mga mapuputing buhangin ay isang maliit na Isla sa Bicol Region. Halos lahat ng nakatira sa islang iyon ay kilala at kaibigan ni Helena.
Pero pagdating kay Rafael ay ayaw niyang magtiwala dito. Ayaw niyang mapalapit sa binata. Lalo na at hindi siya kumportable sa mga titig na pinupukol ng abuhin nitong mga mata sa kanya kapag nahuhuli niya itong nakatingin sa kanya.
Lumalakas kasi ang kalabog ng dibdib niya at parang nanghihina siya, parang hinihigop nito ang kaluluwa niya.
Isa pa, hindi rin ito magugustuhan ng nanay niya para sa kanya kung sakaling makaramdam siya ng atraksyon sa binata.
Oo, matipuno, makisig, walang hilig sa babae, madiskarte at masipag na tao si Rafael. Tama si Chariz na madaming kababaihan ang nahuhumaling sa huli dito sa Isla Verde, madami rin ang nagpapansin. Pero ni isa walang nakasungkit sa puso ni Rafael.
Pero iba ang nanay niya. Hindi madadala si Helen sa mga magagadang katangian na iyon ni Rafael. Kilala ni Helena ang nanay niya. Masyadong mataas ang pangarap nito para sa kanya.
Ang gusto nito ay matupad niya ang pangarap nito na sumali siya sa national pageant at hindi lang basta beauty pageant sa mga barangay. Naniniwala ito na hindi lang pang barangay ang ganda niya.
Kaya kahit bente singko na siya ay hindi pa siya pinapayagan mag-boyfriend ni Helen dahil doon. At kasing taas ng pangarap nito sa kanya ang standard nito sa isang lalake para sa kanya.
Mayamang lalake ang gusto ng nanay ni Helena na mapangasawa niya. Iyong gagawin siyang reyna, tipong ibibigay sa kanya ang lahat. Dahil para dito, isa siyang kayamanan.
Ganun kataas ang tingin ni Helen sa kanya.
Isa pa ay alam ni Helena na balang araw ay lilisanin nila ang Isla Verde. Nag-iipon ang nanay niya ng pera para makaluwas sa Maynila para maasikaso ang mga papeles nila patungong Australia para mabisita ang puntod ng tatay niya at para makilala ang pamilya nito.
At kung posible, ang gusto ni Helen ay doon na sila manirahan balang araw.
Kaya malabo na umibig siya sa lalakeng taga Isla Verde. Malabong ibigin niya si Rafael.
At alam ni Helena na upang masuklian niya ang lahat ng sakripisyo ng nanay niya ay kaylangan niyang tuparin ang mga pangarap nito para sa kanya.
“Kahit iyang si Rafael na pinaka-gwapo dito sa Isla, hindi iyan makakapasa sa standard ko pagdating sa lalakeng dapat na makatuluyan mo. Hindi sapat na gwapo lang at masipag. Dapat mayaman din,” dinig niyang saad ng nanay niya na ngayon ay nakatanaw din kay Rafael na kinakausap ang isang matanda.
Saka lang nag-iwas ng tingin si Helena at napayuko, hindi na niya sinulyapan ang binata.