GABI na nang makauwi si Helena mula sa pagtitinda sa palengke. Pagod ang katawan at isipan niya at gusto nang magpahinga. Mabuti na lang ay nare-relax siyang pakinggan ang pagdampi ng alon ng dagat sa buhanginan. Nakaka-satisfy din ang pagdampi ng puting buhangin sa paa niya.
Isla Verde is a paradise. Kahit naman alam niyang balang araw lilisanin nila ang lugar na ito ay paniguradong babalik-balikan niya ang ganda nito. Dito na siya lumaki at nagka-isip. At hindi niya ipagpapalit ang ganda ng lugar na ito sa kahit na ano.
“Naku! Nariyan na naman si Berto at mukhang nag-aabang sa ‘yo! Letse talaga iyan! Hindi makaintindi na bawal kang ligawan,” dinig niyang saad ng nanay niya habang naglalakad sila patungo sa bahay nila. Kabababa lamang nila sa tricycle.
“Hindi naman ho siguro, nanay. Nakausap ko na iyan noong nakaraan at sinabi kong hindi pa ako handa magkaroon ng boyfriend,” tugon ni Helena. Umiinit na naman kasi ang ulo ng nanay niya.
Bahagya niyang sinulyapan si Berto at naabutan itong nakikipag-inuman sa kapitbahay nila. Halos tabi-tabi lang kasi ang mga bahay dito malapit sa dalampasigan. Kaya bago pa man siya makarating sa kanila ay madadaanan niya ang mga ito.
Mangingisda at magsasaka ang mga ito. At sanay na si Helena na sa tuwing hapon pagkatapos ng trabaho ay nag-iinuman ang mga ito.
“Pero mukhang makulit! Tingnan mo at may dalang bulaklak!” naiinis nang ani nanay niya.
Napabuntonghininga si Helena. “Nay, hayaan niyo ho at kakausapin ko ulit. ‘Wag na ho kayong magalit. Pasok na ho kayo sa bahay. Susunod ho ako.”
Ayaw pa sana ng nanay niya. Mabuti at napilit niya. Nauna na ito habang si Helena naman ay napahinto nang harangin si Berto ang dinadaanan niya.
“Helena, my loves. Mabuti at dumating ka na. Heto, bulaklak para sa ‘yo,” ngiting ngiting anito sa kanya at inabot ang bulaklak ng gumamela.
Dinig pa niya ang hiyawan ng mga kainuman ni Berto na tinutukso silang dalawa.
“Berto, nag-usap na tayo hindi ba? Hindi ako nagpapaligaw,” bulong na aniya. Ayaw naman kasi niyang mapahiya ito sa mga kaibigan nito.
Nabura ang ngiti sa labi ni Berto. “Kahit na. Atleast tanggapin mo itong bulaklak, Helena…” pagpupumilit nito.
Umiling siya. Ayaw niyang tanggapin iyon dahil oras na gawin niya iyon ay paniguradong iba ang iisipin ni Berto. Baka akalain nito ay nagpapaligaw na siya.
“Pasensya na pero hindi ko matatanggap iyan. Magandang gabi, Berto,” aniya at tinalikuran na ito. Akmang ihahakbang na niya ang kanyang mga paa paalis doon nang marinig ang hiyawan ng mga kaibigan ni Berto, tinutukso ito.
“Wala ka pala pare eh. Basted ka kay Helena,” pang-aasar ng isa.
Napailing siya at nagpatuloy sa paglalakad. Pero hindi pa man siya nakakalayo nang maramdaman niya ang mahigpit na paghawak ni Berto sa braso niya.
“Ah!” Napaigik siya dahil sa sakit at gulat. “Berto, anu ba! Sinabi nang ayaw ko!” madiin na aniya.
“Ang arte mong babae ka! Porque maganda ka ay aasta ka nang ganyan?!” Hinaklit ni Berto ang braso niya.
“Berto, anu ba!” Sinubukan niyang kumawala pero pahigpit din nang pahigpit ang hawak nito sa kanya.
Lasing si Berto at natatakot si Helena na baka ano ang gawin nito sa kanya.
“Kung tinanggap mo sana ang bulaklak ay wala tayong magiging problema! Pero maarte kang babae ka! Ikaw na nga itong nililigawan—“
Napasinghap si Helena sa gulat dahil bigla na lamang humandusay si Berto sa buhangin. Nawalan ito ng malay at agad itong dinaluhan ng mga kainuman nito.
Habang siya naman ay napatitig na lamang sa lalakeng nasa harapan niya na bigla na lamang dumating at sinuntok si Berto sa panga.
“R-Rafael,” halos pabulong na usal niya habang hindi inaalis ang paningin sa binata.
Bahagya itong nakatagilid sa kanya dahilan upang madepina ang prominente nitong panga at ang matangos na ilong nito. Nakatiim bagang din ito.
“Ilayo niyo sa akin ang lalakeng iyan kung ayaw niyong tuluyan ko iyan!” madiin na saad ni Rafael.
Hindi alam ni Helena kung anong mayroon sa binata pero napapasunod nito ang mga tao sa isla sa bawat sinasabi nito. He has this commanding aura. At bagaman dalawang taon pa lamang ito dito, takot ang ilan dito.
Nagkukumahog naman ang mga kainuman ni Berto at agad itong binuhat paalis doon.
Katahimikan ang namagitan sa kanila matapos nun. Pumihit paharap sa kanya si Rafael. Hindi nakatakas sa paningin ni Helena ang galit na nakaulit sa abuhing mga mata ng binata.
“Ayos ka lang?” anito at akmang hahawakan ang braso niya pero umatras siya.
“M-maraming salamat…” halos pabulong nang saad niya.
Ginulo nito ang buhok na nililipad sa noo nito. “Umuwi ka na.”
Dali-daling tumalikod si Helena at halos lakad takbo na ang ginawa niya patungo sa bahay nila. Napansin ng lola niya na hinihingal siya.
“Apo, ayos ka lang? Bakit namumutla ka?”
“Anong nangyari sa ‘yo, Helena? Sinaktan ka ba ni Berto? Bakit namumula iyang braso mo?!” galit na ani ng nanay niya.
Ayaw niya na sanang palakihin pa ang issue pero mapilit ang nanay niya kaya wala siyang nagawa kundi sabihin dito ang nangyari.
“Tarantado talaga iyang si Berto! Ipapa-barangay ko ang hayop na iyon!” galit na galit na ani ng nanay niya.
“H-hayaan niyo na ho. M-mabuti ho at dumating si Rafael. Sinuntok niya si Berto kaya nawalan ng malay,” aniya at nag-iwas ng tingin.
Lumapit naman sa kanya ang lola Constancia niya at may dalang gamot.
“Salamat kay Rafael! Pero kahit na! Ang kapal ng mukha ng Berto na iyan na saktan ka! Ikaw lang ang nag-iisa kong anak at hindi ako makakapayag na may nananakit sa ‘yo! Wala siyang karapatan! Iniingatan kita! Ni ayaw nga kitang padapuin sa lamok! Ipapa-barangay ko siya!”
“Nay, ‘wag na ho—“
Napailing na lang si Helena nang lumabas ang nanay niya. Paniguradong tutungo ito sa barangay para ireklamo si Berto.
“Hayaan mo na ang nanay mo. Mali ang ginawa sa ‘yo ni Berto. Dapat lang na turuan iyon ng leksyon,” ani ng lola Constancia niya habang ginagamot siya.
Tumango na lamang siya at hindi na naimik pa. Lumipad ang isipan niya patungo kay Rafael. Sobrang lapit nila sa isa’t isa kanina. At katulad ng dati na sa tuwing nagkakalapit sila, lumalakas ang kalabog ng dibdib niya.
Iyon ang ipinagtataka ni Helena. Hindi naman sila magkaibigan ng binata. Nakakasalubong niya lang ito paminsan minsan at kinakausap kapag kinakailangan sa palengka. Ang hindi niya maintindihan ay ang puso niya kung bakit ganoon na lang ang rekasyon dito.
Marahil ay talagang hinahangaan niya ito.
Pero alam naman niya na hanggang doon lang iyon. Sa dami ng nagkakagusto kay Rafael ay imposibleng mapansin siya nito. Isa pa ay bawal siya mag-boyfriend. Kaya kung anu man itong nararamdaman niya sa puso niya ay dapat niya iyon kalimutan.
“Naririnig mo ba ang sinasabi ko, Helena, apo?”
“H-ho? Ano ho iyon, lola?” Napatingin siya sa lola niya. Mukhang may sinasabi ito pero hindi niya narinig dahil sa lalim ng kanyang iniisip.
“Ang sabi ko kako ay ipagluluto ko ng adobo si Rafael. Tamang tama at may biniling karne ng manok ang nanay mo. Ibigay mo sa kanya bukas bilang pasasalamat at pinagtanggol ka mula kay Berto. Napakabait at matulungin talaga ng pamangkin na iyon ni Ronaldo…”
Napatikhim siya at napailing. Isipin pa lang na kakausapin niya si Rafael ay halos magwala na ang lintek na puso niya.
“Gigising ako ng maaga bukas para maipagluto siya. Ibigay mo na lang sa kanya sa palengke…”
“A-ako na lang ho ang magluluto, lola. Ayokong gumising kayo ng maaga. Magpahinga lang ho kayo bukas.” Nginitian niya ito.
Hapon na lang siguro siya magsisimba bukas at kaylangan niyang magtungo ng palengke sa umaga.
“Sigurado ka, apo?”
“Opo, lola…”
“Aba’y maraming salamat. Pero ‘wag mong masyadong sarapan ang luto mo ha?”
“Bakit ho?” nagtatakang sambit niya.
“Baka mahulog sa ‘yo si Rafael. Lagot ka niyan sa nanay mo…” natatawang biro nito.
“Lola!”
Napahalakhak ang matanda. “Biro lang. Alam ko namang bawal ka mag-boyfriend.”
Nailing siya. Ayaw niyang pag-usapan ang bagay na iyon. Aminado siya na minsan ay napapa-isip siya at curious kung ano ang pakiramdam ng may lalakeng minamahal. Kung ano ang pakiramdam ng may nag-aalaga sa kanya. Siguro masarap at masaya. Kita niya naman kasi iyon sa mga katrabaho niya at sa mga naging kaklase niya. At si Chariz. Alam niya kung gaano ito ka-inlove sa asawa nito.
Pero natatakot siyang sumubok. Ayaw niyang mabigo ang nanay niya. Mataas ang pangarap nito sa kanya. Isa pa ay alam niya na dadating ang lalakeng para sa kanya sa tamang oras at panahon. Hindi niya kaylangan magmadali.
Kinabukasan alas kwatro na ng madaling araw siya naggising. Dali dali siyang bumangon. Dapat kanina pa siya nakapagluto para mas mapaaga siya sa palengke.
Hindi lang adobo ang lulutuin niya, agahan na rin nila. Mayamaya din kasi ay magigising na ang nanay niya at maghahanda para sa pagpunta sa palengke.
Nang maluto niya ang adobo na nilagyan ng madaming patatas at ma-satisfy sa lasa nun ay naglagay na siya sa maliit na tupperware para kay Rafael.
Napailing siya at pilit na itinatanggi sa sarili ang pananabik mamaya sa pagbigay niya ng adobo dito.
“Ang aga mong naggising, Helena!”
Pumasok ang nanay niya sa kusina, pupungas pungas pa ito.
“Nay, magandang umaga! Oho, maaga rin ako sa palengke ngayon. Kain na kayo, nay. Nakapagluto na ako. Gusto ba ninyo ng kape?”
Tumango ito at pumwesto ng upo. “Hindi ka magsisimba?”
“Magsisimba ho, nay. Pero mamayang hapon pa. Tulungan ko ho muna kayo sa palengke…”
“O sige. Sabay na lang tayo mamayang hapon magsimba.”
Dinala niya ang tasa ng kape sa tapat ng nanay niya saka naupo na rin.
“Sige ho. Sabay ka na lang sa amin ni Chariz.”
“Kasama mo ang batang iyon? Naku kayo na lang pala. Baka magkasala pa ako at makurot ko sa singit ang babaeng iyon sa dami ng lumalabas sa bibig. Linggong linggo, ayoko magkasala…”
Natawa ng mahina si Helena sa reaksyon ng nanay niya.
“Pero seryoso ako ha. Helena. Hindi kita pagbabawalan makipagkaibigan kay Chariz pero ‘wag mo intindihan ang mga sinasabi nun lalo na sa mga kalalakihan. Pangarap muna bago boyfriend. Makakapaghintay iyan.”
Muli ay tumango siya. Alam naman niya iyon.
Pero kasi kaibigan niya si Chariz. Masaya itong kasama at totoo ito sa kanya. Kaya hindi niya ito iniiwasan.
“Ngayong umaga na lang ako magsisimba. Ikaw muna ang bahala sa pwesto natin…”
“Sige ho, nay…” Lihim na natuwa si Helena. Ibig sabihin nun ay hindi nito makikita ang pagbigay niya ng adobo kay Rafael. Wala naman kasing meaning iyon pero kasi baka kung anong isipin ng nanay niya. Iniiwasan niya lang.
Matapos mag-agahan ay gumayak na si Helena. Isang kulay yellow na dress na umabot lamang sa itaas ng kanyang tuhod ang suot niya. Halos lahat naman ng mga sinusuot niya ay dress. Bihira lamang siyang mag-tshirt at shorts o pants. Nang patuyuin niya rin ang buhok ay tinali niya iyon. Naglagay din siya ng lipstick sa labi at pinapula ng bahagya ang pisngi.
Wala naman siyang pinapagandahan pero syempre upang hindi maging haggard, naglalagay siya ng kolorete sa mukha. Light lang naman iyon kaya hindi kapansinsin.
Lumabas ng kwarto si Helena matapos mag-spray ng pabango. Nagpaalam na siya sa nanay niya na tutungo na sa palengke.
Pagdating doon ay kaagad niyang nakita si Rafael. Nakasandal ito sa nakasara nilang pwesto. Gulo-gulo ang buhok nito at bahagyang nakatungo. Wala rin itong suot pang itaas kaya nakalantad ulit sa paningin niya ang magandang katawan nito.
Nang makalapit ay tumikhim si Helena. “M-magandang umaga.”
Humigpit ang hawak niya sa adobo nang mag-angat ito ng tingin sa kanya. Kapagkwan ay pinasadahan nito ng tingin ang suot niya.
Hinintay niyang batiin siya nito pero wala siyang narinig na tugon kaya muli siyang nagsalita upang makuha ang atensyon nito.
“K-kanina ka pa ba? P-pasensya na natagalan.” Alas singko pa lang ng umaga pero para sa kanilang nagtitinda ay tanghali na iyon. Madami na kasing customer ng ganoong oras.
At baka kanina pa nandidito si Rafael para mag-deliver ng isda.
Sinimulan na niyang buksan ang pwesto nila. Inabot din niya ang listahan na notebook kay Rafael at nilista doon ang mga isda at ilang kilo.
“Kadarating ko lang…” anito sa baritonong boses at tinulungan siya sa pag-aayos ng mga paninda.
Tumango siya. Mabuti naman. Nakakahiya kung naghintay pa ito.
Gusto niyang lingunin si Rafael. Pero pinipigilan niya ang sarili. Baka kasi magtagpo muli ang mga mata nila. Awkward iyon.
Mabuti na lang at biglang dumating si Goryo, ang nagdedeliver sa kanila ng mga gulay.
“Good morning, Helena. Tinanghali ka yata,” anito.
“Magandang umaga. Oo eh…” tipid na aniya at humarap dito. Pero nang makita mula sa mga mata niya na paalis na si Rafael ay hinabol niya ito. “Sandali lang, Goryo!”
Umalis siya sa pwesto at tinawag si Rafael. “Sandali, Rafael.”
Huminto naman ito sa paglalakad saka nilingon siya. Naramdaman niya ang mariing pagtitig nito sa kanya.
“A-ah, p-pinagluto kasi kita ng adobo…”
Umarko ang kanang kilay nito ngunit hindi nakatakas sa paningin ni Helena ang pagguhit ng pagkamangha sa mga mata nito. Kumikislap din iyon.
“Bakit?” tanong nito.
“A-ano, p-pasasalamat kasi tinulungan mo ako kagabi…” aniya at inabot ang adobo dito.
Napakagat pa sa labi si Helena nang unti-unting bumaba ang tingin doon ni Rafael sa tupperware na hawak niya.
“S-sige na, tanggapin mo na. W-walang gayuma iyan, hindi kita paiibigin sa akin.”
Sa sinabi niyang iyon ay umangat ang sulok ng labi ni Rafael. “Thanks.” Inabot nito iyon.
“S-sige. Salamat ulit!” aniya at dali-dali nang tinalikuran ito.
Napailing pa siya dahil sa sinabi niya tungkol sa gayuma.
“Ang gaga mo, Helena!” bulong pa niya.