ALAS sais ng gabi nang sunduin ni Chariz si Helena sa bahay nila upang magsimba. Isang kulay puting dress ang sinuot niya na lagpas sa kanyang tuhod. Nilugay niya rin ang brown na kulot na buhok na umabot sa kanyang beywang.
“Ay oh, bongga, parang diyosa!”
Napailing si Helena sa sinabing iyon ni Chariz nang pasadahan siya nito ng tingin pagkalabas niya ng kwarto. Wala namang espesyal sa suot niya. Nakasanayan na rin niyang magsuot lagi ng puting dress tuwing nagsisimba pero itong si Chariz laging ganyan ang reaksyon sa kanya. Iniisip na lang niya na binobola na lang siya nito minsan.
“Tara na?” aniya.
“Sige, nang makauwi ng maaga,” ani naman ni Chariz.
“Saglit, magpapaalam lang ako sandali.” Tumungo sila ni Chariz sa maliit din nilang kusina kung saan nanduduon ang lola at nanay niya. Nagluluto ang nanay niya at tumutulong ang lola niya.
“Nay, Lola, alis na ho kami. Babalik din ako kaagad pagkatapos ng misa.”
“Mag-iingat, Helena. At ikaw Chariz, wala munang kalokohan ngayon ha? Makukurot talaga kita sa singit!” ani ng nanay niya.
“Si Tita talaga oh. Kaya nga ho nagsisimba para mabawasan ang mga kasalanan ko. Wala ho akong kalokohang gagawin,” nakangusong anito. Natawa naman si Helena at ang lola niya.
“Mag-iingat kayo.”
Lumabas na sila ng bahay. At habang naglalakad patungo sa simbahan dahil malapit lang naman iyon sa bahay nila ay panay naman ang himutok ni Chariz.
“Iyang si Tita Helen talaga masyadong judgemental. Akala siguro puro kalokohan ang tinuturo ko sayo…”
Nailing si Helena. “Akala kasi ni nanay ini-impluwensyahan mo akong mag boyfriend. Pero ‘wag kang mag-alala nakausap ko naman na si nanay tungkol sa bagay na iyan. Nilalambing ka lang nun,” aniya at kumapit sa braso ni Chariz.
Bahagyang nilamig si Helena nang dumampi ang simoy ng hangin sa balat niya. Nililipad din ang buhok niya.
“Sus! Bente singko ka na kaya! Naalala ko turo sa atin noong elementarya tayo, ang tamang edad raw ng pag-aasawa ay bente singko. Pero iyang si Tita akala mo menor de edad ka pa! Kahit pag-boyfriend ay bawal. Hindi naman niya iyon pwedeng ipagkait sa ‘yo…” Napapairap na anito sa kanya.
“Chariz, dadating din ako sa puntong iyan. Sa ngayon ay kaylangan ko na munang unahin ang pangarap nila para sa akin…”
Hindi rin naman kasi nagmamadali si Helena. Sa mga lalakeng nagtangkang manligaw sa kanya ay hindi niya maramdaman doon ang spark katulad sa mga nababasa niyang libro. Kaya ayos lang sa kanya.
“Wala namang pinipiling edad ang pag-ibig, Cha…” aniya pa.
“Kung sabagay! Ako nga ay dese otso nang maglandi,” napapahagikhik na anito.
Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa labas ng simbahan. Patapos pa lang ang naunang misa kaya tamang tama may naupuan pa sila pagpasok sa loob.
Naunang naupo si Helena at nakatitig lang sa altar ng simbahan nang marinig niya bigla ang impit na pagtili ni Chariz sa tabi niya.
“Helena, girl!” Niyugyog nito ang kaliwang balikat niya.
“Bakit?” kunot noo naman niyang tanong.
Nag-uumpisa nang pumasok ang mga tao sa simbahan. Puno na rin ang hanay ng kinauupuan nila Helena kaya mas lalo siyang nasiksik dito.
“Nandito ako sa simbahan para magsimba para mabawasan ang mga kasalanan ko. Pero sa tingin ko ay lalo akong magkakasala nito,” anitong tila dinidiliryo.
“Ayos ka lang ba?” nagtataka nang saad niya. Pulang pula ang magkabilang pisngi ni Chariz.
“Hoy, Cha!” aniya pa.
“Si Fafa Rafael…”
Nang marinig ang pangalang iyon ay kumalabog ang dibdib ni Helena. “B-bakit?”
“N-nasa likuran lang natin si Fafa Rafael! Gosh! Hindi ako makakapag-focus nito sa pagsimba! May tukso sa likod!” anito at impit na napatili. “Sandali at lilingunin ko…”
“Cha! ‘Wag ka ngang obvious,” suway niya pero huli na dahil kausap na nito ang binata.
“Hi, Rafael, pwede ba kaming tumabi sa ‘yo? Siksikan na kasi dito sa pwesto namin. Hindi na makaupo ng maayos si Helena…” walanghiyang saad ng kaibigan niya.
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. “Chariz!” naeeskandalo nang saad niya pero tila walang pake ang kaibigan at kay Rafael lang nakatuon ang atensyon nito.
Kaya naman ay napipilitan siyang lingunin ang binata. Nang gawin niya iyon ay agad na nagtama ang paningin nila. Hindi pa nakatakas sa paningin niya ang kulay asul na suot nitong polo na pinaresan ng maong na pants. Ang lakas ng dating nito. Sa tindig din nito ay agaw atensyon ito doon.
“‘W-wag na. O-okay na kami dito sa upuan namin—“
“Sige…” putol nito sa sasabihin niya.
“Sige daw, Helena. Tara na!”
Napapikit na lang sa inis si Helena nang mauna nang lumipat nang upuan si Chariz sa tabi ni Rafael. Habang siya naman ay napailing na lang.
Wala sana siyang planong lumipat at okay naman siya sa pwesto niya nang umusog pakaliwa si Rafael dahilan upang magkaroon ng espasyo sa pagitan nito at ni Chariz.
“Tara na, girl! Dito ka na!” ani pa ni Chariz.
Pinanlakihan niya ito ng mga mata pero wala siyang nagawa kundi ang lumipat ng upuan dahil hindi rin inaalis ni Rafael ang tingin sa kanya.
Kinindatan siya ni Chariz pagkaupo niya. Napapagitnaan siya ng dalawa. At hindi niya mapigilang mapapikit nang masamyo ang pabango ni Rafael. Aakalain mong hindi ito nagbibilad sa initan dahil sa manly scent nito.
“Hindi pa man nag-uumpisa ang misa pero may biyaya ka na kaaagad na natanggap,” bulong ni Chariz sa kanya.
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Manahimik ka!” pabulong na aniya.
Napabuga siya ng hangin saka umayos ng upo. Pero napakislot siya nag magdaiti ang kaliwang braso niya sa kanang braso ni Rafael.
“S-sorry,” aniya at pilit na nginitian ito.
Tumango naman ito at itinuon na ang paningin sa harap ng altar.
Isang oras ang misa at para kay Helena ay iyon na ang pinakamatagal na sixty minutes na naranasan niya sa buong buhay niya. Pakiramdam niya ay bumagal ang mga oras nang sandaling iyon habang katabi niya si Rafael. Dagdagan pang naco-conscious siya sa tuwing magdadaiti ang balat nilang dalawa. At nang magdaiti ang mga kamay nila dahil sa kantang Ama Namin ay sobrang lakas ng kalabog ng dibdib niya.
Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya. Hindi naman siya ganoon sa ibang tao. Iniisip niya tuloy na baka may sakit siya sa puso bakit ganun mag-react ang puso niya sa tuwing malapit si Rafael.
Hindi niya mapigilang makonsensya dahil wala siyang naintindihan sa sermon ng pari kanina. Parang walang saysay ang pagsimba niya.
“Tara, girl, kain tayo ng fishball at kwek-kwek! Libre ko,” ani Chariz sa kanya pagkatapos ng misa. Hinawakan siya nito sa kamay niya at hinila papalabas ng simbahan.
“Sayang biglang nawala si Rafael. Yayain ko rin sana mag-fishball,” ani pa ni Chariz.
Nailing siya. Mabuti at nauna nang umalis si Rafael. Dahil kung hindi ay baka sugurin na siya sa ospital dahil sa puso niya.
“Asa namang sasama ‘yon sa ‘tin…” aniya at nangibigbalikat.
“Kung sabagay…” Nangibitbalikat din si Chariz. “Pero alam mo, girl, napapansin ko madalas ang mga panakaw na titig sa ‘yo ni Rafael. Hindi kaya may gusto sa ‘yo ‘yon?” panunukso nito.
Nanlaki ang mga mata niya. “A-ano? Hindi ‘yan totoo! Magtigil ka nga, Cha! Baka may makarinig sa ‘yo, makarating pa kay nanay! Nakakahiya!” saad niya dito.
Muli itong nangibitbalikat. “Pansin ko lang naman. Pero may point ka. Kung may gusto iyon sa ‘yo, eh di sana ay matagal ka nang niligawan.”
Nailing na lang siya. Ayaw niyang guluhin ng mga sinabi ng kaibigan niya ang isipan niya.
Matapos nilang kumain ay umuwi na sila. Nauna nang nagpaalam si Chariz dahil sa unahan lang ang bahay nito.
“Sigurado ka ba na hindi na kita ihahatid sa inyo? Baka harangin ka ulit ni Berto,” nag-aalalang anito sa kanya. Nabanggit kasi ni Helena kay Cha ang nangyari kagabi.
“Ayos lang ako, Cha. Sige na. Una na ako.”
Matapos magpaalam ay dumiretso na pauwi si Helena sa bahay nila. Niyakap niya ang sarili nang maramdaman ang malamig na hangin sa balat niya. Labing limang minuto na lang bago mag alas otso. Ginabi na siya dahil natagalan sila ni Chariz kumain ng streets food kanina. Busog na busog din siya kaya paniguradong hindi siya makakapaghapunan nito.
Himala at tahimik ngayon ang mga kapitbahay niya. Walang mga nag-iinuman doon.
Pagdating sa bahay ay dumiretso siya sa kwarto matapos magmano sa nanay at lola niya.
“Mamaya na lang ho siguro ako kakain. Busog pa ho ako,” aniya nang yayain siya ng Lola Constancia niya kumain.
“Sige apo.”
Pagdating sa kwarto imbis na magbihis ay nahiga siya sa kama at saka pinikit ang mga mata. Napabuntonghininga siya, hindi mapigilang isipin ang binatang si Rafael.
Dati naman ay hindi ganito ang nararamdaman niya sa tuwing malapit ito. Pero magmula nang madalas niya na itong mahuling nakatitig sa kanya ay hindi rin mapigilan mag-react ng puso niya. May kung ano sa mga titig nito at ganun na lang naghaharumentado ang puso niya. Para itong nasasabik at kinakabahan.
Kaya hindi niya maintindihan ang sarili niya.
Napailing siya. Hindi niya matukoy kung ano iyon. Ayaw iyon unawain ng puso niya.
Sa kaiisip ay hindi namalayan ni Helena na nakatulog siya. Nang maggising siya ay pasado alas dose na ng hating gabi.
Bumangon siya sa kama dahil na rin sa pagkalam ng sikmura niya. Lumabas siya ng kwarto para magtungo sa kusina. Dinaanan niya muna ang kwarto ng Lola niya. Dahan-dahan niyang hinawi ang kurtika at nakitang tulog na ito pati ang nanay niya.
Maliit lamang ang bahay nila Helena. Dalawa ang kwarto, isa ang banyo, maliit na sala at maliit na kusina. Noon ay magkatabi siya at ang nanay niya sa kwarto. Pero magmula nang tumungtong siya ng dese otso ay humiwalay na ang nanay niya at sa lola na niya ito tumabi sa pagtulog. Bukod kasi sa dalaga na siya, matanda na rin ang lola niya at kaylangan na itong bantayan lalo sa gabi.
Nang masilip ang mga ito ay dumiretso na siya sa kusina saka kumain. Naparami ang kain niya dahil gutom na gutom siya.
Hindi pa naman inaantok si Helena at masamang mahiga siyang busog ang tiyan niya. Kaya napagdesisyunan niyang magpahangin sa labas, habang may malong na nakapulupot sa balikat niya.
Paglabas ay sinalubong siya ng malamig na hangin. Napapikit pa siya dahil presko iyon.
Naupo siya sa tapat ng bahay nila at tiningala ang buwan na nagrerepleksyon ang liwanag sa dagat. Napakatahimik ng gabi. Walang ibang maririnig kundi ang paghampas ng alon ng dagat sa buhanginan.
Hindi pa nakuntento si Helena. Naglakad lakad siya upang mas mapabilis ang pagtunaw ng kinakain niya. Hindi naman siya natatakot na baka may mangyari sa kanya. Hindi naman masama ang mga tao sa Isla Verde. Siguro dala lang ng pagkahiya kaya ganun ang nagawa ni Berto sa kanya noong nakaraan.
“Nagmamakaawa naman ako sa ‘yo oh. M-may gusto ako sa ‘yo—mali, dahil mahal na yata kita.”
Sa sobrang tahimik ng gabi kahit konting kaluskos ay maririnig ni Helena. Kaya natigilan siya nang marinig ang boses ng isang babae na tila desperado na at nagmamakaawa.
“Please Rafael. Mahal na mahal kita…”
Magpapatuloy na sana sa paglalakad si Helena at walang planong intindihin ang naririnig niyang boses nang matigilan siya dahil bukod sa umiiyak na ang babae, nakuha din nito ang atensyon niya sa nabanggit nitong pangalan.
Mabilis na nagtago si Helena sa isang puno ng niyog nang mula pa sa isang puno niyog ay nakita niya ang dalawang bulto ng taong nag-uusap.
Lumakas ang kalabog ng dibdib niya nang makumpirmang si Rafael iyon at si… Monique, isa sa babaeng tinuturing na pinakamaganda dito sa Isla Verde. Katulad ni Helena, laman din ito ng beauty pageant, at isa rin itong public high school teacher kagaya niya. At kadalasan, ito ang first runner up niya.
“Rafael, m-magsalita ka naman. Please sa ‘yo lang ako nagkagusto.” Akmang yayakapin ni Monique ang binata nang humakbang ito paatras.
“Hindi ko masusuklian ang nararamdaman mo. Hindi kita gusto at kaylanman ay hindi kita magugustuhan…” sambit ni Rafael saka iniwan doon ang humahagulhol nang si Monique.
Napasinghap si Helena sa narinig. At nang makita na patungo sa direksyon niya si Rafael ay dali-dali na siyang umalis doon.
Laman ng isipan niya ang mga narinig at nakita niya.
Napailing iling siya.
Napakagandang dalaga ni Monique, morena ang balat, may mahaba at itim na buhok, pinay na pinay ang itsura, may permanenteng trabaho, matalino, at madaming manliligaw. Pero hindi pa rin nagustuhan ni Rafael.
Kaya malabo ang sinasabi ni Chariz sa kanya na may gusto sa kanya ang binata. Imposible iyon. Kasi kung itsura ang pababasehan at katayuan sa buhay, hindi sila nagkakalayo ni Monique.