KINABUKASAN, hindi na nagpakita sa restaurant si Maris. Maaga pa lang, lumuwas na ito para asikasuhin ang pag-a-apply. Hinayaan na ni Annalor ang kapatid. Ipinagamit pa nga niya ang kotse para hindi ito mahirapan sa pagko-commute.
Bumalik siya sa mag-isang pagpapatakbo ng Annalor's. Sa ilang araw na naroroon si Maris, nakasanayan na niya ang presensiya nito. Ang kapatid ang nasa kaha habang iniikot niya ang bawat departamento. Mas nasusubaybayan niya nang husto ang bawat galaw sa kusina.
Meron din naman siyang kahera, si Donna. Pero kapag siya ang naroroon ay inuutusan niya itong makiharap sa mga customer. Mas gusto naman iyon ni Donna. Natural kasi itong magiliw sa mga customer.
Payday nang sumunod na araw at karaniwan nang mas maraming kumakain sa Annalor's kapag ganoong petsa. Nang mag-alas-dose ay wala nang bakanteng mesa. Ang ibang suki nila ay matiyagang naghihintay. Sanay na ang mga ito at nanghihinayang pa nga na hindi naagahan ang dating para hindi nawalan ng mesa.
Abala si Annalor sa pagsusukli nang lapitan siya ni Benny. Ito ang kanyang head waiter at karaniwan ding troubleshooter kapag may dumarating na biglaang problema sa mga customer.
"Ma'am, may customer ho sa labas. Nagde-demand ng bakanteng mesa 'pag may umalis. Meron hong mga waiting sa labas. Ipinaliwanag ko na hong first come, first serve tayo rito pero nagpipilit pa rin."
Nanghaba ang leeg ni Annalor. Nakita niyang may mga customer nga na naghihintay sa labas. Mukha namang hindi naiinip ang mga ito dahil abala sa pagkukuwentuhan, pero alam niyang aalma ang iba kapag pinagbigyan niya ang demanding na customer.
"Nasa sasakyan pa, Ma'am," sabi ni Benny nang akalain nitong hinahanap niya ang sinasabing customer. "Sumakay uli nang malamang puno rito sa loob."
Lumibot uli ang mga mata ni Annalor. Maraming nakaparadang sasakyan. Hindi niya kayang tukuyin kung alin sa mga iyon ang sasakyan ng demanding na customer.
"Ano pa ba ang sabi?" tanong niya kay Benny. "Aalis daw ba kung hindi mapagbibigyan?"
Umiling ang lalaki. "Wala hong sinabi. Basta ang gusto, mabigyan ng bakanteng mesa."
Sinenyasan niya si Donna. "Ikaw na muna ang bahala rito." Pagkatapos, muli niyang binalingan si Benny. "Nasaan ba 'yon? Kakausapin ko."
"'Ayun, Ma'am." Itinuro ng head waiter ang sasakyan nang nasa labas na sila. "'Yong naka-Prado."
Kumabog ang kanyang dibdib. Hindi lang isang customer ang huminto sa restaurant niya na Prado ang sasakyan pero may pakiramdam siyang ito ang customer niya kahapon.
Hindi malaman ni Annalor kung bakit kailangang punuin pa niya ng hangin ang dibdib habang humahakbang palapit sa sasakyan.
"Hello, Miss." Awtomatikong bumaba ang bintana sa tapat ng passenger's seat. "Gusto ko lang sanang tikman uli ang nilasing na hipon," sabi ng lalaki nang ganap siyang makalapit.
Sa isang tingin, mabilis niyang nakitang nag-iisa lang ito at siyang nakaupo sa driver's seat. The man was David Gabriel. Hindi niya makakalimutan ang lalaki dahil hindi na naalis sa kanyang isip ang ginawa nito kahapon.
Gayunman, pinairal ni Annalor ang pagiging negosyante. Isang pormal na ngiti ang pinakawalan niya. "We are flattered na nagustuhan ninyo ang specialty namin, Sir—"
"Just call me Dave," agaw ng lalaki. At bago pa siya nakakilos, nakababa na ito ng Prado at nakaikot na sa gawi niya. Hangin siguro ang nagdala sa kanya ng suwabeng pabango nito. Masarap iyon sa ilong na gusto pa niyang langhapin uli. It was a mixture fragrance of woods and musk.
Inilahad ni Dave ang kamay. "By the way, I'm David Gabriel Almonte. Call me 'Dave' gaya ng tawag ng iba sa akin." Kabaligtaran sa hitsura kahapon, pormal ang suot ng lalaki ngayon—long-sleeved polo with tie. Natanaw ni Annalor ang jacket na naka-hang sa backseat. Katerno ng kulay niyon ang pants na suot ni Dave.
Magalang na tinanggap niya ang pakikipagkamay ng lalaki. It was a firm handshake pero may pakiramdam siyang nagtagal iyon nang kaunti kaysa karaniwan.
"Anna Lourdes Simon," sabi naman niya.
"Anna Lourdes. Annalor's." Tiningala ng lalaki ang panaflex sign ng restaurant. "You are the owner kung hindi ako nagkakamali," may recognition na dagdag nito.
"You're not mistaken," kaswal naman niyang pag-amin.
Napabuga ng hangin si Dave. "You have superb food kaya bumalik ako rito. May one o'clock meeting ako kaya gusto ko sanang makakain na agad." Ngumiti pa ito.
Parang tumigil nang ilang sandali ang t***k ng puso ni Annalor. The man was a charmer. Wala sa tono nito ang pagde-demand. At may ilang sandaling gusto niyang pagbigyan ang hiling nito.
For practical reasons at dahil ayaw niyang mapintasan ng ibang customer kaya inulit niya kay Dave ang paliwanag na sinabi ni Benny. "I hope you could wait for ten minutes I think," sabi niyang sumulyap sa mga kumakain sa loob. "Marami nang mababakanteng mesa no'n."
Tumango-tango ang lalaki. Bagaman may ngiti sa mga labi, nasa mga mata ang disappointment na hindi ito napagbigyan. "I'm starved," sabi nito na parang dumadaing. Sinapo pa ang tiyan.
Napangiti si Annalor. Alam niyang malayo sa pagpapaawa ang kilos ni Dave. Tumingin siya sa loob ng sasakyan. "Do you have companion? Where's your wife?"
Tumawa ito nang mahina, pagkatapos ay umiling. "You mean my twin sister? Nasa Quezon sila ngayon. I'm alone at pabalik sa Maynila."
"If you want, you may eat your meal in my small office. Ipapaayos ko ang mesa roon." My God! I never do this before. Bumaling siya kay Benny. Tumango ang head waiter at iniwan na sila.
"I appreciate that!" parang na-relieve na sabi ni Dave.
Nagsimula silang humakbang papasok sa restaurant. Nilagpasan nila ang maraming mesa. Ang maliit niyang opisina ang tinungo nila. May bilog na mesang pang-apatan doon. Pinaka-conference table niya iyon kapag nagmi-meeting sila ng key personnel. Sa mabilis na kilos ni Benny, naihanda ang mesa para sa isang tanghalian.
Kusa nang naupo si Dave sa isang silya. Noon naman sumunod ang isang waiter. Iniabot kay Dave ang menu card. Ni hindi naman iyon binuklat ng lalaki.
"I want nilasing na hipon, java rice, at sinigang na ulo-ulo. Buco pandan for dessert. At bottled water nga pala."
Inulit ng waiter ang order ni Dave. Nang kompirmahin iyon, tumalikod na ang waiter. Kumilos na rin si Annalor.
"Babalik na ako roon. I hope I made you comfortable here," paalam niya.
"Why don't you join me?" kaswal na anyaya ni Dave pero sapat na ang ngiti nito para mapalunok siya.
Madali naman siyang makatatanggi pero iba ang lumabas sa kanyang bibig. "I'm sorry. You're my customer and—"
"You don't usually share meal with customers," pagtatapos na ni Dave.
Tumango siya.
Tumango rin ang lalaki. "Then consider that I'm no longer a customer. Let's say we're now friends. You saved me from starving and I appreciate that, really."
"I hope not that much. Isipin mo na lang na iniingatan ko ang impresyon ng customers."
"Pero hindi mo ginawa sa mga nasa labas ang accommodation na ibinibigay mo sa akin ngayon," simpleng pahayag ng lalaki, pero nagpainit sa magkabila niyang pisngi.
"I d— Hindi naman sila nag-iisang kagaya mo," pagdadahilan ni Annalor na bahagya pang nautal sa pangangapa ng sasabihin.
"Annalor, can I call you that way?"
Isang tango ang isinagot niya.
"Annalor, why don't we share this meal?" Itinuro ni Dave ang isang silya. "I'm sure hindi ka pa rin nagla-lunch."
"I told you—"
"You don't share meal with customers," agaw uli nito. "Malinaw na sa akin 'yon. Don't treat me as customer. Saluhan mo ako sa lunch."
Gusto ni Annalor na mapabuntong-hininga, pero pinigil niya. She was half-charmed and half-commanded. Bakit parang imposibleng mapahindian ang lalaki?
Naupo siya sa silyang halos katapat ng inuupuan ni Dave. At hindi na niya napigil na mapabuntong-hininga. "If I don't treat you as customer, ibig sabihin hindi ka magbabayad." Idinaan niya sa biro ang sinabi.
Malakas ang tawang sandaling pumuno sa maliit na opisina. "Businesswoman ka nga," amused na sabi nito. "All right, I'll pay you in other means." Naglabas ito ng calling card.
Pamilyar na iyon kay Annalor pero hindi siya nagpahalata. Binasa uli niya ang pamilyar ding impormasyon.
"Call me kung kailan ka may time na pumunta sa resort. You will be my guest."
"Paying guest or not?"
Pati yata mga mata ni Dave ay parang ngumiti nang muli itong tumawa. "Segurista ka, Annalor. Palagay ko magkakasundo tayo. Of course, hindi ka magbabayad kahit magsama ka pa ng dalawa o tatlong kaibigan."
Dumating ang order ng lalaki. "Please provide another plate for her," utos nito sa tonong parang ito ang may-ari ng restaurant. Mukhang natural na natural lang kay Dave ang mag-utos.
At sa halip na mairita sa pagiging bossy ng lalaki, lihim na lang siyang napailing. He was indeed a man of authority.
Walang nagawa ang tauhan ni Annalor maliban sa mapatingin sa kanya. Naroroon ang magkakasamang pagkonsulta, pagtataka, at pagtatanong.
"No, Dave," tanggi pa rin niya at sinenyasan na ang waiter na iwan sila. "I'll leave you. Hindi ko gustong maabala ang pagkain mo." Tumayo na siya pero nahinto sa paghakbang nang pigilan siya ni Dave sa braso.
Kaswal na kaswal lang ang paghawak na iyon pero ramdam ni Annalor ang init na tumulay sa kanyang mga ugat. There were delicious shivers that ran down her spine. Kinalma niya ang sarili at sinikap na huwag magpahalata.
"I'm inviting you. Do I have to beg?"
Hindi malaman ni Annalor ang sasabihin. Isang malaking palaisipan sa kanya na hindi nabawasan ang authority sa boses ni Dave gayong sa tono ay halata namang nakikiusap.
Napatango na lang siya at inabot ang intercom. Her hand was a bit shaking. Hindi rin niya maintindihan kung bakit kailangang mangyari iyon sa kanya. She was always cool and composed, pero ngayon ay nangangamba siyang bigla na lang mawala ang mga iyon.
At iyon ay dahil lang sa lalaking ito!
Kalituhan ang inihahatid ng presensiya ni Dave sa kanya. Parang may kung anong puwersa ang lalaki na humihigop sa kanya para mapasunod sa bawat gustuhin nito.
Tumalikod nang kaunti si Annalor at iginalaw-galaw ang mga daliri. Nang mawala ang panginginig, napakalma rin niya ang pakiramdam. Hindi niya gustong mahalata ni Dave na kung ano-ano na ang emosyong sumasalakay sa kanya sa ilang sandaling nakaharap ito.
Nang may sumagot sa intercom, nanghingi siya ng isang baso ng juice. At hangga't hindi dinadala iyon ay hindi siya naupo sa mesa.
Naaaliw na tiningnan ni Dave ang hawak ni Annalor na baso ng juice. "So, talagang ayaw mong sumalo? That's fine with me. Masaya na akong nandito ka."
Sa halip na kumibo, dinala niya sa bibig ang straw at sumipsip ng juice. Wala siyang maisip na isasagot. Surely, hindi niya aaminin kay Dave na first time niyang ginawa ang bagay na iyon. Accommodating siya sa mga customer pero hindi sa ganoong paraan. At lalong hindi niya kayang sagutin kapag tinanong siya kung bakit.
Magana namang kumain si Dave. Pinanood ito ni Annalor habang halos sunod-sunod ang pagsubo. Mabuti na rin iyon. At least, hindi niya kailangang magsalita.
He was good-looking. Kahit sinong babae ay walang maipipintas dito. He was powerfully attractive, pero may mga kilos na nagpapalambot sa hitsura nito. He had straight nose and his lips were thin. Makinis na makinis ang baba ng lalaki sa balbas na maingat na inahit.
Parang naipon sa mga mata ni Dave ang libo-libong ekspresyon. Nagbabago iyon kapag tumatawa ito. At hindi rin maitatanggi sa mga mata nito ang irritation at disappointment kapag may narinig na hindi nagustuhan.
Nangangalahati na si Dave sa pagkain nang parang maalala nito ang kanyang presensiya. Mabilis naman siyang nag-iwas ng tingin kahit wala namang nahalata ang lalaki na pinagmamasdan niya ito nang husto.
"Whose recipe is this? Kaiba kaysa sa mga naunang natikman ko."
"Sa cook," sagot naman ni Annalor.
"You mean, hindi sa 'yo?" kunot-noong sabi ni Dave na halatang na-disappoint.
"I'm not a cook, really," sabi niyang nagkibit-balikat.
"But you own this." Iginala nito ang tingin sa paligid.
"I know, magtataka ka. Sa kaso ko, hindi ako masyadong marunong magluto pero may interes ako pagdating sa kusina. Idagdag pang management ang forte ko."
"I see." Itinuloy ng lalaki ang pagkain. Nang dessert na ang hinaharap, bumaling uli ito sa kanya.
Parang gustong maasiwa ni Annalor. Cotton blouse na medyo lumagpas lang sa baywang at slacks ang suot niya. Karaniwan nang ganoon ang attire niya sa araw-araw. Headband ang pumipigil sa buhok niyang hanggang balikat ang haba. Wala siyang makeup maliban sa lip gloss. At mukhang wala na ang baby powder na ipinahid niya sa mukha. Bigla siyang na-conscious na baka nangingintab na ang kanyang mukha.
"You're slim," narinig niyang sabi ni Dave. "Ilang beses ka bang kumain sa isang araw?"
"Apat," sagot niya. "At hindi pa kasali roon ang merienda."
"I don't believe you," sabi ng lalaki na napuno ng pagkaaliw ang ekspresyon ng mukha. "Hindi magiging ganyan kaganda ang figure mo kung ganoon ka kadalas kumain."
Natameme si Annalor. Sincere ang tono ni Dave at may palagay siyang hindi ito nambobola. Pero nailang pa rin siya. Hindi siya sanay na makatanggap ng papuri, lalo na sa opposite s*x. At ang kaisa-isang naging boyfriend niya ay hindi ganoon ka-vocal para paulanan siya ng papuri. Corny raw kapag ganoon.
"You're sexy. Aren't you aware of that?" sabi pa ni Dave.
Napangiti si Annalor. "Ikaw lang ang nagsabi sa akin ng ganyan." Bigla ring nawala ang kanyang ngiti. Sa isip, pinagalitan niya ang sarili. She felt she sounded like flirting at hindi siya natural na ganoon.
"Bulag ba ang mga nasa paligid mo?"
Nagseryoso na siya. "Pambobola na 'yan, Mr. Almonte."
"Of course not. And don't be so formal. Feel comfortable. Just call me 'Dave.'"
"Dave, okay," masunurin namang sagot niya. Tumingin siya sa malinis na nitong plato. "Hindi kita itinataboy pero—"
"I know, you have a lot of things to do at may meeting din ako." Uminom ito at tumayo na. "I had a hearty meal, really. Utang ko 'yon sa 'yo."
Ipinakita niya ang card. "Don't think about it. Kapag may panahon kami ng sister ko, pupunta kami rito. She'd been there once. Maganda nga raw."
"That's nice to hear."
Pareho na silang nakatayo. Biglang parang naubusan sila ng sasabihin. Hindi naman maalis ang titig nila sa isa't isa. Parang tumigil ang galaw ng orasan pero pakiramdam ni Annalor ay napakabilis ng t***k ng kanyang puso. Nang magtangka siyang magsalita, kasabay rin iyon ng pagbuka ng mga labi ni Dave.
Nadiskubre nilang wala rin silang sasabihin. Magkasabay na lang silang napailing at tumawa.
"I'll go ahead," paalam ni Dave nang sa tingin ay mapapagaan nito ang namamayaning tensiyon. "Maraming salamat."
"Don't," saway niya. "'Pag tinanggap ko ang imbitasyon mo, lugi ka nang husto."
"Negosyante ka nga. Mabilis kang magkuwenta." Tumawa uli ito. "You're interesting, Annalor. Magkakasundo tayo."
--- itutuloy ---