Alas-onse pa lang ng tanghali, pumarada na sa tapat ng restaurant ang sasakyan ni Dave. Kitang-kita iyon ni Annalor na nakaupo sa kaha. Hindi niya napigilang mapangiti. Parang sa mismong puso nanggaling ang ngiting iyon. Hindi niya maipaliwanag ang biglang pagbaha ng isang uri ng kaligayahan sa kanyang dibdib.
Sinalubong naman kaagad ni Benny si Dave. Halos hindi ito binigyan ng atensiyon ni Dave. Ang mga mata ng lalaki ay nasa direksiyon niya na parang may nagturo dito kung nasaan siya.
Nakita ni Annalor na may sinabi si Dave kay Benny nang ituro ng head waiter ang isang bakanteng mesa. Tiyak ang direksiyon ng mga hakbang ni Dave nang lumapit sa kanya.
"Hi!" He flashed the most gorgeous smile she ever saw in her entire life. "Nalalasing ako sa nilasing na hipon mo kaya inagahan ko ang punta."
Nauwi sa mahinang pagtawa ang ngiti ni Annalor. "Kaya pala." Tiningnan niya ang ilan pang bakanteng mesa. "Hindi ka na magde-demand ng mesa."
Tumango ito. "Right. Pero kung ako ang papipiliin, mas gusto ko do'n sa opisina mo. I had the privacy na siyang kasiyahan ko at idagdag pa ang personal na pakikiharap sa akin ng may-ari."
"That's customer service."
Kunwaring nasaktan ang ekspresyon ng lalaki. "I wasn't a customer then. Remember, hindi naman ako nagbayad?"
"Hindi mo pa rin pala nakakalimutan 'yon."
Nagkibit-balikat si Dave. "Wala pang isang linggo ang nakalipas. Besides, ang utang ay utang. Ako nga ang naghihintay na maningil ka. Anytime welcome ka sa resort."
"Walang holiday rito sa Annalor's. Hindi ko ito maiiwan nang ilang araw. Good for you, hindi magkakaroon ng pabigat ang resort."
"Hey, wala akong sinasabing ganyan. I'm just returning a favor at hindi ko kinukuwenta kung sino ang tumubo at kung sino ang hindi." Iginala ni Dave ang tingin sa restaurant. "May palagay akong smooth-sailing naman ang operation nitong restaurant. Why don't you relax for a few days? Tamang-tama at off season ngayon. Mag-e-enjoy ka nang husto sa Paraiso Almonte at nasa schedule ko ring pumunta roon. Ako pa mismo ang makakapag-entertain sa 'yo."
"You're so grateful, Dave. Pero kahit gusto ko, hindi ko pa magagawa ngayon. Pero huwag kang mag-alala. I will always bear that in mind at sa unang pagkakataong makakalibre ako, iyon ang pupuntahan ko-namin ng sister ko o ng mga kaibigan ko kung papayagan sila ng kanilang mga asawa."
Biglang parang na-miss ni Annalor ang kanyang mga kaibigan. Hindi na kasindalas noong dati ang pagkikita nila. Pareho nang may anak sina Maurin at Kristel. Natural na priority na ng dalawa ang kanya-kanyang pamilya bago ang paglalakwatsa. Hindi niya namalayang lumungkot ang kanyang mukha.
"We have the same dilemma, I think," nakangiting sabi ni Dave. Mas malakas ang boses nito na parang ginigising siya sa malalim na pag-iisip.
"What dilemma?" kunot-noong tanong niya.
"Sometimes, being single is a blessing. Pero kapag nagkaroon na ng sariling pamilya ang lahat ng kaibigan mo, pakiramdam mo masyado ka nang naiiwan."
"Hindi naman ganoon ang feeling ko. Nami- miss ko lang 'yong dati naming samahan."
"Hindi mo naiisip na gumaya na rin sa kanila?" kaswal na tanong ni Dave.
Umiling si Annalor. "Kahit naman gustuhin ko, imposible-" Natigil siya nang makitang may naglalarong ngiti sa mga mata ng lalaki. Kulang na lang matakpan niya ang bibig. Sa hindi halatang paraan, nalaman nito ang ilang impormasyon tungkol sa kanya. "You tricked me!" Bagaman mahina, hindi maikakaila ang pag-aakusa sa boses niya.
Ngumiti lang si Dave at nagkibit-balikat. "Bakit ko naman gagawin 'yon kung kaya ko namang itanong nang direkta?" pabale-walang sagot nito. "But then, pinatunayan mo na sa bibig madalas nahuhuli ang isda."
Idinako ni Annalor ang tingin sa pintuan. May nagdatingang grupo ng customers. Alam niyang ilang sandali pa, muling maookupa ang mga mesa.
"Baka maubusan ka ng mesa," marahang taboy niya sa lalaki.
Tumango si Dave. "Oo nga pala. I'll pay this time, Annalor. At ayoko nang pagtalunan pa natin ang tungkol sa bagay na ito."
Sinundan na lang niya ng tingin ang papalayong hakbang ng lalaki. Palihis sa kanya ang pinili nitong mesa at patalikod pa sa kanya ang inupuang silya. Hindi niya alam kung ayaw ni Dave na makita siya habang kumakain o ayaw nitong maasiwa na mahuli nitong tumitingin siya.
Sa huling naisip, napaismid si Annalor. Pansamantalang inilagay niya sa likod ng isip ang presensiya ni Dave at inabala ang sarili sa kaha.
Nagulat pa siya nang muling lumapit si Dave at ito mismo ang tahimik na nag-abot sa kanya ng gold card. Wala ring kibong kinuha niya iyon. Tapos nang pirmahan ng binata ang resibo nang basagin nito ang katahimikan sa pagitan nila.
"I don't want you to think that I'm unfair, Annalor," marahang sabi nito, puno ng diplomasya ang boses. "I want to inform you some things about myself."
Naglabas si Dave ng ilang identification cards, inilapit sa kanya at binigyan siya ng pagkakataong basahin iyon.
Binasa naman iyon ni Annalor, unaware kung ano ang motibo ng lalaki. Ang isa ay ID ng resort, showing that he was indeed the general manager. Ang isa, ID ng Almonte Group of Companies; nagpapakita ng mataas na posisyon sa kompanya; at ang isa pa ay ID sa isang prestigious golf club.
Pero hanggang sa ibalik ni Annalor ang mga ID ay hindi niya mahulaan kung ano ang pakay ni Dave. "Why are you doing this?" hindi nakatiis na tanong niya.
Seryosong tumitig ito sa kanya. Gumuhit ang pagtataka nang mukhang hindi pa rin niya nahulaan ang gusto nito-na totoo naman.
"Simple lang, Annalor. Those identification cards, aside from the obvious details also show my civil status. I am single at matapat kong sasabihing sa iyong wala akong commitment kahit na kaninong babae."
"And?" Parang gustong huminto sa pagtibok ang kanyang puso. Noon pa lang siya may nabuong ideya at hindi niya maisip kung bakit parang gusto niyang magdiwang.
"I told you before, you're interesting. And now I'm telling you frankly, interesado ako sa iyo."
"HE LOOKED serious, Ate." Bigla-bigla na lang nagkomento si Maris.
Dalawa lang silang magkasalo sa hapunan-o mas dapat nang tawaging midnight snack dahil hatinggabi na at French toast lang naman ang pinagsasaluhan nila. Pero para sa kanilang magkapatid, hapunan iyon dahil kaninang tanghali pa ang huling kain nila.
Nahinto ang paghigop ni Annalor ng kape. "Paano mo nasabi 'yan?"
"Mas magaling ba akong bumasa ng kilos ng ibang tao kaysa sa iyo?" balik-tanong ni Maris. Hindi pa ubos ang isang slice ng French toast nito. Kahit kailan, para itong ibon kung kumain. Kakatiting at palaging fruit juice ang iniinom.
"Iilang beses mo pa lang nakita si Dave, ganyan na ang sinasabi mo," sa halip ay sagot niya.
"Matalas kasi ang pakiramdam ko. He's in love with you, no doubt about that."
"Really?" patuya niyang reaksiyon. "Well, sa iyo ko 'yan unang narinig imbes na sa kanya."
Namilog ang mga mata ng kapatid. "I can't believe this! Iyong personality na 'yon ni Dave, hindi pa nakukuhang magtapat sa iyo hanggang ngayon?"
"Shut up! Bakit ba kung magsalita ka, para namang taon na mula nang makilala ko 'yong tao? Mahigit isang buwan ko pa lang siyang kilala," depensa ni Annalor.
"That's it!" At gaya ng kanyang inaasahan, pumitik pa sa ere si Maris. Mannerism na iyon ng kapatid. Na parang isang napakahalagang bagay ang natuklasan kapag halos mapatalon pa.
"Puwede ba, Maris, tigilan mo ako. Hatinggabi na. Maaga pa akong gigising bukas."
"Not me. Tomorrow's Sunday at off ko. Sarap namang magpatanghali ng gising!" Parang nang-iinggit pa ang tono nito.
"Goodnight. Iligpit mo 'yan." Tumayo na siya para iwan ang kapatid.
"Wait! Balik tayo sa sinasabi ko, Ate. 'Yong more than a month na lumalabas kayo ni Dave, matagal na nga 'yon sa standard ngayon."
"What standard?" istriktang sabi ni Annalor. Tumalim ang tingin niya sa kapatid. "Maria Stella, baka kung anong kalokohan na ang ginagawa mo na hindi ko alam!"
"Ehem! Hindi ako ang pinag-uusapan dito kundi ikaw. Here we go again, kung saan-saan mo na naman ibinabaling ang topic kapag ikaw na ang pinag-uusapan. I know you, Ate, more than Maurin and Kristel know you. May gusto ka rin kay Dave. If I were you, ako na ang magmo-motivate kay Dave para masabi niya sa 'yo 'yong dapat na sabihin."
Napahumindig si Annalor. Mamamatay muna siya bago gumawa ng unang hakbang.
"Hindi ko naman sinasabing ikaw ang magtatapat, Ate," sabi ni Maris na parang nabasa ang nasa isip niya. "Ang punto ko lang, medyo maging flexible ka naman. Masyado kang reserved. Hindi ka pa naman matanda. Nagka-boyfriend ka na nga before. Hindi ko naman maintindihan kung bakit ganyan ka ka-stiff ngayon. Na-traumatize ka ba?"
Pumormal siya. "Enough. Clear the table at matulog ka na rin."
Sa halip na maapektuhan, tumawa pa si Maris. "See, hindi nga ako nagkamali. Talo mo pa si Miss Minchin sa hitsura mong 'yan. You can be lovable, Miss Anna Lourdes Simon. If you won't, then you are missing an opportunity of a lifetime!"
Nang mahiga si Annalor, hindi siya pinatulog ng mga binitiwang salita ng kapatid. An opportunity of a lifetime nga ba si Dave?
Ganoon ba kalakas ang dating ng presensiya nito? Parang agos ng tubig na dumaloy sa kanyang alaala ang mga paglabas nila. Hindi na niya mabilang ang pagkakataong tinanggap niya ang invitations ni Dave. At noon niya nakitang magaling magdala ng date ang binata.
Hindi nakakulong si Dave sa isang tipo ng date. Hindi yata ito mauubusan ng ideya pagdating sa pakikipag-date. Akala ni Annalor, mauubusan siya ng damit para sa mga formal date, pero pagkatapos nilang mag-dinner sa isang five-star hotel, adventurous naman ang naging date nila.
Buong araw silang nag-hiking sa Bundok Makiling. Noong una, hindi siya pumayag dahil hindi niya maiwan ang restaurant. Pero nakuha na ng binata ang loob ni Maris. Nagsabwatan ang dalawa para si Maris ang mag-manage ng restaurant at nang hindi siya makatanggi.
Nang umuwi, tulog kaagad si Annalor nang ilatag ang katawan. Pero gaano man ang naging pagod, hindi iyon mahahalata sa ngiti sa kanyang mga labi na mukhang nadikit na roon hanggang sa mga sumunod na araw.
At ang isa pang nakasorpresa sa kanya ay nang mag-date sila sa Megamall. Sinusubukan lang niya si Dave nang tanungin siya ng binata kung saan niya gustong kumain at hindi niya akalaing papayag ito.
Sa foodcourt nag-aya si Annalor. Nasorpresa pa nga siya nang makitang mas magana pa si Dave sa kanya nang magsalo na sila.
"Hindi mo nagustuhan ang order mo?" tanong ng binata nang halos hindi niya magalaw ang kanyang pagkain.
Abala si Annalor sa panonood dito na parang noon lang nakakain ng adobong pusit at sunod-sunod ang pagsubo.
"Hindi ka ba napilitan lang na kumain dito?" sa halip ay tanong din niya.
"Ano sa palagay mo?" napapangiting balik-tanong nito. "Hindi ako tatagal sa isang lugar kung hindi ko gusto. Much more 'yong makakain pa nang ganito kagana."
"I thought-"
"Mali ka ng akala," agaw na agad ni Dave. "Cowboy ako, kung hindi mo pa nahahalata. Kumain ka nang kumain. Mamaya, matagal na naman tayong mag-i-stroll."
Pareho silang walang-kapaguran na libutin ang lahat ng level sa Megamall. From Building A to Building B ay wala silang pinalagpas. Kapag na-curious sa isang stall, papasok at mag-uusyoso.
Matalas ang pakiramdam ni Dave. Alam nito kapag gusto ni Annalor ang isang item at mabilis nang babayaran iyon. Bale-wala ang anumang pagpigil niya sa lalaki. Sa bandang huli, ni ayaw na niyang sumulyap sa iba pang puwesto.
Nag-e-enjoy si Annalor sa kahit anong klase ng date nila ni Dave. Wala siyang reklamo gaano man kapagod kapag umuwi na. Minsan, inaabot siya ng hatinggabi kapag nag-barhopping sila pero magaan pa rin ang katawan niya paggising sa umaga.
Na-realize ni Annalor na kahit gaano siya ka-occupied sa restaurant, kaya niyang maglaan ng oras kapag nag-invite si Dave. Kahit gustong magpakipot at tumanggi minsan, bigla na lang tinatangay ng hangin ang kanyang plano.
Natatagpuan na lang ni Annalor ang sariling pumapayag sa invitation ng binata. At mabilis niyang iaayos ang sariling schedule para maisingit ito.
At nang mga huling araw, kusa na siyang naglalaan ng oras para sa mga hindi inaasahang pag-i-invite ni Dave na lumabas sila. Natutuhan na niyang magpasa ng ilang responsibilidad sa mga pinagkakatiwalaang staff para gumaan ang sarili niyang trabaho.
She was having fun going out with Dave. At kahit kahahatid pa lang nito sa kanya mula sa isang date, parang hindi na siya makapaghintay sa susunod nilang date.
But Maris was right. Hindi ibig sabihin ng paglabas-labas nila ni Dave ay nagkakaintindihan na sila. Wala silang pinag-uusapan tungkol doon.
At sa sarili, naghihintay si Annalor na buksan ng binata ang paksa kung ano nga ba ang relasyon nila sa isa't isa. They were holding hands for a number of times at parang natural na iyon sa kanila. Pero maliban doon, hindi na nagkakaroon ng mas intimate na kilos sa pagitan nila.
Still, she wanted to know kung mag-ano nga ba sila.