Regular nang customer ni Annalor si Dave pagdating ng tanghalian. Hindi na rin kailangang itanong ng waiter ang order ng binata. Iyon at iyon din ang ino-order nito. Maging sa dessert ay iisa ang gusto. Kung minsan nga, siya na ang nagsa-suggest ng ibang putahe pero mukhang hindi niya ito mapagbabago ng isip.
At hindi papayag si Dave na hindi magbayad ng kinain. Sa partikular na araw na iyon, ipinaubaya ni Annalor kay Donna ang pag-upo sa kaha. Nang matanaw na pumarada ang sasakyan ni Dave, sinenyasan niya ang nabilinan nang waiter.
Tumango ito at kumilos na papunta sa kanyang opisina.
“Hi!” masiglang bati ni Dave nang si Annalor mismo ang sumalubong.
“Hello!” ganti naman niya. Pagkatapos, parang pareho silang naubusan ng sasabihin.
Si Benny na nakamasid sa kanila ay hindi na nagtangkang lumapit.
“Same order.”
“Same order?”
Halos nagkasabay sila ni Dave na sabihin iyon. May ilang sandaling napako ang tingin nila sa isa’t isa bago kapwa napangiti na nauwi rin sa mahinang tawanan.
“Do’n tayo sa office ko,” anyaya ni Annalor nang humakbang na sila papasok.
Magkahalong pagtataka at kasiyahan ang gumuhit sa mukha ng binata, pero hindi na nagtanong. Nang bumungad sila sa opisina, kompleto na ang table setting. Ilang sandaling napako ang tingin ni Dave sa dalawang plato.
“You’re joining me?” parang di-makapaniwalang tanong nito.
Nagkibit-balikat siya. “Let’s say, you are not a customer today.”
“That means this will be free,” pabirong sabi ng binata.
On instinct, hinawakan siya nito sa siko at hinila palapit sa isang silya. Like an every inch gentleman, iniisod ni Dave ang silya para makaupo siya. It was the same gesture kapag lumalabas sila but the feeling she had inside was never the same.
Parang hindi mapakali ang bituka ni Annalor sa tamang kalagyan. Ni hindi niya makuhang tumingin sa binata na umuupo sa silya nito. Noon niya ina-analyze kung tama nga ba ang kanyang ginagawa. At hindi pa man, parang gusto na niyang magsisi na nagpadala siya sa mga sinabi ni Maris.
Hanggang sa i-serve ang mga pagkain, walang-kibuang namagitan sa kanila. Gusto sana ni Annalor na hainan si Dave ng iba namang putahe pero hindi niya gustong masira ang mood nito sa pagkain kung sakaling hindi magustuhan ang ibang luto.
WALANG maisip na sabihin si Dave. Iba ang tingin niya sa kilos ni Annalor. Parang punong-puno ng tensiyon. Hanggang sa pagsaluhan nila ang nakahain, halos hindi kumibo ang dalaga.
Ang isang kamay niya ay may kinapa sa bulsa ng suot na pantalon. Kagagaling lang niya sa isang jewelry store. Isang singsing ang binili niya at balak na ibigay kay Annalor.
Ang plano ni Dave, sasaglit lang sa restaurant ng dalaga. Iimbitahin para sa isang formal dinner na nauna na niyang pina-reserve sa Manila Peninsula. Pero nang makitang ito mismo ang sumalubong sa kanya, nagbago na ang isip niya. Parang nagprotesta ang mga bituka niya at nasabik na matikman ang specialty ng restaurant.
Parang may nakatagong kahulugan sa bawat kilos ni Annalor. He knew it, pero hindi naman niya kayang tukuyin. Hindi rin niya maunawaan kung bakit parang hindi mawala-wala ang tensiyon sa pagitan nila.
Halos hindi nabawasan ang laman ng plato ng dalaga. Tuloy ay nahawa siya. Parang nawalan ng lasa ang mga paborito niyang putahe. Nang minsan pang sulyapan si Annalor, nagpapahid na ito ng tissue paper sa mga labi. Nakita niya ang bahagyang panginginig ng kamay nito.
DAMN! sigaw ng isip ni Annalor. Kinokontrol niya ang panginginig pero parang may sariling isip ang kamay at ayaw siyang pakinggan.
Pinigil niya ang mapahugot ng malalim na hininga kahit alam niyang malaki ang maitutulong niyon para pakalmahin ang sarili.
“Anna...”
Muntik na siyang mapasinghap sa boses na iyon ni Dave. Sa mga lumipas na araw, nakasanayan na niya ang pagtawag ng binata sa mas pinaikli niyang pangalan.
“Y-yes?” sagot niyang parang hinahagilap ang boses.
Parang pabuga na inilabas ni Dave ang hangin mula sa dibdib bago nagpasyang tumayo at lumapit sa kanya.
Kulang na lang, ilubog ni Annalor ang sarili sa kinauupuan. Mahigpit na magkasalikop ang kanyang mga kamay. Hindi man intensiyon, unti-unti siyang napapayuko habang lumiliit ang distansiya sa pagitan nila.
Ganoon na lang ang pagpitlag niya nang dumantay ang kamay ng binata sa kanyang balikat.
“Is there something wrong?” masuyong tanong ni Dave.
Halos mahiling ni Annalor na bumuka ang lupa at lamunin siya nang buo. Hindi pa niya naranasang malagay sa ganoong kahihiyan. At nang mga sandaling iyon, wala siyang ibang nasa isip maliban sa sisihin ang sarili sa pag-consider ng suggestion ni Maris.
Kung hindi niya iyon pinag-isipan, hindi sana siya malalagay sa nakakailang na sitwasyon. Pakiramdam niya, wala na siyang maililihim pang damdamin kay Dave.
Ramdam na ramdam ni Annalor ang pagkakalapit nila. Kung tutuusin, sapat ang distansiyang nasa pagitan nila pero hindi niya maipaliwanag kung bakit parang may napakalakas na puwersang bumabalot sa kanya.
Halos hindi na siya humihinga at walang kamalay-malay na halos magdikit na rin ang kanyang baba at leeg sa sobrang pagkakayuko.
Nandoon ang paglaban ng tensiyon nang magtangka si Dave na iangat ang kanyang mukha. Magaang-magaan ang daliri nitong humaplos sa kanyang baba.
“Anna,” muli ay masuyong sambit ng binata, halos pabulong.
Mainit na mainit na ang pakiramdam ng magkabila niyang pisngi. Lalong wala siyang lakas para salubungin ang tingin ni Dave. Nang mapagtagumpayan nitong maiangat ang kanyang mukha, mariin naman siyang pumikit.
“Anna,” he softly urged. “Tell me, may problema ba?”
Iling ang kanyang isinagot.
Narinig niya ang mahinang reaksiyon ni Dave bago ang paghila ng silyang malapit sa kanya at naupo. Ang kamay na nakahawak sa kanyang baba ay lumipat sa kanyang kamay. Dalawang kamay na nito ang humawak sa magkasalikop niyang mga palad.
“Why don’t you tell me?”
Inipon ni Annalor ang lakas ng loob at sinalubong ang tingin ni Dave. Noon lang niya natuklasan kung gaano kaliit ang distansiyang itinira nito sa kanilang mga mukha.
Lalo niyang napigil ang paghinga. May palagay siyang kapag sumagap siya ng hangin, mismong hininga ng binata ang kanyang malalanghap.
“Iwan mo na lang ako, please.” Halos magmakaawa ang boses na lumabas sa kanyang bibig.
“No,” mahinang tanggi ni Dave, sabay iling.
“Oh, my God!” Dala ng tensiyon at kahihiyan, nakuha ni Annalor na bawiin ang mga kamay na hawak ni Dave at itinakip sa kanyang mukha. At nang mariing pumikit, naramdaman na lang niya ang pag-alpas ng mainit na likido sa sulok ng kanyang mga mata.
Kinabig siya ni Dave at dinala sa dibdib. Wala nang pakialam si Annalor kung magmukha man siyang tanga sa paningin nito. Nang tumulo ang kanyang mga luha, parang wala nang katapusan iyon at hindi niya mapigil.
May ilang sandali rin siyang humikbi sa dibdib ni Dave bago nagtangkang lumayo. Pero bago siya nakawala sa dibdib ng binata, muli siya nitong niyakap. At sa pagkakataong iyon, pangahas na humaplos ang mga kamay nito sa kanyang likod.
“Dave, no!” mahinang protesta niya.
“Anna.” Masuyo nitong iniangat ang kanyang mukha. “Explain everything. Makikinig ako.”
Sunod-sunod ang pag-iling ni Annalor. Kasabay niyon, ang pagtatangkang makalayo sa binata pero parang bakal ang kamay nitong kumulong sa kanya.
“Come on,” udyok nito.
“No, Dave,” sabi niyang may kasama pang paghikbi. “Please, iwan mo ako. Gusto kong mapag-isa.”
Muling umiling si Dave. At mas determinado ang kilos na hindi siya iiwan. “Not until you explain everything, Anna. You puzzled me at hindi rin ako mapapakali hangga’t hindi ko naiintindihan ang lahat.”
“Oh, Dave! Hindi mo ako maiintindihan. Iwan mo na lang ako, please,” nagmamakaawa nang sabi ni Annalor. Hindi na niya matandaan kung ilang beses na niyang nasabi ang mga salitang iyon, pero mukhang wala namang epekto sa lalaki.
Parang may magnet ang mga titig ni Dave sa kanya. Ilang segundo ang naghari sa pagitan nila at walang bumabasag doon maliban sa paminsan-minsan niyang paghikbi.
“Gusto mong ako ang magpaliwanag sa `yo ng lahat, Anna?” pabulong na tanong nito.
Bago pa niya makuhang tumango, tuluyan nang nawala ang maikling distansiya ng kanilang mga mukha.
Kung tutuusin, dahan-dahan ang pagkilos na ginawa ni Dave. Parang binigyan pa siya ng pagkakataon na makatutol. Pero hinintay lang niyang lumapat ang mga labi nito sa kanya.
His lips were warm and soft. Masuyo ang paghalik ni Dave sa mga labi niya. Bawat segundo, nagbibigay sa kanya ng pagkakataong kumawala pero nanatili siyang hindi kumikilos.
Ipinikit ni Annalor ang mga mata habang hinahayaan ang mga labi ni Dave na unti-unting gumagalaw sa kanyang mga labi.
Tuluyan nang nakulong ang mga hikbi sa kanyang lalamunan. Nalunod iyon ng sensasyong dulot ng paglalapat ng kanilang mga labi.
His lips were tasting and licking. Kagaya ng isang pitik ng mga daliri, parang may button na napindot sa kanyang katawan at bigla na lang, naging sensitive ang senses niya sa bawat galaw ng mga labi nito.
Sa isang paghinga ni Annalor, nagkaroon ng awang ang kanyang mga labi. His tongue delved at halos mapamulagat siya sa panibagong sensasyong naramdaman.
“Dave!” Pinaghalong protesta at pagkagulat ang nasa boses niya nang magkaroon ng pagkakataong maiiwas ang mukha mula sa binata.
“You love me,” mahinang sabi ni Dave pero naroroon ang buong kumpirmasyon.
“Dave?”
Isang mahinang tawa ang pinakawalan ng binata bago siya tuluyang pinakawalan. Kung tutuusin, hindi naman siya nakawala. Niluwagan lang nito ang pagkakahapit sa kanyang baywang para hindi siya masyadong mahirapang huminga. Pero sa katayuan ni Annalor, ang pagkakalapit nila nang ganoon ay sapat na para mawala sa normal ang kanyang paghinga.
“Keep on whispering my name, Anna. It’s like music to my ears.”
“Dave...” Unconsciously, muling lumabas sa kanyang mga labi ang pangalan ng binata. It made him flash another smile, pero dahil nananatili siyang nalilito sa sitwasyon, hindi niya iyon namalayan. “I don’t think you’re right.”
“Gusto mo bang patunayan ko uli `yon?” tanong nito na may kahalong paghamon at panunukso.
Napako ang tingin niya kay Dave. Isang ngiti ang sumilay rito bago siya muling kinabig. His soft, gentle kiss turned into hard and demanding kiss. At sa malaki niyang pagtataka, para pa iyong naging mitsa na lalong maging sensitive ang kanyang pandama.
Minsan pang nagtama ang kanilang mga tingin. She was well-aware of those delicious movements na halos ikadurog ng kanyang mga buto. At halos mapugto ang kanyang hininga sa paraan ng paghalik ng lalaki.
The kiss seemed never-ending. Bahagyang titigil para lalong palalimin ang halik.
May pakiramdam si Annalor na nalipat na sa ibang puwesto ang kanyang puso at nag-malfunction na sa pagtibok. Kulang na lang higupin ni Dave ang lahat ng hininga niya. Bukod pa roon, parang nilulusaw na nito ang lahat ng kanyang depensa sa katawan.
May init din ang bawat haplos ng mga kamay ng binata sa likod niya. Nakadagdag iyon sa mumunting apoy na dahan-dahang sumisiklab sa kanyang pakiramdam.
Unti-unti ring natutuhan ni Annalor kung paano sumagot sa mga halik ni Dave. Dinig na dinig niya ang pabulong na pagtawag nito sa kanyang pangalan nang simulan niyang tugunin ang bawat galaw ng mga labi nito.
Umakyat na ang kanyang mga braso sa leeg ng binata. Para na siyang tinangay ng ipuipo at wala na sa kasalukuyan ang isip niya. Pero nabasag ang masarap na sandaling iyon nang gumalaw ang pinto.
Nang dumilat si Annalor, nandoon pa rin sa siwang ng pinto ang gulat na anyo ni Donna.
“I’m sorry,” sabi nito at nagmamadaling makaalis.
Parang napaso si Annalor na humiwalay sa yakap ni Dave. Sunod-sunod ang ginawa niyang pagpuno ng hangin sa dibdib. Hindi malaman kung ano ang unang iisipin.
“Wala kang dapat ikatakot,” kaswal na sabi ni Dave na mukhang hindi apektado na may nakakita sa kanila.
“Ano na lang ang sasabihin ng mga empleyado ko?” puno ng pag-aalalang sabi niya.
“I’ll marry you.”
Bigla ang pag-angat ng tingin niya sa binata. “Nagbibiro ka,” sabi niya kahit seryoso ang ekspresyong nakita sa mukha nito. “Hindi mo gagawin `yon dahil lang may nakakita sa atin.”
Bahagyang tumango si Dave. “You’re right. Hindi ko talaga gagawin `yon dahil lang iniisip ko ang sasabihin ng ibang tao. Gagawin ko `yon dahil gusto ko... dahil desidido ako.”
“Dave?” Puno ng pagtatanong ang tono ni Annalor.
Kinuha nito ang kanyang kamay at masuyong hinalikan ang likod ng palad niya. “I love you, Annalor. Pareho lang tayo ng nararamdaman.”
Napasinghap siya. Alam niyang hindi na maikakaila ang nararamdaman pero hindi iyon nangangahulugan na totoo rin ang deklarasyon ni Dave.
May singsing na inilabas ang binata mula sa bulsa ng pantalon. Bahagya lang na umagaw sa atensiyon niya ang pagkislap ng brilyanteng nakatampok doon. Napalitan ang pag-iisip niya ng doble pang pagkagulat.
“Dave?” parang namamalikmatang sabi ni Annalor.
“Wala ka na bang ibang sasabihin kundi ‘Dave’?” sabi ng binata sa nanunuksong boses at kinuha ang kanyang kamay. “Let me see. Nang bilhin ko ito, sigurado akong babagay sa daliri mo.”
Parang may init na bumalot sa kanyang puso nang tuluyang maisuot sa daliri niya ang singsing. Napatitig siya sa singsing at kahit nakakasilaw ang brilyante, parang wala sa halaga niyon ang kanyang atensiyon. Mas lumulunod sa pakiramdam niya ang kahulugan ng singsing.
“Totoo ba `to, Dave?” may agam-agam na tanong ni Annalor.
“Wala ka nang dapat pagdudahan, Anna. I’m planning to invite you tonight. Pero pinadali lang ng tanghaliang ito.”
Pakiramdam niya, uusok ang magkabila niyang pisngi sa kahihiyan. Mabilis na bumalik sa alaala niya ang lahat ng tensiyong namagitan sa kanila.
Kinabig siya ni Dave pagkatapos halikan sa mga labi. “There’s no need to be ashamed, darling. Pabor naman sa ating pareho ang ginawa mo.”
“Parang hindi pa rin ako makapaniwala, Dave. This is so soon.”
“So what? We’re not getting any younger. Lahat ng puwedeng mangyari nang mabilis ay hindi na pinalalampas.” Bahagya siya nitong inilayo. “Kung puwede lang, hindi na kita iiwan, Anna. But I have very important things to do. Susunduin kita mamayang seven o’clock. Ang supposedly proposal dinner, gagawin nating celebration. Ano ang masasabi mo?”
“Oh, Dave! I’m speechless.”