“SIR?” back to Savana ulit ang boses niya. Lumayo siya ng bahagya sa kama dahil baka mahablot siya nito.
“Tinatanong ko kung sino ka? Ngayon lang kita nakita dito. Papaano ka nakapasok dito sa kuwarto namin?” maaskad at sunod-sunod pa rin nitong tanong. Nasa mukha ang pagkadisgusto sa kanya. Nalukot ang mukha nito at iginalaw-galaw ang panga. Mukhang nararamdaman na nito ang suntok niya. “f**k! Bakit parang may sumuntok sa akin. Ang sakit ng panga ko ah.” Mahinang sabi nito na tila sa sarili lang sinasabi.
Lihim siyang nagdiwang saka kiming ngumiti. “A-ako ho si Savana Sir. Iyong bagong recruit na katulong ni Ma’am Melissa. Ang sabi po niya ay nabanggit na raw ho niya ako sa inyo.” Nagpa-cute siya rito sa pamamagitan ng pagtataas ng dalawang balikat at pag-ipit ng ilang hibla ng buhok sa kanyang teynga.
Muli itong tumingin sa kanya. “Ikaw si Savana? Iyong tumulong sa kanya kahapon sa Baclaran?”
“Tumpak Sir! Ako nga ho.” Matamis siyang ngumiti rito.
Pinagmasdan muna siya nito mula ulo hanggang paa bago ito nagsalita. “Ganyan ba talaga ang itsura mo? Puta! Ang daming puwedeng kuning katulong ng asawa ko pero bakit ganyan pang itsura ang nakuha niya. Pangit na nga si Gracia, dinagdagan pa niya ng isa pang pangit.” Nang-uuyam na bulalas nito saka nakailing-iling.
Muntik niya itong singhalan kundi lang niya napigilan ang sarili. Ang sama talaga ng ugali nito pati tabas ng dila. Tila mas lalo pang sumama pagkalipas ng ilang taon. Mabuti nalang talaga at mabuti si Melissa kundi ay impiyerno na ang bahay na iyon.
Kunwa’y nasaktan siya. “Oho Sir. Ganito na ho talaga ang itsura ko. Pero ikaw naman Sir, masyado kang palabiro.” Pinili niyang bigyan ito ng plastic na ngiti. Kahit ang totoo ay gusto na niya itong iwasiwas sa labas ng bintana.
Umasim ang mukha nito. “Huwag kang magpapa-cute sa akin, hindi kita papatulan, leche! Anong oras na ba?” ipinilig-pilig nanaman nito ang ulo at iginagalaw ang panga. “Puta! Bakit ganito ang pakiramdam ko? Parang may sumuntok talaga sa akin ah.” Matalim siya nitong tiningnan. “Ikaw ba ang sumuntok sa akin?”
Namilog ang mga mata niya. “H-Ho? H-Hindi ho Sir. B-bakit ko naman ho kayo susuntukin? E ang lampa-lampa ko nga ho.” Mabilis niyang depensa. Hindi nawala ang talim ng tingin nito sa kanya. Para pa itong nagdududa. “Pasado alas dose na ho, Sir. Bilin pala ni Ma’am Melissa kina Gracia na gisingin kayo kapag tulog pa kayo ng pasado alas dose na. Umalis ho kasi si Ma’am eh.” Pag-iiba na niya sa usapan.
“Nasaan ba si Gracia?”
“Nasa kusina ho. Inaayos ang tanghalian niyo.” Mahinang sagot niya.
Pumalatak ito. “Sa susunod huwag kang papasok dito ng basta-basta sa kuwarto naming mag-asawa ng walang pahintulot ha. Bago ka palang dito. Hindi ko alam kung anong ugali meron ka. Malay ko kung magnanakaw ka.”
Sunod-sunod siyang tumango. “Masusunod po. Abala lang po kasi sa kusina si Gracia kaya ako na ang pinaakyat niya rito.”
“Hindi ko kailangan ng paliwanag mo!” Singhal nito sa kanya. “Ano pang itinanga-tanga mo riyan? Umalis ka na sa harap ko!”
Napaiktad siya sa lakas ng boses nito. “E w-wala na ho ba kayong ipag-uutos?”
“Wala na. Umalis ka na sa harap ko bago pa tuluyang masira ang araw ko.” Taboy nito sa kanya.
“S-Sige ho.” Nakayukong tumalikod na si Ava. Pero sa pagkatalikod niyang iyon ay sinigurado niyang makikita nito ang likuran ng kanyang mga binti.
“Sandali!” narinig niya ang boses ni Marco.
Lihim siyang napangiti. Hindi pala papatulan ha. Kainin mo ang mga sinabi mo. Humarap siya rito. “B-bakit po sir?”
“Tumalikod ka nga ulit.” Utos nito.
Tumalima naman siya. Tumalikod siya at sandaling tumayo. Hindi ito nagsalita ng ilang segundo. Sa pagkakataong iyon ay alam niyang nakatitig na ito ngayon sa binti niya. Naglaro ang kislap ng tagumpay sa kanyang mga mata. Bahagya siyang lumingon dito.
“Sir?” kunwa’y untag niya rito. “M-May problema ho ba?”
“Halika dito.” Sumenyas itong lumapit siya.
“Bakit ho?”
“Basta lumapit ka dito. Bilisan mo. Dito ka sa tapat ko. Bilis!”
Lumapit nga siya rito. Pagtapat niya sa kama ay tumigil siya.
Umisod ito palapit sa kanya. “Tumalikod ka ulit.” Anitong hindi pa rin umaalis sa kama pero magkalapit na sila.
“B-bakit ho Sir?”
Hindi na ito sumagot. Naramdaman niya ang balat nitong humahagod sa kahabaan ng kanyang binti. Ang mga daliri nito ay naglalandas na ngayon sa kanyang balat. Una sa itaas pababa pagkatapos ay umakyat ulit ang mga daliri nito. Kasunod niyon ay naramdamam niya ang pagkakatanggal ng inipit niyang laylayan ng kanyang palda sa suot niyang cycling shorts.
“Sa susunod, titingnan mong mabuti kung maayos ang pagkakasuot mo sa damit mo. Tingnan mo. Nakataas itong laylayan ng palda mo sa likod.” Mahina at tila nanenermong wika nito sa kanya.
Kunwa’y nagulat siya. “H-Ho?!” sinipat niya ang sariling likuran.
“Oo. Pero ibinaba ko na kaya huwag ka nang mag-aalala.” Sabi pa nitong nawala ang kagaspangan sa boses. Mas malumanay na ngayon ang boses nito at malambing.
Muli niyang naramdaman ang pagsayad ng kamay nito sa kanyang hita bago tuluyang bumaba ang laylayan ng kanyang palda. Nawala ang lamig ng aircon sa kanyang balat. Maayos na ang pagkakaladlad ng kanyang palda.
Aligagang humarap siya rito at hiyang-hiyang humingi ng paumanhin. “N-Naku Sir! Pasensiya na ho. Hindi ko alam. Naku nakakahiya. Pasensiya na ho talaga. Ano ba ‘yan? Hindi ka nag-iingat Savana.” Hindi magkandatutong sabi niya at sinita pa ang sarili.
“Oo. Hindi ka nga nag-iingat. Pero ayos lang iyon. Ako lang naman ang nakakita. Pero hindi maganda kapag may ibang nakakita niyan. Kaya magpasalamat ka sa akin.””
“Er...s-salamat oh Sir.” Gago ka! Magpapasalamat pa ako sa kamanyakan mo?!
Tumango ito. “Maganda pala ang mga binti mo. Kahit ganyan ang itsura mo ay maganda ang binti mo. Maupo ka rito.” Tinapik nito ang ibabaw ng kama.
Atubiling tumalima siya.
“Sige na. Maupo ka rito. Pasensiya ka na sa akin kanina kung nasisinghalan kita ha. Medyo hindi kasi maganda ang tulog ko kagabi at ang gising ko ngayon. Medyo masakit itong mukha ko eh. Siguro ay bumangga nanaman ako kagabi sa kung saan dahil sa kalasingan ko. Ganoon kasi ako eh.” Bahagya pa itong tumawa. “Pero huwag ka ng matakot. Maayos na ang pakiramdam mo. Tabihan mo na ako.” Kung makipag-usap ito ngayon sa kanya ay para siyang bata. Ang luma-lumanay.
Dahan-dahan siyang naupo. Inihanda niya ang sarili sa kung ano ang gagawin nito.
“Savana diba?” muli ay malumanay nitong tanong.
“Oho Sir.”
Inakbayan siya nito. Tumindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan. May urge na gusto niyang pumiksi pero nagpigil siya. Siya ngayon si Savana Butete na walang muwang at tatanga-tanga. “Huwag mo sanang mamasamain itong sasasabihin ko sa iyo. Ang ganyang binti kasi ay hindi dapat itinatago. Bakit ba nakasuot ka ng mahabang palda?”
“E iyan ho kasi ang kinasanayan ko sa probinsiya, Sir Marco. Tsaka pulos ganyan po ang mga damit ko.”
“Ang ganda naman ng pagkakabanggit mo sa pangalan ko, Savana. Ang lambing-lambing. Pati ang pangalan mo ay napakaganda.” Lihim niyang naitirik ang mga mata. Alam niyang binobola na siya nito. Papaanong naging maganda ang boses niya kung parang ibong tiririt iyon? Kinabig pa siya nito palapit sa katawan nito. Hindi siya nagpahalatang nanigas ang kanyang katawan. “Alam mo. Ganito ang magiging usapan natin ha. Kapag magiging mabait ka dito, lalo na sa akin, puwede rin akong maging mabait sa iyo. Puwede kitang bilhan ng mga bagong damit. Gusto mo bang magsuot ng mga shorts? O kaya mga dress?”
“Naku, Sir Marco! Hindi ho ako sanay magsuot ng shorts eh.” Mabilis niyang sagot.
“E dapat masanay ka na. Kasi nandito ka na sa Maynila. Isa pa, masyadong mainit iyang suot mo. Kung papayag ka. Ako nalang ang bibili ng mga bago mong dmit. Okay ba iyon sa iyo?” suhestiyon nito.
“Naku nakakahiya naman ho, Sir. Bago lang ho ako rito. Tsaka maliit lang ho ang sahod ko eh.”
“Hindi ko naman ibabawas iyon sa sahod mo. Pera ko mismo ang gagamitin. Tsaka wala iyon sa akin. Basta magiging mabait ka lang. At susundin mo ang mga gusto ko.” Humimas ang kamay nitong nakaakbay sa kanya sa braso niya. Habang ang isang kamay naman nito ay dumapo sa isang hita niya. Naramdaman niya ang bahagyang pagpisil nito roon. Muntik niya itong bigwasan kundi lang niya maagap nanamang napigilan ang sarili. Manyakis! Pinilit niyang magpatay malisya. “Ano? Okay ba tayo roon?”
“S-Sige ho Sir. Puro luma na rin ho kasi ang mga damit ko eh. Kaya lang ay nakakahiya naman ho kay Ma’am Melissa.”
“Huwag mong isipin ang asawa ko. Pera ko naman ang gagamitin eh. At tanggalin mo na iyang ho. Bata pa naman ako. Sir nalang.” Ngumiti ito sa kanya sa unang pagkakataon.
Pero demonyo ang nakita niya sa mukha nito. “S-Sige ho Sir – este Sige Sir.” Isinabit niya ang iilang hibla ng buhok sa kanyang teynga.
“Iyan. Mabait ka naman pala. Magkakasundo tayo kung ganon. Siyanga pala, puwede ka nang pumasok dito sa loob ng kuwarto namin kung gugustuhin. Kahit nandito ako ay puwede kang pumasok. Tawagin mo nga ako ulit sa pangalan ko.” Malambing pa nitong sabi.
“Okay ho Sir Marco.” Gusto niyang batukan ang sarili dahil bahagya pa siyang humagikhik.
“Hayan. Good girl. Itong mga pinag-usapan pala natin ay sa atin nalang ha. Huwag mo nang ikukuwento sa mga kasama mo ay sa asawa ko.” Muli nitong hinimas ang kanyang hita. “Ngayon ay bumaba ka na at susunod na ako sa komedor. Gusto kong ikaw ang magsilbi sa akin. Naiintidihan mo?”
“Naiintindihan ko ho sir.”
Nang tumango ito ay tumayo na rin siya. Kagyat pa siyang ngumiti rito. Habang ito ay maluwang ang pagkakangisi sa kanya. Nangingislap pa ang mga mata ng hayop. Tumalikod na siya at tinungo ang pinto. Kasabay ng pagtalikod niya ay biglang sumeryoso ang kanyang mukha.
Manyakis ka pa rin hanggang ngayon. Ang ganda-ganda na naging misis mo pero hindi ka pa makuntento. Pinakitaan ka lang ng legs ng babae kahit pangit ay bumangon na iyang kalibugan mo. Dapat talaga sa mga kagaya mo ay pinapatay!
Palabas na siya ng pinto ng bigla ulit siyang tawagin ni Marco. Agad na plumaster ang inosente niyang anyo. Gusto niyang palakpakan ang sarili sa galing niyang magpalit ng emosyon.
“Sir?”
“Huwag kang magpapakita ng binti kay Adonis. Sa akin lang kung puwede. Maliwanag?”
Kunwa’y nag-aalangang tumango siya habang salubong ang mga kilay. Nang tumango rin ito ay tumalikod na ulit siya.
Bastard! Nakakasuntok ulit ako!
Lihim siyang nanggigil dito. Tuloy ay lalong gusto niya itong bigyan ng parusa.