ANG LAKAS ng pinakawalang tawa ni Melissa sa huling mga salitang sinabi ni Savana. Napatingin ang ilang kumakain sa fast food restaurant na iyon sa kanila. Nasa malapit sila sa bintana sa second floor ng isang sikat na fastfood malapit lang din sa Baclaran Church. Nang tanungin siya nito kung saan niya gustong kumain ay ang kainang iyon ang sinabi niya.
“Naglalaway na rin kasi ako sa prayd siken eh.” Iyon pa ang sinabi niya kanina habang naglalakad na sila papunta roon. Medyo mataas at matinis pa rin ang timbre ng boses niya.
“Prayd siken?” ulit nito sa sinabi niya. Nagsalubong ang mga kilay nito.
“Oo. Hindi mo alam iyong prayd siken?”
Hindi niya alam kung tatango o iiling si Melissa. Lihim siyang natawa.
“Baka fried chicken ang sinasabi mo? Iyon ba iyon?”
Sunod-sunod siyang tumango. “Iyon nga. Fried chicken. Naglalaway na ako sa manok na prito nalang. Para madaling maintindihan.” Aniya saka humagikhik. “Tsaka prens pransh.”dugtong pa niya.
“Ah...” tumango-tango na rin ito. “Sige, Magpipritong manok tayo kung iyan ang gusto mo – teka. Ano iyong prens...”
“Prens pransh.” Ulit niya.
Muling nalukot ang mukha ni Melissa. Hindi nanaman yata siya naintindihan.
Napakamot siya sa ulo. “Iyong patatas daw sabi nila. Pinirito din. Nakikita ko sa TV kapag nakikinood kami sa kapitbahay. Pahaba iyong hiwa ---.”
“Ah... french fries.”
“Iyon nga! Ahehe.” Bumungisngis siya kita ang gilagid at braces niya.
At saka sila nagkaintindihan. Kaya doon sila napunta sa kainang iyon.
Kunwa’y sinimangutan niya ito dahilan para malukot ang kanyang mukha. Alam niyang pangit ang itsura niya kapag lukot ang mukha niya.
“Huwag kang tumawa diyan, ano ka ba?! Hindi naman ako nagjo-joke eh.” Aniya rito sa pagitan ng pagkagat sa fried chicken. Sa kasalukuyan ay sarap na sarap siya sa kinakaing piniritong hita ng manok. Nagmamantika pa iyon at maya’t-maya ang pagsawsaw niya sa gravy. Sunod-sunod rin ang pagsubo niya ng french fries. May isang piraso pa sa kanyang plato at hindi pa iyon nagagalaw.
Tumigil ito sa pagtawa. “Ha? Seryoso ka ba? Totoong ngayon ka lang nakakain niyan? Hindi ka nagjo-joke lang?”
“Oo nga!” lumunok siya at uminom ng pineapple juice. Iyong large juice ang kinuha nitong inumin sa kanya. Pagkatapos niyang uminom ay dumampot siya ng prens pransh habang hawak pa rin sa isang kamay ang manok. “Totoong ngayon lang ako nakakakain nito. Puro tukak ang ulam namin palagi. Pinirito din. Pero masarap naman eh. O kaya naman, banyas. Minsan naman uong tapos pakukuluan lang namin sa sabaw. Minsan lalagyan ng sagpaw.” Dire-diretsong pagkukuwento dito ni Savana.
Hindi siya nakarinig ng sagot mula kay Melissa kaya napatingin siya rito. Salubong na salubong ang mga kilay nito habang nakanganga ang bibig na nakatingin sa kanya.
“Bakit?”
Napangiwi ito. “Akala ko nagjo-joke ka lang eh. Tsaka hindi ko maintindihan iyong mga pinagsasabi mong pagkain eh.” Kumamot ito sa ulo. “Ano ba iyong tukak, banyas? Tsaka iyong ano ba ‘yun? O-Ong?”
“U-ong. Letter ‘U’ tapos ong.” Paliwanag niya. Nagpatuloy siya sa pagngasab sa manok.
“O ‘yun nga. May isa pa. S-S-Sag...”
“Sagpaw...” pagtatama niya rito sa pagitan ng pagnguya.
“Iyon nga. Ano bang ibig sabihin ng mga iyon? Ang dami mong vocabulary na hindi ko alam eh.”
“Ano iyong vokalbularyo na sinasabi mo? Albularyo? Bakit biglang kailangan mo ng albularyo? Huwag mong sabihing ginagamod ka?” nakamaang na si Savana kay Melissa.
Muling natawa si Melissa. “Anong vokalbularyo? Bakit nagkaroon ng albularyo sa usapan natin? Vocabulary. Ibig sabihin mga salitang ginagamit mo sa pagsasalita. Bokabularyo sa tagalog. Tulad nang mga salitang sinabi mo sa akin kanina. Ano ba ang ibig sabihin ng mga iyon? May sinabi ka nanamang hindi ko naintindihan. Ginagamod? Ano iyon? Teka saang probinsiya ka ba nanggaling?” sunod-sunod nitong tanong.
Bumungisngis siya. “P-Pasensiya ka na ha. Minsan talaga nalilimutan kong nandito na ako sa Maynila. Tiga Pangasinan ako. Pero hindi Panggalatok ang salita sa lugar namin kundi Ilokano. Ang lakas ng sapi sa akin ng pagiging ilokana ko eh. Doon kasi ako lumaki. Salitang Ilocano iyon. Ilokana kasi ako. Iyong tutak, palaka iyon. ‘Yung banyas, bayawak naman. Tapos Uong, iyong kabote. Kung alam mo iyon. Sa ingles ay ano...ahm... masroom.”
“Mushroom.” Pagtatama nito sa kanya.
“Iyon nga. Tapos iyong sagpaw, sahog. Nilalagyan namin ng sahog ‘yung uong kapag may sabaw.”
“Ahhh... e iyong ginagamod?”
Kunwa’y sumeryoso siya saka inilapit ang mukha rito. Pabulong siyang nagsalita. “Kulam. Ginagamod. Kinukulam.”
Napangiwi si Melissa. “Iyon ba iyon? Nakakatakot naman.”
“Oo. E akala ko albularyo ang tinutukoy mo kaya kinukulam naman ang sinabi ko. Bestfriend kasi ang mga iyon. Ibig kong sabihin magkalabang mortal.” Inunahan na niya ito sa pagpapaliwanag.
“Aaahhh.” Tumango-tango nalang si Melissa. Maaaring nawiwirduhan na ito sa kanya.
“Pasensiya ka na ha. Medyo mahina ang IQ ko. Alam mo na. Sa probinsiya ako lumaki. Tapos hindi pa masyadong nakapag-aral. Hanggang elementary lang ang natapos ko kasi namatay na si nanay at si tatay ko. Lumaki ako sa lola ko pero namatay na rin siya. Kaya napadpad ako dito sa Maynila. Iniisip kong dito magtrabaho.” Mahabang pahayag niya.
Naubos na ang laman sa hita na nilalantakan niya. Sinimulan naman niyang tirahin ang isa pang parte ng manok.
“E may nahanap ka na bang trabaho?” tanong ni Melissa. Nagpatuloy na rin ito sa pagkain.
Umiling siya. “Wala pa nga eh. Ang hirap din pala mamasukan dito. Lalo at bagong salta lang ako. Tapos hindi pa ako masyadong nakapag-aral. Ilang linggo palang ako dito. Wala naman gustong tumanggap sa akin. Paubos na rin ang baon ko. Ipon ko pa iyon sa talpakan noong burol ni lola.” Huminga siya ng malalim. “Kahit sana katulong nalang , okay na sa akin. Basta may matitirhan ako at magiging trabaho. O kahit ano basta iyong kikita ako.”
“Gusto mong pumasok na katulong?” muling tanong nito sa kanya.
Hindi nag-aangat ang mukhhang sumagot siya. “Oo naman. Ayos lang sa akin iyon. Marangal naman iyong trabaho.”
Tumigil sa pagkain si Melissa at seryosong hinarap siya. “Ang totoo niyan Savana, nangangailangan ako ng kasama sa bahay. Stay-in talaga ang kailangan ko kasi parati akong umaalis o kaya iyong asawa ko. Meron naman akong kasambahay din pero kailangan ko pa ng isa.”
“May asawa ka na pala?” gulat na tanong ni Savana rito.
“Oo naman! Bakit?”
“Ang suwerte naman ng asawa mo. Ang ganda-ganda mo. Ang seksi-seksi mo pa. Siguro ang guwapo ng asawa mo ano?”
“Sakto lang.” Matipid nitong sagot. Napansin niyang parang ayaw nitong pag-usapan ang asawa nito. Na siyempre ay hindi niya ipinahalata.
“E anak meron na kayo?”
“Wala pa. Kaya kung sakaling aalukin kita sa trabahong iyon tapos tatanggapin mo, hindi ka masyadong mahihirapan kasi wala ka namang aalagaang bata.”
“T-talaga? G-Gusto mo akong kuning katulong?” namimilog ang mga matang sambit niya.
“Kasambahay. At oo. Inaalok kitang maging kasama sa bahay ko. Magaan na ang loob ko sa iyo at mukha kang mabuting tao...” pinagmasdan siya nito.
Nag-angat siya ng baba at tanapik-tapik iyon. “Mabuti talaga akong tao. Kahit na ganito ang itsura ko.”
Ngumiti si Melissa. “Sa tingin ko nga eh. At kuwela ka pa. Gusto ko iyang aura mo, Savanna. Sige. Kung ganoon ay tinatanggap mo na ang alok ko?”
“Oo naman! Gustong-gusto ko! Kailan ako puwedeng magsimula?” ang luwang-luwang ng pagkakangiti niya.
“Bukas na bukas din kung gusto mo?”
“Mabalin!”
“Ha?” napamaang nanaman si Melissa.
“Puwede! Sige. Bukas na bukas din.” Aniya saka bumungisngis.
“Okay. Ibibigay ko sa iyo ang kumpletong address ng bahay ko. Medyo malapit lang iyon dito. Pagkatapos ay pumunta ka nalang doon ng umaga bukas. Hihintayin kita ng bandang alas nuwebe kasi may lakad ako ng bandang alas diyes.”
“Pramis! E teka. Puwede ba akong humiling sa iyo?”
“Ano iyon?”
“Puwede ba akong mag-pauna ng sahod ko?”
“Ha?”
“E... gusto ko sanang magselebreyt. Gusto kitang ilibre eh! Kaya lang wala akong pera dito.” Napapakamot sa ulong wika niya.
Natawa si Melissa. “Hindi mo na ako kailangang ilibre. Ako na ang bahala. Oorder ulit tayo kung gusto mo.”
“Gusto ko iyan!” namilog ang kanyang mga mata. Kinapalan na niya ang mukha. “Okay sige. Sige. Naku. Tiyak na mabubusog ako nito ng husto. Salamat Melissa. Ay Ma’am Melissa na pala.”
“Okay na iyong Melissa. Tutal ay magkaibigan naman na tayo.” Malumanay at may ngiti sa labing turan nito.
Umingos si Savana. “Hindi. Magtatrabaho ako sa iyo kaya Ma’am dapat.”
“Okay. Ikaw ang bahala.”
Dinampot niya ang baso ng pineapple juice at itinaas iyon sa ere.
“Chers!”
Natawa nanaman ito. “Anong ‘chers’”?
“Chers. Iyong pagtatamain natin ang mga baso kasi masaya.”
“Ah... cheers.” Pagtatama nanaman nito sa kanya.
Lumuwang ang ngiti ni Savana. “Ay o sige. Cheers! Tapos order na ulit tayo ha. Gusto ko pa ng prayd siken at prens pransh.”
Tumatawang itinaas din ni Melissa ang baso nitong may lamang juice at pinagpingkis ang kanilang mga baso. Sabay silang uminom. Sa ilalim ng baso habang umiinom ay nangingislap ang mga mata ni Savana sa labis na kagalakan.