BUMUKAS ang pinto sa apartment na iyon. Ang apartment ay parte ng isang lumang building sa bandang Tenement sa Taguig City. May labin-limang palapag ang apartment at nasa ikasampung palapag iyon. Iniluwa ng pinto ang pigura ni Savana. Pagpasok ay agad din niyang isinara ang pinto at sinigurong naka-lock iyon. Saka siya dumiretso sa maliit na sala ng apartment. Tinungo niya ang mahabang sofa na may kalumaan na rin at pabagsak na naupo roon. Saka mabilis na kumilos ang mga kamay niya.
Inalis niya ang suot na salamin at ipinatong iyon sa ibabaw ng glass table na nasa harap niya. Dumapo ang isang kamay niya sa kanyang ulo saka inalis ang wig na buhok niya. Sumabog ang natural niyang buhok. Itim na itim iyon at maiksi lamang na umabot hanggang baba niya. Pantay-pantay iyon at unat pero dahil nakulong sa wig nang ilang oras ay nagkaroon iyon ng waves. Saglit niyang sinuklay ang buhok upang ayusin. Makintab ang buhok niya at malambot. Malayong-malayo sa hinubad niyang wig na kay gaspang at pulos split ends. Pagkatapos niyon ay inalis niya ang pekeng nunal sa kanyang ilong. Nunal na palagi niyang sinisigurado na hindi natatanggal. Ilang beses niyang kinusot-kusot ang ilong para mawala ang pangangalay ng pagkakalagay niya sa pekeng nunal. Huli niyang inalis ang brace sa kanyang ngipin at ipinatong sa tissue na dinampot rin niya kanina na nasa ibabaw ng lamesita. Ang lahat ng inalis niya sa katawan ay inilagay niya sa glass table.
Saka lumabas ang totoong itsura niya.
Now she is Ava. The Ava that was killed and died seven years ago. And she’s back for vengeance. Ang inosente, probinsiyana, bungisngis, at tila pangit na nilalang kanina sa katauhan ni Savana Butete ay nawala. Napalitan iyon ng isang magandang-maganda, punong-puno ng kumpiyansa at matatag na babae. She is Kasava Dela Vega. Signing in as Savana Butete.
Tumalim ang kanyang mga mata ng tuluyang tumambad ang totoo niyang itsura.
Simula na nang kanyang paghihiganti sa mga taong pumatay sa kanya pitong taon na ang nakakaraan. Nagkamali ang anim na lalaking iyon na gawan siya ng hindi maganda at iwan na wala ng buhay. Nagkamali ang grupo ni Brayan Ellazar na paglaruan siya ng gabing iyon. Nagkamali ang mga itong paglaruan siya. Higit sa lahat, isang pagkakamali na minahal niya ito.
Because she is alive. She is back to get revenge and ready to give the right punishment to those bastards. Punishment that they deserve. The long wait is over to give them her sweet vengeance.
Naglaro ang kislap ng katuwaan ng tagumpay sa mga mata at labi ni Ava nang maisip si Melissa. Mukhang madaling makuha ang tiwala ng babae. At umubra ang kanyang plano. Dahan-dahan siyang tumitig sa malaking flat screen na TV na nasa harap niya at nakasabit sa dingding. Habang ginagawa iyon ay itinukod niya ang magkabilang siko sa kanyang mga tuhod saka niya ipinatong ang kanyang baba sa nakakuyom niyang mga kamao.
“Mukhang hindi ako mahihirapan sa iyo Melissa. At mukhang mabait ka. Pasensiyahan tayo pero hindi ko nakakalimutan ang ginawa ng asawa mo. Kaya humanda ka sa gagawin ko sa inyo.” Mahina niyang usal sa sarili gamit ang natural niyang boses. Bagamat may kalambingan iyon ay naroroon ang anino ng kaseryosohan at katatagan. Nawala na rin ang boses niyang matinis.
Tumaas ang isang sulok ng labi niya habang naglalaro sa kanyang diwa ang mga gagawin niya sa mag-asawang Del Rio. Tila nagkaroon ng palabas sa patay na TV ngayong nakatingin siya roon. Si Marco, patay at pulos dinugo. At siya ang pumatay dito. Habang si Melissa ay iniiyakan ang asawa.
“Magbabayad ka Marco Del Rio. Malas mo dahil ikaw ang inuna ko. Simula na ng pagtutuos!” naggitiran ang mga ngipin niya dahil muling bumabangon ang galit na nananahan sa kanyang puso. “Mga hayop!” Saglit na dumaan ang apoy sa kanyang mga mata at nagtagis ang mga bagang niya.
Napapikit siya. Mabilis niyang kinalma ang sarili. Wala pa sa oras para siya tuluyang magalit. Bukas ay magsisimula na siya sa kanyang trabaho bilang Savana Butete. At wala ng makakapigil pa sa kanya. Ilang beses siyang huminga ng malalim hanggang sa maramdaman niyang kumakalma na siya.
Maya-maya ay tumayo siya at tinungo ang kusina na kanugnog lang ng sala. Dumiretso siya sa refrigerator na may kalumaan na rin at kumuha roon ng pitsel na naglalaman ng malamig na tubig. Sumunod niyang kinuha ang isang babasaging baso at nagsalin ng tubig. Umiinom na siya ng bumukas ang pinto ng apartment.
Iniluwa niyon ang isang lalaking may kaliitan at nasa limang talampakan at isang pulgada lamang ang taas. Medyo bilog ang katawan nito at medyo kalbo. Moreno ito at karaniwan lang ang itsura. Kasunod nito ang lalaking payat na pamilyar na pamilyar sa kanya. Mas mataas ito sa unang pumasok sa taas nitong limang talampakan at apat na pulgada. Walang iba kundi ang lalaking nang-snatch sa bag ni Melissa. Ang totoo ay pamilyar siya sa dalawang taong kapapasok lamang doon. Nagtatawanan ang mga ito habang pumapasok ng pinto. May susi ang dalawa sa apartment na iyon dahil doon din nakatira ang dalawa.
“Mabuti at mabilis kang nakatakbo kanina kung hindi ay baka kinuyog ka ng mga tao doon.” Anang maliit na lalaki. Ang pangalan nito ay Kasper. Paborito daw kasi ng nanay nito noon ang Casper the Friendly Ghost na movie kaya iyon ang ipinangalan dito. Pinalitan lang ng K ang C. Pero ang totoong pangalan nito ay Kumander Kerubin Karpio. Triple K ang unang pakilala nito sa kanya. Inakala niyang nagjo-joke lang ito noong unang matagpuan niya subalit totoo pala iyon dahil dala-dala nito ang birth certificate nito.
Galing ito sa isang bahay ampunan at dahil lagpas na ito sa edad diso otso ay kailangan na nitong lumabas. Pagala-gala ito sa kalye at mukhang magkakasakit na ng matagpuan ito ni Ava mahigit dalawang taon na rin ang nakakaraan. Minsan ay pinagtripan ito ng mga taong kalsada. Subalit tinulungan niya ito. Simula noon ay hindi na ito humiwalay sa kanya at nangako itong sasamahan siya at tutulungan sa kahit anong bagay. Itinuring siya nitong Ate at siya naman ay nakababatang kapatid nito.
“Gago ka ba! Muntik nga akong hindi makatayo dahil ang lakas ng hampas sa akin ni Ate Ava sa payong niya. Akala ko nga mababalian na ako ng mga buto kanina eh. May galit yata sa akin iyon at doon gumaganti.” May bahid ng pagrereklamong nahimingan niya sa payat na lalaki. Ito naman si Tisoy. Magkasing-edad lang ang dalawa at buwan lamang ang agwat ng mga ito. Matanda siya sa mga ito ng limang taon sa edad niyang bente-singko.
Nakilala naman niya ito ng minsang naglalakad siya sa gilid ng kalsada. Kagagaling niya noon sa isang target niyang paghigantihan at pauwi na siya. Malakas noon ang ulan at nakita niya si Tisoy na nasa gilid ng daan ay nanginginig. Nakahiga na ito sa bangketa at mukhang mawawalan na ng ulirat. Sa awa niya rito ay kinuha niya ito at dinala sa pinakamalpit na clinic dahil nang kapain niya ang katawan nito ay sobrang taas ng lagnat nito. Simula noon ay naging kargo na niya ito. Iniuwi niya ito sa apartment na iyon. Nang gumaling si Tisoy ay nangako itong gagawin ang lahat kung kailangan niya ng tulong. Nauna itong dumating kay Kasper ng ilang buwan. Naging Ate rin ang turing nito sa kanya.
Tisoy naman ang palayaw nito dahil maputi ito at mukhang foreigner. Hindi raw nito kilala ang mga magulang dahil bata pa ito ay naging palaboy-laboy na sa lansangan. Nabubuhay lamang daw ito sa mga tira-tirang pagkain at sa panlilimos. Minsan ay nakasama daw ito sa isang gang pero umalis din ito dahil masakit daw sa katawan ang makipagbugbugan. Wala rin itong ideya kung ano ang tunay nitong pangalan dahil wala naman itong hawak na birth certificate.
Ngayon ay tatlo na silang magkakasama sa apartment. Dalawa ang silid sa apartment na iyon. Hindi iyon mamahaling apartment. Iyon lang kasi ang kaya ng budget niya – sa ngayon. Inilalaan niya ang lahat ng kanyang ipon sa gagawin niyang misyon sa mga susunod na araw.
“E ikaw ang nagsabi kay Ate Ava na payong ang ihampas niya sa iyo diba?” nakamulagat na wika rito ni Kasper.
“Oo nga. Pero ang sakit pala. Ang sakit niyang mamalo sa totoo lang.” Hinaplos pa nito ang tinamaan ng payong niya kanina.
Napapangiti siya sa tinatakbong usapan ng dalawa. Naging malapit na rin ang mga ito sa kanya. Mukhang hindi pa aware ang mga itong naroroon na rin siya.
Naglakad ang dalawa patungo sa sala at sabay na umupo sa mahabang sofa. Nang biglang matigilan si Kasper. Nakatingin sa mga gamit niyang nasa mesa.
“O bakit nandito ‘yang mga ‘yan?” tanong ni Kasper at itinuro pa ang wig niya.
“Tanga!” Pahapyaw na pinalo ni Tisoy si Kasper sa noo. “Natural nandito na siya.” Inginuso siya ni Tisoy. “Hi Ate Ava. Kanina ka pa riyan?”
Lumingon sa kanya si Kasper. “Ate Ava! Nandiyan ka na? Papaano kang nakarating diyan? Saan ka dumaan?”
Umalis siya mula sa pagkakasandal sa refrigerator. “Oo kanina pa ako dito. At narinig ko ang lahat ng pinag-uusapan ninyo.”
“Tangek! Natural sa pinto siya dumaan.” Tinampal nanaman ni Tisoy ang noo ni Kasper. “Ibig sabihin nauna siyang dumating dito. Ang hina talaga ng kukote mo.” Iiling-iling pang turan nito.
Matalim na pinukulan ng tingin ni Kasper si Tisoy. “Nakakailang tampal ka na ha. Ang nakakailang tanga ka na rin sa akin ha. Huwag mo akong daan-daanin sa Stephen Chow mong katawan. Baka gusto mong masampulan ni Kung Fu Panda!” tumayo ito at nagpose-pose ng pangkarate. “Hiyaaaaa!!!” ginawa pa nito ang boses ng mga karatista sa telebisyon.
Tumayo din si Tisoy at nag-pose din ng pang-Kung Fu style nito.
“Ano ‘yan? Monkey style? Wala iyan sa Tiger style ko.” Sabi ni Kasper saka nag-pose na nakabukas ang mga kamay na tila aatake kagaya ng mga paa ng tigre. “Rowrrrrr!” malakas pang sabi nito.
“Wachaaaa!!!” sabi rin ni Tisoy na akmang sisipa na.
Akmang maglalaban na ang dalawa ng malakas siyang tumawa. Tumingin ang mga ito sa kanya. Nabitin sa ere ang kanya-kanyang style ng mga ito. Pareho pang naka-taas ang mga paa na akmang maninipa.
“Alam niyo tigilan niyo na nga iyan.” Naglakad siya patungo sa sala at naupo sa single sofa. Nagkatinginan ang dalawang lalaki saka dahan-dahang ibinaba ang mga kamay at paa. “Pasensiya ka kanina Tisoy ka. Napalakas ang hampas ko sa iyo kanina. Kailangan kasi dapat mukhang totoo para mapaniwala natin si Melissa.”
“Ang sakit-sakit nga Ate eh. Mukhang kailangan kong magpadala sa ospital.” Angal ni Tisoy. Umalis na ito sa kinatatayuan at bumalik sa kinauupuan nito kanina.
“Ospital lang? Hindi ba puwedeng morge na agad?” nang-iinis na singit ni Kasper.
“Morge? Bakit? Gusto mo na ba akong patayin agad? Aba’t ---.” Akmang tatayo na ulit ito at kakaratehin si Tisoy pero pinigilan lang niya ito.
“Huwag ka ng tumayo diyan Tisoy.” Natatawang wika niya rito.
Alam niyang hindi naman seseryosohin ng dalawa ang karate moment ng mga ito. Ganoon lang talaga ang mga ito. Biruan lang iyon at sanay na siya sa mga ito. Alam din niyang hindi pikunin ang dalawa kaya malakas ang loob ng mga itong mag-asaran. Magkapatid na rin ang turingan ng dalawa sa totoo lang.
“Ayaw mo lang magtrabaho kamo!” nakasimangot na sikmat pa dito ni Kasper.
Nagmake-face si Tisoy. Tumaas ang isang pisngi nito. “Anong ayaw? Siyempre, gusto ko kaya lang baka hindi ko maigalaw ang mga kamay ko. Papaano ako magluluto at maghuhugas o mag-aasikaso ng mga costumer kung masakit ang braso ko diba?”
May maliit silang stall sa ibaba sa labas ng building na tapsihan. Nang matagpuan niya ang dalawa ay naisip na niyang magtayo ng maliit na negosyo. Dahil hindi na sasapat ang ipon lang niya para sa kanila. Dati ay nagtatrabaho siya sa kung saan – fast food chain bilang waitress, sales lady o kahit anong maari niyang pasukin. Pero nang dumating ang dalawa sa buhay niya ay kinailangan na nila ng income para punan ang mga pangangailangan nila sa buhay.
Ang tapsihan ang naisip niyang gawing negosyo tutal ay nalaman niyang magaling palang magluto si Kasper. Ito ang naging toka sa kusina habang sila ni Tisoy sa labas ng kusina. Maliit lamang ang tapsihan pero kahit papaano ay kumikita iyon dahil malakas naman.
“Anong maglutong sinasabi mo? Hindi ka naman nagluluto eh.” Paiba-iba rin ang ekspresyon ng mukhang wika rito ni Kasper.
Bumulong-bulong si Tisoy na tila marami pang gustong sabihin kundi lang siya sumingit sa mga ito.
“Huwag na kayong magtalo. Para makabawi naman ako sa inyo ngayong araw, hindi muna tayo magbubukas ngayon.” Tumayo siya saka pinaglipat ang tingin sa dalawa. “Ako’y iidlip muna. At kailangan kong ipahinga itong boses ko. Masyado akong na-stress sa high pitch palagi ni Savana Butete.”
Tumawa ng malakas ang dalawa.
“E bakit ba kasi iyon ang naisip mong gawing pangalan mo Ate Ava?” si Tisoy ang nagtanong. “Butete pa talaga. Ang bantot pakinggan!”
Sumulyap siya kay Kasper. “Tanungin mo iyang kaibigan mo. Siya ang may ideya nito.” Tukoy niya rito.
“Ikaw pala ang may pakana eh.”
“Bakit? Okay naman eh. Mukhang bentang-benta nga sa target ni Ate Ava eh. Mukhang tanga lang.” Saka ito bumulanghit ng tawa.
Natawa rin siya. “Oo nga. Napansin ko bentang-benta kay Melissa eh. Tsaka mukhang inosenteng-inosente talaga ang tingin niya sa akin.”
“Hindi ba nalalaglag iyang nunal mo Ate?” curious na tanong ni Tisoy.
“Oo nga. Iyan din ang iniisip ko eh. Sa dami naman kasi ng puwedeng paglagyan, bakit sa ilong pa? Parang malalaglag anytime eh.” Segunda ni Kasper.
“Wow! ‘Anytime’.” Panggagaya ni Tisoy sa sinabi ni Kasper. “Inglish ‘yun ah. Gaano katagal mong prinaktis ‘yun ‘tol?”
“Kahapon ko lang prinaktis ‘yun ano. Huwag kang ano diyan.” Nakangising sagot nito. Nagtawanan ang dalawang malakas ang tama.
“Hay naku! Bakit sa nunal ko na napunta ang usapan? Kayo talaga. Hala, bahala na muna kayo kung ano ang gusto niyong gawin ngayon. Pero alas singko ay kailangang nakabihis na kayo ha.”
“Saan tayo pupunta Ate Ava?” si Kasper ang nagtanong.
“Treat ko kayo sa hapunan. Lalabas tayo.” Nakangiting sagot niya sa mga ito.
“Talaga ako Ate?” namilog ang mga mata ni Tisoy. Pati puwet nito ay umangat sa sinabi niya.
Natawa siya. “Oo nga. Grabe naman kayo. Parang ngayong ko lang kayo ililibre ah. Maghanda kayo mamaya.”
Nagkatinginan ang dalawa saka nag-apir.
“E bakit bigla pala tayong kakain sa labas?” muling tanong ni Kasper.
“Huwag ka ng magtanong. Ililibre na nga tayo eh.” Sansala dito ni Tisoy.
Pero sinagot pa rin niya ito. “Bukas na kasi ako mamamasukan kina Melissa. At hindi ko alam kung hanggang kailan ako doon. Matagal bago ko kayo makakasalo nanaman. Mamaya ay bibilinan ko na rin kayo sa mga dapat niyong gawin dito sa apartment habang kayo lang dalawa.” Mahabang pahayag niya sa mga ito.
“Okay Ate Ava. Matulog ka na. Kami ay mag-beauty rest din muna.” Si Kasper na nag-thumbs up pa.
“Beauty rest? Ano ka bading?” nakangiwing sambit ni Tisoy.
Inirapan ito ni Kasper at nagsalita sa tonong bading. “Tse! Pakialam mo ba.”
“Nye!”
Natatawang ikinumpas nalang niya ang isang kamay. “Maiwan ko na kayo diyan.”
“E teka Ate Ava.” Habol ni Tisoy.
“Ano nanaman?” pumihit ulit siya paharap sa mga ito.
“Hindi ba muna tayo manananghalian?”
“Kayo nalang ang kumain. Busog pa ako. Nilibre ako ni Melissa.”
“Wala bang take-out?” hirit pa nito.
“Huwag ka nang humirit ng take-out. Kakain na nga tayo sa labas mamaya eh. Patay gutom ka talaga.” Sinipa ni Kasper ang isang paa ni Tisoy. Saka bumaling sa kanya. “Sige na Ate. Kami na ang bahala dito.”
Tumango nalang siya. Iyon lang at nagtungo na siya sa kanyang sariling silid. Nag-alarm siya ng alas kuwatro ng hapon. Nagpalit lang siya ng over sized na t-shirt at cotton shorts at ibinagsak na niya ang katawan sa malambot niyang kama. Saka siya pumikit ng may ngiti sa kanyang labi.