Kabanata 7 - Mga Alaala

1301 Words
NAKATAYO si Ava sa tapat ng isang mataas na gate na gawa sa bakal na kulay dugo. Mula sa kinatatayuan niya ay nakikita niya ang loob sa mga awang ng bakal na gate. Nakatingin siya sa loob ng bakuran niyon kung saan nakatayo ang isang two storey house na masasabi ring malaki subalit hindi masasabing ma-ala mansiyon ilang metro ang layo sa gate. Medyo maluwang din kasi ang driveway at marahil ay kakasya ang tatlo hanggang apat na sasakyan. Kulay puti iyon at american style ang dating. Kitang-kita sa palibot ng kulang dugo ring bakod. Sa garahe ay may nakapark na dalawang sasakyan. Isang kulay pulang Honda Civic na kotse na medyo latest at isang kulay itim na Pajero. Limang minuto palang siya roon habang pinagmamasdan ang paligid. Sa pagmamatyag niya sa buhay ng mga nakatira doon ay alam at bilang na niya kung sino ang mga nakatira sa pamamahay na iyon. Hindi man niya alam ang nangyayari sa loob ng pamamahay ay may ideya na siya sa mga taong nakatira rooon. May kaya ang pamilya Del Rio subalit hindi masasabing mga multi-millionaire. At ang asawa ni Melissa ang unang target niya. Si Marco Del Rio. Si Marco Del Rio ay isa sa anim na lalaking tumapos sa kanyang buhay ilang taon na ang nakakaraan. Ito ang pinakamahina sa anim at madaling utuin – iyon ang sa tingin niya. Iyon ang nakuha niya sa lahat ng impormasyon sa mga ito. Kaya ito ang una niyang sisingilin. Nang mabigyan siya ng ikalawang buhay ay ginawa na niyang panata sa sarili na makapaghiganti sa grupo ni Brayan. Inisa-isa niyang alamin ang lahat tungkol sa buhay ng mga ito. Bago iyon ay lumayo siya sandali sa buhay ng grupo at nagtrabaho para makapag-ipon. Bukod doon ay ibinenta niya ang parte ng lupang nakuha niya sa kanyang Lola Iska ng mamatay ito ilang taon na rin ang nakakaraan. Habang ang kapatid niya ay nanatili sa probinsiya. Nang makapag-ipon nang sa tingin niya ay sapat na halaga para maisagawa ang paghihiganti ay saka siya kumilos. Inalam niya ang lahat ng nangyayari sa buhay ni Brayan at ng grupo nito. Maging ng pinsan nitong si Loyd. Wala siyang paliligtasin sa mga ito. Wala siyang ititira. Ultimo mga asawa at mga anak ng mga ito ay inalam niya ang routine sa bawat araw. Ang iba ay may asawa na tulad ni Marco habang ang iba ay wala pa. Si Brayan ay alam niyang wala pang asawa pero ikakasal na ito sa long-time girlfriend nito. At nang tuluyan siyang makabuo ng plano ay nagdesiyon siyang simulan na iyon. Bagamat natagalan at inabot ng ilang taon ay hindi siya nakalimot. Hinding-hindi siya makakalimot. Sinira ng mga lalaking ito ang buhay niya. Oo at hindi siya nagalaw ng mga ito subalit iba ang naging epekto sa kanya ng gabing iyon. Ilang taon siyang binabangungot ng mga tawanan at pananakit na ginawa ng grupo at maraming pagkakataon na halos mabaliw na siya sa kakaisip. Umuwi siya sa kanilang probinsiya at halos hindi na lumalabas ng bahay dahil labis siyang na-trauma. Parati niyang naririnig ang boses ng mga lalaki at hindi nawawala sa kanyang pakiramdam ang sakit ng mga suntok, sabunot at sipa sa kanyang katawan. Ang mga kamay ng mga ito ay tila ba nakadikit na sa kanyang balat. Nararamdaman pa rin niya ang hagod ng mga makasalanang kamay ng mga ito sa kanyang katawan. Ang pukpok sa kanyang ulo ng bato na ginamit ni Kier ng ilang beses ay hindi pa rin niya nakakalimutan. Paulit-ulit pa rin niyang nararamdaman ang sakit. At ang pakiramdam na namatay siya ay hinding-hindi na mawawala sa kanyang sistema. Pakiwari niya ay naging anino na ang grupo ni Brayan na kahit saan siya magpunta ay nakasunod ang mga ito sa kanya. Matagal na panahong nabuhay siya sa dilim. Isa pang totoo? Namatay ang kanyang Lola Iska sa labis na pag-aalala sa kanya ng mga panahong nakakulong lang siya sa bahay. Labis itong nagdamdam at gustong makakuha ng katarungan. Habang ang kapatid niya ay halos mawalan na ng pag-asa sa kanya. Nang gabing patayin siya ng grupo ni Brayan ay ang kapatid niya ang tinawagan niya. Nasabi pa niya ang kinaroroonan bago siya tuluyang nawalan ng malay. Ora mismo ay nagbiyahe ito papunta sa kanya subalit dahil ilang oras pa ang nakalipas bago siya natagpuan ay nadatnan nitong wala na siyang buhay. Ginawa nito ang lahat ng nalalaman sa first aid at pagsagip sa buhay ng isang tao sa mga pagkakataong may emergency kahit hindi ito doktor. Ilang beses nitong isinagawa sa kanya ang mouth to mouth resuscitation. At marahil isang napakalaking milagro. Nabuhay siya. Kahit ilang beses din itong parang mawawalan na ng pag-asa. Siguro nga ay hindi pa talaga niya oras na mamatay. Kahit ito ay hindi inakalang mabubuhay pa siya. Dahil sa totoo lang ay nakita na niya ang manok ni San Pedro ng siya ay malagutan ng hininga. Iniuwi siya nito sa probinsiya. Ilang beses sinabi ng kapatid niya at ni Lola Iska na kailangan nilang magpunta sa mga pulis. Subalit hindi na siya makausap ng matino noon. Magpunta man ang mga ito sa pulis ay walang makukuhang impormasyon ang mga ito tungkol sa nangyari sa kanya. Oo at alam ng kanyang kapatid ang nangyari sa kanya subalit hindi sasapat iyon para magsampa ng kaso laban sa mga pumatay sa kanya. Isa pa ay malalaking tao ang babanggain nila. Wala silang laban sa mga ito. Kaya sa labis na sama ng loob ay namatay ang kanyang lola. Kaya nang gumaling siya at kahit papaano ay umayos ang kanyang lagay ay nangako siya sa sariling pagbabayarin niya ang mga taong may sala. Kahit kapalit pa niyon ang kanyang buhay. Hindi siya papayag na mamuhay sa mundong ito ang mga taong nanakit at pumatay sa kanya. Hindi siya papayag na masaya ang mga ito habang siya ay nagluluksa pa rin sa sarili niyang pagkamatay at sa pagkamatay ng kanyang lola. Dahil habang buhay din niya iyong dadalhin. At si Marco Del Rio ang una sa kanyang listahan. Madadamay ang madadamay. Pasensiyahan nalang. Tumalim ang mga mata niya habang nakatingin sa malaking bahay. Kung tutuusuin ay kaya niyang patayin si Marco nang hindi na siya pumapasok sa bahay na iyon at sa buhay ng pamilya nito. Iyon ay para matapos na ang lahat. Pero nasaan ang kasiyahan sa kanyang paghihiganti? Isa pa, marami pa siyang kailangan dito. At gusto niya itong bigyan ng kasiyahan bago ito mamatay. Lintek lang ang walang ganti. Mga hayop kayo! Simulan niyo ng magdasal ngayon dahil malapit niyo ng makita ang lider niyo sa kasamaan. Mapupunta kayong pare-pareho sa impiyerno! Sa kaliwang kamay niya ay bitbit niya ang isang lumang-luma at malaking bag na naglalaman ng kanyang mga gamit sa pagtira niya sa bahay na iyon. Siyempre ay kumpleto rin ang kanyang outfit sa kanyang pagdi-disguise bilang si Savana Butete. Ang totoo ay natatawa pa rin siya kapag naiisip ang pangalang iyon. Hindi niya alam kung bakit iyon ang naisip niyang gawin ‘nickname’ sa kanyang unang pagpapanggap. Ah, si Kasper pala ang salarin. Pero okay na rin dahil nakakatuwa naman talaga. Mukha talaga siyang walang muwang sa apelyido niyang iyon. At mukha ring luka-luka. Bago pinindot ang buzzer ay iplinaster na niya sa mukha ang aura ni Savana. Makulit, palatawa, at ma-ala Betty La Feya ang itsura. Mabilis niyang inalis ang talim sa kanyang mga mata. Idinagdag nalang niya ang malaking nunal sa ilong. Hindi siya maaring makilala ni Marco. Iglap lang ay para na siyang sinapian ng ibang tao. Kasama iyon sa naging paghahanda niya. Ang maging iba ang katauhan sa pakikiharap sa mga taong kinamumuhian niya. At hindi siya maaring magkamali. Point of no return, Ava. Goodluck! Aniya pa sa sarili. Lumapit na siya sa buzzer at pinindot iyon. Saka siya naghintay na may lumabas sa malaking bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD