“MAUPO KA.” Ani Melissa kay Ava aka Savana.
Nakapasok na sila sa loob ng bahay at ngayon ay nasa sala. Ito ang sumalubong sa kanya kanina sa gate at halatang inaabangan na siya nito. Puting-puti ang loob ng bahay mula sa mga dingding hanggang sa mga muwebles at mga sofa. Ang linis-linis tingnan. Puti rin ang marmol at makintab na sahig. Malalaki ang mga bintana at masarap sa mata ang mga kurtinang naroroon. Sa gitna ng sala kung saan naroroon ang set ng mga malalambot na upuan ay nasa ibabaw ng sahig ang makapal at magandang alpombra na kulay krema. Napakaaliwalas ng buong bahay at napakalinis. Akala mo ay walang itinatagong kabulukan ang may-ari ng bahay na iyon.
Nagmamasid sa buong paligid na naupo siya sa isang single sofa pero ang gara. Umpisa na upang kunin ang loob ng babaeng ito. Umpisa na para malaman ang baho ng pamilyang ito.
“Ay!” bigla siyang tumayo hindi pa man sumasayad ang puwetan niya sa sofa. Nasa tono na ang pagiging Savana.
Napatingin sa kanya si Melissa na paupo na rin sa mahabang sofa malapit sa dapat ay uupuan niya. Nagulat din ito sa inasta niya at maging ito ay nahinto sa pag-upo. “Anong nangyari?”
Ngumiwi si Savana. Plumaster ang panghihinayang sa kanyang mukha. “Ang linis-linis ng mga upuan niyo Ma’am. Ang puti-puti. Baka kapag umupo ako ay madumihan ko. Hindi pa naman bago itong suot ko. Bagong laba lang oo.” Pahayag niya ritong napapakamot pa sa ulo.
Natawa si Melissa at ikinumpas ang isang kamay sa ere. “Ano ka ba? Hindi naman ako maselan. Akala ko naman kung ano na. Sige na. Maupo ka na para makapagsimula na tayong mag-usap.” At saka naupo na rin ito.
Aligagang umupo siya kasama sa kanyang drama. Pinagpag pa niya ng ilang beses ang damit niya bago tuluyang naupo. Nang makaupo at nahihiyang ngumiti siya kay Melissa.
“Hayan. So puwede na tayong magsimula?” anito pagkuwan.
Tumango siya. “Sige Ma’am Melissa.” Tumikhim siya. Sa loob-loob niya ay natatawa siya na ewan dahil sa boses palaka niya. Sana ay mapanindigan niya iyon habang nasa bahay siya ng mga Del Rio.
Umayos ka Ava. Kung ayaw mong mabuking sa plano mo. Kailangan mong ipakita na isa ka talagang aanga-anga at walang alam na tiga probinsiya. Paalala niya sa sarili.
“Okay. So, ‘yun nga. Tulad ng napag-usapan natin kahapon. Stay-in ka rito.” Simula ni Melissa. “May day-off ka at iyon ay tuwing Linggo. May sahod kang eight thousand monthly at tuwing kinsenas katapusan ang sahod mo. Huwag kang mag-aalala dahil may benefits ka naman. At iyon ay shoulder naming mag-asawa. Okay na ba sa iyo iyon?”
Tumango siya. “Okay na ho sa akin ang sahod Ma’am Melissa. May isa lang ho akong tanong.”
“Huwag mo na akong ho-ho-in kasi bata pa naman ako. Ano iyong tanong mo?” malumanay nitong wika-tanong.
Sa una ay nag-atubili pa siyang magtanong. “E... libre po ba ang pagkain ko?”
Ngumiti ang kausap niya. “Oo naman! Agahan tanghalian at hapunan, libre lahat iyon. Puwede ka rin magmeryenda. Ang mga ibang pangangailangan mo tulad sa pagliligo, paglalaba o kung ano pa ang puwede mong magamit dito ay libre. At kung magugustuhan ko ang trabaho mo ay bibigyan pa kita ng bonus.” Mahaba nitong sagot. “Kaya pagbutihin mong mabuti, okay?”
“Okay Ma’am.” Sunod-sunod siyang tumango.
“Huwag ka ring mag-aalala dahil may kasama ka ritong gagawa. Si Gracia. Bale dalawa kayong kikilos dito sa bahay. Mabait iyong si Gracia. Sa tingin ko ay mas matanda lang siya sa atin ng ilang taon. Teka, ilang taon ka na ba?”
“Twenty-five Ma’am.”
“Ah, isang taon lang pala ang agwat mo sa akin. Si Gracia kung hindi ako nagkakamali ay bente otso na siya. Tapos meron din tayong hardinero c*m driver. Asawa naman siya ni Gracia. Stay-in din sila dito sa bahay. Minsan kasi tamad akong mag-drive kaya gusto ko may tiga-maneho ako.”
“Ah...” tumango-tango siya at muling pinagmasdan ang paligid.
“Ang mister ko naman, si Marco.” May pumitik sa isang bahagi niya ng marinig ang pangalan ng lalaki. Pinigilan niyang kumalawa ang galit na emosyon. “Bale pareho kaming namamahala sa negosyo naming Spa. Medyo spanding ngayon ng mga branches kaya palagi kaming busy at hindi mo ako masyadong makikita dito sa bahay kapag araw.”
“Ang laki pala ng negosyo niyo Ma’am.” Komento niya. Pero aware na siya sa negosyo ng mga ito. At aware din siya na sa pamilya talaga ni Melissa ang Spa. Mas mayaman ang pamilya ni Melissa keysa kay Marco. Isa iyon sa mga nalaman niya sa lihim niyang pagmamatyag sa mga ito.
“Hindi naman masyado. Tatlong branch palang iyon. Pero siyempre gusto pa rin naming palaguin. Kaya ngayon ay inaaral namin ang mga magagandang lugar na puwedeng paglagyan ng mga Spa. Iniisip din naming lumabas na ng Manila at magpunta sa bandang Visayas o Mindanao.” Mahabang pahayag pa nito.
“Puwede kaya ako minsan sa Spa niyo kapag day off ko Ma’am?” ngumisi siya rito. “Gusto ko rin kasing maranasang magpunta sa ganoong lugar. Kaya lang wala namang ganoon sa amin. Tsaka walang pera. Pero gusto ko sana sa unang sahod ko, susubukan ko doon.”
Sa una ay napatanga ito sa kanya. Sinadya niyang ilabas ang kanyang pekeng gilagid at brace. Alam niyang napapangitan na ito sa kanya. Pinigil niya ang matawa. Pero ng makarecover ito ay tumawa na rin.
“Oo naman! At dahil magaan na kaagad ang loob ko sa iyo, minsan ay dadalhin kita doon. Huwag kang mag-aalala. Basta ayusin mo lang ang trabaho mo at ililibre kita roon.”
“Talaga Ma’am! Tenkyu tenkyu!” pumalakpak siya sa katuwaan. Saka tumawa na parang baboy dahil parang may nasasabit pang laway-laway sa lalamunan niya.
Napangiwi nanaman si Melissa. Gusto na niyang humagalpak ng tawa.
“O siya. May iba ka pa bang tanong?” tanong nalang nito.
“Wala naman na Ma’am. Ikaw, may gusto ka bang itanong sa akin?” nakangising balik-tanong niya rito.
Tumabingi ng tuluyan ang ngiti nito. “Wala naman na. Halos naikuwento mo na ang buong buhay mo sa akin kahapon eh.”
Totoong marami siyang ikinuwento kahapon dito pero buhay iyon ni Savana. Ibig sabihin ay gawa-gawa lamang niya.
“Sila Gracia ay mamaya mo pa makikilala pero nabilin na kita sa kanila. Namalengke kasi sila. Iyong asawa ko ay tulog na tulog pa. Galing kasi iyon sa handaan kagabi. Birthday ng isang tropa niya. Mamaya ay makikilala mo na siya.”
“E diba sabi mo aalis ka ngayon Ma’am?” paalala niya rito ng maalala ang sinabi nito kahapon. Pero ang totoo ay nangati bigla ang katawan niyang maglibot sa buong bahay lalo at wala ang mga katulong doon. At si Marco ay tulog. Maaari na niya itong patayin kung gugustuhin niya.
“Ay oo pala. Mabuti at ipinaalala mo. Halika na sa magiging silid mo.” Tumayo na ito at sumunod naman siya.
Habang naglalakad sila ay narating nila ang komedor. Magara rin ang hapag at parang nakakatakot dumihan. Nang makarating sila sa kusina ay itinuro nito kung saan ang lutuan at kung saan sila puwedeng kumain.
“Puwede kayong kumain habang kumakain kami basta nasa hapag na ang lahat ng kailangan.” Anito ng nasa kusina na sila. “Dito kayo kakain kasama nila Gracia. Gusto ko sana ay kasabay namin kayong kumain kaya lang ay maarte ang asawa ko. Mabait naman siya pero ayaw niyang masyadong napapalapit sa mga kasambahay kaya mas gusto niyang nakahiwalay pa rin kami sa inyo.” Nagpapa-unawang tiningnan siya nito.
“Wala namang problema roon Ma’am Melissa. Naiintindihan ko naman. Siyempre ay mga amo ko pa rin kayo. Hindi kami maaaring sumabay sa inyo.”
Nakangiting tinapik nito ang balikat niya. “Isa pa pala, ayokong tinatawag niyo ang sarili niyong katulong. Kasambahay namin kayo at hindi katulong. Sana ay iyon ang palagi niyong iisipin.”
“Maraming salamat Ma’am Melissa.” Lihim siyang napabuga ng hangin. Bakit ganito? Ang bait naman yata masyado ng asawa ng hayop na si Marco. Napakasuwerte nito na nakahanap ito ng isang Melissa at napangasawa pa nito. Parang nag-aalangan tuloy siyang gamitin ang babae sa kanyang plano o madamay ito sa kung anuman ang magagawa niya.
Paglagpas nila sa kusina ay nakarating sila sa isang maliit na hallway. Sa dulo niyon ay may tatlong pinto. Sa pinakadulo siya nito dinala. Tumigil sila sa tapat ng pinto. Nasabi na nito na ang kalapit na pinto sa kaliwa niya ay ang silid ng mag-asawang Gracia habang ang isa sa kanan niya ay stockroom.
“Dito ang magiging kuwarto mo, Savana.” Binuksan nito iyon. Saka sila pumasok na dalawa. “Hindi ito kasinlaki ng kuwarto nila Gracia pero magiging kumportable ka naman dito.”
Naglakad siya sa gitna ng silid at sinimulang bistahan ang paligid. Maliit lang iyon. Mas malaki pa ang silid niya sa apartment na tinutuluyan. Pero ayos na iyon. May isang kabinet, isang maliit na lamesita na may kahoy na silya at isang single bed na may foam naman. Kahit papaano ay magiging kumportable na siya roon. Isa pa, hindi naman siya magtatagal sa bahay na iyon.
“Ayos na ayos na ako rito Ma’am melissa. Salamat sa maayos na tulugan.” Isang totoong ngiti ang ibinigay niya rito.
Ngumiti rin ito sa kanya. “O iwan mo na iyang bag mo at may ituturo pa ako sandali sa iyo bago ako umalis. Huwag kang mag-aalala dahil naibilin ko na rin kay Marco ang tungkol sa pagdating mo.”
Tumalima siya. Ibinagsak lang niya ang bitbit na bag at lumabas na sila ng silid. Sinadya niyang magpahuli sa paglalakad. Pasimple niyang kinapa ang kanyang nunal sa ilong dahil pakiramdam niya ay malalaglag na iyon. Idinikit niya iyong mabuti at siniguradong matigas ang pagkakakapit ng peke niyang nunal sa kanyang balat.
Nang biglang lumingon si Melissa sa kanya. Mabilis niyang inalis ang kamay sa kanyang ilong.
“Ayos ka lang?”
“A-Ayos lang ako Ma’am. Ito kasing nunal ko. Pakiramdam ko ay malalaglag sa sobrang laki. Medyo mabigat eh. Sa dami ba naman kasi ng puwedeng tubuan ay dito pa.” Napapangiwing turan niya.
Ang lakas ng naging tawa ni Melissa. “Oo nga eh. Ang totoo ay medyo nadidistract nga ako. Ayaw mo bang ipaopera iyan?”
“Naku Ma’am. Ayaw ko. Suwerte ang nunal na ito sa akin eh. Kahit para akong naduduling lagi dahil dito ay ayaw ko itong ipaalis.” Kunwa’y tinakpan niya ang kanyang nunal.
Lalong tumawa si Melissa. “Sige, huwag na nating pakialaman ang nunal mo.” Iyon lang at naglakad na ulit ito. Sumunod na rin siya rito.
Bumalik sila sa kusina at tinungo ang dalawang malalaking ref.
“Hindi ko pala naitanong sa iyo. Marunong ka bang magluto? Si Gracia ang tiga luto rito pero kung sakaling abala siya ay maari ka ring magluto.”
“Marunong ako Ma’am! Ano ba ang gusto mong putahe? Marami akong alam. Marunong akong magpakbet, dinengdeng, pinapaitan, dinakdakan, kinirog, ahm... ano pa ba...?” kunwa’y nag-isip siya.
“Mabuti naman kung ganoon. Pero hayan nanaman ‘yang mga salitang hindi ko maintindihan eh.”
Napakamot sa ulo si Savana.
“Puro pagkaing ilokano yata ang alam mo. Hindi ako masyado sa mga pagkaing iyan pero hindi naman masamang matikman. Siyanga pala, mga pasado alas onse na magiging ang Sir niyo. Kaya kailangan ay nakahanda na ang pananghalian niya.” Sinabi nito ang mga ayaw ng asawa nito at ang mga paboritong pagkain. “Natatandaan mo ba lahat?”
“Yes ma’am! Nandito lahat.” Itinuro niya ang sentindo. “Gusto mo isa-isahin ko pa?”
“Huwag na. Ano ka ka?” natatawa nanamang wika ni Melissa. “Mabuti rin kung ganoon. Ngayon ay maari ka ng bumalik sa silid mo. Pagkatapos ay puwede mo ng simulan ang mga dapat gawin dito. Kailangan ko na rin kasing umalis. Ayos ka na ba rito?”
“Sige Ma’am Melissa. No problema. Ako na muna ang bahala dito habang hindi ko pa nakikilala sina Gracia at Sir.” Sumaludo pa siya roon. “Huwag ka ng mag-aalala.”
“Ikaw talaga. Sige. Aalis na ako.”
Nang tumango siya ay tumalikod na ito sa kanya. Siya ay nakasunod ang tingin dito. Iglap ay nagbago ang aura ng mukha niya. Saglit na sinapian siya ng totoong siya.
Pasensiyahan tayo Melissa. Pero hindi mo ako makukuha sa kabaitan mo babae. Maghihiganti pa rin ako sa asawa mo. Malas mo kung madadamay ka. Anang isip niya.
Mag-focus ka sa dapat mong gawin Ava. Huwag kang padadala sa kabaitan ng babaeng iyan. Mag-focus ka.