NAGLALAKAD sa gitna ng daan sa bakuran ng Baclaran Church ang isang babaeng may taas na limang talampakan at walong pulgada. Sa height nito ay maari na itong maging modelo o sumali sa mga beauty pagent. Subalit pagdating sa screening ay siguradong lagapak kaagad ito. Papaanong hindi? Ang mga screener ay tiyak na mapapangiwi sa itsura niya. Nakasuot siya ng long sleeves na kulay puti sa pang-itaas at medyo may kaluwangan iyon sapat para hindi makita ang korte ng katawan niya. Sa pang-ibaba ay nakasuot naman siya ng mahabang palda na lagpas sa tuhod at kulay dark brown iyon. Nakatirintas ang itim na itim at mahaba niyang buhok na umabot malapit na sa beywang. Her posture didn’t fit her height. Papaano ay medyo hindi tuwid ang tindig niya at medyo may pagka-kuba siya.
Hindi rin masasabing siya ay maganda dahil para sa mga taong nakakakita sa kanya ng mga sandaling iyon ay isa siyang tipikal na manang na galing sa malayong-malayong probinsiya. May nakaharang na makapal na salamin sa kanyang mga mata na parang ang taas-taas ng grado. Na parang walang kamuwang-muwang sa lugar na iyon. Bagamat makinis ang kanyang mukha ay hindi pa rin iyon naging kaaaya-aya dahil sa malaking nunal na tumubo sa isang pisngi ng kanyang ilong. Kasing-laki iyon ng pasas. Sa dinami-rami ng puwedeng tubuan ay doon pa iyon sumulpot. Pakiramdam tuloy niya ay palaging may dumi sa kanyang ilong. Minsan ay nahahampas pa nga niya iyon pero kapag naaalala niyang nunal pala iyon ay napapangiwi nalang siya.
Pero sino nga ba ang babaeng ito?
Siya si Savana Butete. Galing probinsiya at naghahanap ng trabaho sa Maynila. Ngayon ay nasa daan siya papasok sa malaking simbahan ng Baclaran at sumasabay sa mga taong naglalakad doon. Kakaunti lang ang mga tao ng oras na iyon dahil hindi naman araw ng pagsisimba. Suot niya ang isang sling bag na kulay itim na mula pa rin sa panahon ni kopong-kopong at hawak niya ang isang mahabang payong na kulay yellow at pa-curve ang hawakan. Kampante at nakatutok ang mga mata niya sa unahan habang naglalakad habang hindi nawawala ang ngiti at sigla sa mukha.
Isang may kapayatan at hindi naman masasabing matangkad na lalaki – dahil mas matangkad pa siya – ang nasa bandang unahan at pasalubong sa kanya ang nakasalubong ng kanyang paningin. Ilang metro pa ang layo nito sa kanya. Karaniwan lang ang itsura nito at tipikal na Pilipino. Nakasando lang ito ng kulay puti at pantalong maong na mukhang gamit na gamit na dahil sa kupas niyon. Saglit lang silang nagkatinginan ng lalaki dahil inalis agad niya ang tingin dito.
Sa bandang unahan niya ilang hakbang lang ang pagitan ay may isang babae na sa tingin niya ay kasing-edad niya. Halata ang kurba ng katawan nito sa suot nitong fitted jeans na hi-waist at turtle neck na kulay red. May kaputian din ang babae at mukhang makinis. Nakatuck-in ang babae at kitang-kita ang ganda ng pagkabilog ng balakang. Pero mas matangkad siya rito. Mahaba rin ang buhok nito na nakalugay. Hindi lang niya alam kung ano ang itsura nito sa harap. Ito ang sinusundan niya sa paglalakad. Pansin na pansin niya ito dahil halos kasunod lang siya ng babae.
Ilang sandali pa ay nagkatapat na ang payat na lalaki at ang seksing babae. Kumibot ang kilay ni Savana dahil biglang umiba ng direksiyon ang paglalakad ng lalaki. Sa tinutumbok nito ay parang lalapitan nito ang seksing babae. Hanggang sa magtapat ang dalawa.
Mabilis ang naging pangyayari. Biglang hinablot ng payat na lalaki ang shoulder bag na gamit ng babae. Saka ito mabilis na kumilos para tumakbo. Nasindak ang seksing babae at napasigaw ng isang beses pagkatapos ay tila natulala na ito habang nakahabol nalang ng tingin sa snatcher.
Si Savana, bagamat nabigla ay alam na ang gagawin. By instinct, pagtapat ng payat na lalaki sa tapat niya ay itinaas niya ang hawak na payong eksakto sa mismong daraanan ng lalaki. Sapol ang paa nito ng payong niya dahilan para mapatid ito at masubsob sa semento. Hindi pa siya nakuntento, hinarap niya ang lalakit at hinampas niya ng payong ang katawan nito ng hindi pa ito maka-recover sa pagkakapatid nito.
“Aray ko! Aray ko naman!” atungal ng payat na lalaki habang sinasalag ang pag-atake niya rito.
Minulatan niya ito. “Sira ulo ka! Ang kapal ng mukha mong mang-snatch ng bag sa payat mong ‘yan! Ang lakas ng loob mo! Hoy! Payat din itong payong ko pero kaya kang labanan nito!” nanggagalaiting singhal dito ni Savana habang patuloy siya sa paghataw ng payong sa katawan ng snatcher.
“Tama na po! Tama na po! Patawarin niyo na po ako.” nagmamakaawang wika ng lalaki habang patuloy sa pagtatakip sa katawan nito. Siya naman ay patuloy sa pag-atake dito. Pero bago pa niya makalimutan ay mabilis niyang dinampot ang bag ng seksing babae na nabitiwan ng lalaki sa tabi nito.
Dahil sa sandaling pagtigil niya sa paghataw dito ng payong ay mabilis itong nakakilos para tumayo. Bago pa siya muling makaatake ay nakatayo na ito at na mabilis na umeskapo. Nahabol nalang niya ng tingin ang tumatakbong lalaki papalayo sa kanila.
“Hoy!!! Lalaking feeling si Stephen Chow, bumalik ka rito! Hindi pa ako tapos sa iyo! Hindi pa kuntento ang payong ko sa paghampas sa iyo! Bumalik ka ritoooo!!!” pasigaw niyang sambit habang itinataas ang payong.
Tuluyang nakakuha ng atensiyon ng mga tao ang pagsigaw niya. Ngayon ay nakatingin na sa kanila ang halos lahat ng tao sa paligid.
“Bumalik ka dito! Magtutuos pa tayong snatcher ka! Mga hayop kayo! Hindi kayo marunong magbanat ng mga laman-laman niyo! Puro pandurugas at paglalamang ang ginagawa niyo!” patuloy niya sa pagsigaw. Wala na sa paningin niya ang payat na lalaki pero salita pa rin siya ng salita. “Wala ka palang binatbat eh!” medyo hinihingal na sabi pa niya.
Noon tuluyang nakalapit sa kanya ang seksing babae na ilang sandali palang natulala kaya hindi kaagad nakalapit sa kanya.
“Miss!” pukaw ng babae sa kanya ng nasa tabi na niya ito.
Hinabol pa niya ng tingin ang snatcher at ng masigurong wala na ito ay saka lang niya binalingan ang babae. Pagharap niya rito ay natulala siya sabay awang ng bibig. Ganito pala kaganda ang babaeng ito. Parang artista.
“Miss?” untag ulit sa kanya ng babae nang mapansing natulala na siya. Saka lang siya tila natauhan ng pumitik ito sa harap niya.
Ipinilig-pilig ni Savana ang ulo para bumalik siya sa kasalukuyan. “A...e...”
“Ayos ka lang ba?” tanong ng babae sa kanya. Bahagya pa nitong inilapit ang mukha sa mukha niya.
Inayos niya ang salamin sa mukha na medyo tumabingi. Pasimple rin niyang kinapa ang kanyang nunal kung naroroon pa iyon. Baka kasi biglang lumipat sa ibang parte ng kanyang ilong o mukha. “O-Oo naman. Ayos lang ako Miss Beyutipul! Ikaw ba, ayos ka lang?” ganting-tanong niya rito.
Napangiti ang babae. “Maayos na ako ngayon. At iyan ay dahil sa iyo. Salamat nga pala ha. Sa pagtulong mo sa akin at sa pagbawi mo sa bag ko.”
“Ah, ‘yun? Wala ‘yun! Dapat naman talaga kung kaya mong tumulong sa tao ay tutulong ka diba?”
Umiling ito habang nakangiti pa rin. “Hindi rin. Tingnan mo nga. Ikaw lang ang nag-iisang tumulong sa akin dito. Ni hindi man lang nila ako nilapitan.” Inginuso nito ang mga tao na nasa paligid na patuloy lang sa pag-uusosyo sa kanila. “Hindi ko akalaing isang kagaya mo pa ang tutulong sa akin.”
Napatingin din siya sa mga iyon saka ibinalik ang tingin sa seksi at maganda na ring babae ngayon. Nag-make face siya na tila nahihiya. “Kunsabagay.” Kinipkip niya ang hawak na bag nito sa dibdib niya. Nahihiyang ngumiti siya rito. Lumitaw ang braces sa ngipin niya.
“P-Puwede ko na bang makuha ang b-bag ko?” medyo alanganing tanong ng babae sabay turo sa bag nito.
“Ay! Oo nga pala. Heto.” ibinigay niya ang bag dito. “Mukhang wala namang nawala diyan. Nakasarado pa oh. Pero mas mainam kung itsi-tsek mo na rin.” Mungkahi niya.
Binistahan ng babae ang bag nito. Sarado pa nga iyon kaya binuksan nito ang zipper at sandaling sinipat ang mga laman niyon. Nakangiting nagtaas ito ng mukha at muli siyang binalingan.
“Nandito pa rin ang lahat ng laman ng bag ko. Maraming salamat talaga ha.” Anito sa kanya.
Nakangiting napatanga siya rito habang nakaawang pa rin ang bibig. Lalo ring kumorte ang likod niyon sa pagkakakuba. Sa itsura niya ay tila naengkanto siya sa harap ng babae.
“Miss? Natulala ka nanaman diyan. Ayos ka lang ba talaga?” medyo nagsalubong ang mga kilay ng babae.
Noon siya dumiretso ng tindig. “Pasensiya ka na ha. Medyo nawala ako sa sarili. Ang ganda mo kasi.” Puri niya rito sabay ngisi.
Natapik ng babae ang balikat niya sabay tawa. “Hindi ka lang pala matulungin, bolera ka pa.”
Ngumuso siya. “Totoo! Ang ganda-ganda mo talaga. Crush na nga kita eh!”
Lalong tumawa ang babae. “Siya. Bago ang lahat, ako nga pala si Melissa Del Rio. Ikaw? Anong pangalan mo?” inilahad nito ang kamay sa kamay.
Kiming tinanggap niya iyon. “Ako? Interesado ka sa pangalan ko?”
“Oo naman. Bakit?”
“E bihira ang mga nagkaka-interes sa pangalan ko eh. Hindi lang ako makapaniwala na ang kasing-ganda mo ay tatanungin ang pangalan ko.” Medyo madramang pahayag niya kasabay ng paglungkot ng kanyang mukha.
“Grabe naman ‘yun! Pero seryoso. Ano ba ang pangalan mo? Para naman malaman ko ang pangalan ng taong tumulong sa akin ngayon.” Mapanghikayat na wika nito. Nakapaskil din ang totoong ngiti sa labi.
“Savana. Savana Butete ang pangalan ko.” Aniya saka maluwang na ngumiti. Ang mga kamay nilang hindi pa nagbibitaw ay noon lang nag-shake hands. Naging OA pa ang ginawa niyang pakikipag-shake hands dito.
Hindi niya alam kung tatawa siya o ano sa naging reaksiyon ni Melissa. Napangiwi kasi ito at napatitig sa kanya. Partikular sa kanyang nunal sa ilong pagkatapos ay sa kanyang ngipin. Ito ang unang nagbawi ng kamay.
“Savana Bute--- anong apelyido mo ulit?”
“Butete. B.U.T.E.T.E.” pag-spell out pa niya sa apelyido.
Hindi na nito naitago ang pagngiwi. “S-Sigurado ka? I-iyon talaga ang apelyido mo? Baka naman jino-joke mo lang ako ha.”
“Butete nga talaga ang apelyido ko. Iyan kasi ang apelyido ng tatay ko. Ang nanay ko naman Malaki ang apelyido.”
“Ano? Malaki?” napamulagat si Melissa. “I-Ibig mong sabihin ang buong mo pangalan ay Savana Malaki Butete?”
Sunod-sunod siyang tumango. “Ang bantot diba?”
“Ang bantot nga...” mahinang sabi ni Melissa pero narinig pa rin niya.
“Narinig ko iyon.” Umingos siya rito. “Pero huwag kang mag-aalala. Sanay na ako. Kaya hindi ko masyadong inilalagay ang apelyido ng nanay ko kasi ang sagwa na diba? Ang malas ko nga eh. Bakit ba kasi naging ganoon ang apelyido ng mga magulang ko. Ang dami-daming apelyido sa earth pero sila pa talaga ang nagtagpo. Parang ang dating, malaki ang butete ko.” Aniyang humagikhik dahilan para lumabas nanaman ang mga braces niya.
Alanganing mapangiti o hindi si Melissa.
Nagpatuloy siya sa pagdaldal. “Bumawi naman sila sa pangalan diba? O ‘Savana’. Bold star na bold star!” malakas niyang palatak saka nag-pose ng pang-bold star. “Pinangarap ko rin dati maging bold star eh . Parang ang laki kasi ng kita. Tapos mga guwapo at macho pa ang leading man nila. Iyong iba nga action star pa! Baka makabingwit pa ako ng magiging papa ko kapag naging bold star ako diba?”
Akmang itataas na niya ang isang kamay ng pigilan na siya ni Melissa. Tabingi na ang mukha nito. Inawat siya nito habang napapatingin sa mga tao.
“Tama na iyan, Savana.” Awat nito sa kanya. Ibinaba naman na niya ang isang kamay. “Ang mabuti pa, iti-treat nalang kita ng meryenda para makabawi naman ako sa iyo. Okay lang ba sa iyo iyon?”
Kunwa’y nagyuko siya. “Naku... n-nakakahiya naman Melissa. Ayos lang iyon. Hindi naman ako naghihintay ng kapalit.”
“Ano ka ba? Gusto kitang i-treat at hayaan mo na ako para naman makabawi ako sa iyo. Saan mo ba gustong kumain?” hinila na nito ang kamay niya.
Pero tumanggi pa rin siya kahit ang totoo ay gusto niyanng magpa-treat dito. Aba! Bihira na sa panahon ngayon na makakain ka at mai-treat ng isang taong hindi mo kilala ha. Pero siyempre ay naghiya-hiyaan pa rin siya.
“Huwag nalang Melissa. Nakakahiya talaga. Pero saan mo ba ako ililibre. Malakas kasi akong kumain. Baka magastusan ka. Alam mo kasi itong nunal sa ilong ko ay may buhay din. Hindi lang itong tiyan ko ang kailangang kumain. Pati itong nunal ko sa ilong.” Itinuro niya ang kanyang nunal.
Bumungisngis si Melissa. “Ganoon ba?” alam nitong nagbibiro lang siya. “Okay lang iyon. Tara. Kung saan mo gustong kumain.”
“Sige na nga. Tutal gutom na rin talaga ako.” Nagpahila na siya rito ng hilahin nito ang isang kamay niya at feeling close na sila.
Nang maglakad ito ay umagapay na siya rito. Habang hindi nakatingin sa kanya ang babae ay lihim na tumaas ang isang sulok ng labi ni Savana. Naglaro sa kanyang mga mata ang kislap ng tagumpay.