Nang mawala ang dalawang bisita ng mag-asawa ay ganoon din si Graham. Ilang beses na itong sinubukang hanapin ni Allana sa buong bahay pero hindi niya ito makita. Mukhang umalis muna ito para makahinga ng maluwag. Siguradong stress na stress ito dahil sa mga nangyayari.
Dahil mag-isa nalang sa bahay ay naglinis nalang si Allana ng kwartong tutulugan ng mga mama nila. Tamang-tama dahil dalawang kwarto pa naman ang bakante sa bahay ay pareho niya iyong nilinisan. Nagpalit siya ng mga kobre-kama at punda ng mga unan. Pagkatapos niyang gawin iyon ay muli niyang tiningnan sa kwarto niya si Graham. Dahil hindi naman naka-lock ang pinto ng kwarto nito ay nabuksan iyon ni Allana. Pagsilip niya sa loob ay agad niyang hinanap si Graham pero mukhang hindi pa rin ito bumabalik.
Isasara na sana ulit niya ang pinto ng mapagawi ang tingin niya sa mesang nasa gilid ng kama. Naka display na naman doon ang picture nina Graham at Bebeca. Napalitan na ang frame no'n. Isang kahoy na frame na may nakasulat na 'I miss you'.
Napabuga siya ng hangin at napatingala. Pinipigil niya ang tubig sa mata niya na nagbabadyang tumulo.
Simpleng picture lang naman iyon, pero pakiramdam niya ay isa iyong uri ng armas na nakaasinta sa dibdib niya. Para iyong isang baril na paulit-ulit na pumuputok at diretsong tinatamaan ang puso niya.
---×××---
Bandang alas-sais ng makarinig ng ugong ng sasakyan si Allana sa labas ng bahay nila. Nagmamadali niyang iniwanan ang palabas na pinanunod niya para salubungin ang mga dumating. Nang makita niyang bumaba ng kotse ang kaniyang ina at ina ni Graham ay napangiti siya. Excited niyang binuksan ang maliit na gate para papasukin ang mga ito.
"Aba at bakit nasa labas ka pa Allana. Mahamog na. Pumasok ka na sa loob," salubong sa kaniya ng mama ni Graham. Inangklahan siya nito sa braso at isinabay sa paglalakad. Nilingon nalang niya ang kaniyang ina. May kinukuha pa ito sa sasakyan.
Pagpasok nila sa bahay ay inakay siya ng ginang papunta sa kusina. Pagtayo nito sa tapat ng lamesa ay binitawan na nito si Allana at inilapag doon ang mga dala niya.
"Will you help me iha?" malambing na sabi nito kay Allana.
Ngumiti naman si Allana at nagmamadaling kumuha ng mga platong pag lalagyan ng mga dala nitong pagkain. Pagkalapag niya sa lamesa ng mga platong kinuha niya ay dumampot rin siya ng isang paper bag at inilabas ang laman noong tupperware. Lalo pang lumuwag ang pagkakangiti ni Allana ng makita kung ano ang nasa loob ng plastik na baunan.
"At bakit parang masaya ka hmmm? Nagustuhan mo ba ang mga pagkaing binili namin?" biglang nagsalita ang ginang.
Nang mag-angat ng tingin si Allana ay nakita niyang nakangiti rin ito habang titig na titig sa kaniya.
"Ah, tamang-tama po kasi ang mga pagkaing binili ninyo. This fast few days po kasi ay talagang gustong-gusto kong kumain ng kahit anong pasta dish eh," nakangiting sagot naman ni Allana.
"Alam ko. Kaya nga ito ang binili namin para sa hapunan natin eh." Nagpatuloy na sa paglalabas ng tupperware mula sa paper bag ang mama ni Graham.
"Po? Alam ninyo po?" surprised na tanong ni Allana.
"Yes, Graham told us."
"Gano'n po ba." Itinuloy na ni Allana ang pagsasalin ng laman ng tupperware sa kinuha niyang plato. Nang makita niyang wala ng isasalin ay sunod naman siyang kumuha ng platong gagamitin nila. Pati na rin mga kutsara at tinidor. Pagkalapag niya ng mga iyon sa lamesa ay muling nagsalita ang mama ni Graham.
"Oh siya, tawagin mo na si kumare at 'yong asawa mo. Iwan mo na sa akin ito at ako na ang bahalang tumapos nito."
Biglang natigilan si Allana ng marinig ang pangalan ni Graham. Naalala niya kasi na hindi pala niya alam kung nasaan ito. Hanggang ngayon ay hindi parin siya nakakaisip ng magandang rason sa pagkawala nito at hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya sa mga nanay nila. Ayaw niya namang sabihin na hindi niya alam kung nasaan si Graham dahil baka maging questionable pa ang pagiging asawa niya.
"Ano? Naakayos na ba ang hapunan?" Pumasok na rin sa kusina ang mama Amanda niya. Humila ito ng upuan at umupo.
"Tamang-tama at narito ka na, ipapatawag na nga sana kita kay Allana e. Teka, si Graham?" sabi ni Carmela sabay tingin sa pintuan ng kusina.
Lalo pang napayuko si Allana. Hindi niya talaga alam kung ano ang sasabihin niya. Para siyang nasa gitna ng kumunoy na anumang oras ay lulubog na. Kahit hindi naman siya tino-torture ay nararamdaman niya ang pagpapahirap sa kaniya ng sitwasiyon niya.
Nasaan na ba kasi si Graham e. Siya naman ang may idea ng pagpapanggap na ganito tapos mang-iiwan naman sa ere.
Hinaing niya sa isipan.
"Oh, nariyan ka na pala. Halika na. Kumain na tayo at marami pa akong iuutos sa iyo mamaya."
Automatic na napaangat ang ulo ni Allana ng marinig ang sinabi ng ina ni Graham. Paglingon niya sa may pintuan ay nakita niyang papasok na roon ang asawa. Nagpupunas ito ng pawis gamit ang kulay puting towel. Mukhang pagod na pagod ito. Gulo-gulo pa ang buhok nito na animo'y may bagay na ipinatong sa ulo.
"Maupo ka na Allana. Sige na. Hindi ba't gusto mo ng pasta dish. Aba dali na, bago pa lumamig ang mga ito," aya na sa kaniya ng kaniyang ina.
Nang marinig iyon ni Graham ay patakbo nitong nilapitan si Allana para ipaghila ng upuan. Nang magkadikit sila ay tinitigan ito ni Allana at binulungan.
"Saan ka ba galing? Alam mo bang kanina pa ako hanap ng hanap sa'yo," sermon niya kay Graham. Nginusuan niya pa ito.
"Bakit hindi mo tanungin ang mama mo," sagot naman ni Graham.
Nang makaupo na ng maayos si Allana ay humila narin si Graham ng upuan para makaupo na.
"At ano naman ang pinagbubulungan ninyo diyan ha? Aba't may pa secret secret pa kayo sa amin ha," natatawang sita naman sa kanila ni Carmela.
"Kayo naman kasi e, hiniram ninyo ako ng hindi nagpapaalam. Na sermunan pa tuloy ako," pagbibiro ni Graham.
Nagtawanan naman ang dalawang nanay. "I'm sorry Allana. Naglambing lang naman kami sa asawa mo. Huwag ka ng magalit hmmm," sabi ni Carmela.
Naiilang na ngumiti naman si Allana. Para siyang napapahiya dahil sa mga naririnig niya. Ang lumalabas kasi ay napakahigpit niya kay Graham.
Hay. Sana nga pwede kong higpitan at kontrolin si Graham katulad ng iniisip nila.