Chapter 1 : Mistaken Identity
Chapter 1
Hellions International School
Mataas na ang sikat ng araw nang makarating sa pinapasukang unibersidad si Trevor, ang Hellions International School o mas kilala sa tawag na HIS. Tambak na kaagad ang kanyang mga gawain sa unang araw ng pasukan bilang presidente ng School Student Government Organization at kasalukuyan ding presidente ng department of architecture. Maraming bagong estudyante ang nagpa-enroll lalo na sa kursong kinabibilangan niya. Bilang presidente, kailangan niyang i-tour ang mga bagong estudyante lalo na ang nagmula pa sa ibang bansa. Ang iba naman ay ihahabilin niya sa kanyang mga kasamahan sa organisasyon. Ganoon ka-istrikto ang kanilang eskwelahan.
Dahan-dahan niyang ipinarada ang nilulanang sasakyan sa parking lot ng unibersidad. Sinipat niya muna ang sariling repleksyon mula sa salamin ng sasakyan bago tuluyang lumabas. Isinukbit niya ang kanyang backpack bago sinara ang pinto ng kotse. May kakaibang awra ang lumalabas sa kanya ngayon. Nakaramdan siya ng saya at tuwa gayong pinakaayaw niya talaga ang unang araw ng pasukan. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang naging masigla. Pakiramdam niya ay may mangyayaring maganda ngayong araw. Hindi rin niya magawang matuwa nang tuluyan dahil alam niya ang katumbas ng tuwa ay kalungkutan o kaya naman ay disaster.
Inayos niya sa pagkakasukbit ang kanyang backpack habang naglalakad sa quadrangle nang may mahagip ang kanyang mga mata. Bigla siyang na-estatwa. Napako ang kanyang paningin sa bulto ng babaeng mabagal na naglalakad sa quadrangle habang palinga-linga sa buong paligid. May hawak pa itong maliit na school flyers na naglalaman ng school map at school rules at kung ano-ano pang paalala ng unibersidad. Kunot-noo niya itong pinagmasdan mula sa malayo. May kung anong tumambol sa kanyang puso.
Nagulat siya nang tuluyan itong maaninag. Lalo siyang nagitla nang mamataan niya nang tuluyan ang mukha nito. Nakaharap sa kanya ang babae ngunit wala sa kanya ang paningin nito.
“Yianne?” pabulong niyang tanong habang nakapako pa rin sa kanyang kinatatayuan. “Is that Yianne?” tanong niya ulit.
Papalapit kay Trevor ang dalaga. Nagitla siya nang diretso itong tumingin sa mga mata niya. Matagal bago binawi ng dalaga ang paningin kaya akala ni Trevor ay kakausapin siya ng dalaga. Marahas siyang huminga nang bigyan siya ng dalaga nang nagtatakang tingin bago ito lumagpas sa kanya. Dire-diretso lang itong naglakad. Nilingon pa muna ito ni Trevor habang nagtataka.
“Bakit siya nandito?” pabulong niyang tanong. Biglang dinamba ang kanyang dibdib. Gumapang ang kakaibang kaba sa kanyang buong sistema. Naguguluhan niyang nilingon ang papalayong bulto ng dalaga. “How come she’s here? I thought she’s gone? Paano nangyaring nandito siya? Paano nangyaring buhay siya?” sunod-sunod niyang tanong.
Huminga siya nang malalim. Nakamaang siyang nakatingin pa rin sa likod ng dalaga. Ginulo niya ang kanyang buhok at gulong-gulo na sumunod sa dalaga. Ilang dipa ang layo nila sa isa't isa at ramdam talaga niyang si Yianne iyon. Iba talaga ang kutob. Hindi niya alam kung bakit para siyang kinuryente nito kaya heto siya ngayon, parang may sira sa ulo na sumusunod sa dalaga.
Tsk! What’s wrong with me? No! What's wrong with her? Bakit hindi niya ako nakilala? Well, is that even really her?
Yianne. Ang babaeng isang taon ng nawala sa mundong ibabaw.
Kinakabahan siya habang papalapit sa dalaga. Pumasok ang dalaga sa canteen at umupo ito sa pinakagitnang bahagi ng canteen dahil sa sobrang daming estudyante ang nakatambay roon. Pinanood niyang ilabas ng dalaga ang maliit na booklet na galing din sa unibersidad kasama ng school flyer at mataman itong binasa. Halos lahat ng nakakakilala sa dalagang si Yianne ay napapatingin sa babaeng walang pakialam sa paligid. Pumasok si Trevor at umupo malapit sa pinto ng canteen. Hindi niya inalis ang paningin sa dalaga.
Tumayo ang dalaga saka naglakad palapit sa counter at may sinasabi ito sa tindera. Tumango-tango pa ito habang nakikipag-usap na parang ka-edad lamang nito ang kausap. Ilang sandali lang ay may bitbit na itong ice tea at isang pancake na nakalagay sa puting supot. Bumalik ang dalaga sa kinauupuan at tahimik itong kumakain habang nagbabasa.
Pinanood at pinag-aralan ni Trevor ang mga kilos ng dalaga. Hindi niya maikakailang magkamukha ito at ang dalagang si Yianne ngunit magkaiba ang ekspresyon ng kanilang mga mata. Yianne is a sweet and innocent girl samantalang ang babaeng kanina niya pa pinagmamasdan ay hindi niya kakikitaan ng ganoong ekspresyon. Matalik itong tumingin. Kalkulado ang bawat kilos. Tipid itong magsalita at parang nag-iisip pa ng sasabihin bago magsalita. Kakaiba itong kumilos. Parang may itim na awra ang nakapalibot sa dalaga.
Napapiksi siya sa gulat nang lumingon ito sa gawi niya at magtama ang kanilang paningin.
Tsk! Mukhang malakas din ang pakiramdam nito, ah!
Mabilis siyang nag-iwas ng tingin at nagkunwaring may kinakalikot sa lamesa kahit wala namang nakapatong dito. Inis niyang sinaway ang sarili. Kung bakit naman kasi napili niya pang sundan ito.
Naglakad ito papalapit sa kanya. Seryoso ang mga tingin nito at mukhang siya talaga ang pakay ng dalaga. Huminga siya nang malalim bago umayos ng upo. Palihim niyang pinagsalikop ang kanyang mga kamay sa ilalim ng mesa dahil sa matinding kabang kanyang naramdaman.
Halos huminto ang kanyang hininga nang tumapat sa kanya ang dalaga at huminto ito sa kanyang harapan.
“Who are you?” seryoso, at may awtoridad nitong tanong.
Nangangapa siya ng isasagot. Halos umikot na ang kanyang mga mata dahil walang lumalabas sa kanyang isipan. Hilaw siyang ngumiti saka tumayo.
“I am the vice president of the school student government organization and I—”
Tumango ito kaya hindi niya natuloy ang sasabihin. “Okay. Can you show me my building?” Pinakita nito sa kanya ang class schedule pati na rin ang kurso nito. Nahagip niya ang pangalan ng dalaga ngunit dahil sa dami ng papel na hawak nito ay pangalan lang ng dalaga ang kanyang nakita.
“Yes, I can show. Please follow me,” aniya at nagpaumunang naglakad. Ihahatid niya ito sa mismong room kahit na sobrang kinakabahan siya sa hindi malamang dahilan.
Halos mabilaukan siya sa sariling laway dahil sa nabasang pangalan ng dalaga.
Xianne? Her name is Xianne, not Yianne. What the h*ll? How come it sounded the same?
“This girl is mysterious,” pabulong niyang komento habang nakasunod lamang sa kanya ng ilang dipang layo ang dalaga.
Sanay siya sa mabibigat na trabaho pero talagang nakaramdam siya ng hingal habang paakyat sa mismong floor ng unang klase ng dalaga. Nilingon niya ito at kita niyang natural lamang ang angas nito habang naglalakad. Nasa harap ang paningin nito at seryosong-seryoso ang mukha. Tiningnan siya nito nang nagtataka kaya naman kaagad siyang ngumiti at ipinagpatuloy ang paglalakad.
Tsk! What the h*ck, Tres! Bakit ganoon siya makatingin? Bakit magkamukha talaga sila? Pero kung siya nga si Yianne, bakit hindi niya ako makilala?