Chapter 32
Madaling araw na pero wala pa rin si Chuck. Hindi ako makatulog sa sobrang pag-aalala. Natawagan ko na ang mga kaibigan niya pero iisa lang ang sagot nila: hindi nila kasama si Chuck.
Mag-a-alas sais ng umaga nang mapagpasyahan kong umidlip muna ngunit narinig ko ang pagdating ng sasakyan. Dali-dali akong bumaba sa pag-aakalang si Chuck iyon. Nagulat ako nang mukha ni Eden ang mabungaran ko sa living room. Nakasimangot siya at tila inis na inis sa akin.
"Hi," wika ko at bumeso sa kaniya. "Ang aga mo yata?"
"Maaga?" mataray niyang sagot. "Magdamag akong walang tulog, Ligaya. Istorbo 'yang si Chuck. Maglalasing lang isinama pa ang boyfriend ko. Ano na naman ba ang problema n'yo, ha?"
Napakunot ang noo ko. Ibig sabihin sa kanila nagpunta si Chuck. "You should have called me. Kagabi ko pa siya hinahanap. Nasaan siya?"
"Sa kotse. Lasing."
Iniwan ko siya sa salas at lumabas ng mansiyon. Tanaw ko ang boyfriend ni Eden habang inaalalayan si Chuck palabas ng kotse. Naroon din si Patrick at pansin ko ang matalim na titig niya sa akin.
Tumango lang ang boyfriend ni Eden nang makita ako, irap naman ang natamo ko kay Patrick. Lalapitan ko na sana sila subalit pinigilan ako ni Eden kaya nagkasya na lang akong ihatid sila ng tanaw paakyat ng hagdan.
Napailing na lang ako. Walang malay si Chuck at namumula ang mukha sa sobrang kalasingan. Umupo na lang ako sa sopa dahil napansin ko ang mapanghusgang tingin ni Eden.
"Ewan ko sa 'yo, Ligaya," saad niya. "Nakakuha ka na ng lalaking matino pero parang gusto mo pang pakawalan."
"Eden, ano ba ang sinabi niya sa inyo?"
Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko siya kinausap dahil naiimbyerna ako. Bigla na lang dumating sa bahay kasama si Patrick at nag-aya mag-inom." Umirap na naman siya kaya ramdam kong naiinis siya sa akin. "Pagsabihan mo 'yan na huwag na huwag pupunta sa bahay kung aayain lang maglasing ang boyfriend ko."
"I'm sorry. I didn't expect that-"
"Didn't expect?" saad ni Patrick. Pababa na siya sa hagdanan kasunod si Ethan na boyfriend ni Eden. "You didn't expect na malalaman ni Chuck ang lihim mo?"
"Patty...?"
"Nagsumbong sa akin si Chuck, Ligaya. Pati kaming mga kaibigan mo niloko mo."
"Patrick, that's not true."
"Not true?" Umupo si Patrick sa sopa na katapat ng inuupuan ko. Pansin ko ang galit sa mukha niya dahil namumula iyon. "Pinaasa mo lang pala si Chuck. Wala ka naman palang balak pakasalan 'yong tao."
"What?" Napaawang ang labi ni Eden at tiningnan ako nang tuwid. "You mean...? My god, Ligaya, all this time pala niloloko mo lang si Chuck?" Sumandal siya kay Ethan na nakaupo sa tabi niya.
Hndi na ako nakapagsalita pa dahil muli ko na namang naramdaman ang malapunyal na tingin ni Patrick. Sa lahat ng ayaw ko ay nagagalit ang baklang ito. Minsan na kaming nagkagalit at ayoko ng maulit pa iyon. Siya kasi ang tipo ng taong kapag nasaktan mo ay hindi ka kikibuin hangga't hindi ka nagpapakumbaba.
"Nagpasama si Chuck sa akin kagabi. Ninong mo ba 'yon? 'Yong si Dante." Pinunasan niya ang nalaglag na luha sa kabila niyang pisngi. "Alam mo bang awang-awa ako kay Chuck kagabi? Hindi niya matanggap ang mga sinabi ng Dante na iyon. Totoo ba, ha, Ligaya? Mawawalan ka ng mana kapag itinuloy mo ang pagpapakasal kay Chuck?"
"'Yon ang nakalagay sa last will and testament ni dad," saad ko sabay punas ng luha sa aking pisngi. "Dad never approved of him from the very start."
"I thought last year lang kayo nagkakilala ni Chuck?" sabat ni Ethan.
"Technically, yes. Pero noon pa ay nakita na niya ako at nalaman 'yon ni dad. That's why he did everything para hindi makalapit sa akin si Chuck. To the point na pinatira pa niya si Chuck sa mansiyon para lang malaman ang bawat galaw nito. Sinabi sa akin ni Ninong Dante ang lahat."
"Wow!" saad ni Ethan. "That man really loves you."
"And this girl is an idiot," tukoy sa akin ni Eden sabay irap. "Nakahanap na ng matino, gusto pang pakawalan."
"Ayusin mo ang problemang ito, Ligaya," saad ni Patrick mayamaya. Tumayo na ito at nagpaalam ngunit bago naglakad palabas ay muli siyang nagsalita, "Kagaya ni Tito Victor ay hindi ko rin gusto si Chuck noon. Pero pinatunayan naman niya na karapat-dapat siya, Ligaya. He moved heaven and earth para lang magkasama kayo. Kapag hindi natuloy ang kasal ninyo, ewan ko na lang."
Tumayo na rin si Eden. "This is the last time na mangingialam kami sa inyo ni Chuck, Ligs. Mabait si Chuck pero huwag mo naman abusuhin dahil kapag 'yan napuno sa 'yo, luluha ka ng dugo. Reminder lang, bes, ha, stick to the plan. Pakasalan mo si Chuck or else magkalimutan na tayo." Tinungo na niya ang pinto palabas.
"Pasensiya ka na kay Eden, Ligs," saad ni Ethan na napapakamot sa ulo. "Wala kasing tulog kaya iritable na naman." Dali-dali siyang naglakad palabas dahil panay na ang sigaw ni Eden.
Napabuntong-hininga na lang ako nang marinig ko ang ingay ng kotseng papaalis. Hindi man lang nila ako binigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag. Sabagay hindi ko rin sila masisisi. Siguro napuno na rin sila sa akin kaya ganoon na lang ang reaksiyon nila sa mga sinabi ni Chuck.
Panay na ang hikab ko kaya umakyat na ako sa kwarto. Pinunasan ko muna ang katawan ni Chuck at pinalitan ng damit para maging kumportable siya sa pagtulog saka ako humiga sa tabi niya. Narinig ko pa ang pag-usal niya ng pangalan ko pero dahil mabigat na ang talukap ng mga mata ko ay hindi ko na pinansin iyon. Tuluyan ko ng ipinikit ang aking mga mata.
********
Nagising ako sa ingay na nanggagaling sa veranda. Imbes na magalit ay napangiti na lang ako nang maulinigan kong kumakanta si Chuck ng nursery rhyme. Bumangon ako at sumilip. Karga niya si baby habang nanonood ng video sa laptop. Tumalikod na ako at tinungo ang banyo para maghilamos. Siguro ito na ang tamang panahon para kausapin siya, para na rin maliwanagan siya.
"Daddy finger, daddy finger, where are you? Here I am, here I am. How do you do?"
Dinig ko pa rin ang mahinang pagkanta ni Chuck nang makalabas na ako sa banyo. Dali-dali akong nagtungo sa veranda at walang makakapantay sa sayang naramdaman ko nang makitang panay ang tawa ni baby habang nakatingin sa daliri ng kaniyang ama. Itinaas kasi ni Chuck ang hintuturo sa ere habang kumakanta.
"Mommy finger, mommy finger, where are you?" muling pumailanlang ang boses ni Chuck.
Hindi ko na napigilan ang aking sarili, nilapitan ko silang dalawa at niyakap. Napakanta na rin ako. "Here I am, here I am. How do you do?"
Napalis ang masayang aura ni Chuck nang mapatingin sa akin. Nawalan siya ng kibo kaya ako na ang nagtuloy sa nursery rhyme. "Daddy finger, daddy finger, what do you do?" Hinalikan ko siya sa pisngi pero wala pa rin siyang kibo. Para lang akong tanga na nakatingin sa kaniya matapos niyang i-off ang laptop.
"I'm sorry for what happened last night," saad ko makalipas ang ilang minuto.
"You don't have to," malamig niyang tugon. "You made a right choice. Tito Dante explained every single thing to me." Nahagip ko ang pag-igting ng panga niya saka pumiyok ang boses niya. "Ngayon ko lang napagtanto na pera ang pinakaimportante sa lahat. Na pera ang nagpapatakbo sa mundo."
"Chuck, it's not what you think it is. Mahalaga ka rin sa akin. It's just that money is-"
"Mahalaga rin?" sarkastikong sagot niya. Hindi niya maituloy ang pagmumura dahil hawak niya si baby. Namumula na ang mukha niya kaya alam kong galit na siya.
"Chuck."
Tumayo siya at pumasok sa kwarto. Sinundan ko sila ni baby pero pabalibag niyang isinara ang pinto papunta sa nursery. Napaluha na lang ako. Ngayon ko naunawaan ang mga sinabi sa akin nina Patrick at Eden. Marahil ay napuno na rin si Chuck. Hindi ko naman siya masisisi pero sana maunawaan din niya ang nararamdaman ko.
Bumalik ako sa veranda para makalanghap ng sariwang hangin dahil parang sumikip ang dibdib ko. Mayamaya ay naramdaman ko ang mga yabag na papalapit.
"Tama si Patrick," narinig kong saad niya.
Humarap ako sa kaniya at agad kong napansin ang bahagyang pamumula ng mata niya. Nakasuksok ang mga kamay niya sa magkabilang bulsa ng suot niyang pantalon.
"Tama sila. Kailangan ko ng dumistansiya sa 'yo bago pa ako masiraan ng bait. You never love me. Pera lang ang mahalaga sa 'yo."
"That's not true."
"Don't fool me, Ligaya. Ayaw mo lang mawalan ng mana kaya hanggang ngayon ay hindi mo pa rin magawang magpakasal sa akin." Nakatayo pa rin siya at ipinatong ang mga kamay sa sandalan ng upuan.
"Chuck, I need that inheritance dahil ayokong maghirap sa mga susunod na panahon."
Ngumisi siya na tila nang-iinsulto. "Inamin mo rin. Nice."
"I'm sorry. Pero ayoko ng maranasang muli ang hirap na naranasan ko sa America. Hindi mo kasi ako naiintindihan, e."
"At ko pa ngayon ang hindi nakakaintindi, ha, Ligaya? Kasalanan ko ba na mas pinili mo ang mamanahin mo kaysa maging maligaya kasama ako?"
"Chuck." Yayakapin ko na sana siya pero mabilis siyang umiwas. Napaupo na lang ako sa stool na naroon at hinayaang malaglag ang aking mga luha. "Kung ako lang ang masusunod, I could give it up. But it's for Clint. It's all about him. Kung wala siya, hindi ako manghihinayang na mapunta sa charity ang mamanahin ko. Napaka-iresponsable ng ama niya at alam mo yan. Kaya gusto kong masiguro na maayos ang kinabukasan ng anak ko bago ako magsimula ng panibagong buhay kasama ka, kayo ni baby."
"Damn, Ligaya!" Hinampas ng kanang kamay niya ang mesa. "'Yan ang problema sa 'yo, e. You always underestimate me. You never trust me!"
"I..."
"How many times do I have to tell you that I could be a father to him? That I will raise him as my own? I could and I am willing to give my name to that boy. I could give him a brighter future than his f*cking father. Pero anong ginawa mo?" Tumaas na ang boses niya at napansin ko na rin ang paglitaw ng mga ugat niya sa leeg tanda ng galit niya.
"Clint isn't your responsibility," tugon ko sa mababang boses.
"He is. Simula nang pumasok ako sa relasyong ito, hindi lang ikaw ang minahal ko, Ligaya. Minahal ko ang lahat-lahat sa 'yo. Ang nakaraan mo, maging ang mga pagkukulang mo." Hinawakan niya ang balustre saka huminga nang malalim. "Hindi naman siguro kalabisan kung hihilingin ko sa 'yo na gawin mo namang priyoridad ang relasyon natin. Dahil kung talagang mahal mo ako, ako at ang relasyon natin ang uunahin mo..."
Damang-dama ko ang pait sa kaniyang boses. Gusto ko siyang yakapin pero palagi siyang umiiwas.
"Chuck, kagabi I was about to tell you about my plan...handa na akong sabihin sa 'yo na ituloy na natin ang kasal." Halos manginig ang buong katawan ko matapos sabihin iyon dahil bigla kong napansin ang matalim na tingin niya. "Believe me, I really want us to get married."
"Oh, really?" sarkastikong saad niya. "E, kasasabi mo pa lang na mas importante ang mamanahin mo kaysa sa akin. Ano ba talaga, Ligaya?"
"Chuck, please hear me out, okay?" Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya saka mahigpit ko siyang niyapos para hindi na siya makaiwas pa. "I admit, I was after my inheritance but I just can't afford to lose you." Wala siyang nagawa nang humagulgol ako sa dibdib niya. "Binigyan ko lang ang sarili ko ng isang taon para magtrabaho sa kompanya dahil iyon ang gusto ni dad noong nabubuhay pa siya. Gusto ko siyang pagbigyan dahil gusto kong makabawi sa mga pagkukulang ko sa kanila. I was never a good daughter."
Nabasa na ng luha ko ang damit niya pero hindi man lang niya nagawang yakapin ako. Nakatayo lang siya roon na parang tuod habang nakahawak sa balustre ang kanang kamay niya.
"Chuck, please believe me."
"Why do I have to believe you, Ligaya?"
"Because I love you and I am willing push through our wedding."
Mabilis niyang tinanggal ang mga braso ko na nakapulupot sa katawan niya saka tinitigan ang mga mata ko. Walang emosyon ang mukha niya nang magsalita, "Walk your talk, Ligaya, if you don't want me to end this relationship." Tinalikuran niya ako saka mabilis na tinungo ang pinto papasok sa kwarto.
"Chuck...?"