Chapter 31
"Sabihin mo na sa kaniya, Elena," saad ni Ninong Dante. "Mas makabubuting sa 'yo niya malaman kaysa kung kani-kanino."
"Ninong..." sambit ko. Hindi ko naituloy ang sasabihin ko dahil dumating si Manang Sara dala ang ipinahanda kong meryenda.
"Wala kang kinabukasan sa lalaking iyon," saad niya nang makaalis na si Manang Sara.
"Hayan ka na naman, darling," sabat ni ninang.
"Para sa ikabubuti niya naman 'yon, Esme."
"I love him, ninong." Inilihis ko ang paningin at tumingin sa front door. Anumang oras darating na si Chuck galing sa trabaho. "And we're planning to get married."
Napangiti si ninang. "See, darling? Mahal nila ang isa't isa. Saka tingnan mo 'tong bahay nila, o. Hindi naman siguro magpapatayo si Chuck ng ganito lalaking bahay kung hindi niya mahal si Elena."
"I still don't like him. Kung nabubuhay lang sana si Victor, hindi ito mangyayari." Bumuntong-hininga si ninong. "How about Clint? Nagkakasundo ba sila ni Chuck?"
Tumango ako. "Magkakilala na sila noon pa. Si Chuck ang dating coach ng koponan na sinalihan ni Clint."
Hindi na umimik pa si ninong, tila nahulog siya sa malalim na pag-iisip. Napabuntong-hininga naman si ninang matapos hawakan ang kamay ko.
"Handa ka na bang maranasan ulit ang hirap, Elena?"
"Dante!" saway na naman ni ninang.
"Esme, ipinapaalala ko lang sa kaniya kung ano ang maaaring mangyari sakaling magpakasal siya sa lalaking iyon." Nilingon niya ako. "Handa ka na bang mawala sa 'yo ang lahat?"
Hindi ko na nasagot pa si ninong dahil naulinigan namin ang tawanan sa labas. Nang lumingon ako ay naroon sa bungad ng pinto sina Chuck at Clint, napakaluwang ng pagkakangiti nila.
"What a surprise!" Tuwang-tuwa si Clint nang lumapit sa amin. "Lolo Ninong! Lola Ninang!" Yumakap siya sa kanila. Tinapunan ko naman ng tingin si Chuck, wala akong maapuhap na inis sa mukha niya. Tila ayos lang sa kaniya ang pagdalaw nina ninong at ninang.
"Tito," saad ni Chuck at inilahad ang kanang kamay. "Salamat po at dumalaw kayo."
"Si Elena at ang mga bata ang dinadalaw namin," matigas na wika ni ninong kaya muli na naman siyang sinaway ni ninang.
Bumulong si ninang, "Pagpasensiyahan mo na ang tito mo, Chuck. Ulyanin na kasi 'yan."
"I heard that," sabat ni Clint na tatawa-tawa at nilingon si Chuck. "I guess, coach, si Lolo Ninong ang may gawa ng pasa mo noong nakaraang araw?"
"Clint," saway ko. Matabil talaga ang bunganga ng anak ko. "Umakyat ka na at magpalit ng damit."
Napangiti na lang si Clint saka iniwan kami sa salas. Kagaya ni ninong pormal din ang reaksiyon ng mukha ni Chuck at tila nagpapakiramdaman na naman.
"We have to go." Tumayo si ninong nang makaupo si Chuck sa tabi ko. Tila iwas na iwas siya na magkausap silang dalawa.
"Dito na lang po kayo mag-dinner, tito, tita," alok ni Chuck pero hindi nagpatinag si ninong.
"Halika na, Esme."
"Ninong, please stay for dinner," pakiusap ko. Tumayo na rin ako para pigilan siya.
"Elena." Bumuntong-hininga siya. "Nagpunta kami rito para tingnan kung maayos ang kalagayan mo at ng mga bata." Tinapik niya ako sa balikat at muli na namang bumuntong-hininga matapos tapunan ng tingin si Chuck. "I still don't like him, but it's your decision. Wala akong magagawa kundi suportahan ka. Sakaling magbago ang desisyon mo, andito lang kami ng ninang mo."
Matapos niya akong yakapin nang mahigpit ay tuluyan na silang lumabas ni ninang nang hindi man lang pinansin si Chuck.
"I'm sorry." Umupo ako sa tabi niya. Ako tuloy ang nahihiya dahil sa ipinakitang pagkadisgusto sa kaniya ni ninong.
Bumuntong-hininga na naman siya. "It's okay. Si baby?"
"Naroon sa nursery. Tulog pa." Ngumiti ako at kinuha ang briefcase na inilapag niya kanina sa mesa. "Magpalit ka na ng damit."
Habang patungo kami sa kwarto ni baby ay naglalaro sa utak ko kung ano ang magiging reaksiyon ni Chuck. Buo na kasi ang plano ko na magpakasal sa kami. Bahala na kung ano ang mangyari sa hinaharap. Mabubuhay din naman kami kahit mawala ang kayamanang ipinamana sa akin ng mga magulang ko. Ang importane ay ma-secure ko ang kinabukasan ni Clint.
Tulog pa si baby kaya lumabas na si Chuck at pumasok sa aming kwarto. Naiwan ako sa nursery dahil isinara ko muna ang pinto patungo sa terrace. Papagabi na kasi at tila may nakaambang pagbuhos ng ulan.
Matapos buksan ang aircon at masigurong mahimbing pa ang tulog ni baby ay nagpasya akong lumabas na. Nakasalubong ko si yaya at sinabing nakahanda na ang mesa kaya tinungo ko ang kwarto namin. Mag-a-alas siyete na nang gabi, malamang nagugutom na si Chuck.
"Chuck?" bungad ko nang makapasok sa kwarto. "Dinner's ready." Pumasok ako sa walk-in closet nang maulinigan ko ang boses niya na tila may kausap. "Hey." Nakatayo lang siya roon, may kausap sa cellphone at mukhang seryoso ang kanilang pinag-uusapan.
Nilapitan ko siya at sinimulang tanggalin ang necktie niya habang abala siya sa pakikipag-usap sa kabilang linya. Nagtagumpay akong tanggalin ang dress shirt na suot niya at akma ko na sana siyang hahalikan ngunit iniiwas niya ang kaniyang pisngi. Nahagip ko ang paggalaw ng magkabila niyang panga na parang galit saka tinalikuran ako.
"No," saad niya sa malumanay na boses saka lumabas. Tila pinipigil ang sarili na huwag magalit. "She can't do that to me. She can't, she loves me."
Dala nang kuryusidad ay sumunod ako sa kaniya. Sumandal siya sa pader saka tumingala. "Hindi 'yan totoo. Hindi..." pabulong niyang saad at tila maluluha na sa galit.
Ilang segundo ang dumaan, nagulat na lang ako nang bigla niyang ibalibag ang cellphone. Bumagsak iyon sa sahig at nagkapira-piraso. Kasabay ng pagsuntok niya sa pader ay ang pagkarinig ko ng malulutong niyang pagmura. Napansin ko rin ang galit niyang mukha nang tumingin sa gawi ko.
"Chuck...?" tanging nasambit ko dahil umatake na naman ang kaba sa dibdib ko.
Parang hindi niya ako narinig, tumalikod siya at tinungo ang pinto papunta sa terrace habang nakakuyom ang dalawang kamao. Kinakabahan man ay naglakas-loob akong muling lapitan siya.
"Chuck, what happened?" tanong ko habang papalapit sa kinauupuan niya. Gabi na at dama ko ang malamig na hangin na tumatama sa aking balat. Nakaupo si Chuck sa sopa na naroon sa kaliwang bahagi ng terrace. Nakatukod ang magkabila niyang siko sa makabilang tuhod. Nakakuyom pa rin ang mga palad niya at tila anumang oras ay handa ng manuntok.
"Chuck." Tinapik ko siya sa balikat at kahit natatakot ako sa hitsura niya ay pinilit kong maupo sa tabi niya. Hindi niya naman siguro ako susuntukin. "Sino ang kausap mo sa phone kanina?"
Isang nang-aakusang tingin ang iginawad niya sa akin. Gumalaw ang magkabila niyang panga kasabay ng patulo ng luha sa kaniyang pisngi. "Hanggang kailan mo ako paglalaruan, ha, Ligaya?"
Kumunot ang noo ko. "Hindi kita pinaglalaruan, Chuck. Who told you that?" Akma kong hahawakan ang kanang kamay niya subalit mabilis niyang iniiwas iyon. Takang-taka ako sa ikinikilos niya.
"I should've known before." Dama ko ang sarkasmo sa boses niya. "Wala ka nga palang sineseryosong lalaki maliban na lang sa gago mong ex."
Bigla ang pagragasa ng galit sa dibdib ko nang marinig ang sinabi niya. "Seryoso ako sa 'yo, Chuck and I've already told you before that I have moved on from my past."
"Really? And you expect me to believe that?" mapait niyang tugon.
Napaawang ang labi ko . Hindi ko alam kung ano ang tinutumbok niya. Hindi ko alam kung saan patungo ang pag-uusap na ito. Ipinikit ko ang aking mga mata para mabawasan ang kaba sa dibdib ko . Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa kaniya.
"Chuck, I love you," saad ko nang idilat ko ang aking mga mata. "Isn't that enough?"
"Uulitin ko ang tanong ko kanina, Ligaya. Dapat ba akong maniwala? Na mahal mo ako?" turo niya sa sarili niya saka pinunasan ang luha sa pisngi.
"When I say I love you, I mean it, Chuck."
"Then prove it."
Uminit ang ulo ko sa sinabi niya kaya hindi ko na mapigilan ang pagtaas ng boses ko. "Ano pa ba ang kailangan kong patunayan, ha? Hindi pa ba sapat na nagkaanak na tayo? Hindi pa ba sapat na nagsasama tayo sa iisang bubong, ha, Chuck? Hindi pa ba sapat na magkatabi tayo sa iisang kama gabi-gabi?"
"D*mn!" malutong niyang mura at hinawakan ang magkabila kong balikat. "That's how you define love? Dapat magkasama sa iisang bubong, magkaanak at nagtatalik gabi-gabi?" Tumaas na rin ang boses niya. "D*mn, Ligaya! Napakababaw mo." Kaagad siyang tumayo at pumasok sa kwarto.
Sumunod din agad ako at nakita ko siyang nakaupo sa gilid ng kama. Sapo ng magkabila niyang kamay ang sariling ulo na para bang ang bigat-bigat ng problemang dinadala.
"Ano ba talaga ang nangyayari, Chuck?" malumanay kong tanong. "Dahil lang sa tawag na iyon magkakaganito ka?"
"Wala talaga akong kwenta para sa 'yo," pabulong niyang saad. Tumayo siya at pumasok sa walk-in closet. Lumabas din siya agad dala ang isang pirasong t-shirt at tinungo ang pinto palabas.
Mabilis kong iniharang ang aking sarili para hindi siya tuluyang makalabas. "Chuck, what's wrong with you? Ano ba talaga ang sinabi sa 'yo ng kausap mo sa phone?"
"Gusto mong malaman kung sino ang kausap ko kanina, ha, Ligaya?"
Napasandal ako sa pinto dahil idiniin niya ang katawan niya sa akin. Halos magkadikit na ang mga ilong namin kaya napapikit na lang ako dahil parang naduduling ako, sabayan pa ng malapunyal niyang tingin sa akin.
"Chuck," daing ko sa sakit dahil patuloy niyang idinidiin ang katawan niya sa akin.
"Ginawa ko ang lahat para mahalin mo rin ako," buong pait niyang saad. "Ni minsan hindi ko inisip ang sarili ko sa pag-aakalang balang araw tutuparin mo rin ang pangako mo sa akin. Pero hindi...hindi mo nagawa dahil ayaw mong gawin. Dahil hindi mo ako mahal. Pinaasa mo lang ako."
"Pinaasa?" Iminulat ko ang aking mga mata. Kahit literal na nasasaktan ako ay hindi ko mapigilang maawa sa kaniya nang makita ko ang pagpatak ng luha niya. "That's not true," pabulong kong saad. "Hindi kita pinaasa, hindi kita pinaglalaruan."
"Then tell me na nagsisinungaling si Tito Dante, Ligaya. Sabihin mo sa akin ngayon mismo na hindi totoo ang mga sinabi niya."
Doon ako kinabahan nang todo. Sana mali ang kutob ko. Sana hindi sinabi ni Ninong Dante ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi ako pumapayag na magpakasal kay Chuck.
"It's because of your inheritance, Ligaya. Tama si Tito Dante."
"Chuck." Tumulo ang luha ko. Ginawa talaga ni ninong ang banta niya sa akin kanina. "I...I can explain-"
"There's nothing to explain. Pinaasa mo lang ako. Pinagmukha mo akong tanga. Nangako ka pero hanggang doon na lang 'yon. Hanggang pangako ka lang." Marahas niyang binuksan ang pinto at tuluyan ng lumabas.
"Chuck, wait!" Habol ko nang pababa na siya sa hagdan. "Where are you going? Lets's talk."
Binuksan niya ang front door at tanaw ko ang pagsusuot niya ng t-shirt saka binuksan ang kotse. Mabilis niya pinaandar ang sasakyan palabas ng mansiyon. Nanggigipuspos akong napaupo sa may balkonahe. Hindi ko akalaing sasabihin ni ninong ang lahat sa kaniya. Iyon ang kaisa-isang bagay na pinakatatago ko kay Chuck dahil ayaw ko siyang masaktan. Pero ngayon huli na ang lahat, nalaman na niya. Bakit kailangan pa itong mangyari? Bakit ngayon pa? Kung kailan handa ko ng panindigan ang pangako ko sa kaniya. Kung kailan nakahanda na akong magpakasal sa kaniya.