Chapter 27
Isang linggo matapos ang pangyayaring iyon ay napansin kong tila umiiwas na si Chuck sa pag-inom ng alak. Sa tuwing magyayaya ang mga kaibigan niya na mag-inom o magpunta sa bar ay palagi niyang tinatanggihan. Pansin ko rin na mas lalong naging maalaga at extra sweet siya sa akin.
"Ayos na ba ang suot ko, Sweetheart?" Napakaluwang ng pagkakangiti niya habang nakatitig sa salamin.
"Bakit parang conscious na conscious ka sa suot mo?" biro ko. "Akala ko ba kahit ano ang suot mo ay ayos lang. Sabi mo pa nga, sila ang dapat mag-adjust at hindi ikaw." Inayos ko ang pagkakabuhol ng necktie niya. Inimbitahan kasi siya sa isang party at ayaw niyang dumalo kung hindi ako kasama.
Titig na titig siya sa mukha ko. "I just want to impress you. I want you to be proud of me..."
Natigilan ako. Parang napansin niya na lumayo ang loob ko sa kaniya nitong nakaraang linggo. "No need to impress me. I'm proud of you, Chuck. I love you." Ayokong masira ang gabing ito kaya iyon ang sinabi ko. At kahit kalalagay ko lang ng lipsick ay hinalikan ko siya sa labi para mawala ang mga agam-agam niya. Maganda ang mood niya, nakuha pa nga niyang magbiro kanina kaya sana maging maayos ang kalalabasan ng gabing ito.
"I love you, too." Pinisil niya ang baba ko saka bumulong, "So gorgeous."
Ngumiti ako at humawak sa braso niya saka pinasadahan ang suot niyang damit. Last time na nakita ko siyang nagsuot ng ganito kagarang damit ay noong birthday ni Mamita.
Kabado ako habang lulan kami ng kotse papunta sa dadaluhang party. Pangalawang beses kong dumalo sa isang pagtitipon kasama si Chuck. Sana talaga maging maayos ang lahat.
"Relax, Sweetheart." Pinisil niya ang kamay ko nang papasok na kami sa venue. "Everything will be alright."
Pinisil ko rin ang kamay niya bilang tugon pero kinakabahan talaga ako habang pinagmamasdan ang mga taong naroroon sa party. Sa unang tingin pa lang ay mahahalata mo na agad na may sinasabi sa lipunan ang mga bisita.
Kumunot ang noo ko nang salubungin kami ng isang pamilyar na lalaki. Napahigpit ang pagkakahawak ko sa kamay niya nang mamukhaan ang taong papalapit sa amin. Hindi ako maaaring magkamali, siya ang ama ni Lana. May mga bisita na bumati sa kaniya at base sa mga iyon ay nalaman kong kaarawan niya ngayon.
"Chuck, my boy," nakangiting saad ng ama ni Lana. "Ang akala ko hindi ka darating. And who's this gorgeous lady with you?" Nakipagkamay siya kay Chuck pero nasa akin ang paningin niya na tila ba kinikilatis ang pagkatao ko.
Ngumiti ako nang peke at taas-noong nakipagtitigan sa kaniya. Bumangon ang inis sa dibdib ko dahil hindi man lang sinabi ni Chuck kanina kung ano ang okasyong pupuntahan namin. Kung alam ko lang na kaarawan ng ama ng babaing iyon ay hindi na ako sumama pa rito.
"That won't happen, tito," sagot ni Chuck at ipinulupot ang kaliwa niyang kamay sa baywang ko. "Tito Bern, this is Ligaya, my wif-"
"Fiancee," pagtatama ko.
"Nice to meet you, Ligaya. Just call me Bern." Kumindat pa siya nang ilahad ang kanang kamay. Hindi ako nag-atubiling makipagkamay pero ang lalo kong ikinainis ay nang dahan-dahan niyang dalhin iyon sa labi niya para halikan habang nakatitig sa akin. "You look familiar. Have we met before? One of the models of Mrs. Sayes perhaps?"
"Nope, Tito Bern." Pansin ko ang inis sa boses ni Chuck nang sabihin iyon.
Tumango na lang ako at binawi ang aking kamay mula sa pagkakahawak ng ama ni Lana. Hindi ko gusto ang sumilay na ngiti sa mukha niya. Kakaibang ngiti na hindi ko maintindihan kung nang-aakit o nang-aasar. Ramdam ko rin ang pagpisil ni Chuck sa kaliwa kong tagiliran.
"So saan kayo nagkita nitong si Chuck?" tanong ng ama ni Lana.
"Tito Bernard," sabat ni Chuck na tila nawawalan na ng pasensiya.
"I know you, Chuck." Muli na namang sumilay ang kakaibang ngiti sa mukha niya. "You don't do relationship. She's just one of your flings."
Gulat ako sa pagiging prangka ng lalaking ito. Kung makipag-usap kay Chuck ay animo'y wala ako sa harap nila. Pinanatili ko ang pekeng ngiti sa mukha ko at hindi na muling nagkomento pa.
"Am I right, Ligaya?"
Nagpanting ang tainga ko nang marinig iyon. Tila nanadya ang lalaking ito dahil walang humpay ang pasaring.
Nagkibit-balikat ako. "Well sa bagay na 'yan, Tito Bern-"
"Bern," pagtatama niya. Nawala na rin ang maawtoridad na awra niya na una kong napansin nang makita ko siya sa opisina ni Chuck. Maaaliwalas ang pagmumukha niya ngayon na parang isang tinedyer kung umasta.
"Sa bagay na 'yan, Bern." Sinadya kong diinan ang pagkakabanggit sa pangalan niya. "Si Chuck lang ang nakakaalam. Why don't you ask him?" Nahagip ng paningin ko ang pagtagis ng panga ni Chuck. Ngiting-ngiti naman si Bernard na tila nagugustuhan ang nakikitang inis sa mukha ni Chuck.
"That was before," puno ng kumpiyansang sagot ni Chuck. "Until I met her, tito."
Hindi ko gusto ang pag-iling-iling ni Bernard habang nakangisi. Tila hindi siya kumbinsido sa narinig.
"I doubt it...." Iyon lang ang narinig ko sa bibig niya dahil naagaw na ang atensiyon ko sa pagdating ni Mamita na titig na titig sa amin.
"Nice to see you both here." Nakipagbeso sa akin si Mamita at nilingon si Bernard. "Happy birthday, Bernard."
"Thank you, Mrs. Sayes." Nakakaloko pa rin ang ngiti nito.
"So you already met my grandson's wife?" Nagniningning ang mga mata ni Mamita. "You know, Bernard, I was so happy when I learned about their relationship."
"They are not married yet, Mrs. Sayes, right?" Nilingon niya si Chuck. "Brace yourself, my boy, baka maagaw pa 'yan sa 'yo ng iba." Tiningnan niya ako nang makahulugan.
"Over my dead body." Ngumiti si Chuck pero alam ko na kanina pa siya naiinis. "What's mine will always be mine."
Nahagip ko ang gulat sa mukha ni Bernard pero saglit lang iyon dahil may lumapit sa amin na bisita para batiin siya. Nakahinga ako nang maluwag nang makalayo kami sa mapanuring mga mata ni Bernard pero ang hindi ko inaaasahan ay nang makita ko ang matalik na kaibigan ni dad.
"Ninong...?" tanging nasambit ko matapos bumeso. Matamaan siyang nakatitig kay Chuck. Naningkit ang mga mata niya nang bumaba ang kaniyang paningin sa kamay ni Chuck na naroon sa kaliwa kong tagiliran.
"Tito Dan." Inilahad ni Chuck ang kanang kamay niya. "I've heard from Tito Bern na nakabalik na kayo. I'm planning..." Pansin ko ang pagkautal sa boses ni Chuck. Parang natataranta siya sa presensiya ni Ninong Dan. "I'm planning to visit you this weekend with Ligaya."
Nakatitig pa rin siya sa mukha ni Chuck at tila walang planong makipagkamay. Waring napahiya naman ang huli kaya binawi na lang ang kamay at ipinaloob iyon sa bulsa. Kung pwede lang bumuka ang lupa at lamunin na lang ako sa sobrang hiyang nararamdaman ko dahil nasa amin ang atensiyon ng ilang bisita. Nagbubulungan pa sila na para bang aliw na aliw sa nasasaksihan.
"So it's really true," saad ni Ninong Dan matapos kumuha ng alak sa dumaang waiter. "Why, Chuck? Ang daming babae diyan, bakit ang inaanak ko pa? Itinuring kang parang anak ni Victor at ito ang igaganti mo sa kaniya?"
"Dante, stop it," pigil ni Ninang Minda at niyakap ako. "I'm sorry, hija, Chuck. Nabigla lang siya. Kanina lang namin nalaman ang lahat." Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at hinila si Ninong Dan palayo sa amin pero hindi ko makakalimutan ang tinging ipinukol niya kay Chuck.
"Cheer up," bulong ko at niyaya siya sa may balkonahe. Kumuha na rin ako ng alak sa nakasalubong naming waiter at ibinigay sa kaniya pero mariin siyang tumanggi. Iinumin ko na sana iyon pero pinigilan niya ako.
"You're a breastfeeding mom, Sweetheart. Hindi mabuti ang alak kay baby." Kinuha niya ang hawak kong wineglass at ipinatong sa mesita roon.
"Chuck," saad ko nang ilang minutong wala kaming imikan. Panay ang buntong-hininga niya habang nakatingin sa malayo. "Huwag mo ng pansinin ang mga sinabi ni Ninong Dante. Na-shock lang siguro siya dahil hindi niya akalain na-" Natigil ako sa pagsasalita dahil napansin ko ang pagkuyom ng mga kamao niya.
"Hindi nagkabula ang hinala ko," bulong niya saka sumandal sa pader at tumingala. Mapusyaw ang liwanag sa bahaging iyon at tago sa karamihan. "Isa rin siya sa mga taong ayaw sa akin. Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko sa kaniya at ganoon na lang ang galit niya sa akin. Maayos naman kami nang huli kaming magkita."
Hinawakan ko ang kamao niya. "Please try to understand him, Chuck. If you were on his shoes, I bet gano'n din ang magiging reaksiyon mo. Alalahanin mong lahat ng taong nakakaalam ng relasyon natin ay nagugulat dahil na rin sa agwat ng edad natin."
"D*mn that age gap!" Tumingin siya sa akin at masuyo akong hinalikan sa noo. "Umuwi na tayo. Sira na ang gabing ito."
"Kararating lang natin. Hindi kaya magtaka ang Tito Bern mo?"
"That piece of sh*t is hitting on you. D*mn him!"
"Chuck.."
"Look, Sweetheart. Hindi ako manhid para hindi mahalata ang kilos niya kanina. Kung inaakala niya na-"
"Shhhh..." Inilagay ko ang aking hintuturo sa labi niya dahil nahagip ng mga mata ko ang taong paparating.
Hinawakan niya ang kamay ko. "You are mine, Sweetheart. No matter what happens, you will always be mine."
Napangiti ako. "You are crazy. Akala mo naman may aagaw sa akin. Masyado ka ng paranoid, Chuck."
"Hindi mo lang alam, pero lahat na lang yata ng lalaking malapit sa akin ay kaagaw ko sa 'yo." Hinaplos niya ang kaliwa kong pisngi saka bumuntong-hininga. "Lahat sila sinasabi na hindi ako ang lalaking nababagay sa 'yo. Sabi nila, sasaktan lang kita. Pero ginagawa ko naman ang lahat para maging karapat-dapat sa 'yo. Para kahit papaano maging proud ka sa akin."
"Tama na, Chuck." Ayoko ng marinig pa ang iba niyang sasabihin dahil nagsisimula na naman siyang maawa sa sarili. Proud ako sa kaniya at kahit samu't saring problema ang pinagdadaanan namin sa ngayon, ni minsan ay hindi sumagi sa utak ko na magkakahiwalay kami. Tinanggap niya si Clint at isa iyon sa mga dahilan kaya nagdesisyon akong manatili sa piling niya.
"Excuse me, sir, ma'am," wika ng waiter na lumapit sa amin. "Gusto po kayong makausap ni Sir Bernard, Sir Chuck. Naroon po siya sa study room."
"Why?" takang-tanong ni Chuck at napatingin sa akin.
"Wala pong sinabi."
"Sige. Susunod na kami." Hinawakan niya ang kamay ko.
"Ah, sir," nauutal na wika ng waiter. "Mahigpit pong ipinagbilin ni Sir Bernard na kayo lang po mag-isa." Tumingin sa akin ang waiter. "Pasensiya na po, ma'am."
"It's okay. Sige na, Chuck. Puntahan mo na siya. Ayos lang ako rito."
"No. Sabay tayong pupunta roon, Sweetheart."
Kahit anong pilit ni Chuck ay nagpaiwan ako. Nakakahiya kung sasama pa ako gayong siya lang ang gustong makausap ng Tito Bernard niya.
Tanaw ko ang pagpasok niya sa pintuan ng mansiyon ngunit biglang lumukob ang kaba sa dibdib ko nang mapansin kong sumunod sa kaniya si Lana na ngayon ko lang nakita. Nakasuot siya ng pulang tube at kita na ang singit sa sobrang taas ng slit. Tumingin pa siya sa gawi ko na tila nang-aasar.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa, naglakad ako papasok para sundan sila ngunit nakakadalawang hakbang pa lang ako nang may pumigil sa akin.
"Oops! Where do you think you're going?"
Pamilyar ang tinig na iyon at nang lumingon ako ay doon ko nakumpirma na si Bernard nga ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Nakapamulsa siya at napakaluwang ng pagkakangiti habang papalapit sa gawi ko.
"I thought nasa study room ka, Tito Bern."
"Bernard. That's my name."
Inilihis ko ang aking paningin dahil naalibadbaran ako sa mukha niyang parang asong nakangiti. Unang tingin ko pa lang sa kaniya ay alam kong hindi na siya mapagkakatiwalaan.
"Mag-isa ka yata rito, Ligaya?"
"Papunta po si Chuck sa study room para kausapin kayo."
"Kausapin?" takang-tanong niya kaya lalo akong kinabahan. "Ah, hayaan mo na 'yon. Ang mahalaga ay nagkasarilinan tayo." Ipinulupot niya ang kaliwa niyang kamay sa tagiliran ko na lalo kong ikinagulat. Naaamoy ko rin ang alak nang muli siyang magsalita, "Bilib din naman ako sa lalaking iyon, marunong pumili." Pinasadahan ng kanang hintuturo niya ang pisngi ko na lalong nagpagimbal sa akin. Gusto kong sumigaw pero mabilis niyang natakpan ang bibig ko. Masyado siyang malakas kaya kahit magpumiglas ako ay wala ring silbi.
"Mas mayaman ako kaysa kay Chuck, Ligaya," bulong niya at nagsimula ng halikan ang kaliwa kong pisngi. "Magkano ba ang binabayad niya sa 'yo at dodoblehin ko? Just be mine. Alam ko namang pera lang ni Chuck ang habol ng babaing kagaya mo."